Seminary
Lesson 5: Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan


Lesson 5

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan, matukoy ang mga doktrina at alituntunin sa mga banal na kasulatan, at maipamuhay ang mga katotohanang iyon sa kanilang buhay. Kapag nalaman at ipinamuhay ng mga estudyante ang mga walang hanggang katotohanan na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, matitimo sa kanilang mga puso ang ebanghelyo. Mag-isip ng mga paraan para mapag-aralang muli ang materyal sa lesson na ito sa buong taon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang layunin ng pag-aaral ng banal na kasulatan

Bago magsimula ang klase, maglagay ng karaniwang bagay tulad ng lapis, notebook, o himno sa isang lugar sa silid-aralan kung saan madali itong makikita. Pumili ng lugar na karaniwang pinaglalagyan ng bagay na iyon o sa lugar na madali itong mapapansin ng mga estudyante. Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na may nawawala sa iyo at kailangan mo ang tulong nila para mahanap ito. Sabihin sa kanila na hanapin ito sa silid, pero huwag mong sabihin sa kanila ang ipinahahanap mo. Matapos ang ilang sandali at hindi pa rin makita ng mga estudyante ang pinahahanap mo, ilarawan ito at sabihin sa kanila na subukang hanapin itong muli.

  • Bakit mas madaling hanapin ang hinahanap ninyo sa pangalawang pagkakataon?

Ipakita ang iyong banal na kasulatan. Ipaliwanag na mas madaling maghanap kapag alam natin kung ano ang hinahanap natin, tulad din naman na mas magiging makabuluhan ang pag-aaral natin ng banal na kasulatan kapag alam natin kung ano ang dapat hanapin habang nag-aaral tayo.

Para matulungan ang mga estudyante na malaman kung ano ang dapat nating hanapin kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan. Bago magbasa ang estudyante, sabihin sa klase na pakinggan ang bagay na dapat na lagi nilang nahahanap sa mga banal na kasulatan kung hinahanap nila ito. (Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito at ng iba pang mga pahayag ng mga propeta sa lesson na ito.)

Larawan
Pangulong Marion G. Romney

“Hindi mapag-aaralan nang mabuti ng sinuman ang mga banal na kasulatan nang hindi inaalam ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang maingatan ang mga alituntunin” (“The Message of the Old Testament” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 17, 1979], 3, LDS.org).

  • Batay sa paliwanag ni Pangulong Romney, ano ang dapat nating hinahanap habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan?

  • Ano ang alituntunin?

Upang mapagtibay o madagdagan ang mga isinagot ng mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago magbasa ang estudyante, sabihin sa kalahati ng klase o sa isang grupo na pakinggan kung ano ang isang alituntunin. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin kung bakit napakahalagang hanapin ang mga alituntunin sa mga banal na kasulatan.

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang mga alituntunin ay dalisay na katotohanan, na nilayong magamit sa iba’t ibang sitwasyon. Ang isang totoong alituntunin ay nagpapalinaw ng mga pagpapasiya kahit sa pinakamagulo at pinakamahirap na mga sitwasyon” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 86).

  • Ayon kay Elder Scott, ano ang alituntunin? Bakit napakahalagang alamin ang mga alituntunin sa mga banal na kasulatan?

Ipaliwanag na ang mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mahalaga at di-nagbabagong mga katotohanan na gumagabay sa ating buhay. Ang mga doktrina at mga alituntunin ang nais ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na matutuhan natin mula sa mga paghahayag, sermon, at mga pangyayari na nakatala sa mga banal na kasulatan.

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang isang halimbawa ng isang doktrina o alituntunin na itinuro sa mga banal na kasulatan, sabihin sa kanila na pagnilayan ang Unang Pangitain ni Joseph Smith. Itanong sa kanila kung may matutukoy ba sila na simpleng katotohanan na matututuhan natin mula sa karanasan ni Joseph Smith. Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang doktrina at alituntunin. Ang sumusunod na katotohanan ay isang halimbawa: Kung mananalangin tayo nang may pananampalataya, sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin.

Pag-unawa sa konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan

Magpakita ng isang prutas na kailangang balatan bago kainin (halimbawa, saging o kahel).

  • Ano ang dapat ninyong gawin bago ninyo ito magamit para sa mismong layunin nito? (Balatan ang prutas.)

  • Kung ang mahalaga at kapaki-pakinabang na bahagi ng prutas na ito ay ang loob, ano ang pakinabang ng balat? (Para mapreserba at mabalutan ang laman.)

Ipaliwanag na ang prutas sa loob ng balat ay maihahambing sa mga doktrina at mga alituntuning matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Ang balat ay maitutulad sa mga pangyayari, tao, at sermon sa mga banal na kasulatan. Tulad ng balat na nagpepreserba sa prutas na nasa loob, gayundin naman ang mga banal na kasulatan na naglalahad ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo na tumutulong sa atin na maunawaan, maalala, at ipamuhay ang mga ito.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang mga ginawa nila para mas malalim na maunawaan ang pinangyarihan [setting], daloy ng kuwento, mga pangyayari, at iba pang mga detaye ng mga banal na kasulatan. (Maaari mong ilista sa pisara ang ilan sa kanilang mga ideya.) Matapos magbahagi ang mga estudyante ng ilang ideya, ipaliwanag sa klase ang mga sumusunod na kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan at maglaan ng ilang minuto para mapraktis ang mga ito.

Pinangyarihan ng kasaysayan: Ipaliwanag na kasama sa bawat bahagi ng Doktrina at mga Tipan ang pambungad na naglalarawan ng mga alalahanin, tanong, o makasaysayang pangyayari na may kaugnayan sa paghahayag na nasa bahaging iyon. Ang pag-alam sa mga detalyeng ito ay makatutulong sa atin na maunawaan ang paghahayag.

Para maipakita kung paano makadaragdag sa pang-unawa natin tungkol sa paghahayag ang kaalaman tungkol sa mga detalyeng ito, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:1–8. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pambungad at alamin ang impormasyon na makatutulong sa kanila na maunawaan ang mga talatang ito.

  • Paano makatutulong na alam natin na nabilanggo si Joseph Smith sa Liberty Jail nang ilang buwan para mas maunawaan natin ang mga talatang ito?

Mga kahulugan ng salita: Ipaliwanag na may ilang salitang ginamit sa mga banal na kasulatan na maaaring hindi gaanong pamilyar sa atin. Makatutulong sa atin ang Bible Dictionary, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, mga footnote sa mga banal na kasulatan, at pangkaraniwang diksiyunaryo para malaman ang mga kahulugan ng mga salita at maunawaan ang mga ito.

Bilang halimbawa, ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:2. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pipigilan ay ipagpapaliban.

  • Paano nakatutulong sa inyo na alam ninyo ang kahulugang ito para mas maunawaan ang talatang ito?

Pagtukoy sa mga doktrina at mga alituntunin

Ipaliwanag na kapag dinagdagan natin ang ating pang-unawa sa konteksto at nilalaman ng isang scripture passage, mas handa tayo na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo na nakapaloob dito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga talata na naglalarawan ng dapat nating gawin para matukoy ang mga katotohanan habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan.

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Kapag naghahangad kayo ng espirituwal na kaalaman, maghanap ng mga alituntunin. Masusing ihiwalay ang mga ito sa detalyeng ginamit para ipaliwanag ang mga ito. … Sulit ang malaking pagsisikap na mailahad ang katotohanang natipon natin sa simpleng pagpapahayag ng alituntunin” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” 86).

  • Anong mga parirala ang ginamit ni Elder Scott sa paglalarawan sa paraan ng pagtukoy sa mga katotohanan sa mga banal na kasulatan? (“Masusing ihiwalay ang mga ito sa detalyeng ginamit para ipaliwanag ang mga ito”; “mailahad ang katotohanang natipon natin sa simpleng pagpapahayag ng alituntunin.”)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang “mailahad ang katotohanang” natutuhan natin mula sa scripture passage sa isang simpleng pagpapahayag ng doktrina o alituntunin?

Ipaliwanag na may ilang doktrina at alituntunin ng ebangelyo na madaling matukoy dahil direktang inilalahad ang mga ito sa mga banal na kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga katotohanan na direktang inilahad sa mga talatang ito. Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung pagtitiisan nating mabuti ang ating mga pagsubok, tayo ay dadakilain ng Diyos at tutulungan tayong magtagumpay sa lahat ng ating mga kaaway.

Ipaliwanag na maraming doktrina at alituntunin ang hindi binanggit nang direkta sa mga banal na kasulatan ngunit sa halip ay inilarawan o ipinaliwanag sa iba pang mga talata. Ang pagtukoy sa ganitong uri ng doktrina o alituntunin ay nangangailangan ng pagkilala sa mga katotohanan na inilalarawan sa scripture passage at paglalahad sa mga katotohanang iyon sa malinaw at simpleng paraan. Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga doktrina at mga alituntunin na hindi direktang inihayag, imungkahi na magtanong sila ng tulad ng “Ano ang matututuhan ko mula rito?” “Ano ang mensahe ng mga talatang ito?” o “Ano ang gusto ng Panginoon na matutuhan ko mula rito?”

Sabihin sa mga estudyante na magsanay sa pagtukoy ng mga doktrina at mga alituntunin sa pamamagitan ng pagrebyu ng Doktrina at mga Tipan 121:1–8. Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng katotohanan ng ebanghelyo na matututuhan natin mula sa panalangin ni Joseph Smith at sa sagot ng Panginoon sa panalanging iyon. Pagkatapos ng sapat na oras, ipabasa sa ilang estudyante ang doktrina o alituntunin na natukoy nila sa mga talatang ito. Maaaring kabilang sa mga katotohanang matutukoy ng mga estudyante ang sumusunod:

Dinidinig ng Diyos ang ating mga panalangin.

Kung hihingi tayo ng tulong sa Diyos sa oras ng paghihirap, mabibigyan Niya tayo ng kapayapaan.

Pagsasabuhay ng mga doktrina at mga alituntunin

Tingnang muli ang prutas na tinalakay kanina sa lesson.

  • Ano ang pakinabang ng prutas kung hindi ito kinain matapos balatan?

  • Kung ang mga doktrina at mga alituntuning natukoy natin sa mga banal na kasulatan ay maihahalintulad sa prutas na binalatan natin, ano ang dapat nating gawin sa sandaling matukoy natin ang mga katotohanang iyon? (Ipamuhay ang mga ito.)

Ipaliwanag na kapag nadama natin ang katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina at mga alituntunin na natukoy natin sa mga banal na kasulatan, hahangarin nating ipamuhay ang mga ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kapartner nila kung paano nila ipamumuhay ang isa sa mga katotohanang natukoy nila sa Doktrina at mga Tipan 121:1–8.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga parirala na mahalaga sa kanila.

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Kung nalalaman [ninyo] ang mga paghahayag, walang katanungan—personal o panlipunan o pampulitika o sa trabaho—na hindi masasagot. Naglalaman ito ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo. Matatagpuan natin dito ang mga alituntunin ng katotohanan na lulutas sa lahat ng kaguluhan at suliranin at paghihirap na mararanasan ng pamilya o ng bawat isa” (“Teach the Scriptures” [mensahe sa CES religious educators, Okt. 14, 1977], 3–4, LDS.org).

  • Anong mga parirala ang napansin ninyo nang lubos? Bakit?

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi kung paano pinagpala ng mga doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan ang buhay mo nang malaman at maipamuhay mo ang mga ito. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isang doktrina o alituntunin na natuklasan nila sa mga banal na kasulatan at kung paano nito pinagpala ang kanilang buhay. Hikayatin ang mga estudyante na masigasig na saliksikin ang mga walang hanggang katotohanang ito sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ipamuhay ang mga ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alamin at ipamuhay ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo

Ibinigay ni Pangulong Ezra Taft Benson ang tagubilin na ito tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa ninyo … ay ituon ang inyong sarili sa mga banal na kasulatan. Masigasig na saliksikin ang mga ito. Magpakabusog sa mga salita ni Cristo. Pag-aralan ang doktrina. Alamin at unawain ang mga alituntuning naroon” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 81).