Seminary
Lesson 24: Doktrina at mga Tipan 19:1–22


Lesson 24

Doktrina at mga Tipan 19:1–22

Pambungad

Noong Hunyo 1829, inupahan ni Joseph Smith ang manlilimbag na si Egbert B. Grandin para maglimbag ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon sa halagang $3,000. Gayunman, ayaw simulan ni Grandin ang paglilimbag o bumili man lang ng type hanggang hindi siya nakakasigurong mababayaran. Sa paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 19, na malamang na ibinigay noong tag-init ng 1829, iniutos ng Panginoon kay Martin Harris na “ibahagi ang kapiraso ng iyong ari-arian … [at] bayaran ang utang na iyong pinagkasundo sa manlilimbag” (D at T 19:34–35). Gamit ang isang bahagi ng kanyang bukirin bilang collateral, personal na ginarantiyahan ni Martin Harris ang pagbabayad ng pagpapalimbag kung hindi magkakasya ang pinagbentahan ng Aklat ni Mormon.

Inilarawan ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang paghahayag na ito, lakip ang mga turo nito tungkol sa Pagbabayad-sala, na “isa sa mga dakilang paghahayag na ibinigay sa dispensasyong ito; iilan lamang ang hihigit pa rito” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:85).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 19:1–3

Ipinahayag ng Tagapagligtas na ginawa Niya ang kalooban ng Ama

Sa pagsisimula ng klase, sabihin sa mga estudyante na umisip ng ilang bagay na ipinagawa sa kanila o ipapagawa sa kanila dahil miyembro sila ng Simbahan. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay iparebyu sa mga estudyante ang listahan sa pisara at pumili ng mga bagay na mahirap para sa ilang tao. (Maaaring kasama sa mga halimbawa ang pagbabayad ng ikapu, pagmimisyon, at pagsisisi.)

  • Bakit mahirap para sa ilang tao na gawin ang mga bagay na ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang historikal na konteksto ng Doktrina at mga Tipan 19, basahin nang malakas ang pambungad sa lesson na ito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:1–3 at alamin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman. Bilang bahagi ng talakayang ito, tiyakin na natukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na doktrina: Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama. Hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa. Isulat ang sumusunod na chart sa pisara at gawing pamagat ang mga katotohanang ito para sa dalawang column. Sabihin sa mga estudyante na gumawa rin ng ganoong chart sa kanilang notebook o scripture study journal at punan ito sa oras ng klase. Maglaan ng malaking espasyo sa pisara para makumpleto ang chart na makikita mamaya sa lesson.

Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama.

Hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa.

  • Paano maaaring nakatulong kay Martin Harris na alam niya ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas para mapanatag siya sa kanyang desisyon na ipagbili ang malaking bahagi ng kanyang bukirin?

Doktrina at mga Tipan 19:4–12

Ipinaliwanag ni Jesucristo ang walang hanggan at walang katapusang kaparusahan

Sa chart sa pisara, isulat ang Doktrina at mga Tipan 19:4–12 sa ilalim ng pamagat na “Hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:4 at alamin ang katotohanan tungkol sa paghatol na dapat nating pag-isipang lahat. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na doktrina: Lahat ng tao ay dapat magsisi o magdusa. Sabihin sa isang estudyante na isulat ang doktrinang ito sa pisara sa ilalim ng “Doktrina at mga Tipan 19:4–12.”

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 19:5 ay naglalaman ng paliwanag ng Tagapagligtas na hindi Niya babawiin ang Kanyang mga paghatol. Ipinapahiwatig nito na ang mga hindi magsisisi ay parurusahan dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang kalagayan ng mga hindi nagsisi at tatanggap ng Kanyang mga paghatol dahil dito.

Isulat sa pisara sa ibaba ang sumusunod na parirala: “Lahat ng tao ay kinakailangang magsisi o magdusa”: Walang katapusan o walang hanggang kaparusahan.

  • Ano ang naiisip ninyo kapag naririnig o nababasa ninyo ang pariralang “walang katapusan o walang hanggang kaparusahan”?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:6–12 at alamin kung paano ipinaliwanag ng Panginoon ang walang katapusan o walang hanggang kaparusahan. Matapos sumagot ang mga estudyante, burahin sa pisara ang mga salitang Walang katapusan o walang hanggan at isulat ang ng Diyos.

  • Ano ang naiisip ninyo kapag naririnig o nababasa ninyo ang pariralang “kaparusahan ng Diyos”?

Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang mga salitang walang katapusang kaparusahan at walang hanggang kaparusahan ay hindi tumutukoy sa haba ng panahong ipagdurusa ng mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ay walang katapusan, at ang kaparusahang ibinigay mula sa aking kamay ay walang katapusang kaparusahan, sapagkat Walang Katapusan ang aking pangalan” (D at T 19:10). Kaya nga, kapag tinutukoy Niya ang walang katapusang kaparusahan o walang hanggang kaparusahan, ang ibig Niyang sabihin ay ang kaparusahan na ipapataw Niya ayon sa batas ng Diyos at sa mga hinihingi ng katarungan.

Doktrina at mga Tipan 19:13–22

Nangusap ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa para sa kasalanan

Sa chart sa pisara, isulat ang Doktrina at mga Tipan 19:13–17 sa ilalim ng column na “Hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa.” Ipaliwanag na nakatala sa mga talata 13–17 ang babala sa mga miyembro ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:13–17 at alamin ang mga kahihinatnan ng mga hindi nagsisisi.

  • Ano ang mangyayari sa mga taong hindi magsisisi ng kanilang mga kasalanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga hindi magsisisi ay mapaparusahan dahil sa kanilang mga kasalanan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito sa ilalim ng “Doktrina at mga Tipan 19:13–17.”)

Sa chart sa pisara, isulat ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19 sa ilalim ng column na “Hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa.” Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilang ibinigay ng Tagapagligtas kung bakit Siya nagdusa para sa ating mga kasalanan.

  • Ano ang dahilang ibinigay ng Tagapagligtas kung bakit Siya nagdusa para sa ating mga kasalanan? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na doktrina: Nagdusa ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan upang tayo ay makapagsisisi at hindi magdusa na tulad Niya.)

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dahilan para maging posible na mapatawad ang ating mga kasalanan? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag sa chart sa ilalim ng “Doktrina at mga Tipan 19:16–19”: Ang pagdurusa ni Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang dugo ang tumugon sa mga hinihingi ng katarungan. Kung kaya’t ang awa ay ibinibigay sa mga nagsisisi.)

  • Paano nakakaapekto sa hangarin mong magsisi ang malaman ang mga katotohanang tinalakay natin ngayon?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na nasa atin kung magsisisi tayo o pipiliin nating magdusa dahil sa ating mga kasalanan, ipabasa sa isa sa kanila ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

“Sa huli ay magpapasiya tayo kung pipilin ba natin kung paano namuhay si Cristo o kung paano Siya namatay! Maaaring ‘magdusa na katulad [Niya]’ (D at T 19:16–17), o magtagumpay ‘gaya … [Niya] na nagtagumpay (Apocalipsis 3:21)” (“Overcome … Even As I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 72).

Sa chart sa pisara, isulat ang Doktrina at mga Tipan 19:15, 18–19 sa ilalim ng pamagat na “Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama.”

Ipaliwanag na karamihan sa kuwento tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo ay isinalaysay ng ibang tao bukod sa Kanya (tingnan sa Mateo 26:36–39; Lucas 22:39–44). Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19 ang sariling pagsasalaysay ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:15, 18–19 at alamin ang paglalarawan ng Tagapagligtas sa matinding hirap na naranasan Niya habang ginagawa ang Pagbabayad-sala. Maaari mong sabihin sa iyong mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Idagdag ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng “Doktrina at mga Tipan 19:15, 18–19.” Ang huling chart ay maaaring katulad ng sumusunod:

Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama.

Hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa.

D at T 19:15, 18–19

Ang pagdurusa ng Tagapagligtas ay masakit, matindi, at mahirap tiisin.

Dahil sa matinding pagdurusa ng Tagapagligtas, Siya ay nanginig sa sakit at nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat.

Nagdusa si Jesucristo kapwa sa pisikal at espirituwal.

Ipinagdasal ng Tagapagligtas na kung maaari ay huwag na Niyang lagukin ang mapait na saro.

Ginawa ng Tagapagligtas ang kalooban ng Ama at “tinapos ang [Kanyang] paghahanda para sa mga anak ng tao” (D at T 19:19).

D at T 19:4–12

Lahat ng tao ay dapat magsisi o magdusa.

Kaparusahan ng Diyos

D at T 19:13–17

Ang mga taong hindi magsisisi ay pagdurusahan ang kaparusahan para sa kanilang mga kasalanan.

D at T 19:16–19

Ang pagdurusa ni Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang tumugon sa hinihingi ng katarungan. Dahil dito, ang awa ay ibinibigay sa mga nagsisisi.

  • Ano ang nadarama ninyo na pinagdusahan ng Tagapagligtas ang kaparusahan para sa inyong mga kasalanan?

  • Paano maaaring nakatulong kay Martin Harris ang malaman ang pagdurusa ng Tagapagligtas habang pinag-iisipan niya ang pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito o ang pagbibigay ng bahagi ng kanyang ari-arian para matustusan ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon?

  • Kailan nakatulong sa inyo ang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pagharap sa isang mahirap na sitwasyon? (Paalalahanan ang mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang pariralang naglalahad ng panahong nagdusa si Martin Harris dahil sa kanyang mga kasalanan.

  • Sa palagay ninyo, bakit pagdurusa ang kahahantungan ng pag-alis ng Espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:13, 15, 20 at alamin ang utos sa bawat talata at ang mga babala sa mga talata 15 at 20.

  • Paano naging katibayan ng pagmamahal ng Panginoon sa atin ang Kanyang utos na magsisi?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga patotoo tungkol sa isa sa mga doktrina at alituntuning natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 19:1–22.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 19: Pambungad ng bahagi. “Isang kautusan ng Diyos at hindi ng tao, kay Martin Harris”

Noong Marso ng 1830, marahil ilang buwan matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19, nasaksihan ni Joseph Knight Sr. ang pag-uusap nina Joseph Smith at Martin Harris tungkol sa pagbebenta ng Aklat ni Mormon:

“‘Hindi mabebenta ang mga aklat na ito sapagkat walang may gusto nito.[‘] Sabi ni Joseph, ‘Palagay ko ay magiging mabenta ito.’ Sabi niya, ‘Gusto kong makatanggap ng Utos [o paghahayag mula sa Panginoon].’ ‘Bakit,’ sabi ni Joseph, ‘gawin mo ang sinabi sa iyo.’ ‘Ngunit,’ sabi niya, ‘Dapat makatanggap ako ng Utos.’ … … Tatlo o apat na beses niyang iginiit na dapat siyang makatanggap ng Utos” (Dean Jessee, “Joseph Knight’s Recollection of Early Mormon History,” BYU Studies, tomo 17, blg. 1 [1976], 37).

Ang tagubilin ni Joseph Smith na “gawin mo ang sinabi sa iyo” ay tila tumutukoy sa paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 19, kung saan nagbigay na ang Diyos ng utos kay Martin Harris na “malaya [niyang] ibahagi [ang kanyang ari-arian] sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon” (D at T 19:26).

Doktrina at mga Tipan 19:2, 19. “Pagkaraang maisagawa at matapos ang kalooban niya na kung kanino ay ako”

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang pagpapasakop ng kalooban ng isang tao ay ang talagang tanging maiaalay natin sa altar ng Diyos. Ang maraming iba pang bagay na ating ‘ibinibigay’ … ay ang mga bagay na ibinigay na Niya o ipinahiram sa atin. Gayunman, kapag sa wakas ay ipinasakop ko at ninyo ang sariling kagustuhan natin sa kalooban ng Diyos, kung gayon talagang may naibibigay tayo sa Kanya! Ito lamang ang tanging pag-aari natin na talagang maibibigay natin!” (“Swallowed Up in the Will of the Father,” Ensign, Nob. 1995, 24).

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na laging handa ang Tagapagligtas na magpasakop sa kalooban ng Ama:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Ang bagay na tila higit na nais bigyang-diin ni Cristo sa Kanyang misyon—higit pa sa sariling kabutihan at higit pa sa mga napakagagandang sermon at maging higit pa sa pagpapagaling, ay ang pagpapasakop Niya sa kalooban ng Ama” (“Therefore, What?” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 8, 2000], 8, LDS.org).

Doktrina at mga Tipan 19:6, 11–12. “Walang katapusang pagdurusa” at “walang hanggang kaparusahan”

Ibinigay ni Pangulong J. Reuben Clark ng Unang Panguluhan ang sumusunod na kabatiran hinggil sa “kaparusahan ng Diyos”:

Larawan
Pangulong J. Reuben Clark

“Kapag dumating ang Panginoon upang bigyan tayo ng gantimpala … at kaparusahan, pakiramdam ko ay ipapataw [ng Tagapagligtas] ang pinakamagaan na parusa na maaaring nararapat na ipataw sa ating pagkakasala. Naniniwala ako na isasama niya sa kanyang katarungan ang walang-hanggang pagmamahal at pagpapala at awa at kabaitan at pang-unawa na mayroon siya. …

“At sa kabilang banda, naniniwala ako na sa pagbibigay ng gantimpala para sa ating mabubuting pag-uugali, ibibigay niya sa atin ang pinakamainam na maibibigay niya, kahit alam niya na may nagawa tayong pagkakamali” (“As Ye Sow … ,” Brigham Young University Speeches of the Year [Mayo 3, 1955], 7).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ibig sabihin ng walang katapusang pagdurusa at walang hanggang kaparusahan:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Nalaman natin mula sa Doktrina at mga Tipan na ang walang hanggang kaparusahan, o walang katapusang kaparusahan, ay hindi nangangahulugan na pagdurusahan ng taong kinundena ang kaparusahang ito magpakailanman. … Kapag pinagbayaran ng isang tao ang kanyang kaparusahan, mapagkumbabang nagsisi, at tinanggap ang ebanghelyo, lalabas siya sa bilangguan at itatalaga sa isang antas ng kaluwalhatian batay sa kanyang kahalagahan at kabutihan” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–1956], 2:160).

Nagbigay si Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol ng karagdagang kaalaman tungkol sa kahulugan ng walang hanggang kaparusahan:

Larawan
Elder James E. Talmage

“‘Ang walang hanggang kaparusahan’ … ay hindi nangangahulugan na ang taong nagkasala ay walang hanggan at walang katapusan nang magtitiis at magdurusa. Walang sinuman ang pananatilihin sa impiyerno nang mas matagal kaysa kailangang panahon na handa na siyang mailipat sa mas mabuting kalagayan. Kapag naabot na niya ang kalagayang iyon, bubukas ang pinto ng bilangguan at magagalak ang mga hukbo na tatanggap sa kanya sa mas mabuting kalagayan” (sa Conference Report, Abr. 1930, 97; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 37).

Doktrina at mga Tipan 19:20. “Sa panahong inalis ko ang aking Espiritu”

Ang pariralang “sa panahong inalis ko ang aking Espiritu” ay maaaring tumukoy sa naranasan ni Martin Harris matapos niyang maiwala ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Ikinuwento ni Lucy Mack Smith, ina ni Joseph, na noong sabihin ni Martin Harris kay Joseph Smith ang pagkawala ng manuskrito, “humiyaw siya (Martin) nang buong paghihinagpis ng, ‘Ah, naligaw na ang aking kaluluwa! Naligaw na ang aking kaluluwa!’” History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 128).

Ang pagdurusa dahil sa kasalanan ay maaaring mangyari sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Kapag nagkakasala tayo, umaalis ang Espiritu Santo at nawawala sa atin ang kapanatagan at ang nagpapabanal na kapangyarihang dulot ng Kanyang presensya. Kapag Siya ay wala sa atin, “nararamdaman natin nang kaunti” ang pagdurusang dinanas ng Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan. Dahil sa proseso ng pagsisisi nagiging posible sa atin na makipagkasundong muli sa ating Ama sa Langit at muling makasama ang Espiritu Santo, kasama ang lahat ng mga pagpapala nito.

Nagsalita si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan tungkol sa pagkakaugnay ng pagkawala ng patnubay ng Espiritu Santo at ang pangangailangang magsisi:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Kung nahihirapan kayong madama ang Espiritu Santo, makabubuting pag-isipan ninyo kung may anumang bagay na kailangan ninyong pagsisihan at ihingi ng tawad” (“Gifts of the Spirit for Hard Times,” Ensign o Liahona, Hunyo 2007, 23).