Seminary
Lesson 74: Doktrina at mga Tipan 68


Lesson 74

Doktrina at mga Tipan 68

Pambungad

Noong Nobyembre 1, 1831, pinulong ni Propetang Joseph Smith ang isang pangkat ng mga Elder sa Hiram, Ohio, para sa isang espesyal na pagpupulong. Pinag-usapan nila ang paglalathala ng Aklat ng mga Kautusan, isang tinipon na mga paghahayag na natanggap ng Propeta. Apat sa mga elder na naroon sa pulong ang humiling kay Joseph Smith na magtanong sa Panginoon tungkol sa Kanyang kalooban para sa kanila. Bilang tugon sa kahilingang ito, natanggap ng Propeta ang isang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 68. Kabilang sa paghahayag ang mga payo sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo, mga tagubilin tungkol sa tungkulin ng bishop, at ang kautusan na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 68:1–12

Pinayuhan ng Tagapagligtas ang mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo

Kung ikaw o ang isang taong malapit sa iyo ay naglingkod sa misyon para sa Simbahan, simulan ang klase sa pagbabahagi ng nadarama ng mga tao habang naghahanda sila na lisanin ang tahanan at maging full-time missionary. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang maaaring inaalala ng isang tao tungkol sa pagmimisyon?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit kinakabahan kung minsan ang mga tao sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanilang mga kapamilya at kaibigan?

Ipaliwanag na sa isang pagpupulong na ginanap noong Nobyembre 1, 1831, apat na elder na maglilingkod bilang mga missionary ang lumapit kay Joseph Smith at humiling na malaman nila ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanila. Bilang tugon, inihayag ng Panginoon ang isang huwaran para sa pangangaral ng ebanghelyo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 68:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga nilalaman ng huwarang iyon. Bago sila magbasa, ituro na ang mga talata 2 at 3 ay naglalaman ng salitang halimbawa. Ang halimbawa ay isang huwaran.

  • Ano ang nakikita ninyo sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin ipangangaral ang ebanghelyo?

  • Sa mga talata 3–5, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagapaglingkod?

  • Ano ang magagawa ng mga inspiradong salita ng mga missionary para sa mga taong tatanggap sa mga ito? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay pinakikilos ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang magagawa natin upang maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo kapag nagbabahagi tayo ng ebanghelyo?

Ipaliwanag na bagama’t ang mga inordenan na mangaral ng ebanghelyo ay makatutulong sa mga tao na magkaroon ng patooo sa katotohanan, tanging ang Pangulo ng Simbahan ang may karapatang tumanggap at ipahayag ang kalooban ng Panginoon para sa buong Simbahan. Sa kanyang pamamahala, ang iba pang mga miyembro sa Unang Panguluhan at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay may awtoridad din na ipahayag ang kalooban ng Diyos para sa atin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang pagpapalakas ng loob na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod.

  • Anong mga katotohanan ang nakita ninyo sa talatang ito na maaaring magbigay ng kapanatagan sa isang missionary?

  • Bakit mahalagang malaman ninyo na sasamahan ng Panginoon ang Kanyang matatapat na tagapaglingkod?

Ipaliwanag na inilahad sa talata 6 ang pangunahing responsibilidad ng mga tagapaglingkod ng Panginoon: magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon sa nakaraan, kasalukuyan, at sa hinaharap. Pagkatapos ay ibuod ang Doktrina at mga Tipan 68:7–12 na ipinapaliwanag na tumatawag ang Panginoon ng matatapat na elder ng Simbahan upang ipangaral ang ebanghelyo at binyagan ang mga maniniwala.

Maaari kang magbahagi ng isang karanasan kung saan ginabayan ka ng Espiritu na malaman kung paano ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Doktrina at mga Tipan 68:13–24

Inihayag ng Panginoon na ang Unang Panguluhan ang dapat mamahala sa pagtawag ng mga obispo o bishop

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay tinanong sila ng kaibigan nila na iba ang relihiyon, “Paano pinili ang inyong bishop?”

  • Paano ninyo sasagutin ito?

Ipaliwanag na si Edward Partridge ang unang bishop na tinawag sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo (noong Pebrero 4, 1831; tingnan sa D at T 41:9). Bago natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 68 (noong Nobyembre 1831), si Bishop Partridge lamang ang bishop sa Simbahan. Iba pang mga bishop ang tinawag matapos matanggap ng Propeta ang paghahayag na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano pinipili ang mga obispo o bishop.

Paalala: Ang mga talata 15–20 ay naglalaman ng mga tagubilin hinggil sa literal na inapo ni Aaron na maaaring matawag bilang Presiding Bishop. Ang pariralang “literal na inapo ni Aaron” ay tumutukoy sa mga inapo ng kapatid ni Moises na si Aaron sa Lumang Tipan. Ang inapong iyon ay may karapatan sa katungkulan ng Presiding Bishop kung siya ay tinawag at inaprubahan ng Unang Panguluhan. Ang mga talata 16–20 ay tumutukoy lamang sa Presiding Bishop, hindi sa mga bishop ng mga ward (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:92–93). Sa naunang naisulat sa Simbahan madalas tukuyin si Bishop Partridge bilang Presiding Bishop. Ang mga responsibilidad ng Presiding Bishop ay nilinaw at nabago sa sumunod na ilang taon. Sa pamamahala ni Pangulong Brigham Young, ang mga responsibilidad ng Presiding Bishop ay nilinaw nang lubusan noong 1847 sa Winter Quarters, kay Bishop Newel K. Whitney na tumanggap sa katungkulang iyon.

Maaari mong ipaliwanag na sa mga unang araw ng Simbahan, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ang nag-oordena at nagse-set-apart sa lahat ng bishop. Sa Simbahan ngayon, ganito pa rin ang ginagawa sa Presiding Bishop. Gayunpaman, ang pagtawag, pag-oordena, at pag-set-apart ng mga bishop ay pinangangasiwaan ng mga stake president sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan. Ang isang stake president, kasama ang kanyang mga tagapayo o counselor sa stake presidency, ay mananalangin at hihingi ng paghahayag para malaman kung kailan tatawag ng bagong bishop at kung sino ang tatawagin. Ipinapadala niya ang kanyang rekomendasyon sa Unang panguluhan para sa kanilang pagsang-ayon. Kapag sinang-ayunan ng Unang Panguluhan ang pagtawag, binibigyan nila ng awtoridad ang stake president na iorden at i-set-apart ang bagong bishop. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa Handbook 2: Administering the Church [2010], 19.6.)

  • Bakit mahalagang malaman ninyo na inaprubahan ng Unang Panguluhan ang pagtawag sa inyong bishop?

Doktrina at mga Tipan 68:25–35

Iniutos sa mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang katotohanan na magiging mga magulang sila sa paglipas ng ilang taon. Ipaliwanag na binigyan ng Panginoon ang mga ina at mga ama ng malalaking responsibilidad—dapat nilang ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak sa salita at halimbawa (tingnan sa D at T 29:46–50 at “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na nasa apendiks sa katapusan ng manwal na ito). Ipasulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang tatlong alituntunin na gusto nilang ituro sa kanilang mga anak.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin sa isa’t isa ang isinulat nila. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 68:25–27 nang magkasama at hanapin ang mga bagay na maidaragdag nila sa isinulat nila.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Iniutos ng Panginoon sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa talata 25 na nagtuturo ng doktrinang ito.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan ng maliliit na bata ang pagsisisi? Pananampalataya kay Cristo? Pagbibinyag? Ang kaloob na Espiritu Santo?

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang pagkakataon na nakita nilang itinuturo ng mga magulang ang mga alituntunin at mga ordenansang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 68:25. Pagkatapos nilang magsulat, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Sabihin sa mga estudyante na gagawin pa rin nila ang susunod na aktibidad nang magkakapartner. Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 68:28–31, ang Panginoon ay nagbigay ng karagdagang payo sa mga magulang. Magbigay ng kopya ng sumusunod na impormasyon sa bawat magkapartner. Hikayatin ang magkakapartner na basahin ang bawat isa sa scripture passage at talakayin nang magkasama ang sagot sa mga tanong. Ipaliwanag na kapag natapos na sila, ibabahagi nila sa klase ang nalaman nila.

  1. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:28 at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak.

    • Sa inyong palagay, bakit mahalagang turuan ninyo ang inyong mga anak na manalangin?

    • Paano kayo tinuruang manalangin? Paano kayo napagpala at ang inyong pamilya ng panalangin?

    • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon”?

  2. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:29 at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin natin.

    • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath?

    • Ano ang maaari ninyong gawin para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath?

  3. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:30 at alamin ang babala ng Panginoon.

    • Kailan ninyo nakita ang mga pagpapala na nagmumula sa kasipagan sa trabaho?

    Basahin ang sumusunod na bahagi mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan:

    “Inutusan tayo ng Panginoon na huwag maging tamad. Ang katamaran ay maaaring humantong sa di-angkop na pag-uugali, pagkasira ng relasyon, at kasalanan. Isang uri ng katamaran ang paggugol ng sobrang panahon sa mga aktibidad na humahadlang sa inyo na maging kapaki-pakinabang, tulad ng paggamit ng Internet, paglalaro ng mga video game, at panonood ng telebisyon” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, [buklet, 2011], 40).

    • Paano humahantong ang katamaran sa kasamaan?

    • Ano ang ilang bagay na makatutulong sa isang tao na madaig ang ugaling maging tamad?

  4. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:31–32 at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal sa Sion.

    • Sa inyong palagay, paano nakakaapekto ang kasakiman sa pamilya?

    • Ano ang magagawa natin sa ating buhay para madaig ang pagkamakasarili at kasakiman?

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad na ito, sabihin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila. (Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat niya sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase.) Isang alituntunin na maaari mong bigyang-diin mula sa mga talata 31 at 32 ay dapat nating alisin ang katamaran at kasakiman sa ating buhay. (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang alituntuning ito, maaari mong ipaliwanag na hindi natin kailangang makamtan ang lahat ng bagay na mayroon ang ating mga kaibigan upang maging masaya.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa mga magulang na ituro at ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo?

  • Ano ang maaaring gawin ng mga kabataang lalaki at babae para matulungan ang kanilang pamilya na “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon”?

Kung isa kang magulang, maaari mong ipahayag ang iyong pasasalamat para sa mga ginagawa ng iyong mga anak upang matulungan ka na masunod ang mga kautusan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 68. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin na tutulong sa kanila na maghanda na maging mabubuting magulang. O hikayatin sila na magsulat ng isang mithiin na tulungan ang kanilang mga magulang sa kanilang mga responsibilidad. Kung may oras pa, maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga mithiin nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 68:3–4. “Anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo”

Ipinaliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark na tanging mga miyembro lamang ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang isipan at kalooban ng Diyos sa Kanyang mga tao:

Larawan
Pangulong J. Reuben Clark

“Dapat [nating] tandaan na ang ilan sa mga General Authority ay nabigyan ng espesyal na tungkulin; maytaglay silang espesyal na kaloob; sila ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na kaloob na may kaugnayan sa kanilang pagtuturo sa mga tao. Sila ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kaisipan at kalooban ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan. Ang iba pang mga General Authority ay hindi binibigyan ng ganitong espesyal na espirituwal na kaloob at awtoridad sa kanilang pagtuturo; sila ay may kaukulang limitasyon, at ang limitasyon ng kanilang kapangyarihan at awtoridad sa pagtuturo ay angkop sa iba pang mga pinuno at miyembro ng Simbahan, sapagkat wala ni isa sa kanila ang espirituwal na pinagkalooban na gaya ng propeta, tagakita, at tagapaghayag. Bukod pa rito, gaya ng kababanggit lamang, ang Pangulo ng Simbahan ay may higit at mas espesyal na espirituwal na kaloob hinggil sa bagay na ito, sapagkat siya ang Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag para sa buong Simbahan” (“When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 9–10).

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang propeta ay nangungusap lamang bilang propeta kapag pinakikilos ng Espiritu Santo:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Dapat ding alalahanin na hindi bawat pahayag na ginawa ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang pahayag na ginawa ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o maybisa sa buong Simbahan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ‘ang propeta [ay] isang propeta lamang kapag kumikilos siya bilang gayon’ [sa History of the Church, 5:265]. Si Pangulong [J. Reuben] Clark … ay nagsabing: …

“‘… Malalaman ng Simbahan sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu Santo sa mga miyembro kung ang mga kapatid ay “pinakikilos ng Espiritu Santo” sa paglalahad ng kanilang pananaw; at sa tamang panahon ang kaalamang iyon ay ipamamalas’ [J. Reuben Clark Jr., “When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 10.]” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88, 89).

Doktrina at mga Tipan 68:15–21. “Mga literal na inapo ni Aaron”

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 68:15–21 ay angkop lamang sa katungkulan ng Presiding Bishop ng Simbahan:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang taong binanggit sa mga paghahayag bilang may karapatan sa bishopric ayon sa angkan ay ang panganay na anak. Sa bisa ng kanyang pagkapanganay, siya ang may karapatang humawak ng ‘mga susi o karapatan nito.’ Ang tinutukoy lamang nito ay ang taong nangungulo sa Aaronic Priesthood. Hindi nito tinutukoy ang mga bishop ng mga ward. Bukod pa rito, dapat italaga ang taong iyon ng Unang Panguluhan ng Simbahan at tanggapin ang kanyang … ordinasyon sa kanilang mga kamay. Ang paghahayag ay darating mula sa Panguluhan, hindi mula sa patriarch, na magpapatibay sa karapatan na mangulo sa katungkulang ito. Kung walang literal na inapo ni Aaron, sinumang mataas na saserdote o high priest na pinili ng Panguluhan, ang manunungkulan bilang Presiding Bishop at maglilingkod kasama ang kanyang mga tagapayo o counselor” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 3:92–93; italics sa orihinal).