Seminary
Lesson 84: Doktrina at mga Tipan 81


Lesson 84

Doktrina at mga Tipan 81

Pambungad

Noong Marso 8, 1832, tinawag ng Panginoon sina Jesse Gause at Sidney Rigdon na maglingkod bilang mga tagapayo kay Joseph Smith. Makalipas ang isang linggo, noong Marso 15, 1832, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 81. Sa paghahayag na ito, inilarawan Niya ang tungkulin ng mga tagapayo sa Pangulo ng Simbahan at inilahad ang mga pagpapala para sa mga taong tapat sa kanilang tungkulin. Hindi nanatiling tapat si Jesse Gause, at tinawag ng Panginoon si Frederick G. Williams, na ang pangalan ay makikita ngayon sa Doktrina at mga Tipan 81, para humalili kay Brother Gause sa Panguluhan. Nang matanggap ang paghahayag na ito, ang tawag sa Pangulo ng Simbahan at kanyang mga tagapayo ay Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote. Simula noong 1834, ang Pangulo at kanyang mga tagapayo ay tinukoy bilang Unang Panguluhan sa mga paghahayag (tingnan sa D at T 102:26–28).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 81:1–7

Inilarawan ng Panginoon ang tungkulin ng mga tagapayo sa Unang Panguluhan

Bago magklase, isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara:

Bakit tayo binibigyan ng Panginoon ng mga tungkulin sa Kanyang Simbahan?

Ano ang mga pagpapala ng tapat na pagtupad sa tungkulin?

Ano ang mangyayari kung pinili ng isang tao na hindi tapat na tumupad sa kanyang tungkulin?

Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na nasa pisara. Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ipaliwanag na bagama’t maaaring tumanggap ng inspirasyon ang isang lider ng Simbahan para tawagin ang isang miyembro ng Simbahan sa isang partikular na katungkulan, ang miyembro pa ring iyon ang magpapasiya kung tatanggapin niya ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 81. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at maghanap ng halimbawa ng isang taong tinawag ng Panginoon ngunit hindi tapat sa kanyang tungkulin.

  • Sino ang unang tinawag ng Panginoon para maglingkod bilang tagapayo kay Joseph Smith sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote?

  • Bakit inalis si Jesse Gause sa kanyang katungkulan?

Ipaliwanag na tinawag si Jesse Gause na maglingkod bilang tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote noong Marso 1832. Noong Agosto 1, 1832, nagpunta siya sa misyon kasama si Zebedee Coltrin. Habang nasa misyong ito, binisita ni Brother Gause ang kanyang asawa at sinikap na makumbinsi ito sa katotohanan, ngunit ayaw nitong sumapi sa Simbahan. Di-nagtagal, nagkasakit nang malubha si Brother Coltrin at bumalik sa Kirtland. Nakalulungkot na hindi natapos ni Brother Gause ang kanyang misyon at hindi nanatiling tapat sa Simbahan.

  • Ayon sa pambungad ng bahaging ito, sino ang tinawag ng Panginoon na humalili kay Jesse Gause?

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang sumusunod na parirala sa pambungad: “Ang paghahayag … ay dapat na ituring na hakbang tungo sa pormal na pagtatatag ng Unang Panguluhan.” Ipaliwanag na ang Pangulo ng Simbahan at ang kanyang mga tagapayo (ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote) ay hindi tinawag na “Unang Panguluhan” hanggang noong 1834 (tingnan sa D at T 102:26–28). Hindi inihayag ng Panginoon ang kumpletong organisasyon ng Kanyang Simbahan sa Propeta nang minsanan lang. Inihayag Niya ang iba’t ibang bahagi ng organisasyon kung kailangan at kapag handa ang mga Banal na tanggapin ang mga ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ni Frederick G. Williams tungkol sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote.

  • Ayon sa talata 2, ano ang hawak ng Panguluhan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at parirala na nagtuturo sa katotohanang ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, ipaalala sa kanila na “ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga lider ng priesthood para pamahalaan, pangasiwaan, at pamunuan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa lupa. Ang paggamit ng awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan ng mga mayhawak ng susi nito (tingnan sa D at T 65:2; 81:2; 124:123). Ang mga mayhawak ng mga susi ng priesthood ay may karapatan na mamuno at mamahala sa Simbahan sa lugar na nasasakupan nito.

“Si Jesucristo ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na nauukol sa Kanyang Simbahan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng mga susi na nauukol sa kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang buhay na senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa lupa na may awtoridad na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 2.1.1).

  • Ano ang magagawa ng Unang Panguluhan gamit ang mga susi ng priesthood? (Pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa.)

Magdispley ng larawan ng kasalukuyang Unang Panguluhan o magkakahiwalay na larawan ng mga miyembro nito. Itanong sa mga estudyante kung mapapangalanan nila ang mga miyembro ng Unang Panguluhan.

Isulat sa pisara ang sumusunod na heading: Tagapayo sa Unang Panguluhan.

Larawan
Unang Panguluhan
  • Sa pagkaunawa ninyo, ano ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga tagapayo sa Unang Panguluhan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Frederick G. Williams hinggil sa kanyang tungkulin bilang tagapayo sa Unang Panguluhan.

  • Ayon sa talata 3, ano ang dapat gawin ni Frederick G. Williams bilang tagapayo sa Unang Panguluhan? (Sabihin sa isang estudyante na isulat ang mga sagot sa pisara sa ilalim ng heading. Maaari mong ipaliwanag na sinusuportahan at pinalalakas ng mga tagapayo sa unang panguluhan ang pangulo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “matapat sa payo” o sa pakikipagsanggunian sa pangulo ang isang tagapayo?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahulugan ng maging matapat sa payo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na alamin kung paano nakikipagsanggunian ang isang tagapayo sa pangulo.

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“[Ang isang tagapayo] ay assistant sa kanyang pangulo.

“Bilang assistant, ang tagapayo ay hindi pangulo. Hindi niya inaako ang responsibilidad at hindi niya pinangungunahan ang kanyang pangulo.

“Sa mga miting ng panguluhan, bawat isa sa mga tagapayo ay malayang makapagpapahayag ng kanyang ideya tungkol sa lahat ng isyu na ipinarating sa panguluhan. Gayunpaman, karapatan ng pangulo na gumawa ng desisyon, at tungkulin ng mga tagapayo na suportahan siya sa desisyong iyon. Sa gayon, ang kanyang desisyon ay nagiging desisyon nila, anuman ang mga ideya nila noon” (“In … Counsellors There Is Safety,” Ensign, Nob. 1990, 49).

  • Ayon kay Pangulong Hinckley, paano dapat nakikipagsanggunian ang isang tagapayo sa pangulo?

  • Paano nakatutulong sa isang taong naglilingkod bilang tagapayo sa alinmang panguluhan sa Simbahan na maunawaan kung paano maging matapat sa payo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nakapaglingkod sila (o nakita ang iba na naglingkod) sa isang panguluhan sa Simbahan. (Maaari mong ipaliwanag na ang bishopric ay kumikilos bilang panguluhan ng isang ward.) Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang nagawa nila o ng iba para masuportahan nang mabuti ang mga panguluhan sa kanilang mga priesthood quorum o Young Women class. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga naisip nila.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:4 at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Frederick G. Williams kung magiging tapat siya sa kanyang tungkulin. Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “itinataguyod ang kaluwalhatian … [ng] iyong Panginoon” sa kontekstong ito ay nagpapahiwatig na kapag naging tapat tayo sa ating mga tungkulin, matutulungan natin ang mga tao na sundin at sambahin ang Panginoon.

  • Ayon sa talata 4, ano ang magagawa natin kung tapat tayo sa ating mga tungkulin? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung tapat tayo sa ating mga tungkulin, makagagawa tayo ng malaking kabutihan para sa ibang tao at maitataguyod ang kaluwalhatian ng Diyos. Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat ang alituntuning ito sa pisara.)

  • Paano makatutulong sa atin ang tapat na paglilingkod sa ating mga tungkulin sa Simbahan sa paggawa ng malaking kabutihan para sa ibang tao?

  • Paano makatutulong sa atin ang tapat na paglilingkod sa ating mga tungkulin sa Simbahan sa pagtataguyod ng kaluwalhatian ng Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon kung saan nakita nila ang isang tao na gumawa ng malaking kabutihan para sa iba sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat sa kanyang tungkulin. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang nakita nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang karagdagang ipinayo ng Panginoon kay Frederick G. Williams.

  • Batay sa sinabi ng Panginoon kay Frederick G. Williams sa talata 5, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging tapat sa ating mga tungkulin sa Simbahan o pagiging matatapat na miyembro ng Simbahan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga ideya na magbibigay ng kahulugan sa mga pariralang ito.

Larawan
Elder Marvin J. Ashton

“Sa Doktrina at mga Tipan 81:5, ang talata ay maaaring bigyang-kahulugan na hinihikayat ng Panginoon si Frederick G. Williams na palakasin ang mahihina (‘tulungan ang mahihina’), patatagin ang loob ng mga napapagod o nawawalan ng pag-asa (‘itaas ang mga kamay na nakababa’), at bigyan ng tapang at lakas ang mahihinang tuhod at natatakot na puso” (“Strengthen the Feeble Knees,” Ensign, Nob. 1991, 70).

  • Paano natin maaaring “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina”? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Kailan kayo natulungan o napalakas ng ibang tao?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang sagot mula sa nakalista sa pisara at hamunin sila na maghanap ng mga pagkakataon na tulungan ang mga tao sa paligid nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 81:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Frederick G. Williams kung magiging tapat siya hanggang wakas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Patotohanan ang kahalagahan ng pagiging tapat sa ating mga tungkulin at pagtulong sa mga tao sa paligid natin nang sa gayon sila rin ay maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 81:1. Mga Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee ang mahalagang tungkulin ng mga tagapayo sa Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Harold B. Lee

“Habang iniisip ko ang tungkulin namin ni Pangulong Tanner bilang mga tagapayo [ni Pangulong Joseph Fielding Smith], naisip ko ang isang pangyayari sa buhay ni Moises, nang ang mga kaaway ng simbahan noong panahong iyon ay katulad sa panahong ito. Nagbabanta silang daigin at pabagsakin at hadlangan ang gawain ng simbahan. Habang nakaupo si Moises sa ibabaw ng isang burol at nakataas ang tungkod ng kanyang awtoridad, o ang mga susi ng kanyang priesthood, nananaig ang Israel sa kanilang mga kaaway; ngunit sa paglipas ng mga oras, nangalay ang kanyang mga kamay at nagsimulang bumaba.

“Kaya’t inalalayan [nina Aaron at Hur] ang kanyang mga kamay upang hindi ito mangalay at hindi maibaba ang tungkod. Siya ay susuportahan upang hindi manaig ang mga kaaway ng simbahan sa mga banal ng Kataas-taasang Diyos. (Tingnan sa Ex. 17:8–12.)

“Sa palagay ko iyan ang tungkuling dapat naming gampanan ni Pangulong Tanner. Maaaring manghina ang mga kamay ni Pangulong Smith. Maaaring bumaba ito paminsan-minsan dahil sa kanyang mabibigat na responsibilidad; ngunit kapag inalalayan namin ang kanyang mga kamay, at kapag sumunod kami sa kanyang pamumuno, sa kanyang tabi, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi magsisipanaig laban sa inyo at sa Israel” (sa Conference Report, Okt. 1970, 153).

Sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Abril 1994, si Pangulong Gordon B. Hinckley, na noon ay naglilingkod bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay naghayag na si Pangulong Ezra Taft Benson, ang Pangulo ng Simbahan noong panahong iyon ay “lubhang nahihirapan dahil sa katandaan at karamdaman at hindi magampanan ang mahahalagang tungkulin ng kanyang sagradong katungkulan.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Pangulong Hinckley:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Kapag ang Pangulo ay may sakit o hindi lubos na makaganap sa lahat ng kanyang tungkulin, ang kanyang dalawang Tagapayo ang bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan. Ipinagpapatuloy nila ang araw-araw na gawain ng Panguluhan. Sa mga hindi pangkaraniwang kalagayan, kapag isa lang ang nakakaganap, maaari siyang kumilos sa awtoridad ng katungkulan ng Panguluhan na itinakda sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 102, mga talata 10–11” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54).