Library
Katotohanan


“Katotohanan,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

pagsikat ng araw

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Katotohanan

Ang kaalamang umaakay sa atin pabalik sa Diyos

Ang ating mundo ay puno ng magkakaibang pananaw at opinyon. Minsan mahirap malaman kung sino o ano ang paniniwalaan. Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, habang naglilingkod sa Unang Panguluhan, ay nagsabing: “Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mundo na mas madali tayong nakakakuha ng maraming impormasyon—ang ilan dito ay totoo, ang ilan ay mali, at karamihan sa mga ito ay bahagyang totoo. Bunga nito, ngayon lang sa kasaysayan ng mundo naging mas mahalagang matutuhan kung paano makikilala nang tama ang katotohanan sa kamalian.” Sa paghahanap ng maaasahang resources at sa pag-asa sa patnubay ng Espiritu, mahihiwatigan natin kung ano ang totoo at ano ang hindi.

Ano ang Katotohanan?

Inilarawan ng mga banal na kasulatan ang katotohanan bilang “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24). Ang katotohanan ay inihahambing ng mga banal na kasulatan sa liwanag at paghahayag mula sa langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:45; 88:66–67; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Katotohanan,” Gospel Library). Ang pinagmumulan ng walang hanggang katotohanan ay ang Diyos mismo. Ang banal na katotohanan ay inihayag sa ating panahon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga propeta sa mga huling araw. Ang mga katotohanang matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo ay mahalaga upang maihanda tayo para sa kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa 2 Nephi 31:19–21; Doktrina at mga Tipan 33:10–12).

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagbabalik-loob, Pag-aaral at Pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Bahagi 1

Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Walang-hanggang Katotohanan

batang babae na nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa tabi ng karagatan

Ang Diyos Ama ay “puspos ng biyaya at katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 66:12). Sinabi ni Jesucristo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Ipinapahayag Niya ang katotohanan—madalas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng mga propeta—at hindi maaaring magsinungaling (tingnan sa Jacob 4:13; Eter 3:12; Doktrina at mga Tipan 1:37–38).

Kasama sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang kabuuan ng banal na katotohanan na inihayag sa ating panahon. Ang banal na katotohanan ay hindi nagbabago at walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:39; 88:66).

Inaanyayahan tayo ng Diyos na matutuhan ang mga banal na katotohanan tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang mga turo, at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ito ang ilan sa pinakamahahalagang katotohanang inihayag (tingnan sa 2 Nephi 2:6–7; 31:15, 21; 3 Nephi 21:6).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Hindi lahat ng katotohanan ay pare-parehong mahalaga. Tinukoy ni Propetang Joseph Smith ang mga pinakamahalagang katotohanan sa ebanghelyo: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.” Maaari kang magdrowing ng isang puno at isulat ang “Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli” sa katawan nito. Pagkatapos sa mga sanga, o “appendages,” maaari mong isulat ang iba pang mga katotohanan na alam mong nagmumula sa pangunahing katotohanang ito. Ano ang mangyayari kung ang iba pang mga katotohanang ito ay mahihiwalay sa pangunahing katotohanang ito? Bakit napakahalaga ng patotoo ng mga propeta at apostol tungkol kay Jesus at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli sa ating pananampalataya sa iba pang mga katotohanan? Pag-isipan kung paano ninyo maaaring mapalakas ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at isipin kung paano nito mapapalago ang inyong pananampalataya sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.

  • Nais ng Diyos na matutuhan ng lahat ng Kanyang mga anak ang banal na katotohanan. Sa pagpapahayag ng Pagpapanumbalik, itinuro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kami bilang [mga Apostol ni Cristo] ay nag-aanyaya sa lahat na malaman—tulad ng pagkakaalam namin—na bukas ang kalangitan. Ipinahahayag namin na ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak. Nagpapatotoo kami na yaong mga mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.” Maaari mong saliksikin ang pagpapahayag ng Panunumbalik para sa mga katotohanang napagtuunan mo ng pansin. Pagkatapos ay pagnilayan kung bakit mahalaga na malaman ang bawat katotohanan at kung paano ito maaaring makaapekto sa mga pagpili na ginagawa mo.

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin nang sama-sama ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

    “Salungat sa pagdududa ng ilang tao, talagang mayroong tama at mayroong mali. Talagang mayroong hindi nagbabagong katotohanan—ang walang hanggang katotohanan. Ang isa sa mga salot ng ating panahon ay na kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:12]. …

    “Makapangyarihan ang dalisay na doktrina ni Cristo. Binabago nito ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito.”

    Maaari kayong magtulungan sa paggawa ng listahan ng mga katotohanang ganap o walang hanggan (tulad ng “Ang Diyos ang ating Ama sa Langit”) at mga katotohanang pansamantala (tulad ng “Ang polo na suot ko ay pula” o “Umuulan sa labas”). Bakit mahalagang makilala ang pagkakaiba ng mga walang-hanggang katotohanan at ng mga pansamantalang katotohanan? Maaari rin ninyong pag-usapan kung saan ka “naghahanap ng katotohanan”—lalo na para sa walang-hanggang katotohanan.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Nais ng Diyos na Matutuhan Natin at Ibahagi ang Banal na Katotohanan

binatilyo at dalagita na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Nais ng ating Ama sa Langit na malaman at paniwalaan natin ang mga banal na katotohanan ng ebanghelyo. Ang ating pagkaunawa sa walang hanggang katotohanan ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Inaakay tayo ng Espiritu Santo sa katotohanan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:9–10, 14; Moroni 10:4–5; Doktrina at mga Tipan 84:44–47). Kapag pinili nating kumilos batay sa katotohanang natatanggap natin, mas marami tayong matatanggap na katotohanan mula sa Diyos (tingnan sa 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 93:26–28).

Nais din ng Diyos na ibahagi ito ng mga may katotohanan sa iba (tingnan sa Enos 1:26; Doktrina at mga Tipan 58:47; 75:3–5). Ang mga magulang, halimbawa, ay pinapayuhang palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan (Doktrina at mga Tipan 93:40, 42). At maibabahagi rin natin ang ebanghelyo sa maraming nalalayo sa katotohanan dahil hindi nila alam kung saan ito matatagpuan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:12).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Itinuro ni Elder John C. Pingree Jr.:

    “Inihahayag ng Diyos ang mga walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang mga katotohanang iyon at tinutulungan tayong ipamuhay ang mga iyon. Kailangan nating hangarin at maging handang tanggapin ang mga espirituwal na impresyong ito kapag dumarating ang mga ito. Nadarama natin ang pagpapatotoo ng Espiritu kapag mapagpakumbaba tayo, taimtim na nagdarasal at inaaral ang mga salita ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.

    “Kapag pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang isang katotohanan, lumalalim ang ating pang-unawa kapag isinasagawa natin ang alituntuning iyon. Sa paglipas ng panahon, kapag patuloy nating ipinamumuhay ang alituntunin, nagiging tiyak ang ating kaalaman sa katotohanang iyon.”

    Isiping isulat ang ilan sa mga katotohanang inihayag sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta. Kailan ninyo nadama na pinagtitibay ng Espiritu Santo ang mga katotohanang ito? Paano kayo mas sadyang makapaghahanda na tumanggap ng espirituwal na mga impresyon tungkol sa mga katotohanan sa doktrina? Paano ninyo maisasabuhay ang inyong kaalaman tungkol sa mga katotohanang ito?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin ang 2 Nephi 28:26–30 at ang Doktrina at mga Tipan 93:11–13. Talakayin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pag-aaral at pagtanggap ng banal na katotohanan. Marahil maaari ninyong pag-usapan ang iba pang mga halimbawa ng mga bagay na nangyayari o lumalago nang “taludtod sa taludtod” o ng “kaunti dito at kaunti doon.” Ano ang ipinahihiwatig ng mga halimbawang ito tungkol sa pagpapalago ng ating kaalaman sa katotohanan? Pagkatapos ay basahin ang payo na ito ni Pangulong Nelson: “Hinimok ko sila noon—at pinakikiusapan ko kayo ngayon—na alagaan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Pagsikapan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig. Habang ginagawa ninyong pinakamataas na prayoridad ang patuloy na pagpapalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.” Ibahagi sa isa’t isa kung paano lumago ang inyong patotoo nang “biyaya sa biyaya” at nang “taludtod sa taludtod.” Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pangasiwaan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo”? Maaari mong itanim ang isang bagay at pangalagaan rin ito at masdan ang paglaki nito. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang pagkakatulad ng pag-aalaga ng halaman at pangangalaga sa ating patotoo at ang mga “bunga” na maaari nating anihin mula sa bawat isa.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Paghahangad ng Katotohanan sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya ay Maaaring Umakay sa Atin sa Espirituwal na Kaligtasan

lalaking nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Inatasan tayong lahat ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Ibig sabihin, bukod sa iba pang mga bagay, kapag may mga tanong tayo tungkol sa kasaysayan, doktrina, at nakagawian ng Simbahan, pinag-aaralan natin ang maaasahang sources at sumasampalataya at nagtitiwala kay Jesucristo habang naghahanap tayo ng mga sagot. Hangad ng kaaway na ilayo ang ating puso sa walang-hanggang katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78:10; 93:39). Ang pagtanggap sa banal na katotohanan ay makatutulong sa atin na tanggihan ang kasamaan at maiwasan ang kasalanan, pagkakamali, at panlilinlang (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:23–25; 93:37).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Noong isang binatilyo pa siya, nalilito si Joseph Smith nang hanapin niya ang mga sagot sa kanyang espirituwal na mga tanong. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–6, 10–13 para malaman kung paano siya tinulungan ng Panginoon. Paano siya dinala sa espirituwal na kaligtasan dahil sa paghahanap niya ng katotohanan? Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasan ni Joseph Smith na makatutulong sa paghahanap ninyo ng katotohanan?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Para masimulan ang talakayan tungkol sa espirituwal na kaligtasan na maaaring magmula sa matibay na patotoo sa katotohanan, maaari ninyong pag-usapan ang mga bagay na ginagawa ninyo para maging ligtas laban sa mga aksidente, karamdaman, o kalamidad. Ano ang sasabihin natin sa isang tao na iniisip na ang mga pag-iingat na ito ay hindi mahalaga o hindi sulit na pagsikapan? Pagkatapos ay sama-sama ninyong basahin ang mga salitang ito ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nabubuhay tayo sa panahon ng matinding kaguluhan at kasamaan. Ano ang poprotekta sa atin laban sa kasalanan at kasamaan na laganap na sa mundo ngayon? Inihahayag ko na ang matibay na patotoo tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa Kanyang ebanghelyo ang tutulong sa paggabay sa atin patungo sa kaligtasan. … Mahalagang magkaroon kayo ng sariling patotoo sa mahihirap na panahong ito, dahil hindi kayo lubos na matutulungan ng patotoo ng ibang tao.” Ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo pinrotektahan ng inyong personal na patotoo sa walang-hanggang katotohanan sa espirituwal na paraan.

Alamin ang iba pa