Seminary
Lesson 89: Doktrina at mga Tipan 85–86


Lesson 89

Doktrina at mga Tipan 85–86

Pambungad

Noong mga huling araw ng Nobyembre 1832, ilang Banal ang lumipat sa Sion ngunit hindi inilaan ang kanilang mga ari-arian tulad ng iniutos ng Panginoon. Dahil hindi nila inilaan ang kanilang mga ari-arian, hindi nila natanggap ang kanilang mga mana alinsunod sa itinatag na pamamaraan ng Simbahan. Tinalakay ni Propetang Joseph Smith ang isyung ito sa isang mahalagang liham kay William W. Phelps, na may petsang Nobyembre 27, 1832. Ang isang bahagi ng liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 85. Kalaunan, noong Disyembre 6, 1832, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 86 habang ginagawa niya ang inspiradong rebisyon ng Biblia. Ang paghahayag na ito ay naglaan ng karagdagang paliwanag tungkol sa talinghaga ng trigo at ng mga agingay o pangsirang damo at ang ginagampanan ng priesthood sa pagtulong sa Panginoon na matipon ang mabubuti sa mga huling araw.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 85

Ang klerk ng Panginoon ay mag-iingat ng talaan ng mga tao ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay kasama sila sa starting position sa isang sports team. (Maaari mong pangalanan ang isang sikat na team sport sa inyong bansa at ang popular na team na naglalaro ng sport na iyan.) Matapos ang ilang araw na paglalaro sa team na ito, naobserbahan nila na makasarili ang isang miyembro ng team, hindi naglalarong mabuti ang ilang miyembro, at hindi pinapansin ng iba ang coach.

  • Bakit kaya mahirap para sa team na ito na manalo? Ano kaya ang kailangang baguhin para makapaglaro nang mas mahusay ang team na ito?

Ipaliwanag na isang sitwasyong tulad nito ang nangyari noong 1832 nang dumami ang mga Banal na nagsidatingan sa Missouri. Iniutos sa mga naunang paghahayag na ang lunsod ng Sion ay itatayo sa Jackson County, Missouri ayon sa mga batas ng Panginoon at sa ilalim ng pamamahala ng priesthood. Ayon sa mga batas na ito, ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi maglalakbay patungo sa Sion hangga’t hindi sila nakatatanggap ng isang sertipiko mula sa mga lider ng Simbahan. Kapag dumating na sila, dapat nilang ilaan ang lahat ng kanilang pera at ari-arian sa Simbahan at tatanggap ng mana mula sa bishop. Bukod pa rito, dapat nilang sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos. (Tingnan sa D at T 64:34–35; 72:15–19, 24–26.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 85, ipaliwanag na marami sa mga Banal sa Missouri ang namuhay ayon sa mga batas na itinakda ng Panginoon para sa pagtatayo ng Sion. Gayunman, sinuway ng ilan sa mga miyembro ng Simbahan ang utos ng Panginoon na ilaan ang kanilang mga ari-arian at naglakbay patungo sa Sion nang walang natanggap na sertipiko mula sa kanilang mga lider. Dahil dito, hindi sila tumanggap ng kanilang mga mana.

  • Bakit maaaring mahirap magtayo ng lunsod ng Sion sa ganitong mga kalagayan?

Ipaliwanag na bilang tugon sa mga problemang ito sa Missouri, nagpadala ng liham si Joseph Smith kay William W. Phelps, isang lider ng Simbahan na naninirahan sa Independence nang panahong iyon (tingnan sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan 85).

Ipaliwanag na naglalaman ng mga tagubilin ang liham ng Propeta para sa klerk ng Panginoon na si John Whitmer, na nakatira sa Missouri. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 85:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagagawa ng Panginoon sa klerk ng Simbahan sa Missouri.

  • Ano ang iniuutos sa klerk na itala o irekord?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 85:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang sinabi ng Panginoon na hindi itatala ang mga pangalan sa mga talaan ng Simbahan.

  • Sinong mga tao ang hindi itatala ang kanilang mga pangalan sa mga talaan ng Simbahan?

Ipaliwanag na tulad sa mga talaang iningatan sa panahon ni Joseph Smith, ang mga talaan ng Simbahan ay iniingatan din sa ating panahon. Ang isang layunin nito ay maingatan ang isang talaan ng mga pangalan ng matatapat gayon din ang ulat ng kanilang mga gawa.

  • Ano ang ilang bagay na dapat nating gawin para maitala ang ating mga pangalan bilang matatapat na miyembro ng Simbahan?

Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kung ipamumuhay natin ang mga batas ng Diyos, ang ating mga pangalan ay maisusulat sa mga talaan ng Simbahan bilang matatapat na miyembro ng Simbahan. Ipaliwanag na ang mga gawa ng matatapat na itinala dito sa lupa ay itatala rin sa langit at ito ay tinatawag na aklat ng buhay (tingnan sa D at T 128:6–7). Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 85:5, 9, 11 at ipatukoy ang iba pang pangalang ginamit para ilarawan ang talaang iningatan sa lupa tungkol sa matatapat. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng katotohanang isinulat mo sa pisara, sabihin sa kanila na kunwari ay may plano silang dumalo sa isang prestihiyosong okasyon. Itanong sa kanila kung ano ang madarama nila kung dumating sila sa okasyong iyon pero hindi sila pinapasok dahil ang kanilang mga pangalan ay wala sa listahan ng mga inanyayahan.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 85:9–11 at isipin kung ano ang madarama nila kung wala ang mga pangalan nila sa aklat ng alaala ng Panginoon.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mga tao na ang mga pangalan ay hindi nakatala ay “hindi makasusumpong ng mana” kasama ng mga Banal? (Hindi sila tatanggap ng mga pagpapala na ibinibigay sa matatapat.)

  • Ayon sa talata 11, ano ang magiging dahilan para maalis ang mga pangalan ng mga miyembro ng Simbahan sa aklat ng batas ng Diyos?

  • Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo tungkol sa kahalagahan ng nakatala ang inyong pangalan bilang matapat na miyembro ng Simbahan?

Patotohanan na ang mga talaan ay kapwa iniingatan dito sa lupa at sa langit. Isusulit nating lahat ang ating mga ginawa at katapatan sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang naging saloobin nila at pagsunod sa mga batas ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 86

Ipinaliwanag ng Panginoon ang talinghaga ng trigo at mga agingay o pangsirang damo

Bago magklase, sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 13:24–30 at maghandang ibuod ang talinghaga ng trigo at mga agingay o pangsirang damo sa klase. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: trigo, mga pangsirang damo, ang bukid, mga manghahasik ng binhi, ang kaaway.

Matapos ibuod ng napiling estudyante ang talinghaga, itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Ano ang sinisimbolo ng trigo at mga pangsirang damo? (Ang trigo ay sumisimbolo sa mabubuti at ang mga pangsirang damo ay sumisimbolo sa masasama [tingnan sa Mateo 13:38].)

  • Bakit nais ng lalaki sa talinghaga na hintayin ang paglaki ng mga pangsirang damo bago ito bunutin?

Larawan
trigo at mga pangsirang damo

Idispley ang kalakip na larawan ng trigo at mga pangsirang damo, o idrowing ito sa pisara. Ipaliwanag na ang mga pangsirang damo ay isang uri ng nakalalasong damo. Ang trigo at mga pangsirang damo ay halos magkatulad kapag umuusbong, ngunit makikita ang pagkakaiba nila kapag ganap nang nagsitubo. Kung bubunutin na ng mang-aani ang mga pangsirang damo bago ganap na magsitubo ang trigo at pangsirang damo, malamang na marami rin siyang mabunot na trigo.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 86:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kahulugan ng bukid, mga manghahasik ng binhi, at ang kaaway. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Batay sa paliwanag ng Panginoon sa mga simbolo, paano ninyo ibubuod ang kahulugan ng talinghaga?

Ipaliwanag na nirerebyu at ini-edit ni Joseph Smith ang inspiradong rebisyon ng Biblia (ang Pagsasalin ni Joseph Smith) nang matanggap niya ang paghahayag na ito. Ipinaliwanag pa ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 86 ang tungkol sa talinghaga tulad ng pagkakatala nito sa Mateo 13:24–30. Halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan 86 nalaman natin na ang mga manghahasik sa talinghaga ay kumakatawan sa mga Apostol ng Tagapagligtas (tingnan sa talata 2) at ang agingay o pangsirang damo ay “sinasakal ang trigo at tinatangay ang simbahan sa ilang” (talata 3). Nalaman din natin na “sa mga huling araw,” magsisimulang “[sumibol]” ang mga dahong mura pa (talata 4). Ang paghahasik ng mga agingay o pangsirang damo ay maaaring sumimbolo sa Apostasiya, at ang pagsibol ng mga murang trigo ay maaaring sumimbolo sa Panunumbalik.

Ipaliwanag na sa talinghaga, iniutos ng puno ng sangbahayan sa kanyang mga alipin na tipunin muna ang mga pangsirang damo para sunugin at pagkatapos ay tipunin ang mga trigo sa bangan (tingnan sa Mateo 13:27–30). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 86:7 para matuklasan ang isang kaalamang ibinibigay ng paghahayag na ito na naglilinaw sa pagkakasunud-sunod ng pagtitipon.

  • Ano ang matututuhan natin sa talata 7 tungkol sa pagkakasunud-sunod ng pagtitipon?

  • Ano ang itinuturo nito tungkol sa mangyayari sa mabubuti at masasama sa mga huling araw? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Titipunin ng Panginoon ang mabubuti sa mga huling araw at pagkatapos ay lilipulin ang masasama sa Kanyang Ikalawang Pagparito.)

Idispley ang mga larawang Mga Misyonero: Mga Elder at Mga Misyonera: Mga Sister (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 109, 110; tingnan din sa LDS.org).

Larawan
mga misyonero, mga elder
Larawan
mga misyonera, mga sister
  • Paano nauugnay ang mga larawang ito sa talinghaga ng trigo at mga agingay o pangsirang damo? (Tulungan ang mga estudyante na makita na makatutulong tayo sa pagtitipon ng mabubuti sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.)

Ipaliwanag na ang pag-alaala sa maraming paraan na napagpala tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon ay magpapatindi ng ating hangarin na ibahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 86:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga paraan na napagpala tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon.

  • Ayon sa mga talata 8–10, ano ang ilang paraan na napagpala tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon?

Ituro ang pariralang “kayo ay mga karapat-dapat na tagapagmana” sa talata 9. Ipaliwanag na ang ibig sabihin nito ay bahagi ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa tipang ginawa ng Diyos kay Abraham, kung saan ipinangako kay Abraham na makakamtan ng kanyang mga inapo ang mga pagpapala ng priesthood at ibabahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba (tingnan sa Abraham 2:9–11).

  • Paano kayo napagpala sa pamamagitan ng priesthood?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 86:11 at sabihin sa klase na tukuyin ang mga paraan na matutulungan natin ang iba. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Makapagdadala tayo ng kaligtasan sa iba sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na matanggap ang mga pagpapalala ng priesthood.

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi sila ng sariling karanasan tungkol sa pagpapakita nila ng mabuting halimbawa sa isang tao o pagtulong sa isang tao na matanggap ang mga pagpapala ng priesthood.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 85:7–8. Sino ang “isang makapangyarihan at malakas”?

Ang pagbanggit sa “isang makapangyarihan at malakas” (D at T 85:7) na magsasaayos sa bahay ng Diyos at ang pagbanggit sa isang taong “nag-unat ng kanyang kamay upang patatagin ang arka” (D at T 85:8) ay ginamit ng maraming nag-apostasiya upang bigyang-katwiran ang kanilang pagtalikod sa Simbahan. Ipinahayag nila na hindi nalugod ang Diyos sa iba-ibang Pangulo ng Simbahan at ang mga ito ay itinakwil, at sila, ang mga nag-apostasiya, ang siyang “makapangyarihan at malakas” na tinawag ng Diyos na magsasaayos ng mga bagay-bagay. Ang pahayag na iyan ay salungat sa kahulugan ng mga banal na kasulatan. Sa isang opisyal na pahayag na inilabas noong 1905, tinalakay ng Unang Panguluhan (Joseph F. Smith, John R. Winder, at Anthon H. Lund) ang mga sitwasyon kaya naibigay ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 85:7–8 at kung sino ang tinukoy ng dalawang pariralang ito:

“Una sa lahat, makikita na ang paksa ng buong liham na ito [ang liham ng Propeta kay William W. Phelps], at ang bahagi nito na kalaunan ay tinanggap bilang isang paghahayag, ay nauugnay sa mga gawain ng Simbahan sa Missouri, sa pagtitipon ng mga Banal sa lupaing iyan at pagtanggap ng kanilang mga mana sa ilalim ng batas ng paglalaan at pangangasiwa; at tinalakay ng Propeta lalo na ang tungkol sa mangyayari sa mga hindi tumanggap ng kanilang mga mana ayon sa pamamaraan o legal na kontrata mula sa bishop. …

“Si Bishop Partridge ay isa sa mga kapatid, na—bagama’t taong pinakakarapat-dapat, at minamahal ng Panginoon, at inilarawan ng Propeta na ‘huwaran ng kabanalan’ at ‘isa sa mga dakilang tao ng Panginoon’—ay inihahanay paminsan-minsan ang kanyang sarili sa mga sumasalungat sa Propeta noong mga unang araw na iyon, at hinangad na itama ang Propeta sa kanyang pangangasiwa sa mga gawain ng Simbahan; sa madaling salita, ‘nag-unat ng kanyang kamay upang patatagin ang arka.’ …

“Dahil sa paghihimagsik, inggit, kapalaluan, kawalang-paniniwala at katigasan ng puso na nanaig sa mga kapatid sa Sion—Jackson County, Missouri—at kasali sa lahat ng ito si Bishop Partridge, naisulat ang mga salita ng paghahayag na hinango sa liham kay William W. Phelps, noong ika-27 ng Nobyembre, 1832. Ang ‘taong yaon, na tinawag ng Diyos at itinalaga’ upang ‘hatiin sa mga Banal ang kanilang mana’—si Edward Partridge—ay sa panahong iyon ay hindi kumikilos nang nararapat, pinababayaan ang kanyang sariling tungkulin, at ‘nag-unat ng kanyang kamay upang patatagin ang arka’; dahil dito, siya ay binalaan tungkol sa kahatulan ng Diyos, at ibinadya na ‘isang makapangyarihan at malakas,’ ang ipadadala ng Diyos na kapalit niya, sa bishopric—isang taong taglay ang diwa at kapangyarihan ng mataas na katungkulang iyon, at sa pamamagitan niyon ay ‘isa[sa]ayos ang bahay ng Diyos, at [aayusin] sa pamamagitan ng bunutan ang mga mana ng mga Banal’; ibig sabihin, isang taong gagawa ng gawaing itinalaga kay Bishop Edward Partridge, na hindi niya ginawa. …

“… At dahil sa kanyang pagsisisi at mga sakripisyo at paghihirap, walang alinlangang hindi gaanong mabigat ang kaparusahang tinanggap ni Bishop Edward Partridge sa kahatulang ibinadya sa kanya na siya ay babagsak ‘sa palaso ng kamatayan, tulad ng isang puno na tinamaan ng matatalim na palaso ng kidlat,’ maituturing din na ang pagpapadala ng isang taong papalit sa kanya—‘isang makapangyarihan at malakas upang isaayos ang bahay ng Diyos, at upang ayusin sa pamamagitan ng bunutan ang mga mana ng mga Banal’—ay lumipas na at isinara na ang buong detalye ng propesiya” (sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo [1965–75], 4:112, 113, 115, 117; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 186–87).

Doktrina at mga Tipan 85:8. Ano ang ibig sabihin ng “patatagin ang arka ng Diyos”?

Ang pariralang “patatagin ang arka ng Diyos” ay tumutukoy sa “isang pangyayari sa paghahari ni Haring David sa sinaunang Israel. Kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng tipan sa digmaan ngunit ibinalik ito nang magkaroon ng mga salot sa kanila (tingnan sa I Samuel 4–6). Kalaunan ay dinala ni David at ng mga tao ang kaban patungo sa Jerusalem na nakasakay sa isang karo na hinihila ng mga baka, na pinatatakbo nina Uzza at Ahio. ‘At nang sila’y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka’t ang mga baka ay nangatisod. At ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo’y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios’ (II Samuel 6:6–7; tingnan sa talata 1–11). Ang kaban ay simbolo ng presensya ng Diyos, ng Kanyang kaluwalhatian at karingalan. Noong ibigay ito sa Israel, ang kaban ay inilagay sa Kabanal-banalang Dako sa tabernakulo, at kahit ang saserdote ay hindi pinahihintulutang lumapit dito. Tanging ang mataas na saserdote lamang, isang sagisag kay Cristo, ang makalalapit dito, at ito ay pagkatapos lamang ng detalyadong ritwal ng paglilinis ng sarili at mapatawad sa kanyang mga kasalanan. …

“Bagama’t mabuti ang hangarin ni Uzza, walang anumang nilapitan at hinawakan niya ang kaban na maaari lamang lapitan sa pagsunod sa napakahigpit na mga kondisyon. Wala siyang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos. Inakala niya na nasa panganib ang kaban, nalimutang ito ay pisikal na simbolo ng Diyos na may taglay ng lahat ng kapangyarihan. Huwag nating isipin na maililigtas natin ang Diyos at ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng sarili nating pagsisikap.

“‘Ang kasalanan ni Uzza sa katunayan ay kinapapalooban ng paghawak niya sa kaban nang walang paggalang, bagama’t may mabuting hangarin na pigilan ang pagdausdos nito at pagbagsak mula sa karo. Ang paghawak sa kaban, ang trono ng banal na kaluwalhatian at nakikitang simbolo ng hindi nakikitang presensya ng Panginoon, ay paglapastangan sa karingalan ng banal na Diyos. “Si Uzza kung gayon ay kumakatawan sa lahat ng may mabubuting hangarin, kung pagiging makatao ang pag-uusapan, ngunit may mga kaisipang hindi banal, nakikialam sa mga gawain ng kaharian ng Diyos, dahil inaakala nila na nasa panganib ang mga ito, at umaasam na maililigtas ang mga ito” (O. V. Gerlach).’ (Keil and Delitzsch, Commentary, bk. 2: Joshua, Judges, Ruth, 1 and 2 Samuel, ‘Second Book of Samuel,’ p. 333.)” (Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 188).

Binanggit ng Panginoon ang pangyayaring ito sa makabagong paghahayag upang ituro ang alituntunin na hindi natin dapat kunin ang responsibilidad na magbigay ng tagubilin (“patatagin ang arka” o kaban) sa mga lider na maytaglay ng priesthood o sa iba na tinawag at itinalaga ng Diyos (tingnan sa D at T 85:8). Gayunman may ilang nangangamba na umuuga-uga ang kaban o arka at inisip na patatagin ito. Maaaring makakita ang ilang miyembro ng Simbahan ng mga problema at madismaya sa paraan kung paano nilulutas ng kanilang mga lider o ng iba ang mga problemang iyon. Maaaring maramdaman nila na bagama’t wala silang awtoridad, kailangan nilang itama ang ginagawa ng kanilang ward o maging ng Simbahan. Gayunman, ang pinakamabuting hangarin ay hindi nagbibigay-katwiran para manghimasok sa Simbahan ng Panginoon.

Itinuro ni Pangulong David O. McKay:

Larawan
Pangulong David O. McKay

“Medyo mapanganib para sa atin na lumabas sa sarili nating nasasakupan at tangkaing tagubilinan nang walang awtoridad ang ibang tao. Naalala ninyo ang nangyari kay Uzza na nag-unat ng kanyang kamay upang patatagin ang kaban. [Tingnan sa I Mga Cronica 13:7–10.] Tila makatwiran ang ginawa niya nang iunat niya ang kanyang kamay upang patatagin ang simbolong iyon ng tipan nang matisod ang mga baka. Iniisip natin ngayon na napakatindi ng kaparusahang natanggap niya. Ganyan man ang nangyari, ang pangyayari ay nagtuturo ng aral sa buhay. Tumingin tayo sa ating paligid at masdan kung gaano kabilis namamatay sa espirtuwal ang mga kalalakihang nagtatangkang patatagin ang kaban nang walang awtoridad. Ang kanilang mga kaluluwa ay madaling magalit, baluktot ang kanilang mga isipan, mali ang pasiya at malungkot ang kanilang espiritu. Kaawa-awa ang ganyang mga tao na nagpapabaya sa kanilang sariling mga responsibilidad at inuukol ang kanilang oras sa paghahanap ng mali sa iba” (sa Conference Report, Abril 1936, 60).