Seminary
Lesson 20: Doktrina at mga Tipan 14–16


Lesson 20

Doktrina at mga Tipan 14–16

Pambungad

Noong Mayo 1829, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nakaranas ng mga pagbabanta mula sa mga mandurumog habang tinatapos ang Aklat ni Mormon. Tinulungan sila ni David Whitmer na makaalis sa Harmony, Pennsylvania at inanyayahan silang tumira sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York upang matakasan nila ang pag-uusig at maituro ang naipanumbalik na ebanghelyo sa pamilya Whitmer at sa kanilang mga kapitbahay. Naging lubhang interesado ang pamilya Whitmer sa mga nagaganap na pangyayari sa Panunumbalik. Inilarawan ni Joseph Smith sina David Whitmer, John Whitmer, at Peter Whitmer Jr. na “masigasig na mga kaibigan at katuwang sa gawain; at … sabik na malaman ang kani-kanyang mga tungkulin” (History of the Church, 1:48–49). Nanalangin ang Propeta at tumanggap ng mga paghahayag para kay David Whitmer at sa kanyang mga kapatid na sina John at Peter. Nalaman ng magkakapatid na ito ang kanilang mga gagampanan sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 14

Tinawag ng Panginoon si David Whitmer para tumulong sa gawain sa mga huling araw

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pinagmulang kasaysayan ng mga paghahayag na pag-aaralan nila ngayon, ibuod ang impormasyon sa pambungad ng lesson na ito. Bukod pa riyan, maaari mo ring ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na kailangan ni David Whitmer na magpunla ng binhi ng trigo sa bukid ng pamilya at maglagay ng plaster of paris, na ginagamit noon bilang pataba. Nadama niya na dapat niyang tulungan sina Joseph at Oliver kapag natapos na niya ang mga gawaing iyon. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga himala na naging daan para matulungan ni David Whitmer sina Oliver Cowdery at Joseph Smith na makatakas mula sa mga umuusig sa kanila:

Larawan
Lucy Mack Smith

“Pumunta sa bukid si David, at nakita niya na may mga gagawin siya na gugugol nang dalawang araw bago matapos. … Itinali niya ang kanyang mga kabayo sa pansuyod ng lupa, at sa halip na suyurin ang bukid nang hati-hati, ay kaagad na niyang sinuyod ang buong bukirin hanggang kinahapunan, at nang huminto muna siya para kumain, tiningnan niya ang paligid, at nagulat siya na nasuyod na pala niya ang kalahati ng taniman ng trigo. Pagkatapos kumain bumalik na siya sa bukid, at pagdating ng gabi natapos niya ang mga gawain nang isang araw lamang sa halip na dalawang araw.

“Nang makita ng kanyang ama ang nangyari sa bukid nang gabi ring iyon, sinabi niya, ‘Tiyak na may makapangyarihang kamay ang kumilos dito, at sa palagay ko kailangan mong lumuwas kaagad ng Pennsylvania pagkatapos mong maidilig ang plaster of paris.’

“Kinaumagahan, nagbitbit ng kahoy na pansukat si David at lumabas para kunin ang isang bunton ng plaster na iniwan niya kamakalawa malapit sa bahay ng kanyang kapatid na babae, ngunit pagdating niya roon natuklasan niya na nawawala ito! Tumakbo siya papunta sa bahay ng kanyang kapatid at itinanong kung alam ba nito kung nasaan ang plaster. Nagulat ito, at itinanong, ‘Bakit mo pa ako tinatanong? hindi ba’t naidilig mo nang lahat iyon kahapon?’

“‘Hindi ko alam,’ sagot ni David.

“‘Nakakagulat naman iyan,’ sagot ng kanyang kapatid, ‘kasi lumapit sa akin ang mga bata nitong umaga at nakiusap sa akin na lumabas ako at tingnan ang mga lalaking nagdidilig ng plaster sa bukid, at sabi nila, hindi pa sila nakakita nang gaanong kabilis magdilig ng plaster sa buong buhay nila. Dahil diyan lumabas ako, at nakita ko na may tatlong lalaki nga na nagtatrabaho sa bukid, tulad ng sabi ng mga bata, pero dahil inisip ko na baka umupa ka ng mga taong tutulong sa iyo dahil nagmamadali ka, pumasok na ako sa bahay, at hindi ko na pinansin iyon.’

“Nagtanung-tanong si David tungkol sa bagay na ito sa kanyang mga kamag-anak at kapitbahay, ngunit walang nakakaalam kung sino ang may gawa nito” (Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 148–49).

  • Sa inyong palagay, paano nakaimpluwensya kay David Whitmer ang mga karanasang ito?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 14:1–5 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Panginoon na magaganap na ang Kanyang gawain at ipinangako na pagpapalain ang lahat ng makikibahagi rito. Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 14:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon kay David at ang mga pagpapalang matatanggap ni David dahil sa pagsunod niya sa mga tagubilin ng Panginoon.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kay David Whitmer? Ano ang kailangang gawin ni David para matupad ang pangakong ito?

Sabihin sa mga estudyante na sabihin ang alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 14:7 sa kanilang sariling salita. Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung susundin natin ang mga kautusan ng Diyos at magtitiis hanggang wakas, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.

  • Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng buhay na walang hanggan? (Ang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay ang mabuhay magpakailanman kasama ang ating pamilya sa piling ng Diyos. Ang buhay na walang hanggan ay ang uri ng pamumuhay ng Diyos.)

  • Paano tayo nahihikayat ng pangako na buhay na walang hanggan na sundin ang mga kautusan ng Diyos at magtiis hanggang wakas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 14:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iba pang mga pagpapalang matatanggap ni David Whitmer kung siya ay masunurin. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipaliwanag na hindi nagtagal matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito para kay David, si David ay naging isa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon. Nakita niya ang anghel na si Moroni at ang mga laminang ginto, at narinig niya ang tinig ng Diyos na nagpapatotoo sa katotohanan ng mga talaan.

Ipaliwanag na binigyang muli ng Panginoon si David Whitmer ng isa pang pangako batay sa katapatan ni David. Upang maihanda ang mga estudyante sa pagtukoy ng alituntunin sa mga sinabi ng Panginoon kay David, isulat sa pisara ang sumusunod: Kung tayo ay , ang Panginoon ay .

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 14:9–11. Sabihin sa kanila na tumukoy ng alituntunin na akma sa hindi kumpletong pahayag sa pisara. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natukoy nila. Maaaring magmungkahi ng iba-ibang alitutntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na nauunawaan nila na kung tayo ay tapat na tutulong sa Panginoon sa Kanyang gawain, pagpapalain tayo ng Panginoon sa espirituwal at temporal.

  • Sa anong mga paraan kayo inatasan ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain? Anong mga pagpapala ang dumating sa buhay ninyo dahil tumulong kayo sa gawain ng Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 15–16

Itinuro ni Jesucristo kina John Whitmer at Peter Whitmer Jr. kung ano ang pinakamahalaga sa kanila

Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Ipabasa nang malakas sa isa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 15:1 at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 16:1. Ipabasa sa mga estudyanteng ito ang mga talata 2–6 sa gayon ding paraan.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang parehong ninanais nina John Whitmer at Peter Whitmer Jr. sa Doktrina at mga Tipan 15:3–4 at Doktrina at mga Tipan 16:3–4.

  • Ano ang parehong ninanais nina John Whitmer at Peter Whitmer Jr.? (Malaman ang gagawin nila na magiging pinakamahalaga para sa kanila.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 15:6 at 16:6. Sabihin sa kanila na alamin ang sagot na ibinigay ng Panginoon sa mga lalaking ito.

  • Paano sinagot ng Panginoon ang kanilang tanong? Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa sagot ng Panginoon? (Ibang salita man ang gamitin ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na: ang pagsisikap nating madala ang ibang tao kay Jesucristo ay napakahalaga sa atin.)

  • Ano ang maaari nating gawin para matulungan ang iba na lumapit kay Cristo?

  • Bakit mahalaga ang mga gawaing ito sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 15 at 16, at alamin ang pagkakaiba ng dalawang paghahayag na ito. (Ang tanging pagkakaiba lamang ay ibinigay ang isa kay John at ang isa kay Peter.)

Ipaliwanag na kung minsan, naghahayag ang Panginoon ng iisang mensahe sa iba’t ibang tao dahil maaaring magkakapareho sila ng mga pangangailangan, sitwasyon, o ninanais. Gayunpaman, makatitiyak tayo na kilala Niya ang bawat isa sa atin. Sa halimbawang ito, tinawag Niya sina John Whitmer at Peter Whitmer Jr. sa pangalan at hindi sila sabay na pinaghayagan ng Kanyang kalooban.

  • Paano naipapakita sa basbas ng priesthood o tawag sa misyon na tayo ay personal na kilala ng Diyos, kahit na ang pananalita sa basbas ng priesthood o tawag sa misyon ay kapareho ng ibinibigay sa iba?

Upang makapagbigay ng isa pang halimbawa na personal tayong kilala ng Diyos, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Kailan lang ay nakausap ko ang isang lider ng priesthood na nadamang dapat niyang isaulo ang mga pangalan ng lahat ng kabataang edad 13 hanggang 21 sa kanyang stake. Gamit ang mga retrato ng mga kabataang lalaki at babae, gumawa siya ng flash cards na nirebyu niya habang nasa biyahe para sa negosyo at sa iba pang mga pagkakataon. Mabilis na naisaulo ng lider na ito ng priesthood ang lahat ng pangalan ng mga kabataan.

“Isang gabi ay napanaginipan ng lider ng priesthood ang isang binatilyo na kilala lang niya sa retrato. Sa panaginip ay nakita niya ang binatilyo na nakasuot ng puting polo at may name tag ng misyonero. Katabi ang kanyang kompanyon, tinuturuan ng binatilyong ito ang isang pamilya. Hawak ng binatilyo ang Aklat ni Mormon, at parang nagpapatotoo siya tungkol sa katotohanan ng aklat. Noon nagising ang lider ng priesthood mula sa kanyang panaginip.

“Sa isang pagtitipon ng mga may priesthood, nilapitan ng lider ang binatilyo na nakita niya sa kanyang panaginip at tinanong kung maaari siyang makausap sandali. Matapos ang maikling pagpapakilala, tinawag ng lider ang binatilyo sa pangalan at sinabing: ‘Hindi ako taong mapanaginip. Wala pa akong napanaginipang miyembro ng stake na ito, maliban sa iyo. Sasabihin ko sa iyo kung ano ang napanaginipan ko, at pagkatapos gusto kong tulungan mo akong unawain ang ibig sabihin nito.’

“Ikinuwento ng lider ng priesthood ang kanyang napanaginipan at tinanong ang binatilyo kung ano ang ibig sabihin nito. Sa matinding damdamin, sinabi lang ng binatilyo, ‘Ibig sabihin po nito ay alam ng Diyos kung sino ako.’ Naging makahulugan ang pag-uusap ng binatilyo at ng kanyang lider, at nagkasundo silang magkita at [mag-usap] sa susunod na mga buwan” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 100).

  • Bakit makatutulong sa atin na malaman na tayo ay personal na kilala ng Diyos?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila nalaman na personal silang kilala ng Diyos. (Maaari mong ipaliwanag na hindi kailangang kakaiba o kamangha-mangha ang mga halimbawa ng mga estudyante. Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o napakapribado.)

  • Paano nakaiimpluwensya sa mga pagpapasiya ninyo araw-araw ang kaalaman na personal kayong kilala ng Diyos? Paano nakaimpluwensya sa mga desisyon ninyo ang kaalamang ito?

Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo at hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.