“Paghihirap,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Paghihirap
Bilang bahagi ng plano ng pagtubos ng Ama sa Langit, nakararanas ng paghihirap ang lahat ng tao habang sila ay nabubuhay. Ang mga pagsubok, kabiguan, kalungkutan, sakit, at pighati ay mahirap na bahagi ng buhay, ngunit sa tulong ng Panginoon maaaring humantong ang mga ito sa espirituwal na paglago, kadalisayan, at pag-unlad.
Ang tagumpay at kaligayahan ng bawat tao, kapwa ngayon at sa kawalang-hanggan, ay lubhang nakasalalay sa paraan ng kanyang pagtugon sa mga paghihirap sa buhay.
Iba’t iba ang pinagmumulan ng paghihirap. Ang mga pagsubok ay maaaring dumating dahil sa sariling kapalaluan at pagsuway ng isang tao. Maiiwasan ang mga pagsubok na ito sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay. Ang iba pang mga pagsubok ay likas lamang na bahagi ng buhay at maaaring dumating paminsan-minsan kahit matwid na namumuhay ang mga tao. Halimbawa, maaaring makaranas ng mga pagsubok ang mga tao sa oras ng pagkakasakit o kawalang-katiyakan o pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Maaaring dumating ang paghihirap kung minsan dahil sa mga maling pagpili at masasakit na sinabi at ginawa ng iba. Maaari ding dumating ang mga pagdurusa sa pamamagitan ng mapagmahal na Ama sa Langit bilang isang karanasang kapupulutan ng aral sa buhay.
Kapag nakararanas ng paghihirap ang ilang tao, nagrereklamo sila at nagagalit. Nagtatanong sila ng mga bagay na tulad ng “Bakit kailangang mangyari ito sa akin? Bakit kailangang danasin ko ito ngayon? Ano ang nagawa ko upang mangyari ito sa akin?” At malaki ang epekto ng mga tanong na ito sa kanilang isipan. Ang gayong mga tanong ay maaaring humadlang sa pagkakaroon nila ng tamang pananaw, umubos ng kanilang lakas, at magkait sa kanila ng mga karanasang nais ng Panginoon na matanggap nila. Sa halip na tumugon sa ganitong paraan, dapat isipin ng mga tao na magtanong ng tulad ng, “Ano ang gagawin ko? Ano ang matututuhan ko mula sa karanasang ito? Ano ang dapat kong baguhin? Sino ang dapat kong tulungan? Paano ko maaalala ang maraming pagpapala sa akin sa mga oras ng pagsubok?”
Ang iba’t ibang uri ng paghihirap ay nangangailangan ng magkakaibang tugon. Halimbawa, maaaring ang kinakailangan lamang ng mga taong dinapuan ng karamdaman ay maging matiyaga at matapat. Ang mga taong nagdurusa dahil sa mga sinabi o ginawa ng iba ay dapat magsikap na patawarin ang mga yaong nagkasala sa kanila. Ang mga biktima ng pang-aabuso ay dapat humingi kaagad ng tulong. Kung dumarating ang mga pagsubok sa isang tao dahil sa kanyang pagsuway, dapat niyang ituwid ang kanyang pag-uugali at mapagpakumbabang humingi ng tawad.
Bagama’t magkakaiba ang ilan sa mga pagtugon sa paghihirap, hindi dapat magbago ang isang pagtugon—ang pagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Itinuro ng propetang si Alma, “Sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”