Mga Banal na Kasulatan
Pambungad


Pambungad

Ang Mahalagang Perlas ay pinili mula sa mga natatanging lathalain na tumatalakay sa maraming mahalagang bahagi ng pananampalataya at doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga lathalaing ito ay inilahad ng Propetang si Joseph Smith at nailathala sa mga periodiko ng Simbahan noong kanyang kapanahunan.

Ang mga unang natipong lathalain na nagtataglay ng pamagat na Ang Mahalagang Perlas ay ginawa noong 1851 ni Elder Franklin D. Richards, na noon ay kasapi ng Kapulungan ng Labindalawa at pangulo ng Misyon sa Inglatera. Ang layunin nito ay gawing higit na madaling makuha ang ilang mahalagang lathalain na nagkaroon ng limitadong sirkulasyon noong kapanahunan ni Joseph Smith. Sa pagdami ng mga kasapi ng Simbahan sa buong Europa at Amerika ay nagkaroon ng pangangailangang magkaroon ng mga lathalaing ito. Ang Mahalagang Perlas ay nagkaroon ng malawakang paggamit at pagkaraan ay naging isang pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan sa gawa ng Unang Panguluhan at ng pangkalahatang pagpupulong sa Salt Lake City noong ika-10 ng Oktubre 1880.

Maraming pagbabago ang ginawa sa mga nilalaman ayon sa mga pangangailangang hinihingi ng Simbahan. Noong 1878, ang mga bahagi ng Aklat ni Moises na hindi kasama sa unang edisyon ay idinagdag. Noong 1902, ang ilang bahagi ng Ang Mahalagang Perlas na natutulad sa mga bagay na nalathala rin sa Doktrina at mga Tipan ay inalis. Ang pagsasaayos sa mga kabanata at talata, na may mga talababa, ay ginawa noong 1902. Ang unang paglilimbag sa dalawahang hanay bawat pahina, na may talatuntunan, ay noong 1921. Walang anumang pagbabagong ginawa hanggang Abril 1976, nang idagdag ang dalawang lathalaing paghahayag. Noong 1979, inalis ang dalawang lathalaing ito mula sa Ang Mahalagang Perlas at inilagay sa Doktrina at mga Tipan, kung saan ang mga ito sa ngayon ay makikita bilang mga bahaging 137 at 138. Sa kasalukuyang edisyon, ilang pagbabago ang ginawa upang mapaalinsunod ang teksto sa mga naunang kasulatan.

Ang mga sumusunod ay maikling pambungad sa kasalukuyang nilalaman:

  • Mga Pinili mula sa Aklat ni Moises. Hinango mula sa aklat ng Genesis sa pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, na kanyang sinimulan noong Hunyo 1830 (History of the Church, 1:98–101, 131–139).

  • Ang Aklat ni Abraham. Isinalin mula sa ilang papyrus na nanggaling sa Egipto na napasakamay ni Joseph Smith noong 1835, na naglalaman ng mga sulatin ng patriyarkang si Abraham. Inilathala nang baha-bahagi ang pagsasalin sa Times and Seasons simula noong ika-1 ng Marso 1842, sa Nauvoo, Illinois. (History of the Church, 4:519–534).

  • Joseph Smith—Mateo. Hinango mula sa patotoo ni Mateo sa pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:60–61 para sa banal na pag-aatas na simulan ang pagsasalin sa Bagong Tipan).

  • Joseph Smith—Kasaysayan. Mga hinango mula sa opisyal na patotoo at kasaysayan ni Joseph Smith, na inihanda niya noong 1838, na nalathala nang baha-bahagi sa Times and Seasons sa Nauvoo, Illinois, simula noong ika-15 ng Marso 1842 (History of the Church, 1:1–44).

  • Ang mga Saligan ng Pananampalataya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isang paglalahad ni Joseph Smith na nalathala sa Times and Seasons noong ika-1 ng Marso 1842, kalakip ang isang maikling kasaysayan ng Simbahan na kilala bilang Sulat kay Wentworth (History of the Church, 4: 535–541).