“Pangangalaga sa mga Nangangailangan,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Maaari tayong maging mga kasangkapan sa kamay ng Diyos para tumulong sa iba
Naisip mo na ba ang lahat ng paghihirap at pagdurusa ng mga tao sa paligid mo at sumagi sa iyo ang ideyang “Nag-iisa lang ako, anong magagawa ko?” Maaaring nag-iisa ka lang, pero malaki pa rin ang maitutulong mo sa paggawa ng maliliit at simpleng bagay para makatulong sa mga nangangailangan. At maraming naisasagawa na mabubuting bagay sa araw-araw kapag maraming tao ang tumutulong saanman at sa abot ng kanilang makakaya.
Mapangangalagaan mo ang mga nangangailangan sa iyong paligid sa pagbibigay mo ng iyong oras at talento at “[pagbabahagi mo ng iyong] kabuhayan sa mga maralita, … alinsunod sa kung ano ang mayroon [ka], gaya nang pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, [at] pagdalaw sa may karamdaman at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal” (Mosias 4:26).
Ano ang Pangangalaga sa mga Nangangailangan?
Ang ibig sabihin ng pangangalaga sa mga nangangailangan ay temporal, espirituwal, at emosyonal na pagtulong sa iba. Kabilang dito ang “paglilingkod at pagminister sa mga indibiduwal, pamilya, at komunidad; pagbabahagi ng resources … sa mga nangangailangan; [at] pagtulong sa iba na maging self-reliant.” Maaaring ang ibig sabihin ng pangangalaga sa pisikal na mga pangangailangan ay agarang pagtugon sa kagipitan, ngunit maaari ding ibig sabihin nito na tulungan ang mga tao na mas maging self-reliant upang matugunan nila ang kanilang sariling mga pangangailangan sa hinaharap. Kabilang sa pangangalaga sa mga pangangailangang emosyonal at espirituwal ang pakikinig, pakikiramay, at pagtulong sa iba na mapagtanto na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, nakipagtipan tayo na maglilingkod at tutulong sa pangangalaga sa mga taong nakapaligid sa atin.
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pag-ibig sa kapwa-tao, Pag-aayuno
Bahagi 1
Inuutusan Tayo ng Diyos na Mahalin at Paglingkuran ang Iba
Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, at nais Niyang pagpalain sila. Kadalasan, ang paglilingkod na ibinibigay natin sa iba ang paraan ng Diyos para mapagpala ang Kanyang mga anak. Sa katunayan, isa sa dalawang dakilang utos ng Diyos ay ibigin ang kapwa natin na gaya ng ating sarili (tingnan sa Marcos 12:28–34). Isa sa mga paraan na sinusunod natin ang utos na ito ay “paglingkuran ang isa’t isa … [at] tutulong sa kanila na nangangailangan ng … tulong” (Mosias 4:15–16).
Sa mga templo ng Panginoon, nakikipagtipan tayo na iaalay at ilalaan ang lahat ng mayroon tayo sa Kanya. Isang paraan na ginagawa natin iyan ay sa pamamagitan ng bukas-palad na pagbibigay ng ating oras at pagsisikap na tulungan ang mga tao sa paligid natin. Kapag ginagawa natin ito, mas lumalalim ang relasyon natin sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo at nagiging mas katulad Nila.
Hindi laging kombenyente o madali ang paglilingkod. Ngunit makapaghahatid tayo ng kapanatagan at kaligayahan sa iba habang minamahal at pinaglilingkuran natin sila. At sa paglilingkod sa iba, makararanas tayo ng tunay na kagalakan at layunin sa paggawa ng isang bagay na tunay na makabuluhan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kung gusto mong tumulong sa mga nangangailangan pero hindi ka sigurado kung paano, ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Nasa Landas ng Kanilang Tungkulin” ay makatutulong. Itinuro ni Elder Bednar: “Sa mga kapatid na madaling makahiwatig … [maghanap] at [umupo] sa tabi ng mga taong nag-iisa sa mga pulong ng Simbahan at sa iba’t ibang sitwasyon. Palagi nilang pinagsisikapang ‘panatagin ang mga yaong nangangailangan ng kapanatagan’ [Mosias 18:9], nang hindi umaasam ng pagkilala o papuri.” Maaari mong rebyuhin ang kanyang mensahe at maghanap ng maliliit at simpleng paraan para paglingkuran ang isang taong nangangailangan. Isulat ang iyong mga ideya, at kumilos ayon sa mga impresyong natatanggap mo.
-
Payo ni Propetang Joseph Smith: “Ang taong puspos ng pagmamahal ng Diyos, ay hindi nasisiyahan na pagpalain lamang ang kanyang pamilya, bagkus ipinalalaganap ito sa buong mundo, sabik na pagpalain ang buong sangkatauhan.” Sa palagay mo, bakit gugustuhin ng isang taong puno ng pagmamahal ng Diyos na pagpalain ang buong sangkatauhan? Sa anong mga paraan mo maibabahagi ang pagmamahal ng Diyos sa iba? Paano ka rin nagagawang baguhin ng iyong mga gawa ng pagmamahal at kabaitan?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Basahin ang Lucas 10:25–37 nang sabay-sabay. Maaari din ninyong panoorin ang video na “Parable of the Good Samaritan” (4:55). Kung may kasama kayong mga bata sa pag-aaral, maaaring mag-enjoy sila sa pagsasadula ng talinghaga. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung paano sinunod ng Samaritano ang utos na mahalin ang kanyang kapwa. Maaari din ninyong talakayin ang mga ginawa ng pari at ng Levita. Ano ang ilang dahilan ng pagtanggi nating maglingkod kung minsan sa mga nangangailangan? Paano natin madaraig ang mga balakid na ito? Maibabahagi ninyo sa isa’t isa ang ilang karanasan nang naglingkod kayo sa isang taong nangangailangan—o may naglingkod sa inyo—at kung ano ang nadama ninyo. Magtakda kayo ng kani-kanyang mithiin na maglingkod sa isang tao araw-araw sa loob ng isang linggo at pagkatapos ay mag-ulat tungkol sa inyong mga karanasan.
-
Basahin ang Mosias 2:17, at pag-usapan kung paano ninyo pinaglilingkuran ang Diyos kapag naglilingkod kayo sa iba. Pagkatapos ay maaari na ninyong panoorin ang video na “Day of Service” (5:08). Paano pinagpala ang mga tao sa video nang naglingkod sila? Paano pinagpala ang komunidad? Isipin kung paano kayo makikibahagi bilang grupo sa isang araw ng paglilingkod. Maaari ninyong galugarin ang JustServe.org para sa mga ideya.
Alamin ang iba pa
-
Deuteronomio 15:11; Isaias 1:17; Mateo 20:26–27; 22:36–40; Jacob 2:17–19
-
Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 96–100
-
Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabanata 21–22, Gospel Library
Bahagi 2
Tinutularan Natin ang Halimbawa ni Jesucristo Kapag Nagmamalasakit Tayo sa mga Nangangailangan
Si Jesucristo ang dakilang halimbawa natin sa paglilingkod at pagtulong sa iba; Tunay na Siya ay “naglibot … na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, inaanyayahan tayong tumulong sa pangangalaga sa mga taong nakapaligid sa atin (tingnan sa Mosias 18:8–10).
Bilang mga tagasunod ni Cristo, sinisikap nating tingnan ang iba tulad ng pagtingin sa kanila ng Tagapagligtas—na walang-hanggan ang kahalagahan at banal na potensyal. Tinutulungan natin sila sa temporal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan. Pinakain ng Tagapagligtas ang mga nagugutom at inaliw ang mga nasasaktan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 14:14–21; Lucas 7:11–15). Magagawa rin natin iyan. Halimbawa, maaari nating dalhan ng pagkain ang isang kapitbahay na nangangailangan, tabihan at pakinggan ang isang kaibigan na nawalan ng mahal sa buhay, o tumulong sa pag-aalaga sa maysakit. Nagmiminister tayo sa iba na hindi umaasang makatatanggap ng anumang kapalit.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010, itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Kapag tinularan natin ang perpektong halimbawa [ni Jesucristo], ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso.” Ano ang ibig sabihin na maging mga kamay, mata, at puso ng Tagapagligtas ang iyong mga kamay, mata, at puso? Paano nakaaapekto ang ganitong paraan ng pag-iisip sa paraan ng paglilingkod mo sa iba? Basahin ang 1 Juan 3:17–19, at pagnilayan ang itinuturo nito tungkol sa pangangalaga sa mga nangangailangan. Paano ka binibigyang-inspirasyon ng mga talatang ito para tularan ang halimbawa ni Jesucristo habang naglilingkod ka sa mga nakapaligid sa iyo? Mag-isip ka ng isang taong nangangailangan ng tulong o panghihikayat at palihim na paglingkuran ang taong ito. O maaari mong paglingkuran ang isang tao sa pamamagitan ng pakikinig sa kanyang mga alalahanin o sa pagiging tunay na kaibigan. Pagkatapos ay maitatala mo ang iyong mga saloobin tungkol sa karanasang iyon.
-
Maaari mong basahin o awitin ang mga salita sa isang himno tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangan, tulad ng “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” o “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami.” Habang iniisip mo ang mga titik ng awitin, isipin kung paano mo sinusunod ang Tagapagligtas kapag naglilingkod ka sa iba. Anong mga pagpapala ang natanggap mo na maibabahagi mo para mapasigla ang mga nakapaligid sa iyo na tulad ng ginawa Niya?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong: “Lalo tayong nagiging katulad ni Jesucristo kapag ginagawa ‘natin … sa pinakamaliit’ ang gagawin natin sa Kanya [tingnan sa Mateo 25:35–40], kapag [minamahal] natin ang ating kapwa gaya sa ating sarili [tingnan sa Marcos 12:31], kapag tayo ay ‘[nagmamahalan] sa isa’t isa; kung paanong minahal ko kayo’ [Juan 13:34], at kapag ‘ang sinuman sa inyo na nagnanais na maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo’ [Mateo 20:26].”
“Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, hangad nating maglingkod sa iba gaya ng gagawin Niya dahil may mga buhay na naghihintay na mabago.”
Maaari ninyong pag-usapan ang ilan sa mga paraan ng paglilingkod ni Jesucristo sa iba (tingnan sa Mateo 14:13–21; Marcos 2:1–12; Lucas 17:11–19; Juan 9:1–7; 11:1–44). Maaari ka ring maghanap ng mga larawan ng ilan sa mga salaysay na ito sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa koleksyong “Mga Video at mga Larawan” sa Gospel Library. Ibahagi sa isa’t isa ang tumatak sa inyo tungkol sa paraan ng pangangalaga ng Tagapagligtas sa mga nangangailangan. Pagkatapos ay maaari kayong pumili ng isang bagay tungkol sa paraan ng paglilingkod ng Tagapagligtas na gusto ninyong tularan. Isipin kung paano tunay na mapagpapala ng inyong mga kilos ang mga taong “may mga buhay na naghihintay na mabago.”
Alamin ang iba pa
-
Mga Awit 35:10; Lucas 6:27–38; Mga Gawa 20:35; Doktrina at mga Tipan 42:30–31; 52:40
-
W. Christopher Waddell, “Tulad ng Ginawa Niya,” Liahona, Mayo 2019, 19–21
-
Camille N. Johnson, “Si Jesucristo ay Kaginhawahan,” Liahona, Mayo 2023, 81–83
-
Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104–7
Bahagi 3
Napangangalagaan Natin ang Iba Kapag Naglilingkod Tayo sa mga Tungkulin sa Simbahan
Sa Kanyang ministeryo sa lupa, binigyan ni Jesucristo ng mahahalagang responsibilidad ang Kanyang mga disipulo para tumulong sa pagsasagawa ng gawain ng Kanyang Ama (tingnan, halimbawa, sa Lucas 10:1–9). Inaanyayahan din tayo ng Panginoon na makibahagi ngayon sa gawain ng Diyos para sa kaligtasan at kadakilaan. Ang mga pagkakataong ito na maglingkod ay tinatawag na mga calling.
Ang mga calling ay mga responsibilidad na mula sa Panginoon para sa Kanyang mga anak na nagbibigay sa kanila ng pagkakataong maglingkod sa Kanyang Simbahan at mapalapit sa Kanya at sa iba pang mga miyembro. Ibinibigay ang mga calling na ito sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan, na humihingi ng inspirasyon sa Panginoon bago ialok ang paanyayang maglingkod. Bawat calling at assignment sa Simbahan ay mahalaga sa pagtulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos at paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin ang mga calling o responsibilidad na nahawakan mo sa Simbahan habang binabasa mo ang Juan 15:16. Pagkatapos ay basahin ang kaisipang ito ni Pangulong Henry B. Eyring: “Kilala kayo ng Panginoon. Alam Niya kung sino ang nais Niyang maglingkod sa bawat posisyon sa Kanyang Simbahan. Pinili Niya kayo.” Isipin ang “bunga” na nakita mo mula sa paglilingkod sa iyong mga calling o assignment. Bakit ka kaya pinili ng Panginoon sa kasalukuyang calling mo? Ano ang magagawa mo sa iyong calling upang pangmatagalan ang maging epekto ng iyong paglilingkod sa iba at “manatili ang iyong bunga”?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Maaari ninyong i-trace ang inyong mga paa nang ilang beses para makagawa ng simpleng mga yapak at pagkatapos ay isulat sa loob ng bawat yapak ang isang paraan para mas mapalapit tayo kay Cristo habang naglilingkod sa ating mga calling at assignment sa Simbahan. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang kaisipang ito ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Kung ituturing natin ang ating mga calling bilang oportunidad na maglingkod sa Diyos at maglingkod sa iba nang may pananampalataya at pagpapakumbaba, bawat paglilingkod ay magiging hakbang tungo sa landas ng pagkadisipulo.” Pagkatapos ay ibahagi ninyo sa isa’t isa ang isinulat ninyo. Pagnilayan kung ano ang magagawa ninyo para makapaglingkod nang may higit na pananampalataya at pagpapakumbaba sa inyong mga calling. Itala ang mga impresyong dumarating, at pagkatapos ay kumilos ayon dito.
Alamin ang iba pa
-
2 Nephi 1:1–9; Mateo 25:23; 1 Corinto 12:13–18; Doktrina at mga Tipan 84:88; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5
-
Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 53–56
-
Carl B. Cook, “Maglingkod,” Liahona, Nob. 2016, 110–12
Iba pang Resources tungkol sa Pangangalaga sa mga Nangangailangan
-
Mga Mensahe mula sa mga lider ng Simbahan: Kapakanan, Pag-ibig sa Kapwa-tao, Ministering, Paglilingkod
-
Resources para sa mga bata