“Impiyerno,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Impiyerno
Binabanggit ng mga paghahayag sa huling araw ang tungkol sa impiyerno sa dalawang paraan. Una, ito ay isa pang pangalan para sa bilangguan ng mga espiritu, isang pansamantalang lugar sa daigdig sa kabilang-buhay na para sa mga namatay nang walang kaalaman sa katotohanan o sa mga taong suwail sa mortalidad. Pangalawa, ito ang permanenteng kinaroroonan ni Satanas at ng kanyang mga kampon at ng mga anak ng kapahamakan, na hindi natubos ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang bilangguan ng mga espiritu ay pansamantalang kalagayan kung saan ituturo sa mga espiritu ang ebanghelyo at magkakaroon ng pagkakataong magsisi at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan na isinasagawa para sa kanila sa mga templo. Ang mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ay maaaring manahanan sa paraiso hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli. Matapos silang mabuhay na mag-uli at hatulan, tatanggapin nila ang antas ng kaluwalhatian na karapat-dapat sa kanila. Ang mga taong piniling hindi magsisi pero hindi mga anak ng kapahamakan ay mananatili sa bilangguan ng mga espiritu hanggang sa katapusan ng Milenyo, kung kailan sila ay palalayain mula sa impiyerno at kaparusahan at mabubuhay na mag-uli tungo sa telestiyal na kaluwalhatian.
Ang mga anak ng kapahamakan ay ang mga taong “walang kapatawaran sa daigdig na ito ni sa susunod na daigdig—itinatwa ang Banal na Espiritu matapos matanggap ito, at itinatwa ang Bugtong na Anak ng Ama, ipinako siya sa krus para sa kanilang sarili at inilagay siya sa hayag na kahihiyan.”3 Ang gayong mga tao ay hindi magmamana ng lugar sa alinmang kaharian ng kaluwalhatian; para sa kanila ang mga kondisyon ng impiyerno ay nananatili.