Library
Pagkakaiba-iba at Pagkakaisa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw


“Pagkakaiba-iba at Pagkakaisa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

mga batang babae na naglalakad na magkakapit-bisig

Buod

Pagkakaiba-iba at Pagkakaisa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang pandaigdigang relihiyon, hindi lamang dahil sa ang mga miyembro nito ay matatagpuan sa buong mundo, kundi dahil hangad nito na ibahagi ang mensahe ng katotohanan ng Diyos sa buong mundo.

Ang pagkakaiba-iba ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ay isang kapansin-pansing katangian ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil ang ebanghelyo ni Jesucristo ay sumasaklaw sa lahat ng kultura, lahi, nasyonalidad, at wika. Ang mga kultura at tao sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagtitipon ayon sa lokasyon ng heograpiya upang bumuo ng mga lokal na kongregasyon na magkakasamang sumasamba. Dahil sa paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya ang lahat ng mga anak ng Diyos (tingnan sa Mateo 11:28; Doktrina at mga Tipan 10:67), walang dalawang kongregasyon sa Simbahan ang magkapareho.

Anuman ang etnisidad o panlabas na anyo, lahat ng miyembro ng Simbahan ay nagkakaisa sa kaalaman na sila ay mga anak ng Ama sa Langit. Alam nila na mahal Niya ang bawat isa sa Kanyang mga anak nang pantay-pantay. Ang kaalamang ito ay bumubuo ng pagkakaisa sa lahat ng gusali at pagsamba sa iba’t ibang panig ng mundo at nagbubuklod sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Ang pagkakaisa ay nabubuo rin sa bawat kongregasyon habang nagtuturo at sumasamba ang mga indibiduwal gamit ang parehong mga himno, banal na kasulatan, aral, at panalangin sa sakramento tuwing Linggo. Pinagkakaisa ng mga organisasyon para sa mga bata, kabataan, at matatanda ang mga indibiduwal sa iba’t ibang panig ng mundo bawat taon sa iisang mithiin. Gayundin, ang semi-annual conference ng Simbahan, na ibinobrodkast sa iba’t ibang panig ng mundo, ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro na matuto nang sabay-sabay mula sa propeta, mga apostol, at iba pang mga lider ng Simbahan.

Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbago sa paglipas ng panahon at patuloy na nagbabago araw-araw. Mula noong 1900s ang Simbahan ay lumago mula sa mga kongregasyon na halos binubuo ng mga imigranteng taga-Europa sa Estados Unidos hanggang sa naging isang pandaigdigang Simbahan na ang mga miyembro ay naninirahan sa 190 mga bansa at nagsasalita ng mahigit 120 wika.

Noong 1996, ang bilang ng mga miyembrong naninirahan sa labas ng Estados Unidos ay nahigitan ang mga miyembrong naninirahan sa loob nito, at sa taong 2000 ang karamihan sa mga miyembro ay hindi wikang Ingles ang sinasalita. Noong Abril 2021, umabot sa mahigit 16.8 milyon ang mga miyembro ng Simbahan, na may kabuuang bilang ng mga ward at branch (kongregasyon) na mahigit 31,000 sa iba’t ibang panig ng mundo.

Tulad ng itinuro ni Pablo sa Bagong Tipan na ang Simbahan ay isang katawan na ang bawat bahagi ay nagdaragdag ng kagandahan at layunin sa kabuuan, ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lumalakas din dahil sa pagkakaiba-iba.

Kaugnay na Content