Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 45–48 (Unit 11)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 45–48 (Unit 11)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 45–48 (unit 11) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 45:1–15)

Sa mga pambungad na talata ng Doktrina at mga Tipan 45, nabasa ng mga estudyante na nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa at Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama sa Langit. Kapag nalaman natin ang tungkol sa Tagapagligtas at kung ano ang ginawa Niya para sa atin, mag-iibayo ang ating hangarin na pakinggan ang Kanyang tinig.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 45:16–75)

Sa pag-aaral ng mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, nalaman ng mga estudyante na kung tayo ay tatayo sa mga banal na lugar at maghihintay sa mga palatandaan, magiging handa tayo sa dakilang kaganapang iyon. Mula sa talinghaga ng sampung dalaga, nalaman nila na kung tatanggapin natin ang katotohanan at tatanggapin ang paggabay ng Banal na Espiritu, mananatili tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Nalaman din ng mga estudyante sa lesson na ito ang impormasyon tungkol sa Bagong Jerusalem.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 46)

Nag-ukol ang mga estudyante ng oras sa lesson na ito na pag-isipan kung paano pinangangasiwaan ang mga miting sa Simbahan. Nalaman nila na dapat may gabay ng Banal na Espiritu ang mga lider ng Simbahan sa pangangasiwa nila sa mga miting, at iniutos ng Panginoon sa atin na tanggapin ang lahat ng tao sa ating mga pangkalahatang pulong. Natukoy din ng mga estudyante ang mga paraan upang hindi malinlang: (1) sundin ang Espiritu nang buong kabanalan at (2) manawagan sa Diyos at mamuhay nang may pasasalamat sa Kanya. Pagkatapos ay pinag-aralan ng mga estudyante ang tungkol sa mga layunin ng mga espirituwal na kaloob.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 47–48)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa kahalagahan ng pagsusulat at pag-iingat ng mga talaan ng Simbahan, natuklasan nila ang katotohanan na kung masigasig tayo sa pagsusulat ng sarili nating kasaysayan, tutulungan tayo ng Espiritu. Sa pag-aaral ng mga estudyante sa konteksto ng kasaysayan ng pagdating ng mga nandayuhang Banal sa Ohio mula sa New York, pinagnilayan nila ang utos ng Panginoon na magbahagi ng kung ano ang mayroon tayo sa mga nangangailangan.

Pambungad

Ang lesson na ito ay tungkol sa lubos na pagmamalasakit ni Jesucristo sa ating lahat. Ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataon na maiugnay ang mga doktrina at mga alituntunin na natutuhan nila sa buong linggo kung paano ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa atin.

Paalala: Sa kanilang personal na pag-aaral, isinaulo at ipinamuhay ng mga estudyante ang scripture mastery passage sa Doktrina at mga Tipan 46:33. Maaari mong sabihin sa kanila na bigkasin ito at ibahagi kung paano sa palagay nila “[makagagawa] sa tuwina ng kabutihan at kabanalan sa harapan [ng Panginoon]” ang mga kabataan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 45–46

Itinuro ng Panginoon ang tungkol sa mahahalagang kaganapan at mga kaloob sa mga huling araw

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sino ang nag-aalala tungkol sa inyo sa oras na ito?

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na sandaling rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 45–46, at hanapin ang mga talata na minarkahan nila at ang anumang mga katotohanan na natukoy nila na sumusuporta sa ideya na inaalala sila ng Tagapagligtas at personal na nagmamalasakit sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong sa pisara, at ibahagi ang kanilang sagot.

  • Ano ang natutuhan ninyo sa pag-aaral ninyo sa linggong ito na nakatulong sa inyo na maunawaan na nagmamalasakit sa inyo ang Panginoon? (Maaaring maipahayag sa mga sagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na ideya: Ang Tagapagligtas ay Tagapamagitan natin sa Ama; ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng paghahayag ng mga kaganapang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito: at bibigyan tayo ng Diyos ng mga kaloob ng Espiritu kapag hinanap at namuhay tayo ng karapat-dapat sa mga ito.)

Ipaalala sa mga estudyante na sa panahong ito sa kasaysayan ng Simbahan, ang mga kaaway ay nagpapalaganap ng mga kasinungalingan at maling pahayag tungkol sa Simbahan at kay Propetang Joseph Smith. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 45 ay nagpaalala sa mga Banal lalo na sa mahirap na panahong ito na inaalala sila ng Panginoon.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 45:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung paano nagbigay ng kapanatagan ang paghahayag na ito sa mga Banal sa panahong ito ng pang-uusig. Maaari mong pahintuin ang mga estudyante sa kanilang pagbabasa para maitanong mo ang ilan sa mga sumusunod pagkatapos nilang mabasa ang mga talatang may kaugnayan sa tanong:

  • Paano ipinakita ang personal na pagmamalasakit sa inyo ng Tagapagligtas sa doktrinang nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa (D at T 45:1)?

  • Paano naipakita ng mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 45:2 ang Kanyang pagmamalasakit sa atin?

  • Mula sa talata 3, ano ang naunawaan ninyo sa pariralang “nagsusumamo sa inyong kapakanan”?

  • Ayon sa talata 4, ano ang naranasan at ginawa ng Tagapagligtas na naging dahilan para maging Tagapamagitan natin Siya sa Ama sa Langit? (Dumanas Siya ng pagdurusa at kamatayan, at nabuhay sa mundong ito nang walang bahid ng anumang kasalanan. Maaari mong tawagin ang isang estudyante para maipaliwanag ang tungkulin ng isang tagapamagitan mula sa natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral.)

  • Paano nakaimpluwensya ang kaalamang si Jesucristo ang ating tagapamagitan sa Ama sa Langit sa inyong mga pinipili at ginagawa ngayon?

Upang mabigyang-diin na nagmamalasakit ang Tagapagligtas sa atin, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga karagdagang kaalaman tungkol sa ginagampanan ng Tagapagligtas bilang ating tagapamagitan.

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Si [Jesucristo] ang namamagitan sa Ama at sa tao. Nagsusumamo Siya para sa ating kapakanan. Alam ninyo, na noong siya ay nasa lupa siya ay palaging nananalangin, at nanalangin siya para sa kanyang mga disipulo, nagsusumamo sa Ama para sa kanilang kapakanan, at noon pa man ay nagsusumamo na siya, at namamagitan siya sa atin at sa Diyos na ating Ama” (sa Conference Report, Okt. 1953, 58).

  • Sa inyong palagay, paano mapapasalamatan ng isang tao ang Tagapagligtas na namagitan para sa kanya? (Upang matulungan ang mga estudyante na makapagbahagi ng sagot na pinag-isipang mabuti, patingnan sa kanila ang isinulat nila para sa kanilang pangalawang assignment sa lesson nila para sa Day 1 ng unit na ito [D at T 45:1–15].)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila na walang nag-aalala sa kanila o nadama nila na hindi sila mahalaga kaysa sa ibang tao.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas sa bawat isa sa kanila.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Mga kapatid, pinatototohanan ko na walang isa man sa atin na di gaanong mahal o itinatangi ng Diyos kaysa iba. Pinatototohanan ko na mahal Niya ang bawat isa sa atin—ang kawalan ng katatagan, pag-aalala, reputasyon, at lahat na. Hindi Niya sinusukat ang ating mga talino o kaanyuan, propesyon o pag-aari. Nagagalak Siya sa bawat mananakbo, na sinasabing ang paligsahan ay laban sa kasalanan, hindi laban sa isa’t isa. Alam ko na kung magiging tapat tayo, may akmang bata ng kabutihang sadyang ginawa at naghihintay para sa lahat” (“Ang Isa Pang Alibugha,” Liahona, Hulyo 2002, 64).

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang sarili nilang karanasan nang madama nila na nagmamalasakit sa kanila ang Diyos o nadama nilang pinalakas ng Diyos ang loob nila.

Ipaliwanag na ang isa sa mga paraan na pinanatag ng Tagapagligtas ang mga naunang Banal sa panahong iyon ng pag-uusig ay ang sabihin sa kanila na Siya ay paparitong muli sa mundo para pagpalain sila. Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Doktrina at mga Tipan 45:55–59.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito at alamin kung paano pagpapalain ang mga Banal sa pagdating ng Panginoon.

  • Ayon sa talata 57, ano ang dapat nating gawin upang maging handa sa pagdating ni Jesucristo? (Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tatanggapin natin ang katotohanan at tatanggapin ang paggabay ng Banal na Espiritu, mananatili tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.)

  • Sa inyong palagay, paano tayo inihahanda ng pagtanggap ng katotohanan at pagtanggap ng paggabay ng Espiritu sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

  • Ano ang ginagawa ninyo para matanggap ang katotohanan sa inyong buhay? Kailan kayo nagabayan ng Espiritu Santo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng mga karanasan mula sa iyong sariling buhay.)

Doktrina at mga Tipan 47–48

Ang mga Banal ay dapat patuloy na magsulat ng kasaysayan at magbahagi ng anumang mayroon sila sa isa’t isa

Ipaalala sa mga estudyante na ang isang bahagi ng pinag-aralan nila sa linggong ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagsusulat ng sariling kasaysayan o journal. Upang mahikayat ang klase na magpatuloy sa pagsusulat ng sariling kasaysayan o magsimula sa pagsusulat ng sariling kasaysayan, maaari mong itanong sa kanila kung bakit mahalaga ang pagsusulat ng sariling kasaysayan.

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga pagpapalang natamo nila sa pagsusulat ng sariling kasaysayan o sa pagbabasa ng mga kasaysayan ng kanilang mga magulang, lolo’t lola, o ng iba pa nilang mga ninuno.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 49–56)

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Paano natin ipapangaral ang ebanghelyo sa iba? Paano ninyo malalaman na nagtuturo o natututo kayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Mahirap ba para sa inyo na malaman kung ang isang bagay ay mula sa Diyos o sa ibang pinagmulan? Ipaliwanag na sa susunod na unit malalaman nila ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paraan kung paano makikilala o mahihiwatigan ang katotohanan at maiwasan ang mga maling turo.