Seminary
Lesson 117: Doktrina at mga Tipan 109:47–80


Lesson 117

Doktrina at mga Tipan 109:47–80

Pambungad

Noong Marso 27, 1836, sinambit ni Propetang Joseph Smith ang panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple. Ang panalanging iyan, na inihayag sa kanya ng Panginoon, ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109. Ito ang pangalawa sa dalawang lesson tungkol sa panalanging iyon. Tatalakayin dito ang pagsamo ng Propeta na pagpalain ng Panginoon ang mga Banal na inusig sa Jackson County, Missouri, at pagpalain ng Panginoon ang mga umuusig sa kanila. Tatalakayin din dito ang pagsamo ng Propeta na ang mga tao sa buong mundo, lalo na ang nakalat na Israel, ay maniwala at magbalik-loob sa kabuuan ng ebanghelyo at tanggapin ng Ama sa Langit ang paglalaan ng Kirtland Temple at pagpalain ang mga pamilya sa Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 109:47–53

Hiniling ni Joseph Smith sa Ama sa Langit na tulungan ang mga Banal sa Missouri

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan o kapamilya sila na nahihirapan o nagdurusa. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na kunwari ay wala silang magawang anumang bagay para tulungan ang kaibigan o kapamilyang ito nang personal. Matapos ang oras na makapag-isip sila, itanong ang sumusunod:

  • Sa paanong paraan ninyo matutulungan ang isang taong nagdurusa, kahit wala kayong magawang anumang personal para sa kanya?

Matapos magbahagi ang mga estudyante ng ilang ideya, ipaliwanag sa kanila na nagdusa nang matindi ang mga Banal sa Missouri dahil sa karahasan ng mga mandurumog sa Jackson County. Noong Abril 1836, si Propetang Joseph Smith ay nasa Kirtland, Ohio. Bagama’t sa panahong wala siyang personal na magawa para maibsan ang pagdurusa ng mga Banal sa Missouri, may isang bagay siyang ginawa nang ilaan ang Kirtland Temple upang tulungan silang mapalakas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:47–49. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang bagay na magagawa natin upang tulungan ang iba sa panahon ng paghihirap.

  • Sa paglalaan ng Kirtland Temple, ano ang ginawa ng Propeta para sa mga Banal sa Missouri? (Siya ay nanalangin para sa kanila.)

Hilingin sa isang estudyante na siya ang maging tagasulat sa pisara. Sabihin sa klase na magmungkahi ng katotohanan na matututuhan natin mula sa mga salita ng panalanging sinambit ng Propeta sa mga talatang ito. Sa pagsagot ng mga estudyante, maaaring isulat ng tagasulat na estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang ating mga panalangin ay makapagdadala ng tulong at lakas sa mga taong nangangailangan.

  • Kailan ninyo nadama o nakita ang kapangyarihan ng panalangin na nakatulong sa isang taong nangangailangan? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga gayong panalangin ay nasasagot kung minsan sa pamamagitan ng inspirasyon na natatanggap natin para tulungan ang iba.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino pang ibang mga tao ang ipinagdasal ng Propeta.

  • Sino pa ang ipinagdasal ng Propeta?

  • Sa inyong palagay, bakit dapat nating ipinagdasal ang ating mga kaaway? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 109:43 at 3 Nephi 12:43–45.)

  • Ano ang matututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 109:50 tungkol sa kung paano makakaimpluwensya ang ating mga panalangin sa iba? (Matapos sumagot ang mga estudyante, sabihin sa tagasulat na isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang ating mga panalangin ay makatutulong na makaimpluwensya sa ibang tao na magsisi. Pagkatapos ay paupuin na ang estudyanteng nagsulat.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Paano kung ang mga taong ipinagdasal natin ay piniling huwag magsisi?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:51–53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na kumikilala sa kalooban ng Panginoon at sa kalayaan ng iba. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Bago basahin ng mga estudyante ang mga talatang ito, maaari mong ipaliwanag na kapag nabanggit sa mga banal na kasulatan ang pahayag tungkol sa pagpapakita ng Panginoon ng Kanyang bisig, tinutukoy dito ang pagpapakita Niya ng Kanyang kapangyarihan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 109:53 at alamin ang gagawin ng Panginoon sa mga magsisisi. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang poot ng Diyos ay madalas maipahayag sa pagpaparusa o pagdurusang nadarama natin dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa Kanyang katarungan. Ang pariralang “kapag kayo ay titingin sa mukha ng inyong Hinirang” ay tumutukoy sa kahandaan ng Ama sa Langit na magkaloob ng awa dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Kanyang Anak na si Jesucristo.)

  • Bakit aalisin ng Ama sa Langit ang Kanyang poot sa mga yaong magsisisi? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, aalisin ng Ama sa Langit ang Kanyang poot sa mga magsisisi. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang deskripsyon sa talata 53, ipagawa sa kanila ang sumusunod:

Kunwari ay isang dating miyembro ng mga mandurumog na anti-Mormon ang tumayo sa harapan ng Diyos para hatulan. Ngayon isipin kunwari na ilang taon bago siya mamatay, siya ay taos-pusong nagsisi at humiling na mapatawad at matubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil si Jesucristo ay nagdusa para sa mga kasalanan ng taong ito, aalisin ng Ama sa Langit ang kaparusahan at magkakaloob ng awa sa nagsising makasalanan.

Hikayatin ang mga estudyante na magkaroon ng ganitong pag-uugali sa mga taong nakasakit sa kanila o naging dahilan ng kanilang pagdurusa. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang mga taong ito ay nagsisi na at nakatayo sa harapan ng Ama sa Langit. Hikayatin ang mga estudyante na manalangin tulad ni Joseph Smith, para sa mga taong nakasakit o nagkasala sa kanila.

Doktrina at mga Tipan 109:54–67

Nanalangin ang Propeta na maniwala at magbalik-loob ang mga tao sa buong mundo sa kabuuan ng ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung nagawa nila ang alinman sa mga sumusunod:

  • Nanalangin para sa mga full-time missionary

  • Nanalangin para sa mga taong inaalam ang tungkol sa Simbahan

  • Nanalangin para sa mga taong hindi pa narinig ang ebanghelyo

  • Sa inyong palagay, paano nakatulong ang inyong mga panalangin sa mga taong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:54–58. Hatiin ang klase sa dalawang grupo at sabihin sa unang grupo na alamin kung sino ang ipinagdasal ni Joseph Smith. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang hiniling ng Propeta sa Panginoon para sa mga taong ito. Pagkatapos ay sabihin sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang idinalangin ng Propeta na mangyayari sa lahat ng makikinig sa patotoo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon?

  • Anong mga alituntunin ang nakita ninyo sa mga talatang ito? (Maaaring makatukoy ng ilang alituntunin ang mga estudyante, kabilang ang sumusunod: Ang pagsamba sa templo ay naghahanda sa atin na magbahagi ng patotoo sa iba. Kung ipagdarasal natin ang iba, mapapalambot ang kanilang puso na tanggapin ang mga tagapaglingkod ng Panginoon. Sa pagtukoy ng mga estudyante sa mga alituntunin, maaari mong isulat sa pisara ang mga ito.)

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magpatotoo sa mga alituntuning natukoy nila. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo at karanasan na nauugnay sa lesson.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 109:59–67 na ipinapaliwanag na hiniling ni Joseph Smith sa kanyang panalangin na magtatag ang Panginoon ng marami pang stake ng Sion upang matipon sa mga ito ang mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo. Partikular niyang idinalangin ang mga inapo ng propetang si Jacob (Israel) na malaman nila ang katotohanan at magbalik-loob sa kabuuan ng ebanghelyo. Ito ay isang mahalagang paraan para matipon ang Israel sa mga huling araw.

Doktrina at mga Tipan 109:68–80

Ang Propeta ay nanalangin para sa Simbahan at hiniling sa Panginoon na tanggapin ang paglalaan ng templo

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:68–69, 71–73, 78–80. Maaari mong isulat sa pisara ang bilang ng mga talatang ito para matingnan ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang iba pang mga hiniling ng Propeta sa panalangin ng paglalaan. Maaari mong imungkahing markahan nila ang nalaman nila.

  • Sino at ano ang ipinagdasal ni Joseph?

  • Anong mga kabutihan ang darating kapag inilakip natin ang gayong mga kahilingan sa ating mga panalangin?

Sabihin sa mga estudyante na magkakasamang awitin ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2). Patingnan sa mga estudyante ang paliwanag sa ilalim ng teksto ng himno, na nagsasabing kinanta ang himno sa paglalaan ng Kirtland Temple. (Kinanta ito ng koro pagkatapos ng panalangin ng paglalaan.) Palagi itong kinakanta ngayon sa mga paglalaan ng templo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng pangyayari sa templo sa gabi ng Marso 27, 1836, matapos ang paglalaan ng templo:

Nang gabing iyon, nagpulong ang mga korum ng priesthood sa templo. Sinabi ni Joseph Smith na siya ay “nagbigay sa kanila ng mga tagubilin kaugnay sa diwa ng propesiya, at inanyayahan niya na magsalita ang kongregasyon. … Tumayo si George A. Smith at nagsimulang magpropesiya, nang isang ugong ang narinig tulad ng tunog ng isang rumaragasang malakas na hangin, na pumuno sa Templo, at ang buong kongregasyon ay sabay na nagsitayuan, na inantig ng isang hindi nakikitang kapangyarihan; marami ang nagsimulang magsalita sa mga wika at magpropesiya; ang iba pa ay nakakita ng maluwalhating mga pangitain; at nakita ko ang Templo na puno ng mga anghel, na katotohanang sinabi ko sa kongregasyon. Ang mga tao sa paligid ay sabay-sabay na dumating na tumatakbo (naririnig ang kakaibang tunog sa loob, at nakakita ng maningning na liwanag na tulad ng haligi ng apoy sa tuktok ng Templo), at nagsipanggilalas sa nangyayari” (sa History of the Church, 2:428). Ilang tao ang nakakita ng mga anghel sa ibabaw ng templo at nakarinig ng mga pag-awit (tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 167).

Magtapos sa pagpapatotoo sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag pumunta tayo sa templo nang karapat-dapat.