Seminary
Lesson 131: Doktrina at mga Tipan 124:1–21


Lesson 131

Doktrina at mga Tipan 124:1–21

Pambungad

Nang matanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124 noong Enero 19, 1841, ang mga Banal ay halos dalawang taon nang nasa Nauvoo, Illinois. Matapos ang pag-uusig at paghihirap na naranasan nila, ang mga Banal ay may lugar na ngayon kung saan maaari na silang magtipon at magtayo ng isang lunsod nang mapayapa. Ang Doktrina at mga Tipan 124 ay ang unang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith sa Nauvoo na mailalathala bilang banal na kasulatan. Ang bahaging ito ay hahatiin sa tatlong lesson. Tinatalakay sa lesson na ito ang mga talata 1–21. Sa mga talatang ito, iniutos ng Panginoon na isang pagpapahayag ang ipapahatid sa mga pinuno sa mundo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo at ng istaka ng Sion sa Nauvoo. Pinuri at pinayuhan din Niya ang mga naunang lider ng Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 124:1–14

Iniutos ng Panginoon na ipadala ang isang pagpahahayag ng ebanghelyo sa lahat ng mga pinuno sa mundo

Isulat sa pisara ang salitang Malakas. Sabihin sa mga estudyante kung anong uri ng tao, ayon sa mga pamantayan ng mundo, ang karaniwang itinuturing na malakas. Kapag sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng Malakas. Isulat sa pisara ang salitang Mahina. Sabihin sa mga estudyante kung anong mga katangian, ayon sa mga pamantayan ng mundo, ang karaniwang itinuturing na mahina.

  • Sa anong mga paraan ipinaparamdam ng mundo na mahina ang isang kabataang lalaki o babae ayon sa mga pamantayan nito?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:1 at alamin kung sino ang inilarawan ng Panginoon na mahina. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa anong mga paraan maaaring naging mahina si Joseph Smith nang tawagin siya na ipanumbalik ang ebanghelyo? Ayon sa talata 1, bakit tinatawag ng Panginoon ang mahihina para gumawa ng Kanyang gawain? (Sa pagsagot ng mga estudyante, ibuod ang kanilang mga sagot sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng alituntuning katulad ng sumusunod: Ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang karunungan sa pamamagitan ng mahihinang bagay sa mundo.)

  • Sa paanong mga paraan ipinakita ng Panginoon ang Kanyang karunungan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?

  • Paano dinagdagan ng Panginoon ang mga kakayahan ni Joseph Smith?

Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang calling o assignment na maaaring matanggap nila habang tinedyer pa sila. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang home teacher, miyembro ng class o quorum presidency, missionary, pagsasalita sa sacrament meeting, o pag-fellowship sa isang tao sa kanilang ward o branch.)

Ituro ang alituntuning nakasulat sa pisara, at itanong ang mga sumusunod:

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa katotohanang ito sa pagtanggap natin ng iba’t ibang calling o assignment sa Simbahan?

  • Paano kayo napagpala ng mga taong tapat na naglingkod sa Panginoon kahit sa mata ng mundo ay tila mahihina sila?

Ipaalala sa mga estudyante na noong taglamig ng 1838–39, tumakas ang mga Banal mula sa Missouri at nanirahan sa Illinois sa tabi ng Ilog ng Mississippi. Sinimulang itatag doon ng mga Banal ang lunsod ng Nauvoo. Matapos makaranas ng pag-uusig at maraming paghihirap, nagkaroon na sa wakas ang mga Banal ng lugar kung saan maaari silang magtipon at magtayo ng lunsod nang mapayapa. Noong Disyembre 1840, ipinagkaloob ng lehislatura ng Illinois ang isang charter o pribilehiyo sa lunsod ng Nauvoo, na nagtulot sa mga Banal na magtatag ng isang lokal na pamahalaan, magtayo ng unibersidad, at bumuo ng sariling pangkat ng militia.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ni Joseph Smith ngayong naninirahan na sa Nauvoo ang mga Banal. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga salitang istakang ito sa talata 2 ay tumutukoy sa Nauvoo.)

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Joseph Smith? (Iniutos ng Panginoon na gumawa ng pagpapahayag tungkol sa ebanghelyo para sa lahat ng mga pinuno sa mundo.)

Sabihin sa ilang estudyante na mag-ukol ng ilang minuto sa pagsusulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng isasama nila sa pagpapahayag tungkol sa ebanghelyo para sa mga pinuno sa mundo. Upang matulungan ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na isipin kung ano ang alam nilang totoo sa ebanghelyo, at imungkahi na isama nila ang patotoo nila sa mga katotohanang iyon sa kanilang mga pagpapahayag. Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ilang paraan na maibabahagi natin ang ebanghelyo sa iba. (Kabilang sa mga halimbawa ang pagbabahagi sa pamamagitan ng social media, pagsulat ng isang patotoo sa Aklat ni Mormon at pagkatapos ay ibigay ito sa isang kaibigan, at pag-anyaya sa isang tao sa simbahan o sa seminary.) Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.

  • Ano ang ilan sa mga pinakaepektibong paraan na nagamit ninyo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?

Isulat ang sumusunod na dalawang heading sa pisara: Paano? at Bakit?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:4–8. Hatiin ang klase sa dalawang grupo at sabihin sa unang grupo na alamin kung paano nais ng Panginoon na isulat ang pagpapahayag, at sabihin sa pangalawang grupo na alamin kung bakit ganoon ang nais ng Panginoon na paraan ng pagsulat sa pagpapahayag. Matapos ang sapat na oras na mapag-aralan ng mga estudyante ang mga talata, palapitin sa pisara ang ilan sa kanila at ipasulat sa angkop na heading ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang alituntunin sa talata 4 na nagtuturo kung paano nais ng Panginoon na ibahagi natin ang ebanghelyo sa iba. (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating ipahayag ang ebanghelyo nang may kaamuan at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ipahayag ang ebanghelyo nang may kaamuan? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ipangaral ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

  • Patingnan sa pisara ang listahan ng mga paraan na maibabahagi ang ebanghelyo. Paano natin maibabahagi ang ebanghelyo nang may kaamuan at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo gamit ang mga paraang ito?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:9 at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya kapag ipinahayag ng mga Banal ang ebanghelyo.

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang doktrinang itinuro sa talata 9 hinggil sa magagawa ng Panginoon sa nakikinig sa ebanghelyo. Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang isang bagay na kahalintulad ng sumusunod na katotohanan: Mapalalambot ng Panginoon ang mga puso ng mga nakikinig sa ebanghelyo.

  • Paano nauugnay ang doktrinang ito sa katotohanan tungkol sa paraan kung paano natin dapat ipahayag ang ebanghelyo nang may kaamuan at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:10–14 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon na aatasan Niya ang mga pinuno sa mundo na tumulong sa mga Banal kapag ipinahayag ng mga Banal ang ebanghelyo sa kanila. Bilang karagdagan, iniutos ng Panginoon kay Robert B. Thompson na tulungan si Joseph Smith sa pagsulat ng pagpapahayag tungkol sa ebanghelyo.

Ipaliwanag na bagama’t sinimulan ang pagsulat sa pagpapahayag na ito matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124, ilang taon pa ang lumipas bago ito nakumpleto at inilathala dahil sa ilang bagay na humadlang dito. Si Robert B. Thompson ay namatay pitong buwan matapos simulan ang pagsulat. Ang kanyang kamatayan, ang panahong iniukol sa pagtatayo ng Nauvoo Temple, at iba pang mga obligasyon ang humadlang sa pagtapos sa pagpapahayag bago namatay si Propetang Joseph Smith. Ang pagpapahayag ay natapos din sa wakas ni Parley P. Pratt at inilathala bilang isang polyeto sa New York City noong Abril 6, 1845, at ng Millennial Star noong Oktubre 22, 1845. (Tingnan sa Ezra Taft Benson, “A Message to the World,” Ensign, Nob. 1975, 32–34.)

Doktrina at mga Tipan 124:15–21

Ang Panginoon ay nagbigay ng mga tagubilin sa mga lider ng Simbahan sa Nauvoo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na pinuri sila nang taos-puso ng isang tao. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at kung bakit mahalaga sa kanila ang mga papuring ito.

Ipaliwanag na nagbanggit ang Panginoon ng ilang tao sa paghahayag na ito at pinuri ang kanilang mga kalakasan at mga kontribusyon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:15–20 at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taong ito. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang pinakanapansin nila. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na humarap sa kapartner at ibahagi ang natuklasan nila, pati ang mga pahayag na pinakanapansin nila at ang dahilan kung bakit.

Maaari mong ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 124:19 ipinahayag ng Panginoon na ang tatlong matatapat na kalalakihan na pumanaw kamakailan (sina David W. Patten, Edward Partridge, at Joseph Smith Sr., ang ama ng Propeta) ay tinanggap sa presensya ng Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang sinabi ng Panginoon tungkol kina Hyrum Smith at George Miller sa Doktrina at mga Tipan 124:15, 20.

  • Ano ang nadarama ng Panginoon sa mga taong may matapat na puso o may integridad? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Minamahal at pinagkakatiwalaan ng Panginoon ang mga taong may matapat na puso. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng alituntuning ito sa mga talata 15 at 20.)

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang matapat na puso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Para sa akin ang ibig sabihin ng katapatan ay palaging paggawa ng tama at mabuti anuman ang ibunga nito. Ibig sabihin ay pagiging mabuti mula sa kaibuturan ng ating kaluluwa, hindi lamang sa ating mga kilos kundi, ang pinakamahalaga, sa ating isipan at puso. Ang katapatan ay nangangahulugang pagiging mapagkakatiwalaan at may integridad na hindi tayo sisira sa tiwala o tipang ibinigay sa atin” (“Personal Integrity,” Ensign, Mayo 1990, 30).

  • Batay sa depinisyon ni Elder Wirthlin sa palagay ninyo, bakit mahal ng Panginoon ang mga taong may integridad?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang aspeto sa kanilang buhay na nangangailangan ng higit na katapatan. Hikayatin sila na magtakda ng personal na mithiin na lalo pang pairalin ang kanilang integridad sa aspetong iyon.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natutuhan ng mga estudyante ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 124:2–3. “Kapita-pitagang pagpapahayag … sa lahat ng bansa”

Noong 1975, si Pangulong Ezra Taft Benson ay naglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa ngalan ng kanyang mga kapatid sa Korum ng Labindalawa, muli niyang pinagtibay ang mensahe ng mga pagpapahayag na isinulat ng mga Apostol noong 1845 bilang pagsunod sa utos sa Doktrina at mga Tipan 124:2–3. (Tingnan sa Ezra Taft Benson, “A Message to the World,” Ensign, Nob. 1975, 33–34.)