Library
Pagbabalik-loob kay Jesucristo


“Pagbabalik-loob kay Jesucristo,” Mga Paksa at Tanong (2023)

babaeng nakatayo sa tabi ng tubig

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pagbabalik-loob kay Jesucristo

Pagbabago ng puso na nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo

Nakakita ka na ba ng caterpillar sa paligid mo? Maglaan ng isang minuto para isipin kung gaano kahimala na sa pamamagitan ng kakayahang magbagong-anyo [metamorphosis], ang isang ordinaryong caterpillar ay maaaring maging isang magandang paruparo. Hakbang kada hakbang, ang caterpillar ay lumalaki at nagbabago, nagiging isang bagay na ibang-iba.

Ganoon ding uri ng magandang pagbabago ang inaalok sa atin ng pagbabalik-loob. Kapag ibinabaling natin ang ating puso kay Jesucristo, nakikipagtipang susundin ang Kanyang mga utos, at hahangaring gawin ang Kanyang kalooban, ang ating buhay ay nagbabago. Unti-unti, tayo ay nagiging “[mga] bagong nilalang” (2 Corinto 5:17), mas katulad ng Diyos at mas handang tumanggap ng buhay na walang hanggan.

Ano ang Pagbabalik-loob?

Ang pagbabalik-loob ay ang proseso ng pagtulong sa atin ni Jesucristo sa pagpapabago ng ating mga paniniwala, puso, at buhay upang maging katulad Niya at ng ating Ama sa Langit. Kabilang dito ang pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag, pagsunod sa mga kautusan, pagtanggap ng nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa patnubay ng Espiritu, mababago at madaraig natin ang mga negatibong impluwensya ng sanlibutan. Ang pagbabagong ito ay naghahatid sa atin ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.

Buod ng paksa: Pagbabalik-loob

Kaugnay na mga gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pananampalataya kay Jesucristo, Pagsisisi, Pagtitiis Hanggang Wakas

Bahagi 1

Ang Pagbabalik-loob kay Jesucristo ay Kailangang Bigyan ng Panahon, Pagsisikap, at Pagtitiyaga

si Cristo na binabati ang mga tao

Inaanyayahan tayong lahat ni Jesucristo na lumapit sa Kanya. Kapag sinusunod natin ang Tagapagligtas, tayo ay nagbabago at nagiging mas katulad Niya. Para sa marami, ang pagbabalik-loob ay isang paunti-unting proseso sa halip na resulta ng isang kamangha-mangha o dramatikong kaganapan. Kailangang bigyan ito ng panahon at patuloy na pagsusumikap.

Para mangyari ang pagbabalik-loob, kailangan nating kumilos ayon sa pananampalataya at kaalaman na natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kapag tayo ay nagbalik-loob “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu … [ang ating] mga puso ay nagbabago.” Ang ating mga hangarin ay umaayon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagdudulot ng pagbabago sa paniniwala, puso, at buhay ng isang tao upang tanggapin at sundin ang kagustuhan ng Diyos. … Ito ay bunga ng paghahayag mula sa Diyos, na may kasamang pagsisisi, pagsunod, at pagsisikap ng tao.”

Ngunit hindi ibig sabihin na dahil nagbalik-loob tayo kay Jesucristo ay perpekto tayo. Sa landas ng pagbabalik-loob, lahat tayo ay nagkakamali pa rin. Subalit, sa patuloy na pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi araw-araw, nagiging mas madali ang paglapit kay Jesucristo para humingi ng lakas at paigtingin ang ating pagbabalik-loob sa Kanya bilang Kanyang mga disipulo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang dalawang talatang ito tungkol kay Apostol Pedro: Mateo 16:13–17 at Lucas 22:31–32. Bakit mahalagang hakbang ang ganap na pagbabalik-loob kay Cristo matapos magkaroon ng patotoo tungkol sa Kanya? Paano tayo pinagpapala ng tunay na pagbabalik-loob kay Cristo?

  • Isipin ang paanyaya at kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan tayong magbago at maging katulad Niya. Itinuro ni Elder Eduardo Gavarret: “Inaanyayahan tayo ng Panginoon gamit ang iba’t ibang pandiwa: ‘Magsiparito sa akin,’ ‘Sumunod ka sa akin,’ ‘Lumakad kang kasama ko.’ Sa bawat sitwasyon hindi ito isang paanyaya na walang pagkilos; ito’y isang paanyaya para kumilos. Nakapatungkol ito sa [lahat].” Isipin kung paano ka inaanyayahan ng buhay at mga turo ng Tagapagligtas na magbago. Mababasa mo ang Lucas 22:39–44; Juan 6:51; Hebreo 5:9; 10:1–10; 2 Nephi 2:3–10; 9:5–24; at Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3 para sa mga kaalaman. Isipin kung ano ang maaari mong gawin ngayon o sa linggong ito para ipakita sa Tagapagligtas na tinatanggap mo ang Kanyang paanyaya at tulong na baguhin ang iyong buhay.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Maaari kayong manood ng isang video o tumingin sa mga larawan ng isang hayop na sumasailalim sa metamorphosis, tulad ng isang butete na nagiging palaka o isang caterpillar na nagiging isang paruparo. Kung mayroon, maaari ninyong panoorin ang video na “Elder Neil L. Andersen Shares Lessons Learned from a Butterfly,” kung saan ibinahagi niya ang isang time-lapse video na nagpapakita ng metamorphosis ng isang caterpillar na humahabi ng chrysalis at sa huli ay lumabas bilang isang magandang paruparo. Pag-usapan ang kamangha-manghang pagbabago na pinagdaraanan ng mga hayop na ito. Pagkatapos ay mababasa ninyo ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa pagiging “isang bagong nilalang” kay Cristo (2 Corinto 5:17). Paano nakatulad ang pagbabalik-loob kay Jesucristo sa pagiging bagong nilalang? Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “ang mga taong patungo sa kinakailangang pagbabalik-loob ay nagsisimula nang makita ang mga bagay tulad ng pagkakakita ng [ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo]. Pinakikinggan nila ang Kanyang tinig sa halip na ang tinig ng daigdig, at gumagawa sila ng mga bagay sa Kanyang pamamaraan sa halip na sa mga pamamaraan ng daigdig.” Paano kayo umunlad at nagbago nang ibatay ninyo ang inyong mga kilos sa inyong pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo? Isiping itala ang inyong mga iniisip at pasasalamat sa naging buhay ninyo.

  • Maraming makapangyarihang kuwento ng pagbabalik-loob sa mga banal na kasulatan. Maaari kayong pumili ng isa o higit pa sa mga kuwentong ito, pag-aralan o panoorin at marahil ay isadula pa ang mga ito. Kabilang sa mga halimbawang ito ang mga kuwento tungkol kay Ruth (tingnan sa Ruth 1), Enos (tingnan sa Enos 1, o panoorin ang “Enos Prays Mightily”), Nakababatang Alma (tingnan sa Mosias 27, o panoorin ang “Ang Nakababatang Alma ay Nagbalik-loob sa Panginoon”), at Haring Lamoni (tingnan sa Alma 17–19, o panoorin ang “Si Ammon ay Nagsilbi at Nagturo kay Haring Lamoni”). Talakayin ang natutuhan ninyo sa halimbawa ng indibiduwal sa kuwento. Bagama’t karaniwang paunti-unti ang proseso ng pagbabalik-loob kaysa sa nangyari sa mga taong ito, marami tayong matututuhan mula sa kanilang mga karanasan. Paano pinatitibay ng kanilang mga karanasan ang sarili ninyong hangaring sundin ang paanyaya ni Cristo na magbago?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Pagbabalik-loob kay Jesucristo ay Isang Panghabambuhay na Adhikain

pamilyang nagdarasal

Isang bagay ang magbalik-loob kay Jesucristo at mangakong susundin Siya. Iba pa ang tuparin ang pangako mong iyan sa habambuhay. Gaya ng sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi gawaing minsan lang sa isang linggo o minsan lang sa isang araw. Ito ay dapat nating gawin palagi.”

Gayunman, hindi ibig sabihin nito na kailangan nating umasa sa ating sariling lakas ng pag-iisip para makapagtiis hanggang wakas. Binibigyan tayo ng Diyos ng banal na tulong sa daan—ginagabayan at inaaliw Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, palagi Niya tayong tinuturuan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, at isinugo Niya ang Kanyang Anak upang mamatay para sa atin nang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya ay mapalakas tayo kapag natitisod tayo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ano ang kailangang gawin para manatiling matatag na nagbabalik-loob sa ebanghelyo at magtiis hanggang wakas? Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ibig sabihin nito manatili tayong sumasampalataya kay Jesucristo sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pakikibahagi sa sacrament bawat linggo, at gawin nating palagiang kasama ang Espiritu Santo. Kailangan nating maging aktibo sa pagtulong at paglilingkod sa iba at ibahagi natin ang ebanghelyo sa kanila. Kailangan nating maging lubos na matwid at tapat sa lahat ng bagay. … Dapat nating tukuyin ang mga tuksong madaling makabagabag at lumayo sa mga ito—nang napakalayo.” Maaari mong basahin ang mensahe ni Elder Renlund na “Pagpepreserba ng Malaking Pagbabago ng Puso” at isipin ang ginagawa mo para manatiling matatag na nagbabalik-loob kay Cristo. Pinapanatili mo ba ang mga simpleng gawi sa araw-araw at linggo na tutulong sa iyo na magpatuloy sa pananampalataya? Nagpapakalayu-layo ka ba sa tukso? Pagnilayan at isulat ang mga bagay na nais mong gawan ng mga pagbabago sa iyong buhay para tulungan kang manatili sa landas ng tipan.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang Aklat ni Mormon ay nagsasalaysay ng isang makapangyarihang kuwento tungkol sa isang grupo ng mga tao na tinatawag na mga Anti-Nephi-Lehi na “nagbalik-loob sa Panginoon, [at] kailanman ay hindi nagsitalikod”(Alma 23:6). Pag-aralan ang Alma 23–25, at gumawa ng listahan ng mga bagay na natutuhan ninyo tungkol sa grupong ito. Paano sila tinulungan ng Tagapagligtas na maging napakatatag sa kanilang pananampalataya? Pagkatapos ay maaari ninyong isulat sa isang piraso ng papel ang isang bagay na maaari ninyong “ibaon … nang malalim” (tingnan sa Alma 24:16–17) na tutulong sa inyo na manatiling matatag kay Jesucristo. O maaari kayong magbaon ng isang pisikal na bagay na sumisimbolo sa inyong pangako na mananatiling tapat.

  • Ang panghabambuhay na pagbabalik-loob kay Jesucristo ay nagmumula sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo—araw-araw. Ibinahagi ni Sister Bonnie L. Oscarson ang ilang mahahalagang gawi na nagtataguyod ng pagbabalik-loob na nagtatagal: “Nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob sa patuloy na pamumuhay ng mga doktrinang alam ninyong totoo at pagsunod sa mga utos, araw-araw, buwan-buwan. … Nararanasan ang pagbabalik-loob kapag tayo ay nananalangin, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagsisimba, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa sa templo. May pagbabalik-loob habang kumikilos tayo ayon sa mabubuting alituntuning natututuhan natin sa ating tahanan at sa silid-aralan.”

    Para matulungan kayong magpatuloy sa landas ng pagbabalik-loob, maaari ninyong tanggapin ang hamong ito bilang isang grupo: Araw-araw sa loob ng 30 araw, kapag may mga pagpipilian, tanungin ang inyong sarili, “Ano ang gagawin ng isang tunay na nagbabalik-loob na Banal sa mga Huling Araw?” Isiping panagutin ang sarili sa isang taong dapat alalayan sa mithiing ito. Matapos ninyong makumpleto ang hamon, maaari ninyong talakayin ang inyong mga karanasan bilang isang grupo. Paano kayo tinulungan ng Tagapagligtas na magbago nang sikapin ninyong gumawa ng mga pasiya na naaayon sa Kanyang mga turo?

Alamin ang iba pa