Seminary
Lesson 147: Pag-alis sa Nauvoo


Lesson 147

Pag-alis sa Nauvoo

Pambungad

Matapos ang pagkamatay bilang martir ni Propetang Joseph Smith, ang Korum ng Labindalawang Apostol, sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng kanilang korum na si Brigham Young, ay pinamunuan ang Simbahan at ipinagpatuloy ang gawain ng Panginoon. Hinikayat nila ang mga Banal na tapusin ang Nauvoo Temple. Dahil sa patuloy na pag-uusig, pinayuhan din nila ang mga Banal na maghandang lumipat sa kanluran.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Masigasig na gumawa ang mga Banal para matanggap ang mga pagpapala ng templo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na ginawa nila ang isang bagay kahit napakahirap dahil alam nilang sulit ang kahihinatnan nito. Maaari ka ring magbahagi sa klase ng sarili mong karanasan. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na pagkamatay ni Propetang Joseph Smith, nahirapan ang mga Banal na tapusin ang Nauvoo Temple.

  • Sa palagay ninyo, bakit maaaring mahirap para sa mga Banal na sundin ang utos na ito na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith?

Magdispley ng larawan ng modernong Nauvoo Illinois Temple (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 118; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na nagsakripisyo nang malaki ang mga Banal para maitayo ang Nauvoo Temple. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang mga sakripisyong ginawa ng mga Banal para maitayo ang unang templo sa Nauvoo.

Larawan
Nauvoo Illinois Temple

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1844, sinabi ni Pangulong Brigham Young sa mga Banal na ibigay ang kanilang mga ikapu at handog para maitayo ang templo. Bilang tugon, nag-ambag ang bawat miyembro ng Relief Society ng isang sentimo kada linggo para sa mga suplay na gagamitin sa pagtatayo. Maraming kalalakihan ang naglaan ng panahon sa pamamagitan ng paggawa sa templo ng isang araw sa bawat sampung araw. Ang iba ay nagbigay nang sobra pa sa ikasampung bahagi ng kanilang kita. Nagbigay si Joseph Toronto kay Brigham Young ng $2,500 halaga ng ginto at sinabing gusto niyang ibigay ang lahat ng mayroon siya para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 302; Ang Ating Pamana [1996], 71–72.)

  • Sa inyong palagay, bakit handang magsakripisyo nang malaki ang mga Banal para maitayo ang templo?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang tanong na ito, ipaliwanag na dahil sa pag-uusig nahirapan ang mga Banal na matapos ang Nauvoo Temple. Inakala ng marami sa mga kaaway ng Simbahan na kapag napatay na si Joseph Smith, babagsak ang Simbahan. Gayunman, nang patuloy na lumago at umunlad ang Simbahan, lalong nagpursigi ang mga kaaway ng Simbahan na palayasin ang mga Banal sa Illinois.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng mga kaaway ng Simbahan para wasakin ang Simbahan.

Noong Setyembre 1844, si Koronel Levi Williams, isa sa mga isinakdal kalaunan dahil sa pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith, ay nag-organisa ng isang malawakang operasyon ng militar upang sapilitang paalisin sa Nauvoo ang mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay binansagang “a great wolf hunt in Hancock County [isang mabangis na lobo na maninila sa Hancock County]” (David E. Miller and Della S. Miller, Nauvoo: The City of Joseph [1974], 186). Nang mabalitaan ito, ipinadala ni Gobernador Thomas Ford ng Illinois si Heneral John Hardin ng state militia sa bayan para mapanatili ang kapayapaan. Isang taon kalaunan, noong Setyembre 1845, pinamunuan ni Koronel Williams ang 300 kalalakihan sa pagsalakay sa mga tirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa liblib na lugar, sinunog ang mga tahanang walang proteksyon, bukirin, gusali, gilingan, at imbakan ng mga butil. Noong kalagitnaan ng Setyembre, hiniling ni Pangulong Brigham Young sa mga boluntaryo na sagipin ang mga Banal na iyon. Naghanda ang mga Banal sa Nauvoo ng 134 bagon upang madala nang ligtas sa Nauvoo ang mga pamilyang nasa mga liblib na lugar. (Tingnan sa History of the Church, 7:45–46; Church History in the Fulness of Times Student Manual, 301; David E. Miller and Della S. Miller, Nauvoo: The City of Joseph, 185–86.)

  • Bakit pinahirap ng mga pagsalakay na ito ang patuloy na pagtatayo sa templo?

Ipaliwanag na maraming residente ng Illinois ang nangamba na baka mauwi sa digmaang sibil ang presensya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinabihan nila ang mga Banal na umalis sa estado. Noong Setyembre 24, 1845, naglabas ng liham ang Korum ng Labindalawang Apostol na nangangakong aalis ang Simbahan sa susunod na tagsibol.

  • Sa inyong palagay, bakit mahirap na desisyon ito?

  • Sa inyong palagay, paano kaya nakaapekto sa pagsisikap ng mga Banal na matapos ang templo ang desisyong lisanin ang Nauvoo?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang tanong na ito, ipaliwanag na kahit alam ng mga Banal na kailangan nilang umalis sa Illinois, patuloy nilang itinayo ang templo.

  • Sa inyong palagay, bakit kaya ipinagpatuloy ng mga Banal ang pagtatayo ng templo kahit alam nila na aalis rin sila?

Ipaalala sa mga estudyante na noong panahong iyon, ang mga ordenansa sa templo na kailangan para sa kadakilaan ay hindi pa naibibigay sa pangkalahatang miyembro ng Simbahan. Noong 1841, ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na kung itatayo nila ang Nauvoo Temple, matatanggap nila ang mga ordenansang iyon (tingnan sa D at T 124:27–44).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga ulat tungkol sa mga sakripisyo at paghihirap ng mga Banal sa pagtatayo ng templo? (Maaaring iba-ibang alituntunin ang matukoy ng mga estudyante, tulad ng: Ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay sulit sa lahat ng ating mga matwid na pagsisikap at sakripisyo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito at ang iba pang tutukuyin ng mga estudyante.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga pagsasakripisyo ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw para makatanggap ng mga ordenansa sa templo.

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Maraming taon na ang nakalilipas nabasa ko ang tungkol sa isang grupo ng mahigit isandaang miyembro na umalis sa Manaus, na nasa pusod ng kagubatan ng Amazon, para magpunta sa noon ay pinakamalapit na templo, na nasa São Paulo, Brazil—halos 2,500 milya (4,000 km) ang layo mula sa Manaus. Ang matatapat na Banal na iyon ay sumakay ng barko sa loob ng apat na araw sa Amazon River at mga sangang-ilog nito. Pagkatapos ng paglalakbay na ito sa tubig, sumakay sila ng bus sa loob ng tatlo pang araw—sa mga baku-bakong lansangan, na kakaunti ang pagkain, at walang komportableng matulugan. Makalipas ang pitong araw at gabi, nakarating sila sa templo sa São Paulo, kung saan isinagawa ang mga ordenansa ng kawalang-hanggan. Mangyari pa ang paglalakbay nila pauwi ay gayundin kahirap. Gayon man, natanggap nila ang mga ordenansa at pagpapala ng templo, at kahit walang laman ang kanilang mga pitaka, sila mismo ay puspos ng diwa ng templo at ng pasasalamat sa mga pagpapalang natanggap nila” (“Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 91).

  • Anong mga sakripisyo ang ginawa ng mga Banal na taga-Manaus para matanggap ang mga ordenansa sa templo?

Papuntahin ang tatlong estudyante sa harapan ng klase at ipabasa nang malakas ang mga sumusunod na tala. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga matwid na ginawa ng mga Banal sa Nauvoo para matanggap ang mga ordenansa sa templo.

  1. Inilaan ng mga lider ng Simbahan ang mga silid sa templo nang matapos na ang mga ito upang masimulan nang maaga ang pagsasagawa ng ordenansa hangga’t maaari. Ang attic ng templo ay inilaan para sa pagsasagawa ng ordenansa noong Nobyembre 30, 1845. Nagsimulang matanggap ng mga Banal ang kanilang mga endowment noong gabi ng Disyembre 10, sa endowment session na nagpatuloy hanggang alas-3:00 n.u. noong Disyembre 11. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 303.)

  2. Sa katapusan ng 1845, mahigit 1,000 miyembro ang tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Noong Enero 1846, itinala ni Pangulong Brigham Young, “Gayon na lamang ang pananabik na ipinakita ng mga Banal na makatanggap ng mga ordenansa [sa Templo], at gayon na lamang ang pananabik namin na mangasiwa sa kanila; kaya’t inilaan ko na ang aking sarili sa gawain ng Panginoon sa Templo gabi at araw, karaniwan, hindi natutulog nang higit pa sa apat na oras, bawat araw, at umuuwi minsan isang linggo” (sa History of the Church, 7:567). Maraming kalalakihan at kababaihan ang tumulong sa paglalaba ng mga kasuotan sa templo gabi-gabi upang magpatuloy ang gawain kinabukasan nang walang pagpapaliban. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 303.)

  3. Noong Pebrero 3, 1846, nilisan ni Pangulong Young ang templo para makapaghanda na siya sa paglisan sa Nauvoo sa susunod na araw. Ngunit nang maglakad na siya sa labas, nakita niya ang isang malaking grupo ng mga taong naghihintay pa rin na makatanggap ng kanilang mga endowment. Dahil nahabag sa kapwa niya mga Banal, bumalik siya sa templo upang paglingkuran sila. Dalawang linggo pa ang lumipas bago siya nakaalis sa Nauvoo. Naitala sa talaan sa templo na 5,615 Banal ang na-endow bago magtungo sa kanluran. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 303–4.)

  • Ano ang nagpahanga sa inyo sa mga pagsisikap ng mga Banal na makatanggap ng mga ordenansa sa templo?

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga alituntuning isinulat mo sa pisara at matulungan silang ipamuhay ang mga alituntuning ito, sabihin sa kanila na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang class notebook o scripture study journal. (Isulat sa pisara ang mga tanong.)

Anong mga sakripisyo ang kailangan nating gawin para matanggap ang mga ordenansa sa templo?

Sa inyong palagay, bakit sulit pagsikapan at pagsakripisyuhan ang makatanggap ng mga ordenansa sa templo?

Ano ang kailangan ninyong gawin upang makatanggap ng mga ordenansa sa templo? (Ano ang kailangan ninyong ihinto o simulang gawin?)

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa pangalawang tanong.

Nilisan ng mga Banal ang Nauvoo

Ipaliwanag na matapos matanggap ang mga ordenansa sa templo, nagsimula nang lisanin ng mga Banal ang Nauvoo noong Pebrero 1846. Sa sumunod na ilang buwan, patuloy nilang nilisan ang Nauvoo, at iba’t ibang grupo ang pansamantalang nanirahan sa buong estado ng Iowa. Sa katapusan ng Abril, karamihan sa mga Banal ay nakaalis na sa Nauvoo. Gayunman, hindi lahat ng miyembro ng Simbahan ay nakayang makaalis. May ilan pang nanatili sa Nauvoo noong tag-init ng 1846 dahil hindi na nila kayang maglakbay bunga ng karamdaman, karalitaan, o kahinaan. May ilang nagpasiya na hindi na umalis.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata, na nagsasalaysay sa nangyari sa karamihan sa mga naiwan.

Noong Setyembre 1846 mga 800 katao, na nasasandatahan ng anim na kanyon, ang naghanda upang salakayin ang Nauvoo. Ang mga natitirang Banal at ilang bagong mamamayan, na kinabibilangan lamang ng 150 kalalakihan na handang lumaban, ang naghandang ipagtanggol ang lunsod. Matapos ang ilang araw na labanan, napilitang sumuko ang mga Banal at sinabihan na lisanin kaagad ang lunsod. Pagkatapos ay pinasok ng mga mandurumog ang lunsod, ninakawan ang mga tahanan, at nilapastangan ang templo. Ang mga Banal na hindi agad nakatakas ay binugbog o inihagis sa Mississippi River. Matapos mapalayas ang mga natitirang Banal sa Nauvoo, nagtayo sila ng refugee camp sa gilid ng ilog sa Iowa. Wala silang sapat na pagkain, suplay, o pisikal na lakas upang matustusan ang kanilang sarili. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 318.)

Ipaliwanag na nagpadala ang mga lider ng Simbahan ng mga pangkat na sasagip sa naghihirap na mga Banal sa Iowa.

  • Ano kaya ang mararamdaman ninyo kung pabalikin kayo sa Nauvoo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mensahe na ipinadala ni Brigham Young sa mga taong inatasang magtipon ng mga pangkat na sasagip:

Larawan
Pangulong Brigham Young

“Hayaan ninyong ang apoy ng tipan na ginawa ninyo sa Bahay ng Panginoon, ay mag-alab sa inyong mga puso, tulad ng apoy na hindi maapula, hanggang sa … mahanap ninyo ang bawat tao … na [kayang umalis], at ibahagi ang apoy na iyon sa kanyang kaluluwa, hanggang sa siya ay bumangon … at kaagad na humayo, at kunin ang pangkat ng naghihikahos na mga Banal mula sa Nauvoo. …

“… Ito ay araw ng pagkilos” (Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Set. 28, 1846, 5–6, Church History Library, Salt Lake City).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng pahayag ni Brigham Young tungkol sa mga tipang ginagawa natin? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na hindi sapat na gumawa lamang ng mga tipan—kailangan nating tuparin ang mga ito. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Iniuutos sa atin ng Panginoon na ipamuhay ang mga tipang ginagawa natin.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Anong mga sakripisyo ang nagawa na ninyo para matupad ang inyong mga tipan?

Anong mga pagpapapala ang naranasan ninyo dahil namuhay kayo ayon sa mga tipang ginawa ninyo?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na pumili ng isa sa mga tanong at talakayin ang kanilang mga sagot sa kanilang mga kapartner. Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante ng kailangan nilang gawin upang maipamuhay ang mga tipang ginawa nila. Patotohanan ang mga pagpapalang dulot ng pagtupad sa ating mga tipan.