Library
Mga Family Council


“Mga Family Council,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

family council meeting

Buod

Mga Family Council

Ang mga family council ay tumutulong sa mga miyembro ng pamilya na hangarin ang kalooban ng Panginoon nang may pagkakaisa at pananampalataya. Sa family council, ang mga miyembro ng pamilya ay nag-uusap-usap, nagbabahagi ng mga nadarama at ideya, at sumasang-ayon sa pinlanong gawain.

Ang gayong mga council ay itinuro sa ating buhay bago pa tayo isinilang sa mundo. Itinuro ng mga lider ng Simbahan na nakibahagi tayo sa isang family council sa premortal na buhay, noong kapiling natin ang ating mga magulang sa langit bilang Kanilang mga espiritung anak.

Sa pagsunod sa walang-hanggang huwarang ito, magagamit ng mga pamilya ang mga council para magtakda ng mga mithiin, lutasin ang mga problema, pag-usapan ang mga gastusin, magplano, suportahan at palakasin ang bawat isa, magpatotoo, magkaisa, at manalangin para sa isa’t isa. Ang pag-anyaya sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin ay makatutulong sa lubos na ikatatagumpay ng mga family council. Hinihikayat tayo ng mga banal na kasulatan na “makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng [ating] mga gawain, at gagabayan niya [tayo] sa kabutihan.”

Ang mga family council ay maaaring idaos anumang oras kailanganin. Maaaring ipasiya ng ilang pamilya na magdaos ng kanilang council nang regular, maaaring idaos naman ito ng iba kapag kailangan. Kung minsan, maaaring naisin ng mga magulang na idaos ang family council sa araw ng Sabbath o kaugnay ng home evening.

Kadalasang buong pamilya ang kasali sa family council ngunit maaari ding kabilangan lamang ito ng ina at ama, mga magulang at isang anak, o isang magulang at isang anak. Maaaring idaos ang council sa anumang lugar na makakapag-usap nang mabuti, kahit sa labas ng tahanan.

Ang paggalang sa mga opinyon at damdamin ng iba ay mahalaga sa ikatatagumpay ng mga family council. Ang mga magulang ang namumuno sa family council, ngunit mas madalas na nakikinig sila kaysa nagsasalita. Tinutulungan nila ang lahat ng miyembro ng pamilya na makibahagi nang may pagmamahal, paggalang, kabaitan, at tiyaga. Kapag ang mga family council ay puno ng pag-ibig ni Cristo at ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon, tinutulungan nitong protektahan ang mga miyembro ng pamilya mula sa mga kasamaan ng mundo.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagdaraos ng epektibong council, tingnan ang “Mga Council ng Simbahan” sa Mga Paksa at Mga Tanong.

Mga Kaugnay na Paksa

Kaugnay na Content