Seminary
Lesson 18: Doktrina at mga Tipan 11–12


Lesson 18

Doktrina at mga Tipan 11–12

Pambungad

Pagkaraan ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood noong Mayo 1829, dalawang tao ang bumisita kay Propetang Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania: ang kapatid ni Joseph Smith na si Hyrum at si Joseph Knight Sr. Kapwa sila nagpahayag ng kanilang hangaring maglingkod sa Diyos at tumulong sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11 ang paghahayag ng Panginoon kay Hyrum Smith tungkol sa kung paano niya itatatag ang kapakanan ng Sion. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 12 ang paghahayag ng Panginoon kay Joseph Knight Sr. at kung paanong, siya rin, ay makatutulong sa pagtatatag ng kapakanan ng Sion.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 11:1–14

Nalaman ni Hyrum Smith kung paano siya makatutulong sa pagtatatag ng kapakanan ng Sion

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na gusto nilang makasama o makibahagi sa makabuluhang aktibidad o gawain, tulad ng pagpaplano ng aktibidad ng Simbahan, paglilingkod sa isang taong nangangailangan, o pakikibahagi sa isang samahan sa paaralan o organisasyon.

  • Ano ang kailangan ninyong gawin para makibahagi sa aktibidad o gawaing iyon? (Maaaring imungkahi ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng pagpirma, pagkumpleto ng mga form, pakikipag-usap sa namamahala ng aktibidad, o iba pang mga gawain na nagpapakita ng kanilang hangaring makibahagi.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga section heading para sa Doktrina at mga Tipan 11 at 12, at alamin ang mga pangalan ng dalawang tao na nagnais na makibahagi sa gawain ng Panginoon. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 11:27 at 12:7 at alamin kung sino pa ang inanyayahan ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain.

  • Sino pa ang inanyayahan ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain? (Lahat ng nagnanais na tulungan Siya.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 11, ipaliwanag na ang paghahayag sa bahaging ito ay para kay Hyrum Smith, na dumating sa Harmony, Pennsylvania mula sa Palmyra, New York, upang makita ang kanyang kapatid na si Joseph. Malamang na alam ni Hyrum ang lahat ng mga bagong kaganapan, tulad ng progreso sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Gusto niyang malaman kung ano ang maitutulong niya kay Joseph sa gawain ng Panginoon. Nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na ito. (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagnanais na gawin ang gawain ng Panginoon, maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salitang nais, naisin, at hangarin sa Doktrina at mga Tipan 11:3, 8, 10, 14, 17, 21, 27.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 11:5–9. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Hyrum. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang kailangang gawin ni Hyrum upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. (Sa pagsagot ng mga esudyante, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang “mga hiwaga ng Diyos” [D at T 11:7] ay mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag.)

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 11:8 tungkol sa pagnanais na gawin ang gawain ng Panginoon? (Habang sumasagot ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: (1) Makatatanggap tayo ng mga pagpapala mula sa Diyos ayon sa ating mabubuting hangarin. (2) Kapag nais nating gawin ang gawain ng Diyos, tayo ang magiging paraan ng paggawa ng maraming kabutihan.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang magagawa ko para “maging daan upang magawa ang maraming kabutihan” sa aking henerasyon?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 11:10–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon kay Hyrum na makatutulong sa kanya na makagawa ng maraming kabutihan. Matapos magbasa ang mga estudyante, sabihin sa ilan sa kanila na isulat sa ilalim ng tanong sa pisara ang nalaman nila. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na kopyahin ang listahang ito sa kanilang notebook o scripture study journal. (Magdadagdag sila sa listahan sa pisara habang nagpapatuloy ang lesson.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magtiwala kayo sa Espiritu?

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13, paano ninyo makilala ang impluwensya ng Espiritu? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang mga sumusunod na katotohanan: (1) Ang Espiritu ng Panginoon ay nag-aakay sa atin na gumawa ng mabuti, magpakumbaba, at humatol nang matwid.) (2) Ang Espiritu na nagpapalinaw sa ating isipan at pinupuspos ng galak ang ating kaluluwa.)

Sa pagtalakay mo sa mga katotohanang ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang scripture mastery passage na Doktrina at mga Tipan 8:2–3. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ang scripture mastery reference na ito sa margin sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 11:12–14.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13, ano ang ilang paraan na maiimpluwensiyahan ng Espiritu ang ating puso at isipan?

  • Kailan ninyo naranasan ang impluwensya ng Espiritu sa isa sa mga paraang ito? Sa paanong paraan kayo inakay ng karanasang ito sa “paggawa ng mabuti”?

Doktrina at mga Tipan 11:15–30

Iniutos ng Panginoon kay Hyrum Smith na paghandaan ang araw na tatawagin siya upang mangaral

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 11:15–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na paghandaang gawin ni Hyrum Smith. Ipaunawa sa mga estudyante na si Hyrum Smith ay inutusang huwag mangaral hanggang siya ay tinawag na gawin ito.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit kailangan ni Hyrum Smith na “maghintay … nang kaunti pang panahon” bago siya tawagin na ipangaral ang ebanghelyo? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “hanggang sa matanggap mo ang aking salita, ang aking bato, ang aking simbahan, at ang aking ebanghelyo,” ay tumutukoy sa katotohanan na ang Simbahan ay hindi pa naorganisa at ang Aklat ni Mormon ay hindi pa nailathala.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 11:17–20 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase at inaalam ang sinabi ng Panginoon na kailangang gawin ni Hyrum upang maging mahusay na mangangaral ng ebanghelyo. Maaari mong idagdag ang mga sagot ng mga estudyante sa listahan na nasa pisara. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot.

  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng mangunyapit sa Panginoon nang inyong buong puso? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang mangunyapit ay kumapit nang mahigpit o matatag sa isang bagay.)

  • Anong parirala ang inulit sa Doktrina at mga Tipan 11:18 at 20? (Maaari mo ring ipaliwanag na ang pariralang “sundin ang aking mga kautusan” ay makikita rin sa mga talata 6 at 9.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pagsunod sa mga kautusan ay espirituwal na naghahanda sa atin na gawin ang gawain ng Panginoon.

  • Paano kayo inihahanda ng pagsunod sa mga kautusan ngayon para sa gawaing misyonero, pag-aasawa, at paglilingkod sa Simbahan sa mga darating na taon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 11:21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iba pang bagay na kailangang gawin ni Hyrum na makatutulong sa kanya na maging mahusay na mangangaral ng ebanghelyo.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon kay Hyrum na kailangan niyang gawin upang maipangaral ang Kanyang salita sa mga tao? (Maaari mong idagdag ang pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa listahan na nasa pisara.)

  • Ano ang pagkakaiba ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan para malaman ang salita ng Diyos at ng simpleng pagbabasa lang ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Hyrum Smith at sa iba na sumusunod sa pamamaraan na itinuro sa Doktrina at mga Tipan 11:21–22? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang mga taong pinag-aaralan ang salita ng Panginoon ay tatanggap ng Kanyang Espiritu at ng kakayahan na mahikayat ang iba sa katotohanan ng ebanghelyo.)

Doktrina at mga Tipan 12

Pinayuhan ng Panginoon si Joseph Knight kung paano maitatatag ang kapakanan ng Sion

Magbanggit sa mga estudyante ng mga pangalan ng ilang bantog o sikat na tao. Itanong kung kilala ba nila ang mga taong binanggit mo at maikling ipaliwanag kung bakit sila bantog. Pagkatapos ay itanong sa kanila kung kilala nila si Joseph Knight Sr.

  • Isipin ang mga tao sa inyong ward o branch na naglilingkod nang tapat at tahimik. Paano sila tumutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos?

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang tungkol kay Joseph Knight Sr. at sa kanyang kontribusyon sa Panunumbalik ng ebanghelyo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 12. Ipaliwanag na si Joseph Knight Sr. ay hindi kilala sa panahon natin ngayon, ngunit tinulungan niya si Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at iba pang mga suplay noong ginagawa ang napakahalagang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 12 ang paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith para kay Joseph Knight Sr. noong Mayo 1829. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 12:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mabubuting katangian na dapat taglayin ng mga gustong tumulong sa gawain ng Panginoon.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 12:8, anong mga katangian ang kailangan ng Panginoon sa mga taong gustong tumulong sa Kanyang gawain?

  • Paano ninyo sinisikap na taglayin ang mga katangiang ito sa inyong buhay?

Sabihin sa mga estudyante na patuloy na sinikap ni Joseph Knight Sr. na taglayin at pagbutihin ang mabubuting katangiang ito. Nagbigay siya ng temporal at espirituwal na tulong kay Joseph Smith sa buong ministeryo ng Propeta. Maraming taon matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 12, itinala niya ang sumusunod tungkol sa katapatan ni Joseph Knight:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Si Joseph Knight, Sen., … ay matapat at totoo, at pantay makitungo sa lahat ng tao at isang mabuting halimbawa, at marangal at mabait, hindi kailanman lumiliko sa kanan o sa kaliwa. … Siya ay matwid na tao” (History of the Church, 5:124).

Upang mahikayat ang mga estudyante na pagnilayan at ipamuhay ang natutuhan nila ngayon, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila tatapusin ang sumusunod na parirala: “Para matulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain, ako ay …”

Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagsasabi ng idurugtong mo sa pariralang ito para makumpleto ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 11:2. Ang salita ng Diyos ay “mas matalas kaysa espadang may dalawang talim”

Ipinaliwanag ni Elder Orson Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kapangyarihan ng salita ng Diyos:

Larawan
Elder Orson Pratt

“Ang mensahe ng simpleng katotohanan, kapag ipinadala ng Diyos—kapag inilathala ng banal na awtoridad, sa pamamagitan ng banal at inspiradong kalalakihan, ay tumatagos sa isipan na parang matalas na espadang may dalawang talim, at hinihiwa nang pira-piraso ang mga maling palagay na gawa ng tao, ang malakas na impluwensya ng mga maling tradisyong kinamulatan, na ginawang sagrado dahil matagal nang umiiral at ginawang katanggap-tanggap ng karunungan ng tao. Ipinakikita nito nang buong katumpakan ang pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan—ng doktrina ni Cristo at ng mga doktrina ng tao; madali nitong napapabulaanan ang bawat argumentong ginagamit ng kaalaman ng tao. Ang mga opinyon, paniniwalang ginawa ng mga taong walang gabay ng langit, at mga doktrinang nagmula sa mga institusyong pangrelihiyon, ay nangawalang lahat na parang hamog sa umaga—lahat ay nawalan ng kabuluhan kumpara sa mensaheng nagmula mismo sa langit” (“Divine Authority—or was Joseph Smith Sent of God?” Orson Pratt’s Works on the Doctrines of the Gospel [1945], 1:1).

Doktrina at mga Tipan 11:9. Ano ang ibig sabihin ng “huwag magsabi ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito”?

Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Kapag iniutos ng Panginoon sa kanyang mga tagapaglingkod na huwag magsabi ng anuman kundi pagsisisi, hindi niya ibig sabihin na hindi na nila ituturo ang binyag, at sasabihin sa mga tao na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, kundi nais niya na ang lahat ng kanilang sasabihin at gagawin ay dapat na maghihikayat sa mga tao na magsisi. Sinumang misyonero na hindi ito ginawa sa kanyang ministeryo ay hindi ginagawa ang kanyang tungkulin” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:57).

Itinuturo ng Tapat sa Pananampalataya ang sumusunod tungkol sa pagsisisi:

“Ang pagsisisi ay isa sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Mahalaga ito sa inyong kaligayahan sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ang pagsisisi ay higit pa sa pagtanggap ng mga pagkakamali. Ito ay pagbabago ng isipan at puso na nagbibigay sa inyo ng bagong pananaw tungkol sa Diyos, sa inyong sarili, at sa mundo. Kabilang dito ang pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Diyos para sa kapatawaran. Udyok ito ng pagmamahal sa Diyos at taos na paghahangad na sundin ang Kanyang mga utos” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 153).

Doktrina at mga Tipan 11:25. “Huwag itatwa ang diwa ng paghahayag”

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang payong ito kay Hyrum Smith ay magsisilbing “magandang payo para sa ating lahat ngayon. May ilang miyembro ng Simbahan na tila nagrereklamo dahil hindi nagbibigay ang Panginoon ng paghahayag na isasama sa Doktrina at mga Tipan, tulad noong una, at nagtatanong kung bakit tumigil na ang paghahayag sa Simbahan. Karaniwang nasasabi ito ng mga kritikong ito dahil hindi nila matapat na sinusunod ang mga kautusan ng Panginoon at bulag ang kanilang mga mata sa katotohanan na ang paghahayag at patnubay ng Panginoon ay patuloy na ibinibigay sa Simbahan. Walang sinuman na may kakayahang makahiwatig ang hindi makikita na ginagabayan ng kamay ng Panginoon ang mga taong ito mula sa simula at ang patnubay na ito ay makikita ngayon tulad noon sa lahat ng taong mapagpakumbaba at may nagsisising espiritu. (Tingnan sa Jacob 4:8.)” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:57; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 edisyon [Church Educational System manual, 2001], 26).