Seminary
Lesson 144: Doktrina at mga Tipan 135, Bahagi 1


Lesson 144

Doktrina at mga Tipan 135, Bahagi 1

Pambungad

Noong Hunyo 27, 1844, si Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum, na Assistant President at Patriarch ng Simbahan, ay pinatay sa Carthage, Illinois. Inaprubahan ng Korum ng Labindalawang Apostol na isama ang pahayag tungkol sa pagkakamartir sa katapusan ng 1844 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan, na halos handa na para ilathala. Ibinatay ang pahayag mula sa nasaksihan mismo nina Elder John Taylor at Elder Willard Richards, mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. Ito ay nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 135.

Paalala: Kabilang sa lesson na ito ang ilang makasaysayang salaysay na maaaring mabasa ng mga estudyante. Maaari kang gumawa ng mga kopya ng mga salaysay na ito at ipamahagi ang mga ito sa mga estudyante sa simula ng klase.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 135:1–7

Ang pagkakamartir kina Joseph at Hyrum Smith ay ipinahayag

Simulan ang klase sa pagtanong sa mga estudyante kung naalala nila kung nasaan sila nang malaman nila na namatay na ang isang Pangulo ng Simbahan o ang isang mahal sa buhay.

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga miyembro sila ng Simbahan na nakatira sa Nauvoo, Illinois, noong 1844, at natanggap nila ang mga balitang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 135:1. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talatang ito.

  • Ano kaya ang madarama ninyo matapos marinig ang trahedyang ito?

Ipaliwanag na marami sa mga Banal ang labis na nagdalamhati nang nalaman nila ang pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang nadarama at patotoo nila tungkol kay Propetang Joseph Smith kapag pinag-aralan na nila ang mga huling araw ng kanyang buhay.

Ipaalam sa mga estudyante na namuhay nang mapayapa sina Joseph Smith at ang mga Banal sa Illinois nang halos tatlong taon. Gayunman, noong 1842 nakaranas silang muli ng oposisyon. Ang mga tumiwalag sa Simbahan at ang mga kaaway ng Simbahan ay nagkaisa sa pagbatikos sa Propeta at sa Simbahan. Ilang mamamayan sa Illinois ang nagsimulang mangamba at kinamuhian ang impluwensysa ng mga Banal sa pulitika. Kinainggitan ng ilan ang umuunlad na kabuhayan ng Nauvoo at mapamuna sa kapangyarihan ng pamahalaang lunsod at militia ng Nauvoo. Nagsimulang kainisan ng ilang tao ang mga Banal dahil sa maling pagkaunawa nila sa kakaibang mga doktrina at gawain ng mga Mormon, tulad ng pag-aasawa nang higit sa isa, na iniulat nang mali ng mga nag-apostasiyang miyembro ng Simbahan. (Tingnan sa Church History sa the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 263–66, 270–71.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Estudyante 1

Noong Hunyo 1844, lalong tumindi ang pagkapoot ng mga tao laban sa Simbahan. Pinag-usapan ng ilang mamamayan sa Illinois na paalisin ang mga Banal sa estado, habang binabalak naman ng iba na patayin ang Propeta. Ilan sa mga nagsasabwatan laban sa Propeta at sa Simbahan ay dating mga miyembro ng Simbahan na nag-apostasiya. Noong Hunyo 7, 1844, si William Law, na naglingkod bilang pangalawang tagapayo sa Unang Panguluhan, at iba pang mga nag-apostasiya ay naglathala ng unang isyu ng pahayagang tinawag na Nauvoo Expositor. Sa pagtatangkang pasiklabin ang galit ng publiko sa propeta at sa Simbahan, ginamit ng mga lalaking ito ang pahayagan upang siraan si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan. Nakita ni Joseph Smith at ng karamihan sa Nauvoo city council na ang mapanirang pahayagang ito ay hahantong sa marahas na pandurumog sa lunsod. Idineklara nila na ito ay nakakaperhuwisyo sa publiko at iniutos na wasakin ang palimbagan ng Nauvoo Expositor.

Ipaliwanag na ang mga nilalaman ng Nauvoo Expositor, pati na ang pagwasak sa palimbagan, ay lalo lamang nagpatindi ng galit ng mga kaaway ng mga Mormon. Inihabla ng mga may-ari ng palimbagan si Joseph Smith at iba pang mga lider ng lunsod, inaakusahan sila na nagpasimuno ng gulo. Napawalang-sala si Joseph Smith, ngunit ang kanyang paglaya ay lalo lamang nagpagalit sa kanyang mga kaaway. Nang magsimulang kumalat ang mga balita na nagtitipon ang mga mandurumog upang salakayin ang lunsod ng Nauvoo, idineklara ni Joseph Smith, bilang mayor, na isailalim ang Nauvoo sa martial law (pansamantalang pamumuno ng militar). Sa patnubay ni Gobernador Thomas Ford ng Illinois, iniutos ni Joseph sa Nauvoo Legion na ipagtanggol ang lunsod.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata:

Estudyante 2

Ang kaguluhan sa lugar ay lalong lumala kaya nagtungo si Gobernador Ford sa Carthage, ang sentro ng pamahalaan para sa rehiyong iyon upang pakalmahin ang posibleng mangyaring karahasan. Sumulat siya kay Joseph Smith, at sinabi na ang paglilitis sa Propeta at iba pang mga lider sa harap ng mga huradong hindi Mormon sa Carthage ang tanging magpapakalma sa mga tao. Pinangakuan din sila ni Gobernador Ford ng lubos na proteksyon at makatarungang paglilitis kung kusa silang pupunta. Sumagot si Joseph na ang kanyang buhay ay nanganganib sa paglalakbay, at hindi siya pupunta.

Nang sumangguni si Joseph Smith sa kanyang mga kapatid tungkol sa susunod na gagawin, nadama niya na kung aalis sila ni Hyrum sa Nauvoo at maglalakbay papuntang Kanluran, hindi na mapapahamak ang mga Banal sa Nauvoo. Bilang pagtalima sa payong ito, tinawid nina Joseph at Hyrum ang Ilog ng Mississippi papuntang Iowa. Gayunman, pinagdudahan ng ilang miyembro ng Simbahan ang plano ng Propeta. Pinuntahan siya ng ilan at inakusahan siyang duwag, at sinabing pinabayaan niya ang mga Banal at iniwan silang mag-isang humarap sa pag-uusig. Sumagot ang Propeta, “Kung walang halaga ang buhay ko sa aking mga kaibigan wala rin itong halaga sa akin” (sa History of the Church, 6:549). Matapos mag-usap-usap, bumalik sina Joseph at Hyrum sa Nauvoo. Noong umaga ng Hunyo 24, 1844, umalis sila patungong Carthage.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang propesiyang sinabi ni Joseph Smith nang malapit na sila sa Carthage.

  • Ano ang sinabi ni Joseph na mangyayari sa kanya?

  • Sa palagay ninyo, ano kaya ang nadama ng Propeta nang iwan niya ang kanyang pamilya gayong alam niya na hindi na siya makababalik sa kanila?

  • Sa palagay ninyo, bakit kaya “mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw” si Joseph gayong alam niya na siya ay “gaya ng isang kordero sa katayan”?

Ipaliwanag na alam ng Propeta na ang kanyang kamatayan ang magliligtas sa buhay ng mga Banal.

Habang naghahanda si Hyrum Smith sa pagpunta sa Carthage Jail, binasa niya ang Eter 12:36–38 sa Aklat ni Mormon at pagkatapos ay tinupi ang pahina. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pansinin kung ano ang binasa at minarkahan ni Hyrum bago umalis papuntang Carthage Jail.

  • Sa inyong palagay, bakit kaya makahulugan na mabasa ni Hyrum sa pagkakataong iyon ang mga talatang ito na mula sa aklat ni Eter?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “malalaman ng lahat ng tao na hindi nabahiran ng inyong dugo ang aking mga kasuotan” (D at T 135:5)?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang nadama nina Joseph at Hyrum matapos nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad mula sa Diyos sa abot ng kanilang makakaya.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa nina Joseph at Hyrum Smith na tutulong sa atin na magampanan ang mga tangkuli na natatanggap natin mula sa Diyos?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng mga pangyayari na naganap noong Hunyo 25–27, 1844:

Estudyante 3

Noong Hunyo 25, 1844, sina Joseph at Hyrum Smith at iba pang mga lider ay naghain ng piyansa sa Carthage at pansamantalang pinalaya hanggang sa maidaos ang pormal na paglilitis upang harapin ang isinampang kaso na panggugulo (tinutukoy ang pagwasak sa Nauvoo Expositor). Subalit nang gabing iyon, hindi pinalabas sina Joseph at Hyrum sa Carthage Jail dahil sa kasong pagtataksil, na iprinotesta ni Joseph at ng kanyang mga abogado na ilegal dahil hindi ito nabanggit sa naunang pagdinig sa paghahain ng piyansa. Walang maihahaing piyansa sa kasong pagtataksil, kaya dapat silang manatili sa Carthage—at manatili sa panganib.

Noong Hunyo 26, 1844, nakipag-usap si Joseph kay Gobernador Ford sa piitan. Pinag-iisipan ni Governor Ford na pumunta sa Nauvoo, at sinabi ni Joseph na sasama siya dahil dama niyang hindi siya ligtas sa Carthage. Nangako si Gobernador Ford na kapag umalis siya ng Carthage isasama niya sina Joseph at Hyrum. Nang gabing iyon, nagpatotoo ang Propeta sa mga bantay tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at ng Panunumbalik ng ebanghelyo.

Noong umaga ng Hunyo 27, 1844, isinulat ni Joseph sa isang liham kay Emma: “Natanggap ko nang lubos ang aking kapalaran, nalalamang ako ay mabibigyang-katwiran, at nagawa ang lahat ng dapat kong gawin. Ipahatid mo ang aking pagmamahal sa mga anak natin at sa lahat ng aking mga kaibigan” (sa History of the Church, 6:605). Kinahapunan ng araw din na iyon, kahit batid ang plano ng mga mamamayan na pwersahang pasukin ang piitan at patayin ang mga bilanggo, umalis pa rin ng Carthage si Gobernador Ford para kausapin ang mga mamamayan ng Nauvoo. Hindi niya tinupad ang kanyang pangako na isasama sina Joseph at Hyrum. Bago umalis, inatasan ni Gobernador Ford ang Carthage Greys—ang nakatipong militia sa Carthage na lantarang nagpakita ng kalupitan—na siyang magbantay sa piitan at magpauwi sa iba pang mga militia.

Ipaalam sa mga estudyante na noong mainit at maalinsangang hapon ng Hunyo 27, sina apostol John Taylor at Willard Richards ay kasama nina Joseph at Hyrum sa Carthage Jail. Nakadama ng matinding kalungkutan ang Propeta at mga kasama niya habang nakaupo sila sa silid ng mga bilanggo sa pangalawang palapag ng piitan. Hiniling ni Hyrum Smith kay John Taylor na kantahin ang “Isang Taong Manlalakbay” (tingnan sa Mga Himno, blg. 22). Kung mayroon sa hymn book ninyo ng himnong ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante na awitin ang ilang taludtod. Habang kumakanta sila, sabihin sa kanila na isipin kung ano ang maaaring naging kahulugan ng himnong ito kina Joseph at Hyrum Smith sa sandaling iyon.

Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa ng mga sumusunod na buod ng pagkakamartir. Sabihin sa klase na ilarawan sa isipan nila ang mga pangyayaring ito na parang kasama nila ang Propeta sa Carthage Jail.

Estudyante 4

Pagkalipas lamang ng alas 5:00 ng hapon noong Hunyo 27, 1844, isang pangkat ng mga mandurumog na mga 150–200 kalalakihan, na kinulayan ng itim ang mga mukha upang hindi makilala, ang pumalibot sa piitan. Ang mga bantay ay hindi nanlaban nang nagsiakyat ang mga mandurumog sa hagdan papunta sa silid na kinaroroonan ng Propeta at ng kanyang mga kaibigan.

Itinulak nina Joseph at ng iba pa ang pinto para hindi ito pwersahang mabuksan ng mandurumog. Isa sa mga mandurumog ang nagpaputok ng baril sa bandang itaas ng pinto, na tumama sa kaliwang bahagi ng ilong ni Hyrum. Nabuwal siya nang patalikod, na bumubulalas ng, “Ako ay isang patay na tao!” (sa History of the Church, 6:617). Sabi ni John Taylor, “Hinding-hindi ko malilimutan ang labis na pagkahabag at pagmamahal na nakita ko sa anyo ni Brother Joseph nang lumapit siya kay Hyrum, at ibinulalas, ‘O ang kaawa-awa kong minamahal na kuya Hyrum!’” (sa History of the Church, 7:102).

Estudyante 5

Noong umaga nang araw na iyon isang bisita ang nagbigay ng baril kay Joseph. Upang maipagtanggol ang lahat ng nasa silid, tumakbo si Joseph sa pinto at nagtago sa haligi ng pinto para iputok ang baril sa pasilyo. Tatlo lamang sa anim na bala ang naiputok, na sumugat sa ilang miyembro ng mandurumog. Maya-maya pa’y pwersahang inilusot ng mga mandurumog ang kanilang mga baril sa bahagyang nakabukas na pinto. Pilit na itinulak ni John Taylor ang mga dulo ng baril gamit ang kanyang tungkod.

Habang tumitindi ang labanan sa may pintuan, tinangkang dumaan ni John Taylor sa bintana para tumakas. Nang tangkain niyang tumalon sa bintana, tinamaan siya ng bala sa hita mula sa isang bumaril sa bandang pintuan at isa pang bala mula sa bumaril sa labas. Bumulagta siya sa sahig, at habang pinilipit niyang magtago sa ilalim ng kama na malapit sa bintana, malubha siyang tinamaan ng tatlo pang bala. Samantala, nang nakalusot na ang mga baril sa pintuan, sinimulang paghahampasin ni Williard Richards ng baston ang mga ito.

Estudyante 6

Ipinasya ni Joseph Smith na subukang tumakas sa bintana ring iyon, upang iligtas ang kanyang buhay at, naniniwala ang ilan, na ginawa rin niya iyon upang iligtas ang buhay nina Willard Richards at John Taylor. Habang patuloy na itinutulak ni Willard Richards ang mga mandurumog na nasa pintuan, tumalon ang Propeta sa nakabukas na bintana. Nasa ganito siyang posisyon nang tamaan siya ng mga bala na nagmula sa loob at labas ng piitan. Nahulog siya mula sa bintana, na ibinubulalas, “O Panginoon kong Diyos!” at bumagsak sa lupa. Ang mga mandurumog na nasa loob ng piitan ay nagmamadaling lumabas upang tiyakin na patay na si Joseph. Bagama’t walang mga miyembro ng Simbahan na patungo sa Carthage, may isang taong biglang sumigaw ng, “Parating na ang mga Mormon!” at tumakas ang lahat ng mandurumog. (Tingnan sa History of the Church, 6:618, 620–21; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 283.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pansinin ang paglalarawan ng nangyari kina John Taylor at Willard Richards. Ipaalam sa mga estudyante na nadaplisan lamang ng bala ang kaliwang tainga ni Willard Richards na mismong katuparan ng ipinropesiya ni Joseph mahigit isang taon na ang nakalipas na “darating ang panahon na uulanin ng bala ang paligid niya, at kaliwa’t kanang makikita niyang bumubulagta sa paligid niya ang kanyang mga kaibigan, ngunit wala ni isang butas sa kanyang kasuotan” (sa History of the Church, 6:619).

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa unang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 135:1, at itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “upang tatakan ang patotoo ng aklat na ito at ng Aklat ni Mormon”? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng tatakan ay permanenteng itatag ang isang bagay, tulad ng patotoo.)

Banggitin ang paggamit ng salitang pagkakamartir sa talata 1, at itanong:

  • Ano ang isang martir? (Isang taong nagdanas ng kamatayan bilang saksi sa katotohanan ng kanyang mga paniniwala o layunin. Ipaliwanag na ang salitang martir ay mula sa salitang Griyego para sa salitang saksi [tingnan sa Bible Dictionary, “Martyr”].)

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 135:7, at alamin kung saan nagsilbing saksi ang pagkakamartir nina Joseph at Hyrum Smith.

  • Dahil sa kanilang pagkamatay bilang mga martir, ano ang ipinantatak nina Joseph at Hyrum Smith sa kanilang patotoo? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Tinatakan nina Joseph at Hyrum Smith ng kanilang buhay ang kanilang pagsaksi sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang sumusunod na tanong at isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang notebook o scripture study journal:

  • Paano makakaapekto sa inyong patotoo ang inyong nalaman tungkol sa mga patotoo nina Joseph at Hyrum Smith at sa kanilang kahandaang mamatay para sa katotohanan?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang mga sagot. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Pagtungo sa Carthage

Ginunita ni Emma Smith ang nadama niya nang tinawid ng kanyang asawang si Joseph ang Ilog Mississippi River para bumalik sa Nauvoo: “Nadama ko ang pinakamatinding pangyayari sa buong buhay ko,” sabi niya, “at mula nang sandaling iyon alam ko nang papatayin siya” (in Edmund C. Briggs, “A Visit to Nauvoo in 1856,” Journal of History, Okt. 1916, 454). Nang paalis na si Joseph upang magtungo sa Carthage noong umagang iyon ng Lunes, Hunyo 24, 1844, humarap siya kay Emma at sinabing, “Emma, maaari bang ituro mo sa aking mga anak na lalaki na sundan ang mga yapak ng kanilang ama?” Sumagot si Emma, “Oh, Joseph, babalik ka.” Inulit pa nang dalawang beses ni Joseph ang tanong, at pareho pa rin ang isinagot ni Emma. (Sa “Edwin Rushton, Related by his Son,” sa Hyrum L. Andrus and Helen Mae Andrus, They Knew the Prophet [1974], 171.) Sa panahon na pinatay si Joseph bilang martir, si Emma ay apat na buwang buntis. Sila ni Joseph ay may apat pang nabubuhay na anak: si Julia (13), na ampon, Joseph III (11), si Frederick (8), at si Alexander (6).

Sa labas ng Mansion House, nagsalita si Joseph sa mga tao na nagtipon nang umagang iyon. Habang nagsasalita siya, hinila ng mga anak ni Joseph ang kanyang damit at nakiusap, “Itay, O Itay huwag po kayong pumunta sa Carthage. Papatayin nila kayo.” Itinanong ng kanyang ina kung maipapangako ba niya na makakabalik siya. (Dan Jones, “The Martyrdom of Joseph and Hyrum Smith,” manuscript, Ene. 20, 1855, Church History Library, Salt Lake City). Sa halip na sagutin nang diretso ang ina, sinabi ni Joseph sa mga nagtipong Banal, “Kung hindi ako pupunta [ sa Carthage], mawawasak ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito; at hindi ko maaatim na isiping dadanasing muli sa Nauvoo ng mga minamahal kong kapatid at kanilang mga anak ang mga nangyari sa Missouri; hindi, mas makabubuti pa sa inyong kapatid na si Joseph na mamatay para sa kanyang mga kapatid, sapagka’t ako ay handang mamatay para sa kanila. Ang gawain ko ay tapos na” (sa Dan Jones, “The Martyrdom of Joseph Smith and His Brother, Hyrum!” trans., Ronald D. Dennis, sa Ronald D. Dennis, “The Martyrdom of Joseph Smith and His Brother Hyrum,” BYU Studies, tomo 24, blg. 1 [Winter 1984], 85; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 277).

“Matapos yakapin ang kanyang maliliit na anak na mahigpit na nakakapit sa kanyang damit at matapos na magiliw na nagpaalam sa kanyang minamahal na asawa, na lumuluha rin, at matapos panatagin ang kanyang butihing ina sa huling pagkakataon, nagsalita siya sa mga tao nang buong sigasig, hinihimok silang maging tapat sa mga pamamaraang itinuro niya at sa relihiyong itinuro niya sa kanila” (sa Dan Jones, “The Martyrdom of Joseph Smith and His Brother, Hyrum!” 85–86).

Nang simulan nang maglakbay ni Joseph at ng mga kasama niya palabas sa Nauvoo, tumigil siya sa kinatatayuan ng templo, “minasdan ang sagradong gusali, pagkatapos ay tumingin sa lunsod, at sinabi, ‘Ito ang pinakamagandang lugar at pinakamabubuting tao sa ilalim ng kalangitan; hindi nila alam ang mga pagsubok na naghihintay sa kanila’” (History of the Church, 6:554; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 277).