Seminary
Home-Study Lesson: Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri; Doktrina at mga Tipan 113–120 (Unit 25)


Home-Study Lesson

Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri; Doktrina at mga Tipan 113–120 (Unit 25)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng “Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri” at Doktrina at mga Tipan 113–120 (unit 25) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa mga pangyayaring humantong sa paglipat ng headquarters ng Simbahan sa hilagang Missouri, nalaman nila na kapag pinili nating tumugon sa mga pagsubok nang may pananampalataya sa halip na nag-aalinlangan, mapapalakas ang ating patotoo. Nalaman din nila na kapag sinusuportahan natin ang propeta at sinusunod ang kanyang payo, tatanggap tayo ng espirituwal na proteksyon na magbibigkis sa atin sa Diyos. Natuklasan ng mga estudyante na kapag pinatawad natin ang iba, bubuuing muli ng Panginoon ang ating mga ugnayan. Bukod pa rito, ang lesson na ito ay nagbigay sa mga estudyante ng pagkakataon na isipin kung paano nakaiimpluwensya ang ating mga kilos at salita sa pagtingin ng iba sa Simbahan ni Jesucristo.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 113–114)

Pagkadating sa Far West, Missouri, hiniling kay Propetang Joseph Smith na linawin ang ilang mahihirap na talata sa aklat ni Isaias. Mula sa mga inihayag na sagot ng Panginoon sa mga tanong na ito, nalaman ng mga estudyante na natanggap ni Joseph Smith ang mga susi ng kaharian para sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw. Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol kay David W. Patten, isa sa mga unang Apostol, natuklasan nila na kung susundin natin ang iniuutos ng Panginoon, tayo ay magiging handa para sa anumang iplinano Niya para sa atin.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 115–116)

Sa lesson na ito, nalaman ng mga estudyante na kung tayo ay babangon at magliliwanag, ang ating liwanag ay magiging isang sagisag sa mga bansa. Natuklasan din nila na yaong nagtitipon sa mga stake ng Sion ay makatatanggap ng proteksyon at kaligtasan at hawak ng Pangulo ng Simbahan ang mga susi upang pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 117–120)

Mula sa ipinayo ng Panginoon kina Newel K. Whitney at William Marks hinggil sa mga ari-arian sa Kirtland Ohio, nalaman ng mga estudyante na ang pag-iimbot sa mga bagay na temporal ay magiging dahilan para balewalain natin ang mas mahahalagang bagay. Mula sa halimbawa ni Oliver Granger, nalaman nila na ang pagsasakripisyong ginagawa natin sa paglilingkod sa Panginoon ay sagrado sa Kanya.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang batas ng ikapu at ang mga pagpapalang dumarating kapag sinunod natin ang batas na ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 119:1–4

Inihayag ng Panginoon ang batas ng ikapu

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sa paanong paraan tayo napagpapala kapag sinusunod natin ang batas ng ikapu?

Ipaliwanag na simula noong 1837, nakaranas ang Simbahan ng malaking problema sa pinansyal, gayundin ang karamihan sa mga miyembro ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 119. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinanong ni Propetang Joseph Smith na humantong sa pagbibigay ng paghahayag na ito.

  • Ano ang itinanong ni Joseph Smith sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 119:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot ng Panginoon sa tanong ni Joseph.

  • Ayon sa talata 4, ano ang ikapu? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na kautusan: Iniutos sa atin ng Panginoon na magbayad ng ikasampung bahagi ng ating tinubo o kinita bilang ikapu. Maaari mong isulat sa pisara ang kautusang ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang salitang tinubo sa talata 4, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Ang batas [ng ikapu] sa madaling salita ay ‘ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo.’ Ang ibig sabihin ng tinubo ay kinita, suweldo, dagdag na kita. Ito ang sahod ng isang taong may trabaho, ang kinita mula sa pagpapalakad ng isang negosyo, ang dagdag na kita ng isang taong nagtatanim o gumagawa ng mga produkto, o ang kinita ng isang tao mula sa iba pang pinagmulan. Sinabi ng Panginoon na mananatili itong batas ‘magpakailanman’ katulad noon” (sa Conference Report, Abr. 1964, 35).

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa utos ng Panginoon sa mga Banal na magbayad ng ikapu sa panahon kung kailan mahirap para sa kanila na gawin ito?

  • Sa anong mga paraan maituturing na pagpapakita ng pananampalataya ang pagbabayad ng ikapu?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Bakit ang mga miyembro sa iba’t ibang dako ng mundo, na marahil marami sa kanila ay walang sapat para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, ay dapat hikayating sundin ang batas ng ikapu ng Panginoon? Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa Cebu sa Pilipinas, kung ang mga miyembro ‘na namumuhay nang maralita at hikahos … ay tatanggapin ang ebanghelyo at ipamumuhay ito, babayaran ang kanilang mga ikapu at mga handog, kahit kaunti lang ang mga ito, … magkakaroon sila ng kanin sa kanilang mga mangkok at damit sa kanilang likuran at kanlungan sa kanilang uluhan. Wala akong makitang ibang solusyon’ [“Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 7].

“Maaaring madama ng ilan na hindi nila kayang magbayad ng ikapu, ngunit ipinangako ng Panginoon na maglalaan Siya ng paraan para masunod natin ang lahat ng Kanyang mga kautusan [tingnan sa 1 Nephi 3:7]. Ang pagbabayad ng ikapu ay nangangailangan ng malaking pananampalataya sa simula. … Naniniwala ako na posibleng makaahon sa hirap sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya na ibalik sa Panginoon ang bahagi ng kaunting nasa atin” (“Opening the Windows of Heaven,” Ensign, Nob 1998, 59).

Upang matulungan ang mga estudyante na maintindihan kung paano magbayad ng ikapu, ipakita ang Tithing and Other Offerings form. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kinita sila. Sabihin sa isang estudyante na magmungkahi ng halagang kinikita nila.

  • Magkanong ikapu ang dapat mong bayaran mula sa perang iyon?

Isulat ang halaga ng ikapu sa tamang lugar sa form at itanong ang sumusunod:

  • Kung hahatiin natin ang 10 porsiyento ng ating kita sa iba’t ibang donasyon na nasa form, nagbayad ba tayo ng buong ikapu? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang 10 porsiyento ng kanilang kita ay dapat ilista bilang ikapu. Ang anumang donasyong ibigay nila sa iba pang mga pondo ay karagdagan sa 10 porsiyentong iyon.)

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na ipaliwanag sa isa’t isa ang kanilang pagkaunawa kung paano ginagamit ang mga pondong ikapu. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang paliwanag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 119:2.

  • Ayon sa talata 2, saan ginagamit ang ikapu? (Ang ikapu ay ginagamit “para sa pagtatayo ng bahay [ng Panginoon]” [pagtatayo ng mga templo] at “para sa pagtatatag ng saligan ng Sion at para sa pagkasaserdote” [panggastos para sa iba pang aspeto ng gawain ng Panginoon, tulad ng pagtatayo at pagmementena ng mga meetinghouse, pagsasalin at paglalathala ng mga banal na kasulatan, at pagsuporta ng gawaing misyonero at gawain sa family history sa iba’t ibang dako ng mundo]. Maaari mong bigyang-diin na ang Simbahan ngayon ay walang pagkakautang. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga ikapu ay ginagamit sa pagtatayo ng mga templo at sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon.)

Doktrina at mga Tipan 119:5–7

Ipinaliwanag ng Panginoon ang batas ng ikapu

Anyayahan ang dalawang estudyante na sumali sa isang dula-dulaan. Mag-assign ng isang estudyante na gaganap na matapat na miyembro ng Simbahan, habang gagampanan naman ng pangalawang estudyante ang papel ng isang hindi miyembro ng Simbahan. Bigyan ang pangalawang estudyante ng isang papel na nakasulat ang sumusunod: Nabalitaan ko na nagbibigay ka ng 10 porsiyento ng iyong kita sa inyong simbahan. Bakit gusto mong gawin ito?

Ipabasa nang malakas sa pangalawang estudyante ang tanong, at sabihin sa unang estudyante na sagutin ito. Pagkatapos magdula-dulaan, itanong sa klase kung ano kaya ang isasagot nila sa tanong na iyon. Sabihin na maraming magagandang sagot sa tanong na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 119:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang nagagawa sa pagsunod sa batas ng ikapu.

  • Ayon sa talata 6, ano ang nagagawa sa pagsunod sa batas ng ikapu? (Nagagawang banal ang lupain ng Sion sa Panginoon.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talatang ito, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagiging banal ay tumutukoy sa pagiging malaya mula sa kasalanan—dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bukod pa rito, ipaalala sa mga estudyante na ang Sion ay higit pa sa pisikal na lokasyon; ito ay mga tao na “may dalisay na puso” (D at T 97:21).

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga epekto ng pagsunod sa batas ng ikapu sa sarili nilang salita. Bagama’t maaaring ibang mga salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang pagbabayad ng ikapu ay nagpapabanal sa atin bilang indibiduwal at bilang miyembro ng Simbahan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng alituntuning ito, itanong ang sumusunod:

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong ang pagbabayad ng ikapu sa isang tao upang siya ay mapabanal?

Patingnan ang tanong sa pisara: Sa paanong paraan tayo napagpapala kapag sinusunod natin ang batas ng ikapu? Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan at patotohanan ang batas ng ikapu. Maaari mo rin itong gawin. Hikayatin ang mga estudyante na ipakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagbibigay ng 10 porsiyento sa kanilang kinita bilang ikapu sa Panginoon.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 121–123; Ang Pagtatatag ng Nauvoo)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagsubok na naranasan nila at ano ang natutuhan nila sa mga naranasang pagsubok na iyon. Ano ang madarama ninyo kung naparatangan kayo nang mali at ipinabilanggo? Ipaliwanag na sa susunod na linggo pag-aaralan nila ang ilang alituntunin na natutuhan ni Propetang Joseph Smith noong siya ay hindi makatarungang ibinilanggo sa Liberty Jail, kabilang ang mga layunin ng Panginoon sa pagtutulot na maranasan natin ang mga pagsubok.