Seminary
Lesson 113: Doktrina at mga Tipan 107:39–100


Lesson 113

Doktrina at mga Tipan 107:39–100

Pambungad

Ito ang huli sa tatlong lesson na tumatalakay sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107. Ang paghahayag ay itinala noong 1835, ngunit “ang mga talaan ng kasaysayan ay nagpapatibay na karamihan sa talata 60 hanggang 100 ay naglalaman ng paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith noong Nobyembre 11, 1831” (pambungad sa D at T 107). Ang mga talatang tinalakay sa lesson na ito ay naglalaman ng mga salita ng Panginoon tungkol sa sinaunang kaugalian sa pagkakaloob ng Melchizedek Priesthood ng ama sa kanyang anak na lalaki. Nagbibigay din ang mga ito ng tagubilin hinggil sa mga tungkulin ng iba-ibang mga lider ng priesthood.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 107:39–57

Inihayag ng Panginoon na ang Melchizedek Priesthood ay ipinapasa-pasa noong sinauna ng ama sa kanyang anak na lalaki

Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang ilang sitwasyon na kinakaharap ninyo ngayon o kahaharapin sa darating na mga araw, kung saan makatutulong sa inyo ang pagtanggap ng patnubay o kapanatagan mula sa inyong Ama sa Langit?

Sa simula ng lesson, sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tanong na ito. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng kanilang mga sagot. Sa pagsisimula ng mga estudyante sa pagtalakay ngayon ng Doktrina at mga Tipan 107:39–100, hikayatin sila na alamin ang mga alituntunin sa mga talatang ito na makatutulong sa kanila na matanggap ang patnubay at kapanatagan mula sa kanilang Ama sa Langit.

Ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson, nalaman nila ang tungkol sa Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Pitumpu. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:39, at sabihin sa klase na alamin ang isa sa mga tungkulin ng Labindalawa. Ipaliwanag na ang katawagang mga mangangaral ng ebanghelyo ay tumutukoy sa mga may katungkulang patriyarka sa Melchizedek Priesthood (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelista,” scriptures.lds.org; Bible Dictionary, “Evangelist”).

  • Ayon sa talata 39, paano tinatawag ang mga patriyarka? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan sila na maunawaan ang sumusunod na katotohanan: Ang mga patriyarka ay tinatawag sa pamamagitan ng paghahayag at inoorden sa ilalim ng pamamahala ng Labindalawang Apostol.)

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang tungkulin ng mga humahawak ng katungkulang patriyarka. (Ang mga patriyarka ay nagbibigay ng mga espesyal na pagpapala ng priesthood, tinatawag na mga basbas ng patriyarka o patriarchal blessing, sa mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan.) Bukod pa rito, tanungin kung sino ang maaaring makapagpaalala sa klase kung ano ang patriarchal blessing. (Ang isang patriarchal blessing ay naglalaman ng payo ng Panginoon para sa isang tao at naghahayag ng angkan ng taong iyan sa sambahayan ni Israel. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], “Patriarchal Blessings,” 91–93.)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyanteng mayroon nang patriarchal blessing na ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa paglilingkod ng mga stake patriarch. (Sabihin sa mga estudyante na ingatan ang kanilang patriarchal blessing dahil ito ay sagrado at personal at hindi ito dapat ibinabahagi sa mga tao maliban sa kanilang pamilya.) Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang matatamo sa pagtanggap ng patriarchal blessing at pag-aaaral ng payo na nakasaad dito.

Ipaliwanag na ang salitang patriyarka o patriarch ay tumutukoy rin sa mga ama ng pamilya. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang orden ng priesthood na binabanggit sa mga banal na kasulatan ay tinatawag kung minsan na orden ng patriyarka dahil ipinasa ito ng ama sa anak” (“What I Hope You Will Teach Your Children about the Temple,” Ensign, Ago. 1985, 9).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:40, at sabihin sa klase na alamin kung paano iginawad ang Melchizedek Priesthood noong sinauna. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ituro na sa Doktrina at mga Tipan 107:41–57, mababasa natin ang ilan sa mga bagay na ginawa ni Adan bilang mabuting patriyarka. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talata 41–50 at tukuyin ang isang huwaran o pattern—dalawang bagay na inulit gawin ni Adan nang pamunuan niya ang kanyang pamilya.

  • Ano ang dalawang bagay na inulit gawin ni Adan nang pamunuan niya ang kanyang pamilya? (Inordenan niya ang kanyang mga karapat-dapat na inapong lalaki sa mga katungkulan sa priesthood, at binasbasan sila.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:53, at sabihin sa klase na tukuyin kung sino pa ang binasbasan ni Adan bukod pa sa kanyang mga karapat-dapat na inapong lalaki. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Tiyakin na naunawaan nila na binasbasan ni Adan ang lahat ng kanyang mabubuting inapo, pati ang mga anak na babae.)

  • Paano nagsisilbing halimbawa o huwaran sa mga ama ang ginawa ni Adan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga amang nagtataglay ng Melchizedek Priesthood ay may karapatang basbasan ang kanilang mga anak.)

  • Bukod sa pag-oorden ng anak na lalaki sa priesthood, kailan maaaring magbigay ng basbas ng priesthood ang isang ama sa kanyang anak na lalaki o babae? (Maaaring kasama sa sagot na ang ama ay maaaring magbigay ng basbas ng priesthood kapag may nagkasakit sa pamilya at para sa patnubay at kapanatagan.)

Ipaliwanag na bukod pa sa pagbabasbas ng kanilang mga anak, ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng basbas sa mga kamag-anak at sa iba pa na humiling nito sa kanila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang mga tahanang walang priesthood ay dapat subaybayan at paglingkuran ng mga korum ng priesthood. Sa ganitong paraan, hindi kukulangin sa mga pagpapala ang anumang tahanang sakop ng Simbahan” (“Ang Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 9).

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga panahon na nakatulong sa kanila ang pagtanggap ng mga basbas ng priesthood mula sa kanilang ama o sa iba pang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Kung hindi sila nagkaroon ng pagkakataong tumanggap ng basbas ng priesthood, sabihin sa kanila na isiping mabuti kung paano makatutulong sa kanila ang paghingi ng mga basbas na ito. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at iniisip.

Patingnan ang tanong na isinulat mo sa pisara bago magsimula ang lesson. Ibahagi ang iyong patotoo na makakahingi ang mga estudyante ng patnubay at kapanatagan mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga patriarchal blessing at basbas ng priesthood na ibinigay ng kanilang ama o iba pang maytaglay ng Melchizedek Priesthood.

Doktrina at mga Tipan 107:58–100

Inihayag ng Panginoon ang mga tungkulin ng mga pangulo ng mga korum ng priesthood

Bilang maikling rebyu, isulat ang mga heading na Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga katungkulan ng priesthood sa ilalim ng angkop na mga heading. Sabihin sa isang estudyante na magsulat ng isang katungkulan ng priesthood at pagkatapos ay ipasa ang chalk o marker sa isa pang estudyante, tuluy-tuloy na gawin ito hanggang sa mailista ng mga estudyante ang lahat ng katungkulan sa priesthood. Hikayatin ang mga estudyante na tulungan ang isa’t isa kung kailangan. (Ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop.)

  • Ano ang korum ng priesthood? (Isang inorganisang grupo ng mga kalalakihan na magkakapareho ang taglay na katungkulan sa priesthood.)

Sabihin sa isang estudyante na lumapit sa pisara at bilugan ang mga katungkulan sa priesthood na naorganisa sa mga korum. Hikayatin ang klase na tumulong kung kailangan. (Ang mga sumusunod na katungkulan ay mayroong korum: Apostol, Pitumpu, high priest, elder, priest, teacher, at deacon. Maaari mong ipaliwanag na bawat stake ay mayroong isang korum ng mga high priests, at ang stake president ang pangulo ng korum na ito. Sa bawat ward, ang mga high priest ay inoorganisa bilang high priests group.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 107:60–63, 85–89, 93–94. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang karaniwan sa mga korum na binanggit sa mga talatang ito.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang pagkakatulad ng mga korum na ito ng priesthood? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang pangulo ay itinatalagang mamuno at mamahala sa gawain ng bawat korum ng priesthood.)

  • Ayon sa mga talata 87–88, ano ang pagkakaiba ng priests quorum sa deacons at teachers quorum? (Ang bishop ng ward ang namumuno sa priests quorum. Siya rin ang namumuno sa lahat ng maytaglay ng Aaronic Priesthood sa ward. Sa isang branch, ang branch president ang tumatayong pangulo ng priests quorum.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na mayroong pangulo ang bawat korum ng priesthood? Paano nakatutulong ang pangulo ng korum ng priesthood sa mga miyembro ng kanyang korum?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 107:68–84 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay nagbibigay ng tagubilin hinggil sa katungkulan ng obispo o bishop at ang gawaing ginagampanan ng mga kapulungan o council ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:65–66, at sabihin sa klase na tukuyin ang lider ng Simbahan na namumuno sa lahat ng mga maytaglay ng priesthood. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Tiyakin na naunawaan nila na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa Pangulo ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:67, 91–92, at sabihin sa klase na hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan ng awtoridad at mga responsibilidad ng Pangulo ng Simbahan.

  • Batay sa mga talatang ito, paano ninyo ibubuod ang awtoridad at mga responsibilidad ng Pangulo ng Simbahan? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng Pangulo ng Simbahan ang awtoridad na mangasiwa sa lahat ng mga ordenansa at pagpapala at mamuno sa buong Simbahan. Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Magdispley ng larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan.

  • Paano kayo napagpala dahil sa awtoridad ng priesthood na hawak ng Pangulo ng Simbahan?

Ipaliwanag na maaaring madama ng ilang miyembro ng Simbahan na ang kanilang mga tungkulin o responsibilidad sa Simbahan ay hindi mahalaga. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ipaliwanag na sinabi ito ni Pangulong Hinckley sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Magkasimbigat ang obligasyong sakop ng inyong responsibilidad at ang obligasyong sakop ko. Walang tungkulin sa simbahang ito na maliit o di-gaanong mahalaga. Lahat tayo na tumutupad sa ating mga tungkulin ay makaaantig ng buhay ng iba” (“This Is the Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 71).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang tungkulin sa simbahang ito na maliit o di-gaanong mahalaga”?

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng pahayag ni Pangulong Hinckley tungkol sa inyong mga responsibilidad sa Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:99–100 at alamin kung paano nauugnay ang pahayag ni Pangulong Hinckley sa mga talatang ito.

  • Ayon sa mga talata 99–100, ano ang dapat nating gawin upang makatayong karapat-dapat sa harapan ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Upang makatayong karapat-dapat sa harapan ng Panginoon, dapat nating matutuhan ang ating tungkulin at kumilos nang buong sigasig upang magawa ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Bagama’t ang mga talatang ito ay talagang tumutukoy sa mga maytaglay ng priesthood, ang alituntuning itinuturo nito ay angkop sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong. Basahin nang paisa-isa ang mga tanong o isulat ang mga ito sa pisara.

  • Paano kayo napagpala sa pamamagitan ng paglilingkod ng isang miyembro ng Simbahan na masigasig na ginagawa ang kanyang tungkulin?

  • Ano ang ginagawa ninyo upang matutuhan ang inyong tungkulin at magawa ito nang buong sigasig?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng ating tungkulin sa Simbahan at sa ating pamilya. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin na masigasig na gawin ang kanilang mga tungkulin.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 107:40–57. Inordenan ni Adan ang kanyang mga anak at apong lalaki at binasbasan ang kanyang mga inapo

Nagsulat si Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa kahalagahan ng paghingi sa mga ama ng basbas ng priesthood:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Ilang taon na ang nakalipas, pumunta sa opisina ko ang isang binata para humingi ng basbas. May mga problema siya—hindi tungkol sa kalinisang-puri, ngunit … siya ay nagugulumihanan; siya ay nag-aalala at balisa. Nag-usap kami nang ilang minuto at sinabi ko sa kanya, ‘Humingi ka na ba ng basbas sa iyong ama?’ ‘Ah,’ sabi niya, ‘hindi po ako sigurado kung magagawa ni Itay ang bagay na iyan. Hindi siya masyadong aktibo.’ Sinabi ko, ‘Pero siya ang tatay mo.’ ‘Opo.’ ‘May priesthood ba siya?’ ‘Opo, hindi siya aktibong elder.’ Sinabi ko, ‘Mahal mo ba siya?’ At sinabi niya, ‘Opo, mahal ko po siya. Mabuti po siyang tao, mabait siya sa pamilya, at mabait sa mga anak.’ Sinabi ko, ‘Nagdarasal ba kayo bilang pamilya?’ Sagot niya, ‘Matagal na pong hindi kami nagdarasal bilang pamilya.’ Sinabi ko, ‘Sige, umuwi ka sa inyo at maghanap ng pagkakataon, at itanong mo sa tatay mo kung maaari ka niyang basbasan. Handa mo bang gawin ito? At kung hindi umubra, bumalik ka, at ikagagalak kong tulungan ka.’

“Lumisan siya, at makalipas ang tatlong araw ay bumalik siya. ‘Brother Benson, napakaganda po ng nangyari sa aming pamilya,’ sabi niya. ‘Naroon si Inay at ang mga bata, ang mga bata kong kapatid, at pinapahid ng aking ina ang kanyang mga luha sa kanyang mga mata. Nagpasalamat si Inay kalaunan. Napakaganda ng basbas ni Itay sa akin.’ Sinabi pa niya, ‘Masasabi kong galing ito sa puso niya.’

“Napakaraming ama ang masisiyahang bigyan ng basbas ang sarili nilang mga anak, kung hihikayatin sila. Bilang mga patriyarka ng kanilang pamilya, isa iyan sa kanilang mga obligasyon at tungkulin, responsibilidad, at, mangyari pa, kanilang mga oportunidad” (God, Family, Country: Our Three Great Loyalties [1974], 184).

Doktrina at mga Tipan 107:99. “Ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin”

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Gusto ko at pinahahalagahan ang salitang tungkulin at lahat ng ipinahihiwatig nito. …

“Ang tawag ng tungkulin ay ibinigay kina Adan, Noe, Abraham, Moises, Samuel, at David. Ibinigay ito kay Propetang Joseph Smith at sa lahat ng humalili sa kanya. Ang tawag ng tungkulin ay ibinigay sa binatilyong si Nephi nang atasan siya ng Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang amang si Lehi, na bumalik sa Jerusalem kasama ang kanyang mga kapatid para kunin ang mga laminang tanso kay Laban. Umangal ang mga kapatid ni Nephi, at sinabing mahirap na bagay ang ipinagagawa sa kanila. Ano ang sagot ni Nephi? Sabi niya, ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila’ [1 Nephi 3:7].

“Kapag ibinigay sa atin ang gayunding tungkulin, ano ang isasagot natin? Tayo ba ay aangal, na tulad nina Laman at Lemuel, at sasabihing, ‘Mahirap na bagay itong hinihingi sa amin’? [1 Nephi 3:5]. O tayo ba, tulad ni Nephi, ay magsasabing ‘Hahayo ako. Gagawin ko’? Handa ba tayong maglingkod at sumunod? …

“Kapag ginampanan natin ang ating mga tungkulin at ginamit ang ating priesthood, nakadarama tayo ng tunay na kagalakan. Masisiyahan tayo dahil natapos natin ang ating gawain” (“Handa at Karapat-dapat na Maglingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 66–67).