Seminary
Lesson 152: Ang Paglabas ng Mahalagang Perlas


Lesson 152

Ang Paglabas ng Mahalagang Perlas

Pambungad

Noong 1851, naglathala si Elder Franklin D. Richards, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at pangulo ng British Mission, ng mga paghahayag, pagsasalin, at sulatin ni Joseph Smith at tinawag ang koleksyon na ito na Mahalagang Perlas. Sa isang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 1880, tinanggap ng Simbahan ang Mahalagang Perlas bilang banal na kasulatan—bahagi ng mga pamantayang aklat. “Ang Mahalagang Perlas ay pinili mula sa mga natatanging lathalain na tumatalakay sa maraming mahalagang bahagi ng pananampalataya at doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (Pambungad sa Mahalagang Perlas).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang paglabas ng Mahalagang Perlas

Magpakita o magdrowing ng larawan ng isang perlas. Itanong sa mga estudyante kung alam nila kung paano nabubuo ang perlas. Kung hindi nila alam, ipaliwanag na nabubuo ang perlas sa loob ng talaba kapag tumutugon ang talaba sa iritasyong dulot ng mga bagay na pumapasok sa loob nito na gaya ng butil o buhangin. Gumagawa ang talaba ng sangkap na bumabalot sa butil, na kalaunan ay nagiging perlas. Ang tunay na perlas ay bihira at itinuturing na pambihira at mamahalin.

Larawan
perlas sa talaba

Ipaliwanag na pag-aaralan ngayon ng mga estudyante ang pinagmulan ng banal na kasulatan na may pamagat na Mahalagang Perlas. Matutuklasan nila ang ilang dahilan kung bakit napakahalaga ng Mahalagang Perlas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata ng pambungad ng Mahalagang Perlas. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang nilalaman ng Mahalagang Perlas. Bago sila magbasa, maaari mong ipaliwanag na ang salitang periodiko ay tumutukoy sa mga pahayagan o magasin—mga lathalain na ipinamamahagi nang regular, tulad ng araw-araw, lingguhan, o buwanan.

  • Sa inyong palagay, sa anong mga paraan naging pambihira at napakahalaga ng Mahalagang Perlas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangalawang talata ng pambungad. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit tinipon ang Mahalagang Perlas. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Ibuod ang ikatlong talata ng pambungad na ipinapaliwanag na simula sa unang pagpapalimbag ng Mahalagang Perlas, may mga idinagdag o tinanggal sa nilalaman. Ilan sa nilalaman nito ay idinagdag at kalaunan ay inilipat sa Doktrina at mga Tipan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata na nagsisimula sa pariralang “Mga Pinili mula sa Aklat ni Moises.” Sabihin sa klase na alamin kung paano natanggap ni Joseph Smith ang mga paghahayag sa aklat na ito.

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang aklat ni Moises at humanap ng kahit isa lang na talata na naglalaman ng katotohanan na itinuturing nila na napakahalaga. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner o sa buong klase ang mga talatang nahanap nila.

Pabalikan sa mga estudyante ang pambungad ng Mahalagang Perlas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang parirala na nagsisimula sa “Ang Aklat ni Abraham.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natanggap ni Joseph Smith ang aklat ni Abraham. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Upang maipaliwanag kung paano nakuha ni Joseph Smith ang mga sinaunang sulatin sa aklat ni Abraham, basahin mo o ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod:

“Noong Hulyo 3, 1835 isang lalaking nagngangalang Michael Chandler ang nagdala sa Kirtland, Ohio ng apat na mummy mula sa Egipto at ilang papyrus scroll ng sinaunang sulatin ng Egipto. Ang mga mummy at mga papyrus ay natuklasan ni Antonio Lebolo sa Egipto ilang taon bago iyon. Ang Kirtland ang isa sa maraming lugar na pinupuntahan sa silangang Estados Unidos para sa mummy exhibition ni Chandler. Ipinagbibili ni Chandler ang mga mummy at rolyo ng papyrus at, sa panghihikayat ni Propetang Joseph Smith, ilang miyembro ng Simbahan ang nag-ambag ng pera upang mabili ang mga ito. Sa isang pahayag na may petsang Hulyo 5, 1835, na nagsasaad ng kahalagahan ng mga sinaunang sulating ito ng Egipto, itinala ni Joseph Smith: ‘Sinimulan ko ang pagsasalin ng ilan sa mga karakter o heroglipiko, at laking kagalakan namin na matuklasang isa sa mga rolyo ay naglalaman ng mga sulatin ni Abraham. … Talagang masasabi natin, ang Panginoon ay nagsisimula nang ihayag ang masaganang kapayapaan at katotohanan’ (History of the Church, 2:236)” (The Pearl of Great Price Student Manual [Church Educational System manual, 2000], 28).

Itinatanong ng ilang tao kung paano isinalin ng Propeta ang mga sinaunang sulatin. Ipaliwanag na “kahit kailan ay hindi ipinabatid ni Propetang Joseph Smith ang pamamaraan niya ng pagsalin sa mga talaang ito. Tulad sa iba pang mga banal na kasulatan, ang pagpapatunay sa katotohanan ng mga sulating ito ay nakasalalay, unang-una, sa pananampalataya. Ang pinakamalaking katibayan na totoo ang aklat ni Abraham ay hindi matatagpuan sa pagsusuri ng pisikal na ebidensya ni sa pinagmulang kasaysayan, kundi sa pagsasaalang-alang nang may panalangin ng nilalaman at kapangyarihan nito” (The Pearl of Great Price Student Manual, 28). Bagama’t hindi natin alam ang eksaktong pamamaraang ginamit ni Joseph Smith sa pagsasalin ng mga sulating ito, alam natin na isinalin niya ang aklat ni Abraham sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

  • Bakit mahalagang magtamo ng espirituwal na patunay ng katotohanan ng aklat ni Abraham?

Para sa sumusunod na bahagi ng lesson, maaari mong papuntahin sa harapan ng klase ang dalawang estudyante at sabihing isadula nila ang isang pag-iinterbyu ng isang news reporter sa isang iskolar na nag-ukol ng mahabang panahon sa pag-aaral ng nilalaman at pinagmulan ng mga aklat sa Mahalagang Perlas. Ipabasa sa kanila ang sumusunod na iskrip:

Reporter:Bakit sinabi ni Joseph Smith na isinalin niya ang mga isinulat ni Abraham kahit iba ang petsa ng mga manuskrito sa panahon ni Abraham?

Iskolar:Hindi kailanman sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang mga papyrus ay talagang mga isinulat ni Abraham. Sinabi niya na ang aklat ni Abraham ay “isang pagsasalin ng ilang sinaunang Talaan na napasaaming mga kamay mula sa mga Katakumba ng Egipto, na di umano’y mga isinulat ni Abraham, habang siya ay nasa Egipto” (Times and Seasons, Mar. 1, 1842, 704).

“Noong 1966 labing-isang piraso ng mga papyrus na minsang pag-aari ni Propetang Joseph Smith ang natuklasan sa Metropolitan Museum of Art sa New York City. Ang mga ito ay ibinigay sa Simbahan at sinuri ng mga iskolar na nagsabing isinulat ang mga ito sa pagitan ng 100 B.C. at A.D. 100. Ang karaniwang pagsalungat sa autentisidad ng aklat ni Abraham ay hindi maaaring si Abraham ang sumulat ng mga manuskrito dahil nauna siyang nabuhay sa mundo nang halos dalawang libong taon bago si Cristo. Hindi kailanman sinabi ni Joseph Smith na ang mga papyrus ay autographic (isinulat ni Abraham mismo), at isinulat sa panahon ni Abraham. Karaniwan lamang na tukuyin ang mga gawa ng awtor bilang ‘kanyang’ mga sulatin, siya man o hindi ang sumulat nito, idinikta sa iba, o kinopya kalaunan” (The Pearl of Great Price Student Manual, 28).

Reporter:Ano ang ginawa ni Joseph Smith sa kanyang pagsasalin?

Iskolar:“Ang aklat ni Abraham ay orihinal na inilathala nang baha-bahagi sa Times and Seasons, isang lathalain sa Simbahan, simula noong Marso 1842 sa Nauvoo, Illinois (tingnan sa [pambungad] sa simula ng Mahalagang Perlas). Sinabi ni Propetang Joseph Smith na maglalathala pa siya ng mga tala mula sa aklat ni Abraham kalaunan, ngunit siya ay pinatay na martir bago niya nagawa ito. Hinggil sa potensyal na haba sana ng pagsasalin kung natapos ito, sinabi minsan ni Oliver Cowdery na kakailanganin ng ‘maraming tomo’ para mapagkasya ito (tingnan sa Messenger and Advocate, Dis. 1835, 236).

“Bukod pa sa sulat na heroglipiko, ang manuskrito ay naglalaman din ng mga drowing ng Egipto. Noong Pebrero 23, 1842, hiniling ni Propetang Joseph Smith kay Reuben Hedlock, isang propesyonal na mang-uukit at miyembro ng Simbahan, na maghanda ng woodcut ng tatlo sa mga drowing na iyon para maipalimbag. Natapos ni Hedlock ang mga pag-uukit sa loob ng isang linggo, at nailathala ni Joseph Smith ang mga kopya (facsimiles) kasama ng aklat ni Abraham. Kasama sa mga paliwanag ni Joseph Smith tungkol sa mga drowing ang mga facsimile” (The Pearl of Great Price Student Manual, 28–29).

Reporter:Ano ang nangyari sa mga mummy at mga papyrus?

Iskolar:“Matapos ang kamatayan ni Propetang Joseph Smith, ang apat na mummy at mga papyrus ay nasa pagmamay-ari na ng balong ina ni Joseph, si Lucy Mack Smith” (The Pearl of Great Price Student Manual, 29). Nang pumanaw si Lucy Mack Smith, ipinagbili ang koleksyon sa isang lalaking nagngangalang Abel Combs. Ang koleksyon ay maaaring ipinagbili ng asawa ni Joseph Smith na si Emma, o ipinagbili ng kanyang kapatid na si William. Ipinagbili ni Ginoong Combs ang koleksyon sa museum sa St. Louis, Missouri. Itinira niya ang ibang mga bahagi at ipinamigay din ito kalaunan. (Tingnan sa The Pearl of Great Price Student Manual, 29; H. Donl Peterson, The Story of the Book of Abraham: Mummies, Manuscripts, and Mormonism [1995], 204–9, 257.)

“Ilang teoriya ang ibinigay tungkol sa nangyari … sa mga mummy at mga papyrus. Tila dalawa sa mga mummy ang nasunog sa malaking sunog sa Chicago noong 1871 (tingnan sa B. H. Roberts, New Witnesses for God, 3 tomo [1909–11], 2:380–382).

“Noong simula ng tagsibol ng 1966, si Dr. Aziz S. Atiya, propesor ng University of Utah, [ay ipinaalam sa Simbahan na ilang bahagi ng mga papyrus ni Joseph Smith ang natagpuan] sa Metropolitan Museum of Art sa New York City. Ang mga bahaging ito ay ibinigay sa Simbahan ng direktor ng museum noong Nobyembre 27, 1967. Hindi pa rin alam sa kasalukuyan ang kinaroroonan ng iba pang mga mummy at ng iba pang bahagi ng mga papyrus [tingnan sa H. Donl Peterson, “Some Joseph Smith Papyri Rediscovered (1967),” sa Studies in Scripture, Volume Two: The Pearl of Great Price, ed. Robert L. Millett and Kent P. Jackson (1985), 183–85]” (The Pearl of Great Price Student Manual, 29).

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang aklat ni Abraham at humanap ng kahit isang talata na itinuturing nilang napakahalaga. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang mga kapartner o sa buong klase ang mga talatang nahanap nila.

Pabalikan sa mga estudyante ang pambungad. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata simula sa pariralang “Joseph Smith—Mateo.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman.

Ipaliwanag na ang isang dahilan kaya napakahalaga ng Joseph Smith—Mateo ay dahil naglalaman ito ng isa sa mga mensahe ng Tagapagligtas tungkol sa Ikalawang Pagparito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata simula sa pariralang “Joseph Smith—Kasaysayan.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung kailan inihanda ni Joseph Smith ang kasaysayang ito.

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Joseph Smith—Kasaysayan at humanap ng kahit isang talata na itinuturing nilang napakahalaga. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang mga kapartner o sa buong klase ang mga talata.

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan ang nagsabi na ipaliwanag nila ang mga paniniwala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabihin sa klase na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila ito sasagutin. Pagkaraan ng ilang minuto, anyayahan ang ilang estudyante na basahin ang isinulat nila.

Ipaliwanag na ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay magandang buod ng ating mga paniniwala. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pinagmulan ng Mga Saligan ng Pananampalataya, ipaliwanag na noong Marso 1, 1842, tinugon ni Propetang Joseph Smith ang kahilingan ni John Wentworth, editor ng pahayagan, na magbigay ng impormasyon tungkol sa kanyang sarili at sa kasaysayan at mga paniniwala ng Simbahan. Ito ay karaniwang kilala bilang Wentworth Letter. Dito ay inilahad ni Joseph ang 13 pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga paniniwalang ito ay isinama sa Mahalagang Perlas bilang Mga Saligan ng Pananampalataya. Bagama’t hindi nakasaad dito ang lahat ng ating mga paniniwala, ang mga ito ay mahalagang tala ng mga doktrina at alituntunin.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Mag-assign sa bawat magkapartner ng kahit isang saligan ng pananampalataya. (Batay sa mga pangangailangan ng mga estudyante at laki ng iyong klase, maaari mong bigyan ang bawat magkapartner ng isa o mahigit pa na mga saligan ng pananampalataya.) Sabihin sa bawat magkapartner na basahin ang naka-assign sa kanila na saligan ng pananampalataya at sundin ang mga instruksyon sa ibaba. Maaari kang gumawa ng mga kopya ng mga instruksyong ito o isulat sa pisara ang mga ito. Maaaring sundin ng mga estudyante ang mga instruksyong ito sa kanilag notebook o scripture study journal.

  1. Matapos basahin ang naka-assign sa inyo na saligan ng pananampalataya, isulat sa sarili ninyong mga salita ang doktrina o alituntunin na itinuturo nito.

  2. Maghanap ng isang banal na kasulatan na sumusuporta o nagpapaliwanag sa doktrina o alituntunin sa naka-assign sa inyo na saligan ng pananampalataya. Isulat ang mga bagay na nakatulong sa inyo para mas maunawaan ang alituntuning ito.

  3. Isulat ang mga paraan kung paano magdudulot ng mga pagpapala sa buhay ng iba ang pag-unawa at paniniwala sa saligang ito ng pananampalataya.

Matapos ang sapat na oras para makumpleto ng mga estudyante ang kanilang assignment, sabihin sa kanila na ibahagi ang isinulat nila. Maaari mong isulat sa pisara ang ilan sa mga katotohanang natukoy nila.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naranasan nila kung saan ang Mga Saligan ng Pananampalataya o ang mga katotohanang nakapaloob dito ay nakatulong sa kanila na ipaliwanag ang ebanghelyo sa isang tao. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan at isaulo ang Mga Saligan ng Pananampalataya. Magagamit mo ang isa sa mga aktibidad sa pagsasaulo na makikita sa apendiks ng manwal na ito upang matulungan ang mga estudyante na isaulo ang isa sa Mga Saligan ng Pananampalataya bilang klase. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang nalalaman nila sa Mga Saligan ng Pananampalataya kapag ipinapaliwanag nila ang kanilang mga paniniwala sa iba.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang Mahiwagang Perlas ay patunay na si Joseph Smith ay …

Tulungan ang mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang itinuturo sa atin ng napakahahalagang katotohanan sa Mahalagang Perlas tungkol kay Joseph Smith? (Kumpletuhin ang katotohanan sa pisara tulad ng sumusunod: Ang Mahalagang Perlas ay patunay na si Joseph Smith ay propeta, tagakita, at tagapaghayag.)

  • Sa inyong palagay, sa anong mga paraan pinapatunayan ng Mahalagang Perlas ang tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta?

Magpatotoo na ang Mahalagang Perlas ay nagpapatunay na si Joseph Smith ay propeta, tagakita, at tagapaghayag. Itinuturo sa atin ng aklat na ito ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang aklat ni Abraham: katibayan ng banal na tungkulin ni Joseph Smith

“Ang aklat ni Abraham ay pisikal na katibayan na ang tungkulin ni Propetang Joseph Smith ay mula sa Diyos. Ito ay lumabas sa panahon na sinisimulan pa lamang na pag-aralan ang wika at kultura ng sinaunang Egipto. Ang mga scholar ng 1800s ay halos hindi pa nasisimulan ang larangan ng Egyptology, ngunit heto si Joseph Smith, na walang pormal na kasanayan sa mga sinaunang wika at kaalaman sa sinaunang Egipto (maliban lang sa ginawa niya sa Aklat ni Mormon), ay nagsimulang magsalin ng mga sinaunang manuskrito. Ang kanyang kaalaman at kakayahan ay nagmula sa kapangyarihan at kaloob ng Diyos, kaakibat ang kanyang sariling determinasyon at pananampalataya” (The Pearl of Great Price Student Manual [Church Educational System manual, 2000], 29).

Ang mga Saligan ng Pananampalataya at ang Wentworth Letter

Sumulat si Joseph Smith kay John Wentworth, editor at may-ari ng Chicago Democrat, isang pahayagan sa Illinois. Inilahad ni Propetang Joseph Smith sa liham ang tala tungkol sa mga doktrina at kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay bahagi ng liham na iyan. Para sa teksto ng buong liham, tingnan sa “The Wentworth Letter,” Ensign, Hulyo 2002, 26–32.