Seminary
Lesson 103: Doktrina at mga Tipan 99–100


Lesson 103

Doktrina at mga Tipan 99–100

Pambungad

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 99 noong Agosto 29, 1832. Sa paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon si John Murdock na magpatuloy sa paglilingkod bilang missionary. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 100 noong Oktubre 12, 1833, noong siya at si Sidney Rigdon ay nasa New York bilang mga missionary. Sa paghahayag na ito, tiniyak ng Panginoon sa kanila na nasa mabuting kalagayan ang kanilang pamilya sa Ohio. Pinanatag din sila ng Panginoon hinggil sa mga Banal sa Missouri na dumaranas ng pag-uusig.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 99

Tinawag ng Panginoon si John Murdock upang ipahayag ang ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan nila na hindi miyembro ng Simbahan ang nagtanong sa kanila kung bakit handang iukol ng isang tao ang 2 taon o 18 buwan ng kanyang buhay sa pagmimisyon.

  • Paano ninyo sasagutin ang kanyang tanong?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormayon tungkol sa lalaking nagngangalang John Murdock. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga sakripisyong ginawa ni Brother Murdock upang mapaglingkuran ang Panginoon.

Sinuri ni John Murdock ang maraming simbahan at nagpasiyang lahat ng relihiyon ay malayo sa Diyos. Gayunman, noong mga huling araw ng 1830, binasa niya ang Aklat ni Mormon at nadama ang Espiritu Santo na nagpatotoo sa katotohanan nito. Nabinyagan siya noong Nobyembre 5, 1830. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagmisyon siya, nagbinyag ng mga 70 katao sa loob ng apat na buwan sa Orange, Ohio, at Warrensville, Ohio.

Noong Abril 30, 1831, hindi nagtagal matapos bumalik si Brother Murdock mula sa kanyang misyon, ang kanyang asawang si Julia, ay namatay matapos magsilang ng kambal. Noong Hunyo 1831, tinawag siya ng Panginoon na magpunta sa Missouri at mangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay (tingnan sa D at T 52:8–9). Bago siya umalis, kailangang tiyakin niya na ang kanyang limang anak, na pawang wala pang pitong taong gulang, ay mapangalagaan. Pinakiusapan niya ang ilang tao na mag-alaga ng kanyang mas nakatatandang mga anak, at inampon nina Joseph at Emma Smith ang kambal na sanggol. Sa mga natitirang buwan ng 1831 at sa kalahati ng 1832, nangaral si John Murdock sa Michigan Territory, Indiana, Missouri, at Ohio. Nang bumalik siya sa Hiram, Ohio, noong Hunyo 1832, nahirapan siya dahil sa mga epekto ng matagal na niyang karamdaman. Nalaman niya na isa sa kanyang kambal ay nagkasakit at namatay dahil nalantad sa lamig noong salakayin si Joseph Smith.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo mula sa salaysay na ito tungkol kay John Murdock?

Ipaliwanag na natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 99 noong Agosto 29, 1832, mga dalawang linggo matapos makauwi si Brother Murdock mula sa kanyang pangalawang misyon.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 99:1 at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay John Murdock.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay John Murdock?

  • Paano sinubok ng mission call na ito ang pananampalataya at pagsunod ni Brother Murdock?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 99:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay John Murdock.

  • Anong mga doktrina at alituntunin ang matututuhan natin sa talata 2–3? (Maaaring kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod: Kinakatawan natin ang Panginoon kapag nagmimisyon tayo. Kapag tinatanggap at sinusunod natin ang mga tagapaglingkod ng Panginoon, tinatanggap at sinusunod natin Siya.)

  • Paano kayo napagpala nang sundin ninyo ang mga tagapaglingkod ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 99:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga yaong hindi tatanggap ng mensaheng ituturo ni John Murdock sa kanila.

  • Ayon sa talata 4, ano ang mangyayari kapag hindi tinanggap ang mensahe ng ebanghelyo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 99:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katibayan na alam ng Panginoon ang mga pangangailangan ni John Murdock at ang mga sakripisyong ginagawa niya.

  • Ano ang ipinapakita sa atin ng mga sinabi ng Panginoon kay John Murdock?

Ipaliwanag na sinunod ni Brother Murdock ang payo ng Panginoon. Kinausap niya ang mga pamilyang titirhan ng kanyang tatlong mas matatandang anak sa Missouri, at umalis siya noong Setyembre 1832 upang ipangaral ang ebanghelyo. Naglingkod siya sa ilan pang misyon, at pagkatapos ay muling nakasama ang kanyang mga anak sa Missouri. Naglingkod siya nang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya.

Doktrina at mga Tipan 100:1–12

Binigyan ng Panginoon sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ng mga salita ng kapanatagan at mga tagubilin

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano kaya ang ilang inaalala ng mga missionary sa pagsisimula ng kanilang misyon? Sabihin sa isang estudyante na isulat niya sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase. (Maaaring kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod: Paano ako maghahanap ng mga taong tuturuan? Paano ko malalaman kung ano ang sasabihin ko? Makakasundo ko ba ang kompanyon ko? Magiging maayos ba ang aking pamilya kapag wala ako?)

Ipaliwanag na noong Abril 1833 isang lalaking nagngangalang Freeman Nickerson ang sumapi sa Simbahan sa New York at pumunta sa Kirtland, Ohio. Nang makausap ni Freeman si Joseph Smith, hiniling niya sa Propeta na bisitahin ang pamilya Nickerson sa New York at Canada. Pumayag si Joseph Smith at Sidney Rigdon, at umalis sila sa Kirtland kasama siya noong Oktubre 5, 1833. Habang naglalakbay, nangaral sila ng ebanghelyo. Matapos nilang dumating sa tahanan ng mga Nickerson sa Perrysburg, New York, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 100.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 100 at alamin ang inalala nina Joseph Smith at Sidney Rigdon nang dumating sila sa New York. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipaliwanag na isinulat ni Joseph Smith sa kanyang journal ang tungkol sa alalahaning ito: “Alam ko na nasa amin ang Panginoon ngunit labis kong inaalala ang aking pamilya” (Journals, Volume 1: 1832–1839, vol. 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers [2008], 14).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 100:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot ng Tagapagligtas kina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

  • Anong mga parirala sa mga talatang ito ang maaaring nakapagpagaan sa alalahanin nina Joseph Smith at Sidney Rigdon? Paano makatutulong ang mga talatang ito sa mga missionary ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 100:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinangako ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “isang pintuan” ang bubuksan para sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Ano ang ilang paraan na “[binubuksan ng Panginoon ang mga] pintuan” para magawa natin ang gawaing misyonero?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 100:5–8 at alamin ang mga karagdagang ipinangako ng Panginoon. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang Kung [sanhi] , [epekto] .

  • Ano ang matututuhan natin sa mga talata 5–6? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung itataas natin ang ating tinig sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tutulungan tayo ng Panginoon na malaman ang sasabihin natin.)

  • Ayon sa talata 7, paano nais ng Panginoon na ipangaral ng mga missionary ang ebanghelyo?

  • Ayon sa talata 8, ano ang ipinangako ng Panginoon kung ipangangaral natin ang ebanghelyo nang may “kataimtiman ng puso” at “sa diwa ng kaamuan”? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung ipangangaral natin ang ebanghelyo sa iba nang may kataimtiman ng puso at sa diwa ng kaamuan, patototohanan ng Espiritu Santo ang ating mensahe.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na tinulungan sila ng Panginoon na malaman ang sasabihin nang magbahagi sila ng ebanghelyo. Sabihin din sa kanila na isipin ang isang pagkakataon na nadama nila ang pagpapatotoo ng Espiritu sa isang bagay na sinabi nila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 100:9–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

  • Ayon sa talata 12, bakit kailangang tulutan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon “ang kanilang puso [na] magsaya”?

  • Ano kaya ang kahulugan sa inyo ng pangako sa talata 12 kung nagmimisyon kayo?

Ipaliwanag na ang pagsisikap nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon sa gawaing misyonero ay may walang hanggang impluwensya sa Simbahan. Halimbawa, nangaral sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa isang malaking grupo ng mga tao sa tahanan ng mga Nickerson at sa iba pang mga grupo ng tao sa Canada. Nakapagbinyag ang mga missionary ng halos 20 katao, kabilang si Moses Nickerson, at nagtatag ng isang branch ng Simbahan. Noong 1836, dinalaw ni Parley P. Pratt ang branch na iyon nang magmisyon siya sa Canada. Ipinakilala ni Moses Nickerson si Elder Pratt kay John Taylor. Bininyagan ni Elder Pratt si John Taylor, na naging matagumpay na missionary at kalaunan ay naging Pangulo ng Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 100:13–17

Pinanatag ng Panginoon sina Joseph Smith at Sidney Rigdon hinggil sa mga paghihirap ng mga Banal sa Missouri

Ipaliwanag na mga dalawang buwan bago umalis si Joseph Smith papunta sa misyong ito, ibinalita ni Oliver Cowdery mula sa Missouri na naging mararahas ang mga kaaway ng Simbahan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Isinugo ni Joseph Smith sina Orson Hyde at John Gould upang iparating sa mga Banal sa Missouri ang kanyang payo. Mapanganib ang paglalakbay na ito dahil dadaan sila sa mga lugar na malapit sa mga mandurumog na anti-Mormon. Nag-alala ang Propeta kina Brother Hyde at Brother Gould at sa lahat ng mga Banal na pinag-uusig sa Missouri.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 100:13–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang nalaman nila.

  • Anong pangako ang nakita ninyo sa mga talata 15–17? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti kung lalakad tayo nang matwid sa harapan ng Panginoon.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “lumalakad nang matwid” sa harapan ng Panginoon?

  • Paano makatutulong sa inyo ang pangako sa mga talata 15–17 sa mahihirap na panahon?

Tawagin ang ilang estudyante para magbigay ng mga halimbawa kung paano nila nakitang natupad ang pangakong ito. Maaari ka ring magbahagi ng iyong patotoo tungkol sa katotohanang ito. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga partikular na bagay na magagawa nila upang “[makalakad] nang matwid” sa harapan ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 100:1. “Aking gagawin sa kanila kung ano ang inaakala kong mabuti”

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Gagawa [ang Panginoon] ng higit pa sa pinakamabuti para sa atin. Gagawin Niya ang pinakamabuti para sa atin at para sa lahat ng mga anak ng ating Ama sa Langit. … Higit ang kaalaman ng Panginoon kaysa atin at … sasagutin niya ang ating mga panalangin sa paraang pinakamabuti para sa atin at para sa lahat ng iba pa niyang mga anak” (“Faith in the Lord Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 99).

Doktrina at mga Tipan 100:3. “Isang pintuan ang bubuksan sa mga lugar sa paligid dito sa silangang lupain”

Noong 1833, naihanda ng gawaing misyonero ang rehiyon sa paligid ng silangang bahagi ng Lake Erie at timog-kanlurang bahagi ng Lake Ontario para sa paglago ng Simbahan. Noong tag-init ng taong iyon, naglathala ang Evening and Morning Star ng mga liham mula sa iba’t ibang mga missionary na naglarawan ng pagtatagumpay ng gawaing misyonero sa lugar kung saan nangaral sina Joseph Smith at Sidney Rigdon. Ibinalita ni Sylvester Smith na 15 simbahan ang naitayo sa pagitan ng Kirtland, Ohio, at Chenango, New York, ilan sa mga ito ay binubuo ng halos 100 miyembro. Matagumpay ding nakapangaral ang mga missionary sa timog-kanlurang New York. Naglakbay si Amasa Lyman sa kalapit na Cattaraugus County, New York, noong 1833. Doon ay nagdaos siya ng 152 pulong at 100 katao ang nadagdag sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 100:5–8. Ibibigay ng Panginoon ang dapat nating sabihin

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa ating pagsisikap na ipangaral ang ebanghelyo:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Ang Espiritu Santo ang sumasaksi sa inyong sinabi kapag kayo ay nagtuturo at nagpapatotoo. Ang Espiritu Santo, habang nagsasalita kayo sa gitna ng mga kaaway, ang naglalagay sa puso ninyo ng dapat ninyong sabihin at tumutupad sa pangako ng Panginoon na ‘hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao’ (D at T 100:5)” (“Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 22).