Seminary
Lesson 90: Doktrina at mga Tipan 87


Lesson 90

Doktrina at mga Tipan 87

Pambungad

Sa buong taon ng 1832, nalaman ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng balita sa diyaryo ang tungkol sa mga nakababalisang pangyayari sa iba’t ibang dako ng mundo. Halimbawa, nalaman nila ang pagtatalu-talo tungkol sa pagkaalipin sa Estados Unidos, at nalaman din nila ang tungkol sa pagpapawalang-bisa ng taripa sa estado ng South Carolina. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga nakikitang kaguluhan sa mga bansa ay naging mas malinaw sa panahong ito kaysa rati mula nang magsimulang lumaganap ang Simbahan mula sa ilang” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 289). Noong Disyembre 25, 1832, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 87, na kinapapalooban ng mga propesiya tungkol sa mga digmaan at paghatol na bubuhos sa lahat ng bansa sa mga huling araw.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 87:1–8

Sa pamamagitan ni Joseph Smith, ipinropesiya ng Panginoon na bubuhos ang digmaan sa lahat ng bansa

Simulan ang klase sa pagtatanong ng sumusunod:

  • Ano ang kaibhan ng prediksyon at propesiya? (Ang prediksyon ay isang opinyon tungkol sa maaaring mangyari sa hinaharap. Ang propesiya naman ay isang pahayag ng mga palatandaan o pangyayari na ipinahayag ng Espiritu Santo.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pangalan: Noe, Jose ng Egipto, Lehi, Samuel ang Lamanita. (Maaari ka ring magdispley ng mga larawan ng mga propetang ito.) Sabihin sa mga estudyante na magsabi ng isang propesiya na binanggit ng bawat isa sa mga sinaunang propetang ito. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Si Noe ay nagpropesiya tungkol sa baha; si Jose ng Egipto ay nagpropesiya na magkakaroon ng pitong taon ng kasaganaan na susundan ng pitong taon ng taggutom; si Lehi ay nagpropesiya na wawasakin ang Jerusalem; at si Samuel ang Lamanita ay nagpropesiya tungkol sa mga palatandaan at pangyayari na nauugnay sa pagsilang at kamatayan ni Jesucristo.)

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 87:1–4 at alamin ang propesiyang inihayag kay Joseph Smith.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na “di magtatagal ay darating”? (Di magtatagal ay darating ang mga digmaan, simula sa paghihimagsik ng South Carolina, na magdudulot ng kamatayan at paghihirap sa maraming kaluluwa.)

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa mga talata 1-4? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Maihahayag ng Panginoon sa atin ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.)

  • Paano magiging pagpapala sa Simbahan ang kaalamang ipinapahayag ng Panginoon ang mga mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng mga propeta? Paano ito magiging pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya?

Larawan
mapa, Estados Unidos

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 87, at alamin ang petsa kung kailan ibinigay ang paghahayag na ito. Pagkatapos ay ibuod ang sumusunod na talata, o ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Nalaman ni Joseph Smith ang tungkol sa labanang pulitikal ng estado ng South Carolina at ng pamahalaang pederal ng Estados Unidos sa mga taripa. (Ang taripa ay buwis para sa importasyon o pag-aangkat.) Dahil ang mga residente ng South Carolina ay mas umaasa sa mga produktong inaangkat kaysa sa mga tao na naninirahan sa mga estado sa hilaga, inisip nila na ang mga taripa ay hindi makatwiran at sinadyang ipinataw at dahil diyan nahirapan ang mga taga Timog. Ang mga pinuno sa gobyerno sa South Carolina ay gumawa ng batas na nagpapawalang-saysay, o nagpapawalang-bisa, sa mga batas-pederal, at marami sa mga taga South Carolina ang nagsimulang maghanda para labanan ang pamahalaang pederal. Ipinahayag ng pangulo ng Estados Unidos na mahigpit niyang ipatutupad ang mga batas ng Estados Unidos. Noong Disyembre 1832, ibinalita sa mga diyaryo sa buong Estados Unidos ang sigalot na ito. Sa panahong ito natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 87 na nagpopropesiya na ang “mga digmaan [ay] di magtatagal ay darating na, simula sa paghihimagsik ng Timog Carolina [South Carolina]” (D at T 87:1). Noong mga unang araw ng 1833, hindi pa natatagalan nang ibigay ang propesiyang ito, payapang inayos ng pamahalaan ng Estados Unidos ang isyu sa estado ng South Carolina. Maaaring naniwala ang ilan na tapos na ang krisis, ngunit pansamantala lamang itong napigilan at maghihimagsik pa rin ang South Carolina.

  • Ano ang magiging reaksyon ninyo kung hindi natupad ang mga salita ng propeta sa paraang inaasahan ninyo?

Ituro ang cross-reference sa Doktrina at mga Tipan 87:1, footnote c. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang footnote na ito. Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Doktrina at mga Tipan 130:12–13 at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito.

  • Ano ang muling pinagtibay ni Joseph Smith sa propesiyang ito? (Na ang mga digmaan ay magsisimula sa South Carolina.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 130 at alamin ang taon kung kailan muling pinagtibay ni Joseph Smith ang propesiya sa bahagi 87.

  • Anong taon muling pinagtibay ni Joseph Smith ang propesiya sa bahagi 87? (1843.)

Ipaalala sa mga estudyante na naresolba ang sigalutan ng pamahalaang Estados Unidos at ng South Carolina 10 taon na ang nakaraan, noong 1833.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng muling pagpapatibay ni Joseph Smith sa propesiyang natanggap niya 10 taon na ang nakaraan tungkol sa kanyang pananampalataya? (Bagama’t sinabi ng ilang tao na huwad na propeta si Joseph Smith, patuloy siyang nanampalataya sa propesiya na inihayag ng Panginoon sa pamamagitan niya.)

Basahin ang sumusunod na talata o ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. (Maaari ka ring gumawa ng mga kopya nito para sa mga estudyante na ilalagay nila sa kanilang banal na kasulatan.)

Noong 1861, nagsimulang magpaputok ang mga barkong pandigmaan ng mga taga Timog sa mga kawal na pederal ng Estados Unidos na nakahimpil sa Fort Sumter, sa Charleston Harbor, South Carolina. Sumali ang iba pang mga estado na taga Timog sa South Carolina sa isang digmaang sibil laban sa mga estado sa hilaga. Kalaunan, humingi ng tulong sa Great Britain ang mga estado sa Timog. Bukod pa rito, maraming naging alipin sa taga Timog ang sumali sa hukbo ng mga taga Hilaga at nakipaglaban sa kanilang mga dating panginoon. Ang American Civil War ay tumagal hanggang 1865 at humantong sa pagkamatay ng mga 620,000 kawal (tinataya ng ilang mananalaysay na mga 750,000 ang namatay).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng katuparan ng mga propesiya sa Doktrina at mga Tipan 87 tungkol kay Joseph Smith? (Maaaring kabilang sa mga sagot ay ang mga propesiya ni Joseph Smith ay totoo at siya ay propeta ng Diyos. Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Joseph Smith ay totoong propeta ng Panginoon.)

Maaari mong patotohanan na si Joseph Smith ay totoong propeta. Pagkatapos ay ipaliwanag na bukod pa sa mga pangyayaring ipinahayag sa Doktrina at mga Tipan 87:1–4, ang Panginoon ay nagpropesiya sa pamamagitan ni Joseph Smith ng tungkol sa iba pang mga bagay na mangyayari.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mag-isa ang Doktrina at mga Tipan 87:6–7 at alamin ang iba pang mga pangyayari na sinabi ng Panginoon na darating sa mga huling araw.

  • Anong mga pangyayari ang sinabi ng Panginoon na darating sa mga huling araw?

  • Ayon sa mga talata 6 at 7, ano ang ilang dahilan kung bakit darating ang mga bagay na ito?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang “nagpaparusang kamay” ng Diyos ay tumutukoy sa katotohanang ginagamit ng Panginoon ang Kanyang kahatulan para mahikayat ang Kanyang mga anak na magsisi ng kanilang mga kasalanan (tingnan sa Helaman 12:3). Bukod pa rito, ilan sa mga kahatulang inilarawan sa mga talatang ito ay darating kapag pinarusahan ng Panginoon ang masasama para sa kanilang masamang pagtrato sa mabubuti.

Pagtibayin na lahat ng propesiya sa Doktrina at mga Tipan 87 ay natupad na o matutupad. Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 87:8 upang malaman kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin natin para maging handa tayo sa mga digmaan at kapahamakan na mangyayari sa mundo sa mga huling araw.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin natin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Dapat tayong tumayo sa mga banal na lugar at huwag matinag hanggang sa dumating ang Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang ilang banal na lugar na makapagbibigay sa atin ng kapayapaan at kaligtasan? (Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara. Maaring kabilang sa mga sagot ang tahanan, simbahan, templo, at mga silid sa seminary.)

Ipaliwanag na ang mga banal na lugar ay mga lugar kung saan madarama natin ang presensya ng Espiritu Santo, na tumutulong sa atin na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at matutuhan ang tungkol sa Kanila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tumayo sa mga banal na lugar at “huwag matinag” (D at T 87:8)?

  • Paano maaaring matinag ang isang tao mula sa mga banal na lugar na ito?

  • Paano kayo nabiyayaan ng kapayapaan o kaligtasan sa pamamagitan ng pagtayo sa isa sa mga banal na lugar na ito?

Ipaliwanag na bukod pa sa mga pisikal na lugar na banal, ang “mga banal na lugar” ay maaaring higit na may kaugnayan sa paraan kung paano tayo namumuhay kaysa kung saan tayo nakatira. Kung tayo ay namumuhay nang marapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo, tayo ay nakatayo sa mga banal na lugar. Hikayatin ang mga estudyante na gawing banal na lugar ang kanilang mga puso na puspos ng Espiritu ng Panginoon. Kapag inanyayahan nila ang Espiritu sa kanilang buhay, tutulutan nila Siya na maimpluwensyahan ang kanilang mga tahanan at magawa itong mga banal na lugar.

  • Paanong pagsisikap ang gagawin ninyo para magawang banal na lugar ang inyong puso?

  • Ano ang ilang paraan na makatutulong kayo na magawang banal na lugar ang inyong tahanan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagdarasal na kasama ang pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagiging mabait sa mga kapamilya.)

  • Kung papasok ang propeta sa inyong silid, maituturing ba niya itong banal na lugar? Maituturing mo ba itong banal?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na gagawin nila upang makatayo sa mga banal na lugar nang mas tapat at hindi matinag sa pagkakatayo rito. Matapos sumulat ang mga estudyante, maaari mong tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang kanilang mga mithiin. Hikayatin ang lahat ng estudyante na isagawa ang mga mithiing itinakda nila. Pagkatapos ay tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 87:3. Hihingi ng tulong sa Great Britain ang mga estado sa Timog

Isinulat ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder James E. Talmage

“Bagama’t walang opisyal na alyansang naganap sa mga Estado sa Timog at sa pamahalaan ng Britanya, ang impluwensya ng Britanya ay nagbigay ng hindi tuwirang tulong at matinding paghihikayat sa mga taga Timog, at nagdulot ito ng matinding kaguluhan sa mga bansa. Ang mga barkong pang-militar ay ginawa at sinandatahan sa mga daungan ng Britanya para sa kapakinabangan ng Confederacy; at dahil sa paglabag sa mga batas ukol sa neutralidad, ang Great Britain ay nagbayad ng labinlima at kalahating milyon sa Estados Unidos sa kumperensyang ginanap sa Geneva para maisaayos ang hinihinging ito ng Estados Unidos. Humirang ang Confederacy ng mga komisyonado sa Great Britain at France; ang mga komisyonadong ito ay sapilitang kinuha ng mga opisyal ng Estados Unidos mula sa sasakyang dagat na kinalululanan nila. Ang pagkilos na ito, na inamin ng Estados Unidos na hayagan, ay nagbanta para sa pagsisimula ng digmaan ng Estados Unidos at ng Great Britain” (The Articles of Faith, 49th ed. [1968], 25–26; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2001], 194).

Doktrina at mga Tipan 87:3–4. Ang katuparan pa ng propesiya

Ipinapakita sa sumusunod na chart ang mga karagdagang detalye tungkol sa propesiya sa Doktrina at mga Tipan 87 at ang ilang paraan na natupad ang mga ito:

Propesiya

Ilang paraan na natupad ang propesiyang ito

D at T 87:3

“Maging ang bansa ng Great Britain … ay tatawag sa iba pang mga bansa, upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa ibang mga bansa; at pagkatapos ang digmaan ay bubuhos sa lahat ng bansa”

Ang Unang Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nangyari nang humingi ng tulong ang mga bansa sa iba pang mga bansa upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Sa dalawang digmaang ito, humingi ng tulong ang Great Britain sa iba pang mga bansa.

D at T 87:4

“Pagkaraan ng maraming araw, ang mga alipin ay maghihimagsik laban sa kanilang mga panginoon”

Nang ibigay ang paghahayag na ito, ang pang-aalipin ay hindi lamang nangyari sa Estados Unidos kundi sa iba ring mga bahagi ng mundo. Ang mga alipin, o yaong nasa pagkaalipin, ay naghimagsik noong ika-19 at ika-20 siglo laban sa kanilang mga panginoon at nakipaglaban para sa kanilang kalayaan.

Doktrina at mga Tipan 87:8. “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag”

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ang tungkol sa ilang paraan na makatatayo tayo sa mga banal na lugar:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Sinusunod ba natin ang utos ng Panginoon na ‘Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating’? (D at T 87:8). Ano ang ‘mga banal na lugar’ na iyon? Tiyak na kasama rito ang templo at mga tipan dito na tapat na sinusunod. Tiyak na kasama rito ang tahanan kung saan ang mga anak ay minamahal at nirerespeto ang mga magulang. Tiyak na kasama rito ang tungkuling itinalaga sa atin ng awtoridad ng priesthood, pati na ang mga misyon at tungkuling tapat na ginagampanan sa mga branch, ward, at stake” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 10).

Nagsalita si Sister Sharon G. Larsen ng Young Women general presidency tungkol sa ibig sabihin ng tumayo sa mga banal na lugar:

Larawan
Sister Sharon G. Larsen

“Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay tungkol sa paggawa ng mabuti, nag-iisa ka man o may kasama. Ito’y paglagi sa kung saan kapiling natin ang Espiritu Santo—mag-isa man o sa gitna ng karamihan. Kapag determinado tayong kontrolin ang ating isipan at kilos at magpakahusay sa ating sarili, gaganda ang ating buhay. …

“… Anuman ang nagaganap sa inyong paligid, makapagsasanay kayong lumikha ng kapaligirang sarili ninyo, na puspos ng Espiritu ng Panginoon. …

“Ang mga banal na lugar ay maaaring saanman kayo naroon—nag-iisa, sa gitna ng karamihan, kasama ng mga di kakilala, o mga kaibigan. … May magagawa kayo para pabanalin ang mga karaniwang lugar” (“Pagtayo sa mga Banal na Lugar,” Liahona, Mayo 2002, 91, 92).