Seminary
Home-Study Lesson: Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–65; Doktrina at mga Tipan 2 (Unit 2)


Home-Study Lesson

Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–65; Doktrina at mga Tipan 2 (Unit 2)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–65 at Doktrina at mga Tipan 2 (unit 2) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–20)

Natutuhan ng mga estudyante mula sa karanasan ni Joseph Smith sa pagsisikap na malaman kung aling simbahan ang totoo na kung magtatanong tayo sa Diyos nang may pananamplataya, sasagutin Niya ang ating mga panalangin. Nagtuon sila sa katotohanan na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Mula sa karanasan ni Joseph Smith, natutuhan din ng mga estudyante na ang Diyos Ama at si Jesucristo ay buhay at ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay magkahiwalay at magkaibang personahe. Bukod dito, natuklasan ng mga estudyante na kung masigasig nating hahangarin ang tulong ng Diyos kapag pinapahina ni Satanas ang ating loob, maililigtas tayo ng Diyos.

Day 2 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26)

Mula sa karanasan ni Joseph Smith, natutuhan ng mga estudyante na sa mga oras ng pagsubok, makakakuha tayo ng lakas mula sa mga halimbawa ng matatapat na tao sa mga banal na kasulatan. Sa pag-aaral kung paano hinarap ni Joseph Smith ang pag-uusig pagkatapos ng Unang Pangitain, nalaman ng mga estudyante ang mga doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa kanila kapag nakaranas sila ng oposisyon dahil sa kanilang patotoo. Bukod dito, natutuhan ng mga estudyante na kapag ipinamuhay natin ang mga alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan, magkakaroon tayo ng patotoo tungkol sa katotohanan ng mga ito.

Day 3 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54; Doktrina at mga Tipan 2)

Ninais ni Joseph Smith na malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Diyos. Natanto niya ang kanyang mga pagkakamali at kahinaan at nakadama ng kalungkutan. Tulad ni Joseph Smith, kapag natukoy natin ang ating mga kasalanan at nakadama ng kalungkutan dahil sa mga ito, maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit para humingi ng kapatawaran. Pinag-aralan ng mga estudyante ang pagdalaw ni Moroni kay Joseph Smith at nalaman na may gawaing ipagagawa ang Diyos kay Joseph Smith na lalaganap sa buong mundo. Kasama sa gawaing ito ang pagpapanumbalik ni Elijah ng kapangyarihang magbuklod sa lupa bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Day 4 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:55–65)

Pinagnilayan ng mga estudyante ang pangako ni Moroni kay Joseph Smith na ang mga lamina ay poprotektahan, at natutuhan nila na kapag tinanggap natin ang responsibilidad at iningatan ang ibinigay sa atin ng Panginoon, Siya ay magbibigay ng proteksyon at tulong. Nang pag-aralan ng mga estudyante ang tala tungkol sa pagdala ni Martin Harris ng mga kopya ng mga karakter o titik na nasa mga gintong lamina at ang salin ng mga ito kina Propesor Anthon at Dr. Mitchell, nalaman nila na ang mga propesiya ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ay tiyak na mangyayari.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pang-unawa sa Unang Pangitain ni Joseph Smith. Nagbibigay rin ito sa kanila ng pagkakataong matutuhan ang tungkol sa pagsisikap na kailangan sa paghahanap ng mga sagot sa mga tanong at mapahalagahan ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Matututuhan ng mga estudyante ang mga paraan para mapalakas ang kanilang pananampalataya laban sa mga pag-uusig at oposisyon na maaaring maranasan nila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–20

Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naghangad sila ng sagot sa isang tanong tungkol sa espirituwal o sa ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano ang ginawa ninyo para mahanap ang sagot sa inyong tanong?

Ipaalala sa mga estudyante na si Joseph Smith ay kaedad ng maraming estudyante ng seminary noong siya ay nabalisa tungkol sa isang mahalagang tanong at nagsimulang maghanap ng sagot. Bagama’t kakaiba ang karanasan ni Joseph, ang mga pangyayaring humantong dito ay isang huwaran na maaaring sundin ng bawat isa sa atin upang makatanggap ng tulong at mga sagot mula sa Diyos.

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “Nalaman ko para sa aking sarili” sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:20.

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong estudyante. Sabihin sa bawat grupo na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:8, 11–12, 14–15, at alamin kung ano ang ginawa ni Joseph Smith para malaman ang sagot sa kanyang tanong. Sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang kinatawan para sa kanilang grupo na pupunta sa pisara para isulat ang isang mahalagang bagay na nahanap ng kanyang grupo. Sabihin sa klase na huwag gayahin ang anumang bagay na nakasulat sa pisara. Kung nahirapan ang mga estudyante na mahanap ang ginawa ni Joseph, maaari mo silang tulungan sa pagmumungkahi ng sumusunod: taimtin na nagnilay (nag-isip) si Joseph, dumalo sa mga pulong ng simbahan, pinag-aralan ang mga turo ng iba’t ibang relihiyon, pinag-aralan ang mga banal na kasulatan, nanalangin nang may determinasyon.

Itanong ang mga sumusunod:

  • Anong alituntunin ang matututuhan ninyo mula kay Joseph Smith tungkol sa dapat gawin para matutuhan ang mga bagay na espirituwal? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang pagkatuto ng mga bagay na espirituwal ay nangangailangan ng ating pagsusumigasig. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na magsumigasig upang matutuhan ang mga espirituwal na katotohanan?

  • Paano makatutulong sa inyo ang paggamit ng alituntuning ito sa inyong personal na pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan sa taong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang naranasan ni Joseph nang magsumigasig siyang magtamo ng kaalaman.

  • Ayon sa talata 17, sino ang nakita ni Joseph Smith? (Tiyakin na malinaw na naunawaan na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.)

  • Ano ang natutuhan niya sa pangitaing ito tungkol sa dalawang personaheng ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith, na nagpaliwanag ng kahalagahan ng Unang Pangitain:

Larawan
Pangulong Joseph F. Smith

“Ang pinakadakilang pangyayaring naganap sa daigdig, simula sa pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos mula sa libingan at pag-akyat niya sa langit, ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph Smith” (Gospel Doctrine, Ika-5 ed. [1939], 495).

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magkaroon ng patotoo na talagang nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:18–20, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang nalaman ni Joseph Smith para sa kanyang sarili dahil kumilos siya nang may pananampalataya. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang nalaman ni Joseph para sa kanyang sarili?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Joseph Smith tungkol sa mangyayari kapag pinag-aralan natin ang salita ng Diyos at pagkatapos ay ginawa ang ayon sa ating nabasa? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod na katotohanan: Kung masigasig nating pag-aaralan ang salita ng Diyos at kikilos ayon dito nang may pananampalataya, malalaman natin ang mga katotohanan ng ebanghelyo para sa ating sarili. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito at imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)

  • Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang kaibigan o kapamilya na mayroong mga tanong tungkol sa ebanghelyo?

  • Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang ito sa inyong mga tanong o alalahanin?

Joseph Smith—Kasaysayan 1:20–65; Doktrina at mga Tipan 2

Pinakasalan ni Joseph Smith si Emma Hale, tinanggap ang mga gintong lamina, at nagsimulang magsalin

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang nangyari kay Joseph Smith pagkatapos ng kanyang Unang Pangitain. Tiyaking nauunawaan nila na nakaranas ang Propeta ng matinding pag-uusig pagkatapos sabihin sa iba ang tungkol sa pangitain. Sabihin sa kanila na basahin nang mag-isa ang huling bahagi ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:20 na nagsisimula sa pariralang, “Tila baga. …” Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Ayon kay Joseph Smith, bakit siya nakaranas ng matinding pag-uusig sa gayong murang edad? (Ang pag-uusig ay nagmula sa impluwensya ni Satanas dahil alam niyang si Joseph Smith ay magiging “tagabulabog at tagasuya ng kaharian [ni Satanas].”)

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaari kayong makaranas o ang ibang kilala ninyo ng pag-uusig ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang dapat nating gawin upang magkaroon ng lakas sa mahihirap na panahon.

  • Ano ang maaari nating gawin sa mahihirap na panahon upang magkaroon ng lakas na maging tapat? (Maaaring makapagbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Sa mahihirap na panahon, makakakuha tayo ng lakas mula sa mga halimbawa ng matatapat na tao sa mga banal na kasulatan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito at imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25, at maghanap ng mga salita o parirala na maaaring magbigay sa kanila ng tapang o lakas na gawin ang tama sa oras ng pag-uusig. Matapos magbahagi ang mga estudyante ng mga parirala na nahanap nila, maaari mong imungkahi na markahan nila ang pariralang “nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”

Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Ano ang itinuturo ng talatang ito sa inyo tungkol sa patotoo ni Joseph Smith sa Unang Pangitain?

  • Paano makatutulong sa inyo ang pariralang ito kapag hinamon ng isang tao ang inyong patotoo o inusig kayo dahil sa inyong mga paniniwala?

Tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo sa mga alituntuning tinalakay sa lesson na ito. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan o damdamin tungkol sa mga katotohanang ito.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 3–7; 10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67)

Paano nawala at hindi na nakuha pang muli ang 116 na pahina ng Aklat ni Mormon na isinalin ni Joseph Smith? Sa pag-aaral ng mga estudyante ng susunod na unit malalaman nila ang tungkol kay Martin Harris at sa nawalang manuskrito. Malalaman din nila ang ipinayo ng Panginoon sa mga taong nagnanais na maglingkod sa Diyos.