Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 24–29:30 (Unit 7)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 24–29:30 (Unit 7)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 24–29:30 (unit 7) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 24–26)

Sa ipinayo ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa pagharap sa mga pagsubok, natutuhan ng mga estudyante na dapat tayong maging matiyaga at tiisin ang ating mga paghihirap dahil nasa atin ang Panginoon. Nang pag-aralan ng mga estudyante ang ipinayo ng Panginoon kay Emma Smith tungkol sa kanyang ginagampanan sa Simbahan, nakatukoy sila ng ilang alituntunin at pumili ng isa na sa pakiwari nila ay naaangkop sa kanilang sariling buhay. Sa huli, pinag-aralan ng mga estudyante ang pahayag ng Panginoon na ang lahat ng bagay ay dapat gawin nang may pagsang-ayon ng lahat sa Simbahan at pinag-isipan kung paano nila mas matutupad ang kanilang mga pangako na suportahan ang mga tinawag at sinang-ayunan na maglingkod sa kanilang ward at branch.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 27)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 27, nalaman nila na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, kailangan nating alalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Nalaman din nila na nabubuhay tayo sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung saan sama-samang tinipon ang lahat ng susi ng ebanghelyo, ordenansa, at katotohanan ng mga nakaraang dispensasyon. Upang mapaglabanan ang kasamaan sa ating panahon, ang mga estudyante ay hinikayat na magsuot ng buong baluti ng Diyos.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 28)

Mula sa ipinayo ng Tagapagligtas kay Oliver Cowdery, nalaman ng mga estudyante na sa Simbahan ni Jesucristo, hindi tumatanggap ng paghahayag ang mga miyembro upang atasan ang isang taong namumuno sa kanila at ang Pangulo lamang ng Simbahan ang tatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan. Gayunman, makatatanggap tayo ng paghahayag para sa ating kapakinabangan at para matulungan tayo sa mga tungkulin at gawaing ibinigay sa atin. Nalaman din ng mga estudyante na ang mga lider ng Simbahan ay may responsibilidad na itama ang mga taong inililigaw ng landas ang iba, at sa Simbahan ni Jesucristo, ang lahat ng mga bagay ay dapat isagawa nang may kaayusan.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 29:1–30)

Mula sa tagubilin ng Tagapagligtas tungkol sa Ikalawang Pagparito at sa mga pangyayari pagkatapos ng Milenyo, nalaman ng mga estudyante na ang mga lumalapit sa Tagapagligtas ay magiging handa sa mga pagsubok at paghihirap sa mga huling araw at tatanggap ng buhay na walang hanggan. Nakatulong din ang lesson na ito na maunawaan ng mga estudyante na dahil si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan at Siya ay Tagapamagitan natin sa Ama, mapapasigla natin ang ating mga puso at magagalak tayo.

Pambungad

Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na mapalalim ang kanilang pang-unawa sa kahalagahan ng pagsusuot ng buong baluti ng Diyos. Kapag nalaman ng mga estudyante ang bawat bahagi ng baluti ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na suriin ang lakas ng kanilang baluti at gumawa ng mga pagbabago ayon sa pahiwatig ng Espiritu Santo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 27:15–18

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magsuot ng buong baluti ng Diyos

Magdala sa klase ng ilang uri ng mga gamit na nagpoprotekta, gaya ng protective sports equipment, safety glasses, guwantes, helmet, o vest. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang layunin ng mga gamit na iyon at kung paano nito pinoprotektahan ang nagsusuot nito. Ipaliwanag na bagama’t pisikal tayong napoprotektahan ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay nagpapayo para tayo ay espirituwal na maprotektahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na kailangang gawin natin para espirituwal na maprotektahan.

  • Ano ang kailangang gawin natin para espirituwal na maprotektahan?

  • Ayon sa talatang ito, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga nagsusuot ng buong baluti ng Diyos?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung isusuot natin ang buong baluti ng Diyos, mapaglalabanan natin ang kasamaan.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magsuot ng buong baluti ng Diyos at hindi lamang ang isang bahagi nito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang bawat bahagi ng espirituwal na baluti na kailangan nating isuot para mapaglabanan ang masama. Sabihin sa isang estudyante na ilista (o idrowing) niya sa pisara ang mga bahagi ng baluti kapag natukoy ang mga ito ng kanyang mga kaklase. (Maaari mong ipaliwanag na itinuro din ni Apostol Pablo ang tungkol sa buong kagayakan o baluti ng Diyos [tingnan sa Mga Taga Efeso 6:11–17].)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng espirituwal na proteksyon na inilarawan sa mga talatang ito, hatiin sa maliliit na grupo ang klase at mag-assign sa bawat grupo ng isang bahagi ng baluti. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee at ng sumusunod na impormasyon at mga tanong hinggil sa bahagi ng baluti na naka-assign sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa mga kagrupo nila sa pagsagot para sa naka-assign sa kanila na bahagi ng baluti at maging handa na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

Larawan
Pangulong Harold B. Lee

“Mayroon tayong apat na bahagi ng katawan na sinabi ni Apostol Pablo na pinakamadaling punteryahin ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Ang balakang, na sumisimbolo sa karangalan, kalinisang-puri. Ang puso na sumisimbolo sa ating pag-uugali. Ang ating mga paa ay ang ating mga mithiin o layunin sa buhay at ang huli ay ang ating ulo, ang ating mga iniisip” (Harold B. Lee, Feet Shod with the Preparation of the Gospel of Peace, Brigham Young University Speeches of the Year [Nob. 9, 1954], 2).

“Mga balakang [na] may bigkis ng katotohanan,” (tingnan sa D at T 27:15–16):

Sinabi ni Pangulong Lee, “Ang balakang ay ang bahaging iyon ng katawan sa ibaba ng mababang tadyang kung saan naroon ang mahahalagang bahagi na kailangan sa reproduksyon” (Feet Shod, 2). Ang ibig sabihin ng bigkisin ay mahigpit na talian ng sinturon.

  • Sa palagay ninyo, bakit inaatake ni Satanas ang ating kadalisayan, kabanalan, at kalinisang-puri?

  • Sa inyong palagay, paanong ang kaalaman sa pamantayan ng Diyos sa moralidad ay nakatutulong sa atin na manatiling dalisay, banal, at marangal?

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na mabigkis sa katotohanan at tumutulong sa pagprotekta ng katotohanan at kalinisang-puri.

“Baluti sa dibdib ng kabutihan” (D at T 27:16):

  • Ayon kay Pangulong Lee, ano ang pinoprotektahan ng baluti sa dibdib?

  • Sa inyong palagay, paano naiimpluwensyahan ng kabutihan ng ating puso (ating mga hangarin) ang kakayahan nating lumaban sa ating mga espirituwal na digmaan?

“Mga paa [na] may panyapak ng paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan” (D at T 27:16):

Ang ibig sabihin ng sapinan ng “panyapak” ang inyong mga paa ay magsuot ng sapatos o proteksyon sa inyong mga paa.

  • Ayon kay Pangulong Lee, ano ang sinasagisag ng ating mga paa?

  • Paano hinahadlangan ni Satanas ang ating mga mithiin at layunin sa buhay?

  • Ano ang ibinigay sa atin Diyos na “makakapitan” upang matulungan tayong ilakad ang ating mga paa sa landas ng buhay patungo sa ating mga mithiin? (Tingnan sa 1 Nephi 8:24.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pagtuon sa mabubuting hangarin para mapaglabanan ang tukso?

“Ang kalasag ng pananampalataya” (D at T 27:17):

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat [mga tukso] ng masama”?

  • Paano kayo nadedepensahan at napoprotektahan ng inyong pananampalataya?

“Ang turbante ng kaligtasan” (D at T 27:18):

  • Ayon kay Pangulong Lee, ano ang napoprotektahan kapag may takip ang ulo natin?

  • Bakit mahalaga na protektahan ang ating isipan?

  • Paano inaatake ni Satanas ang ating isipan?

  • Anong mga partikular na bagay ang magagawa natin upang protektahan ang ating mga pag-iisip?

“Ang espada ng aking Espiritu” (D at T 27:18):

  • Paano tayo matutulungan ng Espiritu na mapaglabanan ang mga pag-atake ni Satanas?

  • Ano ang kalamangang naibibigay sa atin ng Espiritu sa paglaban natin sa kasamaan?

  • Paano nakatutulong ang salita ng Diyos sa paggamit natin ng espada ng Espiritu?

  • Ano ang magagawa ninyo upang mas maanyayahan ang Espiritu sa buhay ninyo?

Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano natin naisusuot at napalalakas ang baluti ng Diyos:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Gusto kong isipin na ang espirituwal na baluting ito ay hindi isang buong piraso ng bakal na hinubog para magkasya sa katawan, kundi isang pinagdugtung-dugtong na mga kadena. Ang kadenang ito ay binubuo ng dose-dosenang maliliit na piraso ng bakal na magkakabit-kabit upang mas makagalaw ang nagsusuot nang hindi nababawasan ang proteksyon. Sinasabi ko ito dahil sa aking karanasan ay walang iisang dakila at malaking bagay na maaari nating gawin upang maprotektahan ang ating mga sarili sa espirituwal na paraan. Ang tunay na kapangyarihang espirituwal ay nakasalalay sa maraming maliliit na mga gawain na hinabi sa mga hibla ng espirituwal na tanggulan na pumoprotekta at sumasangga mula sa lahat ng kasamaan” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 8).

  • Ano ang ilang maliliit na gawaing iyon na, kapag nagsama-sama sa kanilang lakas, ay makatutulong na maprotektahan tayo laban sa tukso at kasamaan?

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang mga unang linya ng Doktrina at mga Tipan 27:15.

  • Ano ang dapat nating gawin kapag nagsusuot tayo ng baluti ng Diyos? (Dapat nating “pasiglahin ang [ating] mga puso at magalak.”) Bakit dapat na mayroon tayo ng ganitong pag-uugali?

  • Anong scripture mastery passage ang natutuhan ninyo sa linggong ito na nagpapayo rin sa atin na pasiglahin ang ating mga puso at magalak? (D at T 25:13. Maaari mong ipabasa ito sa mga estudyante nang sabay-sabay o ipabigkas ito nang walang kopya.)

  • Paano tayo napoprotektahan laban kay Satanas kapag sinunod natin ang utos sa Doktrina at mga Tipan 25:13 na tuparin ang ating mga tipan sa Ama sa Langit?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang natutuhan nila sa lesson ngayon, at sabihin sa kanila na pumili ng isang partikular na bagay na magagawa nila para maisuot nila nang mas mabuti ang baluti ng Diyos. Hikayatin sila na isulat sa isang papel ang gagawin nila para madalas nilang matingnan ito bilang paalala sa ipinangako nila.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na patotohanan ang mga katotohanang itinuro sa lesson.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 29:31–50; 30–35)

Gaano karaming anak ng Ama sa Langit ang pinalayas sa langit sa buhay bago nilikha ang mundong ito? Bakit sila pinalayas? Ano ang ibig sabihin ng “himayin ang mga bansa”? Sa susunod na unit, malalaman ng mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong na ito. Malalaman din nila ang tungkol sa mga unang miyembro ng Simbahan na tinawag na “himayin ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu” (D at T 35:13).