Seminary
Lesson 28: Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–84


Lesson 28

Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–84

Pambungad

Sa parteng ito ng bahagi 20, nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin tungkol sa pamamahala ng Kanyang Simbahan, kabilang na ang mga paliwanag tungkol sa mga kinakailangan para sa binyag at kumpirmasyon, at ang tamang paraan para pangasiwaan ang mga ordenansa ng binyag, kumpirmasyon, at ang sakramento.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–74

Inihayag ng Panginoon ang mga kinakailangang gawin ng mga tao bago at pagkatapos ng binyag

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang masasabi nila sa sumusunod na sitwasyon:

Isang kaibigan na kabilang sa ibang simbahan ang nagkaroon ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Tinanong niya kayo, “Ano ang kailangan kong gawin para mabinyagan ako at maging miyembro ng simbahan ninyo?”

Ipasulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa tanong na ito. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:37, at alamin ang mga kinakailangang gawin ng mga gustong magpabinyag. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang bawat kinakailangang gawin na nalaman nila. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahulugan ng talatang ito, maaari mong ipaliwanag na ang mga tao na may “bagbag na puso at nagsisising espiritu” ay mapagpakumbaba at masunurin sa kalooban ng Diyos. Nalulungkot sila kapag nagkakasala at talagang nagnanais magsisi.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Bago mabinyagan ang mga tao, sila ay dapat …

Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa pisara at maging tagasulat ng klase. Itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 20:37, ano ang kailangang ipakita o gawin ng isang tao bago siya mabinyagan? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, sabihin sa tagasulat na kumpletuhin ang pahayag sa pisara. Maaaring katulad nito ang isulat niya: Bago mabinyagan ang mga tao, sila ay dapat magpakumbaba, magsisi, handang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, at determinadong paglingkuran Siya hanggang wakas.)

  • Sa palagay ninyo, bakit kailangang magawa ng isang tao ang mga kinakailangang ito bago mabinyagan?

Ipaliwanag na nakatala rin sa Doktrina at mga Tipan 20:37 ang tipang ginawa natin noong tayo ay binyagan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang ginagawa nila ngayon para mamuhay ayon sa kanilang tipan sa binyag.

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay itinanong din ng kaibigan nilang iyon kung ano ang mangyayari kapag bininyagan ang isang tao. Matapos sumagot ang ilang estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:72–74. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang paraan ng pagbibinyag na inilarawan ng Panginoon.

  • Ayon sa mga talata 72–74, sa paanong paraan nais ng Panginoon na gawin ang pagbibinyag? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang binyag ay kailangang gawin sa pamamagitan ng paglulubog at isinasagawa ng isang may hawak ng tamang awtoridad. Isulat sa pisara ang alituntuning ito sa ilalim ng naunang alituntunin.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 20:68–69 at alamin ang mga inaasahan ng Panginoon sa bawat isa sa atin matapos tayong binyagan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga inaasahang ito.

  • Ano ang ilang bagay na nalaman ninyo na inaasahan sa atin ng Panginoon matapos tayong mabinyagan?

Paalala: Maaaring itanong ng mga estudyante ang kinakailangang gawin na makikita sa talata 68 na nagsasaad na dapat maturuan ng mga elder ang mga bagong binyag na miyembro bago sila makumpirma. Ipaliwanag na sa bagong paraan ng pagtuturo ngayon ng mga misssionary lesson sa mga investigator bago ang binyag, tinutulutan na ang mga tao na makumpirma at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo matapos silang binyagan.

  • Mula sa talata 69, ano ang nalaman ninyo tungkol sa gagawin natin upang maipakita sa Panginoon na karapat-dapat tayo matapos tayong binyagan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Matapos ang binyag, ipinapakita natin sa Panginoon na karapat-dapat tayo sa pamamagitan ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap. Isulat ang katotohanang ito sa pisara sa ilalim ng dalawang nauna.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “[magpakita] … ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap”? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na nagpapakita ang isang tao ng, “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap” sa pamamagitan ng pagkilos, pag-uugali at pananalita na nakaayon sa Diyos.)

Ayon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaari mong ipabasa sa kanila ang isang bahagi ng Para sa Lakas ng mga Kabataan para sa mas partikular na payo tungkol sa paraan kung paano maipapakita ng isang kabataan ang “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap.”

  • Kailan kayo nakakita ng ibang tao na “[nagpapakita] … ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap”? Paano kaya nakakaimpluwensya ang kanilang mga pagkilos at pag-uugali sa mga nakapaligid sa kanila?

Upang matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang alituntuning ito, hikayatin silang pag-isipang mabuti kung paano nila maaaring mas lubos na maipakita ang “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap” sa susunod na ilang araw. Kung sinuman sa iyong mga estudyante ang komportableng ibahagi kung paano nila gagawin ito, anyayahan sila sa ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag tinutupad natin ang ating tipan sa binyag.

Doktrina at mga Tipan 20:75–79

Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin tungkol sa pangangasiwa ng sakramento

Papuntahin sa harapan ng klase ang isang magkapartner na estudyante. Sabihin sa isa sa mga estudyante na kunwari ay isa siyang kaibigan na ngayon pa lang dadalo ng sacrament meeting at gustong malaman kung bakit nagpapasa ng tinapay at tubig sa kongregasyon. Sabihin sa isa pang estudyante na ipaliwanag ang ordenansa ng sakramento sa kaibigan. Matapos ibahagi ng estudyante ang kanyang nalalaman, hikayatin ang klase na suportahan ng banal na kasulatan ang ipinaliwanag ng estudyante, o magdagdag ng anumang kaalaman na maibabahagi nila para ipaliwanag ang sakramento, kapag pinag-aralan na nila ang susunod na ilang talata.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:75, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. (Maaari mong ipaliwanag na tubig at hindi alak ang ginagamit na natin ngayon sa sakramento. Tingnan sa D at T 27:1–2.)

  • Sa inyong palagay, bakit iniutos sa atin na magtipon nang madalas upang tumanggap ng sakramento?

Bilang bahagi ng talakayang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Maaari mong ipaliwanag na noong banggitin ni Elder Ballard ang “pagdalo sa sakramento,” tinutukoy lamang niya ang pagtanggap ng sakramento.)

Larawan
Elder Melvin J. Ballard

“Ang tanging bagay na magliligtas sa bawat lalaki at babae ay ang pagdalo sa sakramento tuwing araw ng Sabbath. Hindi tayo espirituwal na malalayo sa loob ng isang linggo—hindi gaanong malalayo, na kapag sinuri natin ang ating sarili, maitatama agad natin ang mga mali na maaaring nagawa natin. … Ang daan tungo sa sakramento ay ang landas ng kaligtasan para sa mga Banal sa mga Huling Araw” (sa Bryant S. Hinckley, Sermons and Missionary Services of Melvin Joseph Ballard [1949], 151).

Isulat ang mga sumusunod na heading sa pisara:

Ang ipinangako natin Ang ipinangako ng Panginoon

Hatiin sa dalawang grupo ang klase at ipabasa sa isang grupo ang Doktrina at mga Tipan 20:77–79, at alamin ang ipinangako natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin din ang mga talatang iyon, at alamin ang ipinangako ng Panginoon. Matapos ang sapat na oras na mapag-aralan ng mga estudyante ang scripture passage, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na ilista sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng angkop na mga heading. Sa pagkumpleto ng mga estudyante sa mga listahang ito, matutukoy nila ang mga sumusunod na alituntunin:

Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ipinapakita natin na handa tayong taglayin sa ating mga sarili ang pangalan ni Jesucristo, na lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan.

Kapag naging tapat tayo sa mga pangakong ginawa natin sa oras ng sakramento, mapapasaatin lagi ang Espiritu upang makasama natin.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.

  • Sa pagkumpara sa mga nakalista sa pisara sa Doktrina at mga Tipan 20:37, anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa mga pangakong ginawa sa oras ng sakramento at ang tipan sa binyag?

Ipaliwanag na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinapanibago natin ang tipang ginawa natin noong tayo ay nabinyagan at nakumpirma.

  • Paano natin maipapakita na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo? (Maaaring kabilang sa sagot ang panindigan kung ano ang tama, sabihin sa iba na tayo ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ibahagi ang ating paniniwala sa Kanya, at makibahagi sa Kanyang gawain.)

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin para laging maalaala ang Tagapagligtas?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento sa “[pagpapakita] … ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap”?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mahalagang nasa atin ang Espiritu, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga pagpapalang dulot ng pagpapanibago ng ating tipan sa binyag.

“Tumatanggap kayo ng mga dakilang pagpapala kapag tinutupad ninyo ang tipan sa binyag. Kapag pinaninibago ninyo ito, pinaninibago ng Panginoon ang pangakong patatawarin ang inyong mga kasalanan. Nalinis mula sa kasalanan, nagagawa ninyong ‘sa tuwina ay mapasa[inyo] ang kanyang Espiritu’ (D at T 20:77). Ang [mapasaatin palagi] ang Espiritu ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na matatanggap ninyo sa buhay na ito. Gagabayan kayo ng Espiritu sa mga landas ng kabutihan at kapayapaan, na aakay sa inyo sa buhay na walang hanggan sa piling ng inyong Ama sa Langit at ni Jesucristo” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 210).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan (o isulat) kung paano nila ihahanda ang sarili sa pagtanggap ng sakramento sa linggong ito. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagpapanibago ng ating mga tipan linggu-linggo.

Doktrina at mga Tipan 20:80–84

Iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na panatilihing tumpak ang mga rekord ng mga miyembro ng Simbahan

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 20:81–84 sa pagsasabi sa mga estudyante na ang mga maytaglay ng priesthood noong nagsisimula pa lang ang Simbahan ay inutusang irekord ang mga pangalan ng mga taong sumapi sa Simbahan. Inirekord nila ang mga pangalang ito sa isang talaan. Ang mga pangalan ng mga taong tumiwalag sa Simbahan ay inalis sa talaan. Bukod pa riyan, ang mga miyembro ng Simbahan na lumipat sa ibang lugar ay kailangang magdala ng sertipiko o katibayan ng kanilang pagiging miyembro para ipakita sa mga bagong priesthood leader nila. Sa panahon natin, ang mga lider ng Simbahan ay patuloy na nagtatala ng mga rekord ng pagiging miyembro, pero mas mahusay na ang mga pamamaraan ng paggawa nito.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning natalakay sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–74. Kagalakan na makitang mabinyagan ang mga mahal sa buhay

Noong Abril 6, 1830, bilang bahagi ng pulong para itatag ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, kinumpirma nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga taong dati nang nabinyagan at ipinagkaloob sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa History of the Church, 1:61).

Ang mga magulang ni Joseph Smith ay bininyagan at kinumpirma nang araw na iyon. Ito ay isang masayang panahon para sa mga Propeta, na nagsabing, “Purihin ang aking Diyos! na ako ay nabuhay upang makita ang sarili kong Ama na magpabinyag sa totoong Simbahan ni Jesucristo!” (sa Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, inedit ni Preston Nibley [1958], 168; tingnan din sa History of the Church, 1: 79).

Doktrina at mga Tipan 20:77. “Lagi Siyang Aalalahanin”

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na nakatutulong sa atin ang panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagtupad ng ating tipan sa binyag na laging aalalahanin ang Panginoon.

Larawan
Elder David A. Bednar

“Isipin ang mga dahilan kung bakit tayo nagdarasal at nag-aaral ng mga banal na kasulatan. … Ang mga banal na gawing ito higit sa lahat ay mga paraan upang lagi nating maalala ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak at kailangan ito sa patuloy na patnubay ng Espiritu Santo” (“Tanggapin ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 96).

Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. “Nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila”

Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan ay nakatutulong sa atin na maunawaan na mahalagang makasama ang Espiritu Santo:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ay ang ‘panimulang ordenansa ng ebanghelyo, at dapat na masundan ng pagbibinyag ng Espiritu upang makumpleto.’ [Bible Dictionary, “Baptism,” 618.] …

“Kung karapat-dapat, yaong nag-aangkin ng espirituwal na kaloob ay magtatamasa ng higit na pang-unawa at pag-unlad at gabay sa lahat ng gawain sa buhay, kapwa espirituwal at temporal. Pinatototohanan ng Espiritu Santo sa atin ang katotohanan at ikinikintal sa ating mga kaluluwa ang katotohanan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak, na si Jesucristo, nang buong katiyakan kung kaya walang kapangyarihan o awtoridad sa mundo ang makapaghihiwalay sa atin mula sa kaalamang iyan. [Tingnan sa 2 Ne. 31:18.] Tunay nga na ang hindi pagkakaroon ng kaloob na Espiritu Santo ay maitutulad sa pagkakaroon ng katawang walang panlaban sa sakit. …

“Yaong mga nagtataglay ng kaloob na Espiritu Santo matapos ang binyag at kumpirmasyon ay makatatanggap ng higit na liwanag at patotoo. Ito ay sa dahilang ang kaloob na Espiritu Santo ay isang ‘palagiang saksi at nakatataas na kaloob kaysa sa pangkaraniwang pagpapadama ng Banal na Espiritu.’ [Sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo (1965–75), 5:4.] Nakatataas na kaloob ito dahil ang kaloob na Espiritu Santo ay makakikilos bilang ‘panlinis upang mapadalisay ang tao at mapabanal siya mula sa lahat ng kasalanan.’ [Bible Dictionary, “Holy Ghost,” 704.]” (“Ipanganak na Muli,” Ensign, Mayo 2001, 55, 58).