Seminary
Lesson 65: Doktrina at mga Tipan 59


Lesson 65

Doktrina at mga Tipan 59

Pambungad

Noong Linggo, Agosto 7, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 59 habang nasa Jackson County, Missouri. Sa paghahayag na ito, inihayag ng Panginoon ang mga inaasahan Niya sa mga Banal na kararating lang sa Sion, kabilang ang mga dapat gawin upang mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Tiniyak din ng Panginoon na ang mga susunod sa Kanyang mga kautusan ay tatanggap ng mga pagpapalang espirituwal at temporal.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 59:1–4

Inihayag ng Panginoon ang mga pagpapalang ipagkakaloob Niya sa matatapat na Banal sa Sion

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ibigin ninyo ang Panginoon nang buo ninyong ?

Ano ang ilang ginagawa o pag-uugali ang maaari ninyong makita sa mga taong iniibig ang Panginoon nang buo nilang na hindi ninyo makikita sa mga taong hindi iniibig ang Panginoon?

Sa simula ng klase, isulat ang pangalang Polly Knight sa pisara. Itanong sa mga estudyante kung ano ang naaalaala nila tungkol sa kanya mula sa lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 57. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maalala nila ito, ipabasa sa isang estudyante ang tala tungkol kay Polly Knight na ibinigay sa lesson 62.

  • Ano ang hinangaan ninyo kay Polly Knight?

Sabihin sa mga estudyante na natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59 sa araw na pumanaw si Polly. Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 59:1–2 at maghanap ng mga parirala na maaaring makabuluhan sa kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay. Ipabahagi sa mga estudyante ang nahanap nila.

  • Ayon sa talata 1, kanino pa naaangkop ang paghahayag na ito maliban kay Polly Knight? (Ang mga Banal na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos na ang mata ay nakatuon sa Kanyang kaluwalhatian.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:3–4 at sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang espirituwal at temporal na ipinangako sa mga sumusunod sa Panginoon na ang mata ay nakatuon sa Kanyang kaluwalhatian. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

  • Sa talata 4, anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon na maaaring hindi ituring na pagpapala ng ilang tao? (“Mga kautusang hindi kakaunti.”) Paano naging isang pagpapala sa atin ang mga kautusan? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong imungkahi na basahin nila ang Doktrina at mga Tipan 130:20–21.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung susundin natin ang mga kautusan na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, …

Ipakumpleto sa mga estudyante ang pahayag na ito gamit ang natutuhan nila sa talata 1–4. Isang paraan na maipapahayag ng mga estudyante ang alituntuning ito ay kung susundin natin ang mga kautusan na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, tayo ay pagpapalain kapwa sa temporal at espirituwal. Sabihin sa mga estudyante na maghanap pa ng karagdagang halimbawa ng alituntuning ito sa patuloy nilang pag-aaral ng paghahayag na ito.

Doktrina at mga Tipan 59:5–8

Ang Panginoon ay nagbigay ng mga kautusan sa mga Banal

Ipaliwanag na ipinagpatuloy ng Panginoon ang paghahayag na ito sa pagbibigay ng ilang kautusan sa mga Banal sa Sion. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:5 at sabihin sa klase na tukuyin ang isang kautusan na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.

Ayon sa talatang ito, ano ang inaasahan ng Panginoon sa Kanyang mga Banal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Dapat nating ibigin ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas)

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan ang bawat magkapartner ng isa sa mga salita na naglalarawan kung paano natin dapat ibigin ang Panginoon (puso, kakayahan, pag-iisip, lakas). Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang ibinigay na salita sa kanila para makumpleto ang mga tanong na isinulat mo sa pisara bago magklase. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na sagutin ang unang tanong at ang kapartner naman niya ang sasagot sa pangalawang tanong. Pagkatapos ng sapat na oras na natalakay na ng magkakapartner ang mga tanong na ito, tawagin ang ilang estudyante para maibahagi nila ang kanilang sagot sa klase.

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng kautusan na ibigin ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas, ipasagot sa kanilang notebook o scripture study journal ang isa sa mga sumusunod na pahayag:

  • Ilarawan ang isang pagkakataon na nakadama ka ng matinding pagmamahal sa Panginoon.

  • Ilarawan ang isang pagkakataon na nakaimpluwensya sa desisyong ginawa mo ang iyong pagmamahal sa Panginoon.

Pagkatapos ng sapat na oras, tumawag ng ilang estudyante para magbahagi ng kanilang sagot. (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasan na sagrado o napakapribado.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:6–8 at tukuyin ang mga karagdagang kautusan na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal sa panahong iyon.

  • Paano nauugnay ang mga kautusang ito sa kautusang ibigin ang Panginoon nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas?

  • Paano nakikita sa pagmamahal natin sa ating kapwa-tao ang ating pag-ibig o pagmamahal sa Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 59:9–19

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal ang tungkol sa araw ng Sabbath

Magbigay sa mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Mark E. Petersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, o isulat ito sa pisara bago magsimula ang klase. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “The Sabbath Day,” Ensign, Mayo 1975, 49.)

“Ang pagpapanatili o hindi pagpapanatiling banal ng ay nagpapakita ng ating personal na saloobin sa Panginoon at sa kanyang pagdurusa sa Getsemani, sa pagkamatay niya sa krus, at pagkabuhay na mag-uli” (Elder Mark E. Petersen).

Sabihin sa mga estudyante na hulaan ang mga salita na nawala sa pahayag na ito (“araw ng Sabbath”). Pagkatapos nilang maibahagi ang kanilang mga ideya, ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59, muling ipinahayag ng Panginoon ang kautusan na makatutulong sa mga Banal na unahin ang Diyos sa kanilang buhay at mapalalim ang kanilang ugnayan sa Kanya. Ito ang kautusan na binanggit ni Elder Petersen. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:9–10 at sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang kautusang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.

  • Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon sa mga talatang ito? (Panatilihing banal ang araw ng Sabbath.)

Ipakumpleto sa mga estudyante ang pahayag ni Elder Petersen gamit ang mga salitang araw ng Sabbath.

  • Ayon kay Elder Petersen, paano nauugnay ang pagpapanatili nating banal ng araw ng Sabbath sa ating pagmamahal sa Panginoon at pagpapahalaga sa Kanyang Pagbabayad-sala?

Ipaliwanag na sa talata 9, ang Panginoon ay nangako ng isang malaking pagpapala sa mga taong gumagalang sa Kanyang banal na araw. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung pananatilihin nating banal ang araw ng Sabbath, tutulungan tayo nito na …

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang talata 9 at tukuyin ang pangakong ibinigay ng Panginoon para sa kautusang ito.

  • Ayon sa talata 9, paano tayo pagpapalain sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”?

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa pisara gamit ang sarili nilang mga salita. Ang sumusunod ay isang paraan na maipapahayag ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung pananatilihin nating banal ang araw ng Sabbath, tutulungan tayo nito na mapaglabanan ang tukso at madaig ang kasalanan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.

Ipaliwanag na matutulungan tayo ng talata 9–14 na maunawaan ang ibig sabihin ng panatilihing banal ang araw ng Sabbath. I-assign sa bawat isang estudyante ang isa sa mga sumusunod na talata: Doktrina at mga Tipan 59:9, 10, 12, and 13. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang talatang naka-assign sa kanila at alamin kung paano natin mapapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Sabihin sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataon na maibahagi sa klase ang nalaman nila. Bago basahin ng mga estudyante ang talatang naka-assign sa kanila, maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “iukol ang inyong mga pananalangin” sa talata 10 ay pagsamba o pagpapakita ng ating pagmamahal at katapatan. Bukod pa rito, maaari mong ituro ang footnote para sa salitang handog sa talata 12.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa estudyante na nag-aral ng talata 9 na basahin ito nang malakas. Sabihin sa mga estudyante na nag-aral ng talatang ito na ibahagi ang mga ideyang natuklasan nila kung paano natin mapapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Atasan ang isang estudyante na maging tagasulat at ipalista ang mga ideyang ito sa ilalim ng alituntunin na nakasulat sa pisara. (Halimbawa, sa talata 9 maaaring matukoy ng mga estudyante ang pagsisimba, pagdarasal, at pagtanggap ng sakramento bilang mahahalagang bahagi ng pagpapanatiling banal ng araw na Sabbath.) Sabihin sa mga estudyante na gawin din ito sa bawat isa sa natitira pang mga talata.

  • Paano nakatulong ang pagsisikap ninyo na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath para mapaglabanan ninyo ang tukso at mapalakas kayo sa espirituwal?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:15 at hanapin ang mga parirala na naglalarawan sa dapat na saloobin natin hinggil sa araw ng Sabbath. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pariralang natukoy nila at ipaliwanag kung bakit ang pagkakaroon ng ganitong saloobin sa araw ng Sabbath ay makatutulong sa atin na mapanatili itong banal.

Maikling ibuod ang Doktrina at mga Tipan 59:16–19 na ipinapaliwanag na ang Panginoon ay nangako ng mga pagpapalang temporal at espirituwal sa mga taong gumagalang sa Kanyang banal na araw. Ibahagi kung paanong ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay nakaimpluwensya sa iyong pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na gagawin nila na tutulong sa kanila na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.

Doktrina at mga Tipan 59:20–24

Ang Panginoon ay nagbibigay ng mga bagay ng mundo at ng mga walang hanggang pagpapala

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga magulang sila na nagbibigay ng mga regalo sa kanilang mga anak. Ilan sa mga anak nila ay palaging nagpapasalamat nang taos-puso sa tuwing nireregaluhan sila.

  • Ano ang mararamdaman ninyo bilang magulang? Makakaimpluwensya ba ito sa inyong desisyon na magbigay pa ng mas maraming regalo? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang nararamdaman ng Diyos tungkol sa pagbibigay ng mga pagpapala sa atin at kung ano ang dapat nating gawin kapag nakakatanggap tayo ng mga pagpapala mula sa Kanya.

  • Ano ang nadarama ng Diyos sa pagbibigay sa atin ng mga pagpapala? (Ikinalulugod Niya ito.) Ayon sa talata 21, paano tayo makasasakit sa Diyos? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Nakasasakit tayo sa Diyos kapag hindi tayo nagpapasalamat sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.)

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang galit at poot ng Diyos na inilarawan sa talata 21 ay katibayan ng Kanyang pagmamahal sa atin. Hindi Siya nalulugod kapag hindi tayo nagpapasalamat o hindi sumusunod dahil ang ugaling ito ay naglalayo sa atin sa Kanya.

  • Sa palagay ninyo, bakit nakapipinsala sa ugnayan natin sa Diyos kapag hindi tayo nagpapasalamat sa Kanya para sa mga pagpapalang natanggap natin mula sa Kanya?

  • Paano nauugnay ang katotohanang ito sa alituntuning natukoy kanina tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 59:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan.

  • Sa paanong paraan nagdudulot ng kapayapaan sa inyong buhay ang pamumuhay ayon sa mga katotohanang natukoy natin sa paghahayag na ito?

Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na isiping mabuti ang maraming paraan na napagpala sila ng Diyos dahil sa pagsunod nila sa Kanyang mga kautusan at ang mga paraan na maipapakita nila ang kanilang pasasalamat sa Kanya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 59:9. “Aking banal na araw”

Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59 ay ang unang paghahayag na nakatala sa dispensasyong ito kung saan nagbigay ang Panginoon ng mga partikular na tagubilin hinggil sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Ibinigay ng Panginoon ang paghahayag para sa mga Banal na magtatayo ng lunsod ng Sion. Ang mga Banal na ito ay nakatira malapit sa iba pang mga residente ng Jackson County, marami sa kanila ang tinutularan ang ginagawa ng mundo at hindi pinananatiling banal ang araw ng Sabbath, na mas pinipili nilang makibahagi sa iba’t ibang uri ng libangan.

Doktrina at mga Tipan 59:9. “Mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”

Ipinaliwang ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento para manatili tayong walang-bahid dungis mula sa sanlibutan:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Tayo ay nabubuhay sa mapanganib na mga panahong ipinropesiya ni Apostol Pablo (tingnan sa II Kay Timoteo 3:1). Yaong mga [nagsisikap] na lumakad sa makipot at makitid na landas ay nakakakita ng mga kaakit-akit na likuan sa bawat tabi. Maaari tayong maguluhan, mapasama, masiraan ng loob, o malungkot. Paano natin magagawang magabayan ng Espiritu ng Panginoon sa ating mga pagpili at mapanatili tayo sa landas?

“Sa makabagong paghahayag ibinigay ng Panginoon ang sagot sa tanong [sa pamamagitan ng kautusang] ito:

“‘At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa palanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;

“‘Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan’ (D at T 59:9–10).

“Ito ay isang kautusang may pangako. Sa pakikibahagi nang lingguhan at marapat sa ordenansa ng sakramento tayo ay nararapat sa pangako na mapapasaatin ‘sa tuwina ang Kanyang Espiritu upang makasama [natin]’ (D at T 20:77). Ang Espiritung iyon ang saligan ng ating patotoo. Ito ay nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagpapaalala sa atin ng lahat ng bagay, at umaakay sa atin sa katotohanan. Ito ang kompas na gagabay sa ating landas. Ang kaloob na ito ng Espiritu Santo, itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff, ‘ang pinakadakilang kaloob na maigagawad sa tao’ (Deseret Weekly, Abr. 6, 1889, 451). …

“Paano natin magagawang magabayan ng Espiritu ng Panginoon ang ating mga pagpili nang sa gayon ay manatili tayong ‘walang bahid-dungis mula sa sanlibutan’ (D at T 59:9) at nasa ligtas na landas habambuhay? Kailangang tayo ay karapat-dapat sa nagpapadalisay na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kautusang lumapit sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at sa pagdalo sa napakagandang miting na iyon linggu-linggo at pagtanggap ng sakramento at pakikipagtipan na siyang magpaparapat sa atin sa napakahalagang pangako na mapapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu [upang makasama natin] (tingnan sa D at T 20:77)” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 17, 20).