Seminary
Lesson 122: Doktrina at mga Tipan 113–114


Lesson 122

Doktrina at mga Tipan 113–114

Pambungad

Nang dumating na sa Far West, Missouri, noong Marso 1838, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 113. Sa paghahayag, sinagot ng Panginoon ang mga tanong tungkol sa mga talata mula sa aklat ni Isaias. Noong Abril 11, 1838, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 114, kung saan tinagubilinan ng Panginoon si David W. Patten, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na maghandang magmisyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 113

Sinagot ng Panginoon ang mga tanong tungkol sa mga talata sa aklat ni Isaias

Magsimula sa pagtatanong sa mga estudyante ng sumusunod:

  • Nahihirapan ba kayong maunawaan ang nababasa ninyo sa mga banal na kasulatan?

Ipaliwanag na ang ilang propesiya sa mga banal na kasulatan ay kinapapalooban ng mga simbolo na mahirap maunawaan. Ipaliwanag na sa Far West, Missouri, hiniling ng ilang kapatid kay Joseph Smith na ipaliwanag ang mga talata sa mga kabanata 11 at 52 sa aklat ni Isaias. Sinagot ng Panginoon ang mga tanong na iyon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 113. Maaari mong ipaliwanag na noong unang dalawin ni Moroni si Joseph Smith, binanggit niya ang propesiya sa Isaias 11. Sinabi ni Moroni na ang propesiya ay malapit nang matupad (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:40).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Isaias 11:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang apat na bagay na binanggit sa talatang ito.

  • Ano ang mga bagay na nakita ninyo? (Dapat mabanggit ng mga estudyante ang usbong, puno, sanga, at ugat. Ituro na ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 113 ang sinisimbolo ng usbong, puno, at mga ugat.)

Larawan
tuod

Ipaliwanag na ang salitang puno sa Isaias 11:1 ay isinalin mula sa salitang Hebreo na tumutukoy sa katawan o tuod ng puno—puno na pinutol o puno na itinanim. Sabihin sa isang estudyante na magdrowing ng tuod sa pisara at isulat ang Puno sa tabi ng larawan. Pagkatapos ay ipadagdag sa estudyante ang mga ugat at lagyan ng label na Mga Ugat.

  • Ayon sa Isaias 11:1, ano ang lalabas sa puno? (Isang usbong—sa madaling salita, isang bagong pagtubo.)

Magpadrowing sa estudyante ng bagong pagtubo na lumalabas sa puno at lagyang ito ng label na Usbong.

Ipaliwanag na ang mga bagay na ito ay mga simbolo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 113:1–6 at alamin ang mga kahulugan ng mga simbolo.

Ipasulat sa isang estudyante ang Jesucristo sa pisara sa tabi ng salitang Puno.

Ipaliwanag na ibinahagi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang interpretasyon ng mga ugat at ng usbong—na pareho itong sumisimbolo kay Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Mali ba tayo sa pagsasabi na ang propetang binanggit dito ay si Joseph Smith, na tumanggap ng priesthood, na tumanggap ng mga susi ng kaharian, at nagtaas ng sagisag para sa pagtitipon ng mga tao ng Panginoon sa ating dispensasyon? At hindi ba’t siya rin ay ‘isang tagapaglingkod sa mga kamay ni Cristo, na bahagyang inapo ni Jesse gayon din ni Ephraim, o ng sambahayan ni Jose, na kung kanino naroon ang labis na kapangyarihan’? (D at T 113:4–6.) Ang mga tainga ng yaong mga umaayon sa mga bulong ng Walang Hanggan ay malalaman ang kahulugan ng mga bagay na ito” (The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 339–40).

Ipasulat sa isang estudyante ang Joseph Smith sa pisara sa tabi ng mga salitang Mga Ugat at Usbong.

  • Ano ang ilang bagay na ginawa ni Joseph Smith bilang “isang tagapaglingkod sa mga kamay ni Cristo”? (D at T 113:4).

  • Sa Doktrina at mga Tipan 113:6, anong layunin ang ibinigay para sa mga susi ng kaharian na ibinigay kay Joseph Smith? (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Natanggap ni Joseph Smith ang mga susi ng kaharian para sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw. Maaari mo ring ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:11.)

Ipaliwanag na matapos ihayag ng Panginoon ang mga sagot sa mga tanong tungkol sa Isaias 11, nagtanong si Elias Higbee tungkol sa Isaias 52. Hatiin ang klase sa dalawang grupo at ipabasa nang tahimik sa unang grupo ang Doktrina at mga Tipan 113:7–8. Ipabasa nang tahimik sa pangalawang grupo ang Doktrina at mga Tipan 113:9–10. Sabihin sa dalawang grupo na alamin ang mga ninanais ng Panginoon para sa mga tao ng Sion.

  • Ayon sa mga talata 7–8, ano ang dapat nating “isuot”? Ayon sa talata 8, ano ang lakas ng Sion? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang awtoridad ng priesthood ay ang lakas ng Sion.)

Ipaliwanag na kasama sa talata 9 ang tanong tungkol sa “pagkakalag ng Sion sa mga gapos sa kanyang leeg.”

  • Ayon sa talata 10, ano ang ibig sabihin ng pariralang “mga gapos sa kanyang leeg”?

  • Ano ang ilang paraan na tayong lahat ay tinutulungan ng awtoridad ng priesthood na “isuot [natin] ang [ating] lakas”?

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin para mapakawalan ang ating sarili mula sa “mga gapos”? Paano natin matutulungan ang iba na magawa ang mga bagay na ito?

Doktrina at mga Tipan 114

Iniutos ng Panginoon kay David W. Patten na maghandang magmisyon

Ipaliwanag na ang isang taong pinili ng Panginoon para tulungan ang Sion sa “pagsuot ng kanyang lakas” ay isang lalaking nagngangalang David W. Patten. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paglalarawan:

Sumapi sa Simbahan si David W. Patten noong Hunyo 15, 1832. Siya ay inorden na Apostol noong 1835. Hindi siya takot na ipaglaban ang pananampalataya at si Propetang Joseph Smith. Sa pagtatanggol sa mga Banal laban sa mga mandurumog sa Missouri, si David W. Patten ay nakilala bilang si “Captain Fear Not.” (Tingnan sa Lycurgus A. Wilson, Life of David W. Patten: The First Apostolic Martyr [1900], 5, 32, 52, 62.)

Ipaliwanag na hiniling ni Elder Patten kay Joseph Smith na humingi ng paghahayag para sa kanya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 114:1. Sabihin sa klase na alamin ang gustong ipagawa ng Panginoon kay Elder Patten.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Elder Patten?

  • Ayon sa talata 1, ilan ang tinawag ng Panginoon para gawin ang misyong ito? (Labindalawa. Ang talatang ito ay tumutukoy sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa kanilang nalalapit na misyon sa England.)

  • Kailan nakatakdang umalis si Elder Patten para magmisyon? Tingnan ang pambungad ng bahagi at pansinin ang petsa kung kailan ibinigay ang paghahayag na ito. Gaano pa katagal bago umalis si David? (Humigit-kumulang isang taon.)

Sabihin sa mga estudyante na isang trahedya ang nangyari anim na buwan matapos ibigay ang paghahayag tungkol kay David Patten. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay tungkol sa labanan sa Crooked River:

Noong taglagas ng 1838, ang pagkapoot at pang-uusig ay tuminding muli laban sa mga Banal sa Missouri. Noong Oktubre 24, dinukot ng mga mandurumog ang tatlong Banal, na tila balak nilang patayin pagsapit ng gabi. Nang mabalitaan ito, isang pambayang hukom na nagngangalang Elias Higbee, na isang miyembro ng Simbahan, ang nag-utos kay Lieutenant Colonel George M. Hinkle ng militia ng estado, na miyembro rin ng Simbahan, na bumuo ng isang grupo ng mga tao upang pagwatak-watakin ang mga mandurumog at sagipin ang mga bihag. Pitumpu’t limang tao ang nagtipon sa hatinggabi, kasama si David W. Patten bilang kanilang kapitan. Umasa si Elder Patten na magugulantang ang mga mandurumog at masasagip ang mga bihag nang walang dumadanak na dugo, ngunit nang papalapit na ang mga kalalakihan sa Crooked River, isang nakakubling miyembro ng mandurumog ang nagpaputok nang isang beses. Si Patrick O’Banion, na miyembro ng militia ng mga Banal, ay humandusay sa lupa. Si Kapitan Patten, na pinamumunuan ang 15 kalalakihan na malayo sa iba pang kasama sa grupo, ay narinig ang putok ng baril at pinuntahan ang pinanggalingan ng putok kasama ang kanyang grupo. Mabilis na naganap ang labanan, at ilang katao ang nasugatan. Kaagad na namatay si Gideon Carter, at namatay rin si Patrick O’Banion nang gabing iyon. Si Elder Patten ay kabilang din sa mga sugatan.

Ilang oras matapos ang labanan namatay din si Elder Patten. Napakalakas ng kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo na nasabi niyang minsan kay Propetang Joseph Smith na gusto niyang mamatay na isang martir. “Labis na naantig ang Propeta, at nagpahayag ng matinding kalungkutan, ‘dahil,’ sabi niya kay David, ‘kapag ang isang taong tulad mo na may matibay na pananampalataya ay humiling sa Panginoon ng anupaman, kadalasang natatanggap niya ito’” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 200; binanggit ang sinabi ni Joseph Smith, sa Life of David W. Patten, 53). Bago ang libing ni Elder Patten sa Far West, itinuro ni Joseph Smith ang katawan ni Elder Patten at sinabi, “Nakahimlay ngayon ang isang taong ginawa mismo ang kanyang sinabi—inalay niya ang kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (sa History of the Church, 3:175).

Ipaliwanag na bago namatay si Elder Patten, kasalukuyan siyang naghahanda, nang buong katapatan, na magmisyon. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa palagay ninyo, paano nakaimpluwensya kay Elder Patten ang utos ng Panginoon na maghandang magmisyon? Paano pinagpala si Elder Patten ng utos na ito, kahit hindi niya naisagawa ang misyon na inaasahan niyang gawin?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula rito? (Maaaring magbahagi ng iba’t ibang kaalaman at katotohanan ang mga estudyante, kabilang na ang sumusunod na alituntunin: Kung makikinig tayo sa tagubilin ng Panginoon, magiging handa tayo sa anumang plinano Niya para sa atin.)

  • Kailan kayo sumunod sa payo ng Panginoon at nalaman ninyo na inihanda kayo nito sa isang bagay na hindi ninyo inaasahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 114:2. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag hindi ginawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin. (Maaari mong ipaliwanag na sa talatang ito, ang katagang obispado ay tumutukoy sa responsibilidad ng isang tao, hindi sa bishop at kanyang mga tagapayo. Tingnan sa Awit 109:8; Mga Gawa 1:20.)

  • Ano ang matututuhan natin sa talata 2 tungkol sa mangyayari kung hindi tayo tapat sa ating mga tungkulin? (May ibang tatawagin upang gumawa ng ating mga responsibilidad.)

Ipaliwanag na noong malapit nang mamatay si Elder David W. Patten, kinausap niya ang ilan sa kanyang mga kapwa Banal, kabilang na ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na hindi naging tapat. Sabi niya, “O kung sila lamang ay nasa aking kalagayan! Sapagka’t nadama ko na iningatan ang pananampalataya ko, natapos ko ang aking takbo, magmula ngayon ay nakalaan sa akin ang putong na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matwid na Hukom.” Sa kanyang asawa, sinabi niya, “Anupaman ang gawin mo, mangyaring huwag mong itatatwa ang pananampalataya” (sinipi ni Heber C. Kimball, sa Life of David W. Patten, 69).

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagiging matapat, sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang gagawin upang masunod ang payo ng Panginoon at magawa ang mga inaasahan Niya mula sa kanila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 113:1–6. Interpretasyon ng mga simbolo sa mga banal na kasulatan

Ang mga simbolo sa mga banal na kasulatan ay maaaring magkaroon ng maraming kahulugan. Halimbawa, ang inspiradong interpretasyon ng Isaias 11:1, 10 na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 113:1–6 ay naglalarawan ng katuparan ng propesiyang ito sa mga huling araw (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:40). Gayunman, ang Isaias 11:1, 10 ay maaari ding bigyan ng interpretasyon na katulad ng sumusunod: ang puno at ang ugat ni Jesse ay maaaring kumatawan sa sambahayan ni David, at ang usbong at sanga naman ang tumutukoy kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 114:2. “Mayroon sa inyo na nagtatatwa sa aking pangalan”

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 114, binanggit ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw na magtatatwa sa Kanyang pangalan. Isa sa mga ito ay si Oliver Cowdery, na nag-apostasiya at itiniwalag noong 1838 sa Far West, Missouri. Dahil si Oliver Cowdery ay naging isang Apostol, ang kanyang apostasiya ay nangangahulugan na kanyang tinalikuran ang mataas at banal na tungkuling ito at hindi na isang natatanging saksi sa pangalan ni Cristo. Kalaunan ay tinukoy ni Pangulong Wilford Woodruff si Oliver Cowdery bilang halimbawa ng isang taong nawalan ng matatag na pananampalataya:

Larawan
Pangulong Wilford Woodruff

“Kung sa pakiramdam ng Pangulo ng Simbahan o ng kanyang mga tagapayo o ng mga apostol o sino pa man na hindi makakaya ng Diyos kung wala siya, at napakaimportante niya para maisagawa ang gawain ng Panginoon, siya’y nalalagay sa panganib. Narinig kong sinabi ni Joseph Smith ang sinabi sa kanya ni Oliver Cowdery, na dating pangalawang apostol sa Simbahang ito,“Kung iiwan ko ang Simbahang ito, babagsak ito.’

“Sinabi ni Joseph, ‘Oliver, sige subukan mo.’ Sinubukan ito ni Oliver. Bumagsak siya; ngunit hindi bumagsak ang kaharian ng Diyos. May mga nakasama akong ibang apostol sa aking panahon na inakalang hindi makakaya ng Panginoon kung wala sila; ngunit nagpatuloy ang Panginoon sa Kanyang gawain kahit wala sila.

“Nakita ko si Oliver Cowdery noong nasa kanya pa ang kapangyarihan ng Diyos. Wala pa akong napakinggan na nagbahagi ng malakas na patotoo tulad ng ginawa niya noong nasa kanya pa ang impluwensya ng Espiritu. Ngunit nang sandaling iwan niya ang kaharian ng Diyos, ay iyon na rin ang sandali ng pagbagsak ng kanyang kapangyarihan. … Nawalan siya ng lakas, tulad ni Samson sa kandungan ni Dalila. Nawala sa kanya ang kapangyarihan at patotoong dati niyang taglay, at hindi niya ito ganap na nabawi noong buhay pa siya, bagama’t namatay siyang [miyembro ng] Simbahan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 114).