“Pagiging Disente,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)
Overview
Pagiging Disente
Ang pagiging disente ay pagiging maayos at mapagkumbaba sa ating pananalita, pag-uugali, pananamit, at pag-aayos sa sarili. Kung tayo ay disente, hindi tayo magsisikap na makatawag ng labis-labis na pansin sa ating sarili. Sa halip, nagsisikap tayong luwalhatiin ang Diyos.
Pananalita at Kilos
Ang ating pananalita at kilos ay nagpapakita ng ating pagkatao. Maaari nating ipahayag ang ating sarili sa pamamagitan ng malinis, positibo, mabait, at nagpapasiglang pananalita. Totoo rin ito sa paraan ng pagtawag natin sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isa sa Sampung Utos ay ang hindi paggamit ng pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan.
Pinagpapala rin tayo kapag sinisikap nating kumilos sa paraang nakapagpapasigla at nakapagpapala sa mga taong nakapaligid sa atin. Ang ating pagsisikap na maging disente sa ating pananalita at pagkilos ay humahantong sa higit na paggabay at kapanatagan mula sa Espiritu Santo.
Pananamit at Pag-aayos sa Sarili
Ang pag-aayos natin sa ating sarili, kabilang na ang damit na ating isinusuot, ay maaaring magpahiwatig kung sino tayo. Nagbibigay ito ng mga mensahe tungkol sa atin, at nakaiimpluwensiya ito sa paraan ng pagkilos natin. Ang pagiging maayos at disente sa pananamit ay makatutulong sa atin na maanyayahan ang paggabay ng Espiritu.
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga sinaunang Banal na “ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo” at inanyayahan sila na “luwalhatiin ninyo ng inyong katawan [at espiritu] ang Diyos.” Pinayuhan tayo ng makabagong mga propeta na maging disente sa pananamit para igalang ang ating mga katawan na sagradong likha ng Diyos. Maaari nating piliing maging disente dahil alam natin na ang ating katawan ay isang templo at nais nating ipakita ang paggalang at pagmamahal dito at sa ating Ama na nagbigay nito sa atin.
Nalaman natin sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili na “nais ng Ama sa Langit na tingnan natin ang isa’t isa sa kung sino tayo talaga: hindi lamang sa pisikal na katawan kundi bilang Kanyang pinakamamahal na mga anak na may banal na tadhana.” Ang pananamit nang disente, na kinabibilangan ng pag-iwas sa mga estilo na nagbibigay-diin o umaaagaw ng hindi naaangkop na atensiyon sa ating pisikal na katawan, ay makatutulong sa atin na makita ang ating sarili bilang mga anak ng Diyos at magtuon sa mga bagay na mahalaga sa kawalang-hanggan.
Ang Pagpili na Maging Disente
Masusunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu upang matulungan tayong maging disente sa ating buhay. Kung hindi tayo sigurado kung ang ating pananalita at pag-uugali ay disente, maaari nating tanungin ang ating sarili, “Anong tanda ang ipinahihiwatig ko sa Diyos kung sasabihin ko ang mga bagay na ito o makikibahagi sa mga aktibidad na ito?” Maaari nating itanong sa ating sarili ang katulad na tanong tungkol sa ating pananamit o pag-aayos ng sarili: “Anong tanda ang ipinahihiwatig ko sa Diyos sa pamamagitan ng aking pananamit o pag-aayos sa aking sarili?” Ang ating tapat na mga sagot sa mga tanong na ito ay maaaring humantong sa paggawa natin ng mahahalagang pagbabago sa ating buhay.
Pagpapalain tayo kapag hinayaan natin na kalinisang moral at pagmamahal sa Diyos ang gumabay sa ating mga pagpili.