Buod
Kahandaan sa Emergency
Maraming taon nang pinapayuhan ang mga miyembro ng Simbahan na maging handa para sa panahon ng kahirapan. Ang paghahanda, kapwa espirituwal at temporal, ay makapapawi ng takot.
Itinuro ni Elder L. Tom Perry, “Malinaw ang pangangailangang maghanda. Ang dakilang pagpapala ng pagiging handa ay nagbibigay sa atin ng kalayaan mula sa takot.”
Sa patnubay ng mga lider ng Simbahan, dapat maghanda ang mga indibiduwal at pamilya na maging self-reliant sa panahon ng personal at malawakang trahedya.
Ang Alituntunin ng Paghahanda
Bilang mga miyembro ng Simbahan, alam natin na responsibilidad nating maglaan para sa ating sarili at sa ating pamilya kapwa sa mabuti at masamang panahon. Bahagi ng pagtupad sa obligasyong iyan ang paghahanda ngayon na makayanan ang anumang hamon na darating sa atin.
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na dapat tayong maging “sabik na gumawa sa positibong programa ng paghahanda.” Hindi sapat ang umasa sa pinakamainam; kailangan nating maghanda para dito.
Ipinaliwanag niya, “Hindi isasalin ng Panginoon sa mga gawa ang mabubuting mithiin at hangarin ng isang tao. Tayo ang kailangang gumawa nito para sa ating sarili.”
Paano naghahanda ang Simbahan para sa mga emergency?
Ang Simbahan ay naghahanda para sa mga emergency sa pamamagitan ng pagtatatag at pagpapanatili ng plano sa pagtugon sa emergency sa bawat ward at stake.
Mga Plano para sa Emergency ng Ward at Stake
Dapat maghanda ang mga ward at stake para sa mga kalamidad na dulot ng kalikasan at gawa ng tao na malamang na mangyari sa kani-kanilang lugar sa pamamagitan ng paggawa ng plano para sa emergency. Ang mga planong ito ay inihahanda sa ilalim ng pamamahala ng bishop o stake president. Dapat i-update ang mga ito paminsan-minsan.
Ang bawat plano ay dapat:
Gamitin ang mga worksheet ng Gabay sa Pagpaplano para sa mga Emergency ng Stake at Ward sa preparedness.ChurchofJesusChrist.org sa iyong mga pagsisikap sa pagpaplano.
Paano ako magiging handa para sa isang emergency?
Hinihikayat ang mga miyembro ng Simbahan na gumawa ng plano para sa emergency at regular itong i-update.
Itinuro ni Elder L. Tom Perry, “Simulan na ngayon na gumawa ng plano kung wala ka pa nito, o i-update ang iyong kasalukuyang plano. … Dahil sa kawalang-katatagan ng mundo ngayon, kinakailangang sundin natin ang payo at maghanda para sa hinaharap.”
Sa paggawa mo ng plano para sa emergency, isaalang-alang ang bawat isa sa mga elementong ito.
Iwasan ang Pangungutang at Gumastos nang Ayon sa Kinikita
Kailangang disiplinahin natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pag-iwas sa utang at paggastos nang ayon sa kinikita. Ang paggawa nito ay maglalagay sa atin sa mas mabuting kalagayan upang matulungan ang ating sarili at ang iba sa panahon ng personal o malawakang krisis.
Dapat iwasan ang pangungutang, “maliban sa pagbili ng bahay na may katamtamang halaga o pagbabayad para sa edukasyon o iba pang mahahalagang pangangailangan.” Gayunpaman, ang anumang uri ng utang ay dapat maingat na pag-isipan.
Sinabi ni Elder L. Tom Perry, “Ang kinakailangang pangungutang ay dapat lamang gawin pagkatapos ng taimtim at may pagsasaalang-alang na panalangin at pagkatapos humingi ng pinakamainam na payo.”
Pero hindi sapat na umiwas lamang sa pinansiyal na kagipitan; maging maingat na hindi tayo gumastos nang higit sa kinikita natin.
“Hinihimok naming maging matipid kayo sa inyong paggastos; disiplinahin ang sarili sa pamimili upang maiwasan ang pag-utang.”
Inilarawan ni Elder N. Eldon Tanner ang mangyayari kapag hinahayaan natin ang ating sarili na gumastos nang higit pa sa kinikita natin:
“Natuklasan ko na walang paraan na maaari kang kumita ng higit pa kaysa sa maaari mong gastusin. Kumbinsido ako na hindi ang halaga ng pera na kinikita ng isang indibiduwal ang nagdudulot ng kapayapaan sa isipan nang higit sa pagkakaroon ng kontrol sa kanyang pera. Ang pera ay maaaring maging masunuring alipin pero isang malupit na katiwala. Ang mga taong isinaayos ang pamantayan ng kanilang pamumuhay sa paggastos nang kaunti ay kontrolado ang kanilang mga kalagayan. Ang mga gumagastos nang higit kaysa sa kanilang kinikita ay kontrolado ng kanilang mga kalagayan.”
Ang pamumuhay nang ayon sa ating kinikita ay nagbibigay-daan sa atin na patuloy na makontrol ang ating kalagayan. Ang pag-utang ay humahantong lamang sa karagdagang paghihirap.
Magkaroon ng Sapat na Edukasyon
Sa mundong patuloy na nagbabago, kailangan nating maghanda para sa mga hindi inaasahan. Ang isang paraan na magagawa natin ito ay ang pagkakaroon muna ng sapat na edukasyon at pagkatapos ay patuloy na dagdagan ang ating kaalaman at skill kapag itinulot ng panahon at kalagayan.
Pinayuhan tayo ng Panginoon na maghangad na matuto sa iba’t ibang paksa sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya rin. Ang training na ito ay maghahanda sa atin na pangalagaan ang ating pamilya at paglingkuran ang iba.
“Sa ating mga piniling pag-aralan dapat tayong maghandang itaguyod ang ating sarili at ang mga aasa sa atin,” itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks. “Dapat tayong magkaroon ng mga kasanayang uupahan ng iba. Kailangan ang edukasyon para sa sarili nating seguridad at kapakanan.”
Gayunman, hindi natatapos ang ating pag-aaral kapag nakatanggap na tayo ng sertipiko o nakakuha ng trabaho. Binigyang-diin ni Elder L. Tom Perry ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral, lalo na sa ating mga bokasyon. Sinabi niya, “Maaari tayong malipasan ng panahon sa ating mga propesyon kung hindi tayo patuloy na magdaragdag ng kaalaman.”
Mahalaga na manatili tayong updated sa kasalukuyang mga gawain sa industriya at patuloy na paghusayin ang ating skill. Ang paggawa nito ay magbibigay sa atin ng pinakamagandang pagkakataon na magkaroon ng trabaho.
Panatilihin ang Pagkakaroon ng Reserbang Pagkain at Iba pang mga Suplay
Ang isa pang paraan na makapaghahanda tayo para sa isang emergency ay ang pagkakaroon ng imbak ng mga kinakailangang suplay na makatutulong sa atin na malampasan ang krisis.
Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley “Nagtayo tayo ng imbakan ng mga butil at mga bodega at inimbakan ang mga ito ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay sakaling may dumating na kalamidad.” Pero ang mga suplay na iyon ay hindi makakatulong sa atin kung hindi natin mapupuntahan ang mga iyon. Pagpapatuloy niya, “Ang pinakamahusay na imbakan ay ang imbakan ng pamilya.” Ito ang pinakamalapit na makukuhanan ng reserba sa oras ng pangangailangan at ang pinakaangkop sa ating indibiduwal na mga pangangailangan.
Habang nagtatayo at nananatili tayong may suplay para sa emergency, isama ang mga sumusunod na item:
-
Kasuotan o damit at gamit sa pagtulog
-
Mga reserbang pera
-
Mahahalagang dokumento
-
Mas matagal na suplay ng mga pangunahing pagkain
-
Mga suplay na gamot at first aid
-
Tatlong buwang suplay ng pagkain na karaniwang bahagi ng kinakain ninyo sa araw-araw
-
Mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa pamilya pagkatapos ng isang kalamidad
Kumuha ng First Aid Training
Ang isa pang paraan ng paghahanda para sa isang emergency ay ang pagtanggap ng first aid, CPR, at AED training sa pamamagitan ng isang sertipikadong programa.