Seminary
Lesson 156: Mga Organisasyon at mga Programa ng Simbahan


Lesson 156

Mga Organisasyon at mga Programa ng Simbahan

Pambungad

Sa patuloy na paglago ng Simbahan, binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga lider at miyembro ng Simbahan na magpatupad ng mga organisasyon at programa sa Simbahan upang tulungan ang mga Banal. Nang unang itinatag ang ilan sa mga organisasyon at programang ito, hindi lubhang kailangan ang mga ito, ngunit habang lumalago ang Simbahan, naging mahalaga na ang mga ito sa gawain ng Panginoon para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang mga organisasyon at mga programa ng Simbahan ay tumutulong sa atin na maghanda at umunlad tungo sa buhay na walang hanggan

Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila na ayaw pumunta sa mga miting at aktibidad ng Young Women. Sinabi niya na hindi masaya ang mga ito at sayang lang ang oras niya.

Matapos mong ilahad ang halimbawang ito, sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung ano ang puwede nilang sabihin para matulungan ang kaibigang ito na maunawaan ang layunin ng mga miting at aktibidad ng Young Women.

  • Ano ang sasabihin ninyo na layunin ng mga organisasyon ng Young Men at Young Women?

  • Paano makatutulong sa mga kabilang sa isang organisasyon na alam nila ang layunin nito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moises 1:39 at alamin ang layunin ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang ginagawa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailangan mong ipaalala sa mga estudyante na ang kawalang-kamatayan ay tumutukoy sa pamumuhay magpakailanman bilang nabuhay na muling nilalang. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na muli, masama man sila o mabuti sa buhay na ito. Ang buhay na walang hanggan ay ang mabuhay magpakailanman bilang pamilya sa piling ng Diyos at maging katulad Niya. Tulad ng kawalang-kamatayan, ang buhay na walang hanggan ay naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gayunman, kailangan rin dito ang ating “pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).

  • Kung ang layunin ng Ama sa Langit ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak, ano ang layunin ng Simbahan?

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tumutulong sa Ama sa Langit sa pagsasakatuparan ng buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang ilang paraan ng pagtulong ng Simbahan sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng mga anak ng Ama sa Langit?

Ipaliwanag na ang Simbahan ay may maraming organisasyon—na tinatawag na mga auxiliary sa priesthood—at iba pang mga programa na nakatutulong sa ating umunlad tungo sa buhay na walang hanggan. Sabihin sa mga estudyante na banggitin sa klase ang ilan sa mga ito. (Maaaring kabilang sa sagot ang Relief Society, Young Men, Young Women, Primary, at Sunday School at mga programang tulad ng family home evening at Seminaries and Institutes of Religion.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo tinutulungan ng mga organisasyon at programa na matuto at umunlad sa ebanghelyo upang matanggap natin ang buhay na walang hanggan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipaliwanag na ang pahayag na ito ay tungkol sa mga programa ng seminary at institute, ngunit ang alituntunin na itinuturo nito ay angkop din sa iba pang mga auxiliary at programa ng Simbahan.

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang mga programang ito ay sinimulan dahil maganda ngunit hindi pa lubhang kailangan. Binigyan ito ng panahong umunlad at maging proteksyon para sa Simbahan. Ang mga ito ngayon ay naging mahalagang gabay para sa kaligtasan ng makabagong Israel sa pinakamahirap na panahong ito” (“Teach the Scriptures” [mensahe sa CES religious educators, Okt. 14, 1977], 3, LDS.org).

  • Paano nakatulong sa inyo ang seminary na mapaghandaan ang ilan sa mga hamon ng buhay?

Ipaliwanag na hinikayat ng Panginooon na magkaroon ng maraming programa at organisasyon upang ihanda tayo para sa mga hamon sa buhay at tulungan tayong umunlad tungo sa buhay na walang hanggan. Upang matulungan ang mga estudyante sa pagtalakay ng mga tulong na tinatanggap nila mula sa ilan sa mga organisasyon at mga programa ng Simbahan, hatiin sa anim na grupo ang klase. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng mga sumusunod na tanong (o isulat ang mga ito sa pisara) at ng isa sa mga sumusunod na buod ng kasaysayan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga buod sa kanilang grupo at maghandang sagutin ang mga tanong.

Kailan nagsimula ang organisayon o ang programang ito?

Sa inyong palagay, paano tayo nito inihahanda sa pagharap sa mga pagsubok at hamon sa ating panahon?

Sa inyong palagay, paano ito nakatutulong sa pag-unlad natin tungo sa buhay na walang hanggan?

Sunday School

Noong 1849 nadama ng isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Richard Ballantyne na kailangan ng mga bata ng isang lugar kung saan mapag-aaralan nila ang ebanghelyo sa araw ng Sabbath. Ang mga Banal sa Great Britain ay nagdaraos na ng mga Sunday School class, at si Brother Ballantyne ang nagpasimula ng unang Sunday School class sa Utah sa kanyang ward sa Salt Lake City noong Disyembre 1849. Hindi nagtagal, nagsimula na ring gawin ito ng ibang mga ward, gamit ang kani-kanya nitong kurikulum. Noong 1867, binuo ng mga lider ng Simbahan ang Deseret Sunday School Union, na naghikayat na gawing magkakapareho ang kurikulum. Pagsapit ng 1870, mahigit 200 Sunday School class ang binuo. Ngayon, ang mga ward at branch ay marami nang Sunday School class.

Young Women

Pinulong ni Pangulong Brigham Young ang kanyang mga anak na babae sa kanyang tahanan noong Nobyembre 28, 1869, at sinabi sa kanila na maging halimbawa sila upang tulungan ang kanilang mga kaedad na magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo, maging disente sa pananamit at pagkilos, at iwasan ang pinapauso at inuugali ng mundo. Noong 1870 pormal na bumuo ng organisasyon para sa mga kabataang babae upang maisulong ang mga layuning ito. Ang organisasyong ito ay nakilala kalaunan bilang Young Women’s Mutual Improvement Association (YWMIA), na kalaunan ay pinalitan ng Young Women. Noong mga unang taon ng 1970s, pinasimulan ng mga lider ang programang Pansariling Pag-unlad. Noong 1985 ipinakilala nila ang mga pinahahalagahan at tema ng Young Women.

Young Men

Ang Young Men’s Mutual Improvement Association (YMMIA) ay itinatag noong Hunyo 10, 1875, sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Brigham Young. Ang organisasyong ito ay binuo upang tulungan ang mga kabataang lalaki na umunlad sa espirituwal at intelektuwal at mabigyan din sila ng mga gawaing panlibangan. Noong 1913, nakipagpartner ang Simbahan sa Boys Scouts of America sa Estados Unidos. Ang pakikipagpartner sa ibang mga programa ng Scouting sa iba’t ibang bansa ay binuo kung saan maaari. Iba-iba ang naging pangalan ng organisasyon, una pinalitan ito ng Aaronic Priesthood–MIA, at pagkatapos ay ginawang Aaronic Priesthood, at sa huli ay naging Young Men. Noong 2001, ipinakilala ng mga lider ang programang Tungkulin sa Diyos.

Primary

Noong 1877, “nadama [ni Aurelia Spencer Rogers] na may dapat gawin tungkol sa pag-uugali ng mga bata sa komunidad na pinapabayaang gumagala-gala sa bayan mula umaga hanggang gabi. Nadama niyang marami sa mga batang ito ang hindi natuturuan ng mga pangunahing alituntunin at pagpapahalaga [upang maihanda sila] sa kaalaman at pag-uugali upang maisulong nila ang ebanghelyo, o maging mga mabubuting magulang at mga mamamayan” (“History of Primary,” lds.org/callings/primary/getting-started/history-of-primary). Kinausap niya si Eliza R. Snow, na noon ay naglilingkod bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society, at sila nakakuha ng pahintulot mula kay Pangulong John Taylor para mag-organisa ng isang Primary sa Farmington, Utah, sa ilalim ng pamamahala ni Bishop John Hess. Ang miting ng Primary, na idinaos noong Agosto 25, 1878, ay kinabibilangan ng 224 na batang lalaki at babae. Noong 1880, tumawag ng Primary general president, at sinimulan nang mag-organisa ng mga Primary class sa maraming ward.

Seminaries and Institutes of Religion

Noong 1888 nag-organisa ang Simbahan ng pangkalahatang Board of Education at mga akademya ng Simbahan upang magbigay ng espirituwal na pundasyon para sa sekyular na pag-aaral para sa mga hindi dumadalo sa mga akademya ng Simbahan. Noong 1912 si Joseph F. Merrill, isang propesor at miyembro ng Simbahan, ay nagmungkahi ng plano na magtutulot sa mga estudyante sa pampublikong paaralan na makapasok sa mga klaseng pangrelihiyon bilang bahagi ng kanilang klase sa paaralan. Tinawag itong seminary, at ang unang mga klase ay idinaos malapit sa Granite High School sa Salt Lake City, Utah, at may 70 estudyante ang naka-enroll. Sa paglaki ng seminary program, isa pang programa na katulad nito ang binuo para sa mga kabataan na nasa kolehiyo na. Ito ay pinangalanang Latter-day Saint Institute of Religion, at nagsimula ang mga klase sa institute noong 1926 sa Moscow, Idaho. Noong mga unang taon ng 1950s, sinimulan ang isang early-morning seminary program sa California, ang home-study seminary program ay sinimulan noong 1960s, at ang seminary at institute of religion ay patuloy na pinalawak sa buong mundo.

Family Home Evening

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na ang programa ng Simbahan ay dapat maging “pantulong sa ating mga turo at pagsasanay sa loob ng ating tahanan. Wala ni isang bata ang maliligaw, kung ang kapaligiran sa tahanan, ang halimbawa, at pagsasanay, ay nakaayon sa katotohanan sa Ebanghelyo ni Cristo” (“Worship in the Home,” Improvement Era, Dis. 1903, 138). Noong 1909, sinimulan ng Granite Stake sa Salt Lake City, Utah, ang lingguhang home evening program, na ayon kay Pangulong Smith ay binigyang-inspirasyon. Noong 1915 inirekomenda ng Unang Panguluhan na gawin sa buong Simbahan ang buwanang home evening. Ipinangako ng Unang Panguluhan: “Kung susundin ng mga Banal ang payong ito [na magdaos ng mga home evening], ipinapangako namin na mga dakilang pagpapala ang ibubunga nito. Ang pagmamahal sa tahanan at pagiging masunurin sa mga magulang ay madaragdagan. Lalakas ang pananampalataya sa mga puso ng kabataan ng Israel, at magkakaroon sila ng lakas para labanan ang masasamang impluwensya at tukso na nakapaligid sa kanila” (sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo [1965–75], 4:339). Limampung taon kalaunan, naglathala ang Simbahan ng mga manwal na gagamitin ng mga pamilya sa pagtuturo ng ebanghelyo linggu-linggo. Noong 1970 itinalaga ng mga lider ng Simbahan ang mga Lunes ng gabi para sa family home evening at ipinaalam na walang ibang aktibidad ang dapat idaos sa gabing iyon.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na ibuod ang kasaysayan ng naka-assign sa kanila na organisasyon o programa at ipaliwanag ang kanilang mga sagot sa mga tanong na tinalakay nila.

Ipaliwanag na dati-rati ang bawat organisasyon at programa sa Simbahan ay may sari-sariling paraan ng pagpapatakbo. Sa mabilis na paglaki ng Simbahan noong 1950s, nakita ng mga lider ng Simbahan na kailangan nang pag-aralan kung paano natutugunan ng mga organisasyon ng Simbahan ang mga layunin ng Simbahan. Nagpasiya silang pag-isahin at ikoordina ang mga organisasyon at mga programa ng Simbahan kapwa sa pangangasiwa at pagpili ng kurikulum. Nakatulong ang mga pagbabagong ito na mas matugunan ng mga organisasyon at programa ang iba’t ibang pangangailangan ng lumalaking Simbahan at mapatatag ang pamilya. Sa lahat ng ginawang pag-uugnay [correlation] na ito, lahat ng mga organisasyon sa Simbahan ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood na may hawak ng mga susi na mamuno.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Ang pag-uugnay [correlation] ay ang sistema sa pangangasiwa sa simbahan kung saan pinagsasama-sama natin ang lahat ng programa ng Simbahan, itinutuon ang mga ito sa iisang layunin, ipinapaloob sa iisang kabuuan, pinapatakbo bilang isang programa, isinasama ang lahat ng miyembro sa pagpapatakbo—at ginagawa ito sa ilalim ng pamamahala ng priesthood” (Let Every Man Learn His Duty [booklet, 1976], 2).

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nakibahagi tayo sa mga organisasyon at mga programa ng Simbahan, natatanggap natin ang mga pagpapalang kaakibat ng mga ito. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong: at sabihin sa mga estudyante na sagutan ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Paano pinagpala ng mga organisasyon ng Simbahan ang buhay ninyo? Paano pinagpala ng Tungkulin sa Diyos o Pansariling Pag-unlad ang buhay ninyo?

Paano kayo mas lubos na makakabahagi sa Young Men o Young Women? Sa Sunday School? Sa family home evening? Sa seminary?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat. Maaari mo ring ibahagi ang mga iniisip mo tungkol sa kung paano pinagpapala ng mga organisasyon ng Simbahan ang buhay mo at kung paano ka tinutulungan at ang iyong pamilya na umunlad tungo sa buhay na walang hanggan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang kahalagahan ng seminary

Inilarawan ni Pangulong Thomas S. Monson ang kahalagahan ng seminary:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Bukod sa pagdalo sa inyong mga pulong sa Linggo at sa mga aktibidad sa buong linggo, kapag may pagkakataon kayong sumali sa seminary, ito man ay sa early morning o sa released-time class, samantalahin ninyo ang pagkakataong iyon. Marami sa inyo ngayon ang dumadalo sa seminary. Gaya ng iba pang bagay sa buhay, karamihan sa natututuhan ninyo sa seminary ay batay sa inyong pag-uugali at kahandaan ninyong maturuan. Nawa’y maging mapagpakumbaba kayo at hangaring matuto. Malaki ang pasasalamat ko na nagkaroon ako ng pagkakataon noong tinedyer ako na makadalo sa early-morning seminary, dahil mahalaga ang naging papel nito sa aking pag-unlad at sa paglago ng aking patotoo. Ang seminary ay nakapagpapabago ng buhay” (“Maniwala, Sumunod, at Magtiis,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 128).