“Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Paglapit kay Cristo sa Pamamagitan ng Kanyang doktrina
Mabisa ang pagkatuto. Binubuksan ng kaalaman ang ating isipan sa mga bagong ideya at ginagawang posible ang maraming kamangha-manghang karanasan. Pero mas mahalaga pa ang pag-aaral ng mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagkatuto at pag-unlad ay ilan sa pinakamahahalagang dahilan kung bakit tayo naparito sa mundong ito. Ang pag-aaral ang nagbibigay-daan sa atin na maging tunay na tayo at maabot ang ating potensyal bilang mga anak ng Diyos at mga tagapagmana ng Kanyang kaharian. Isa sa mga pangunahing layunin ng pagparito sa mundong ito ay ang matuto ng mga bagay na hindi natin malalaman sa ibang paraan.
Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, marami din tayong pagkakataong ituro ang Kanyang ebanghelyo at ibahagi ang Kanyang kapayapaan at kagalakan sa iba. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal noong una, “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (Doktrina at mga Tipan 88:122). Lahat tayo ay pinagpapala kapag nakikinig at sumasampalataya tayo sa mensahe ng ebanghelyo tulad ng itinuturo ng ating mga lider sa Simbahan, guro, magulang, anak, at iba pa. Lahat tayo ay maaaring matuto at makapagturo ng ebanghelyo sa simbahan, sa tahanan, at saanman tayo naroroon.
Bakit Mahalagang Matutuhan ang Ebanghelyo ni Jesucristo at Ituro Ito sa Iba?
Pinag-aaralan at itinuturo natin ang ebanghelyo upang mapalakas ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at ang pananampalataya ng mga taong nakapaligid sa atin. Tinutulungan din tayo nito na maging mas katulad Nila at kalaunan ay makabalik sa ating tahanan sa langit upang makapiling Nila. Kapag nagtuturo tayo ng ebanghelyo, tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo, na siyang pinakadakilang guro. Habang natututuhan at ipinamumuhay natin ang ebanghelyo at itinuturo ito sa iba, lahat tayo ay makapagpapatuloy sa landas pabalik sa Diyos.
Buod ng paksa: Pagtuturo ng Ebanghelyo
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagbabalik-loob kay Jesucristo, Mga Propeta, Mga Banal na Kasulatan, Katotohanan
Bahagi 1
Hinahangad Nating Matuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya
Sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, tayo ay uunlad sa espirituwal. Natututuhan natin ang mga turo ng Kanyang ebanghelyo kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya at kapag sinusunod natin ang “tinig ng [Kanyang] mga lingkod” (Doktrina at mga Tipan 1:38; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:118). Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay mapapatunayan sa atin ng Banal na Espiritu kapag pinag-aaralan at ginagawa natin ang natututuhan natin, na tumutulong sa ating umunlad at maging mas katulad ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:23).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!” Paano nasagot ang iyong mga tanong at problema nang pag-aralan mo ang buhay at mga turo ng Tagapagligtas? Paano nakatulong sa iyo ang iyong pananampalataya na malaman ang mga sagot na kailangan mo noong mga panahong iyon? Ikonsidera ang maaari mong matutuhan tungkol sa Tagapagligtas sa linggong ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya na makatutulong sa iyo sa isang tanong o alalahanin na kinakaharap mo ngayon. Maaari kang magsulat ng plano at pagkatapos ay mag-set up ng mga paalala na dapat sundin.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Basahin at pagnilayan ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 88:118. Ano ang pagkakaiba ng pagkatuto sa pamamagitan ng pag-aaral at ng pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya? Paano nagtutulungan ang dalawang alituntunin na ito? Iba ba ang pag-aaral natin ng ebanghelyo sa pag-aaral sa paaralan o pag-aaral tungkol sa isang bagay online? Bakit? At ano ang ibig sabihin ng Panginoon sa “pinakamabubuting aklat”? Maaari ninyong pag-aralan ang isang bahagi mula sa “Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili at pagkatapos ay pag-usapan ang mga bagay na natutuhan ninyo na may kaugnayan sa mga pagpapala ng pagkakaroon ng kaalaman. Isiping magtakda ng mithiin na may kaugnayan sa isang bagay na natutuhan ninyo.
Alamin ang iba pa
-
David A. Bednar, “Pagkatuto sa Paraan ng Panginoon,” Liahona, Okt. 2018, 50–53
-
Ulisses Soares, “Namamangha kay Cristo at sa Kanyang Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2022, 115–17
-
“Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2022), 24–27
Bahagi 2
Sinusunod Natin ang Halimbawa ni Jesucristo Habang Itinuturo Natin ang Kanyang Ebanghelyo
Lahat tayo ay nangangailangan ng “pag-aalaga sa pamamagitan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4) upang matulungan tayong maabot ang ating walang-hanggang potensyal. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay makatutulong sa ating lahat na umunlad sa espirituwal na paraan sa landas ng tipan. Kapag nagtuturo tayo nang may pagmamahal na pinamumunuan ng Espiritu, madarama ng lahat ang katotohanan ng mga mensaheng ibinabahagi natin at maaaring hangarin nating magbago at sumunod kay Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:12–14).
Sinusunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtuturo sa iba (tingnan sa Juan 7:14–18) kapag mahal natin ang mga tinuturuan natin, nagtuturo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, itinuturo ang tunay na doktrina ni Cristo, at nag-aanyaya tayo ng masigasig na pag-aaral. Kabilang sa pag-aanyaya ng masigasig na pag-aaral ang paghikayat sa mga mag-aaral na kumilos. “Sa simula ng Kanyang ministeryo, inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod na maranasan para sa kanilang sarili ang mga katotohanan, kapangyarihan, at pagmamahal na ibinigay Niya. Ginawa Niya ito dahil ito talaga ang ibig sabihin ng pagkatuto. Hindi lang ito pakikinig o pagbabasa; ito rin ay pagbabago, pagsisisi, at pag-unlad.”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang pambungad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit ang pagtuturo ay isang sagradong responsibilidad. Sabi rito: “Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob at tulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo.” Maaari kang pumili ng bahaging pag-aaralan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas na tutulong sa iyo na magturo nang higit na katulad ni Jesucristo. Paano mo mas maituturo ang ebanghelyo para maaakay ka at ang iba na maging mas katulad Niya? Anong maliliit na bagay ang magagawa mo para mas maituro ang ebanghelyo sa tahanan, sa simbahan, o sa iba pang lugar? Paano mo mas hahangaring matutuhan ang ebanghelyo nang mas masigasig para mas maituro mo ito sa iba?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na “Walang Hanggang Katotohanan,” itinuro ni Elder John C. Pingree Jr.: “Ang layunin natin ay ituro ang katotohanan sa paraang nag-aanyaya sa nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Pagkatapos ay ibinahagi niya ang pitong simpleng paanyaya mula sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta na makatutulong sa atin na anyayahan ang Espiritu habang nagtuturo tayo. Maaari ninyong talakayin ang pitong alituntuning ito at kung paano tayo matutulungan ng mga ito na ituro ang ebanghelyo nang may kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu. Marahil ay makakaisip kayo ng masayang paraan para matulungan ang isa’t isa na maalala ang pitong alituntunin para maipamuhay ninyo ang mga ito, tulad ng pag-iisip ng acronym o iba pang simpleng mnemonic device.
-
Sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, nag-anyaya ang Unang Panguluhan: “Pag-aralan pa ang tungkol kay Jesucristo at kung paano Niya itinuro ang ebanghelyo. Pag-aralan nang may panalangin ang Kanyang mga salita, gawa, at mga katangian, at sikaping sundin Siya nang mas lubos.” Talakayin ang ilan sa mga salita, kilos, at katangian ng Tagapagligtas. Paano kayo matutulungan ng mga ito na anyayahan ang Espiritu kapag itinuturo ninyo ang ebanghelyo? Ibinabahagi rin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ang apat na alituntuning ito ng pagtuturo na tulad ng kay Cristo: mahalin ang mga tinuturuan ninyo, magturo sa pamamagitan ng Espiritu, ituro ang doktrina, at mag-anyaya ng masigasig na pag-aaral. Pag-usapan ang mga paraan na maisasabuhay ninyo ang mga alituntuning ito habang itinuturo ninyo ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa tahanan, sa simbahan, at sa ibang lugar. Maaari rin ninyong kumpletuhin ang personal na pagsusuri sa pahina 37 ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Maaari ninyong talakayin ang mga kaalamang nakuha ninyo at pagkatapos ay mapanalanging pag-isipan kung may mga pagbabago kayong nais na gawin sa paghahanda at pagtuturo ninyo ng ebanghelyo ni Cristo.
Alamin ang iba pa
-
Juan 14:16–17, 26; Alma 37:33–37; Doktrina at mga Tipan 11:21–22; 42:12–17; 88:122
-
Jeffrey R. Holland, “A Teacher Come from God,” Ensign,Mayo 1998, 25–27
-
Dieter F. Uchtdorf, “Checklist ng Isang Guro” (mensaheng ibinigay sa brodkast ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, Hunyo 12, 2022), Gospel Library
-
Neil L. Andersen, “Ang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Dalisay na Doktrina” (brodkast para sa pagtuturo sa mga kabataan at mga young adult, Hunyo 11, 2023), Gospel Library
-
“Invite Diligent Learning” (video), Gospel Library
Bahagi 3
Ang Pag-aaral at Pagtuturo ng Ebanghelyo ay Pinakaepektibo Kapag Nakasentro sa Tahanan
Upang magbalik-loob sa Panginoong Jesucristo, kailangan nating matutuhan ang ebanghelyo para sa ating sarili. Bukod pa rito, responsibilidad ng mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). Hangga’t maaari, ang tahanan ang pinakamagandang lugar para matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Hinihikayat at sinusuportahan ng mga lider at guro sa Simbahan ang pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan. Kapag mapanalangin nating pinag-aralan ang ebanghelyo sa ating tahanan, mas maraming oras ang nagagawa nating gugulin sa pag-aaral ng ebanghelyo at mas marami tayong nagiging karanasan dito. Pagkatapos ay maibabahagi rin natin ang kaalamang iyon na nakukuha natin sa simbahan upang pagpalain at turuan ang iba.
Ibinigay ni Brother Devin G. Durrant ang matalinong payo na ito: “Para sa inyong lahat na nagsusumigasig na gawin ang lahat ng inyong makakaya para magturo sa inyong mga tahanan, nawa’y makahanap kayo ng kapayapaan at kagalakan sa inyong mga pagsisikap. At kung madama ninyo na kailangan pa ninyong mas magpakabuti o nangangailangan kayo ng mas mabuting paghahanda, mangyaring tumugon nang mapagpakumbaba sa panghihikayat sa inyo ng Espiritu at magpasiyang kumilos.”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin ang himala ng isang maliit na binhi na naging isang malaking puno habang binabasa at pinagninilayan mo ang Alma 32:28–31. Pagkatapos ay basahin ang payo na ito mula kay Brother Jan E. Newman: “Maraming namamana ang mga anak mula sa kanilang mga magulang, ngunit ang patotoo ay hindi isa sa mga iyon. Hindi natin mabibigyan ng patotoo ang ating mga anak tulad ng hindi natin mapipilit na tumubo ang isang binhi. Ngunit maaari tayong maglaan ng isang mapangalagang kapaligiran, na may matabang lupa, na walang mga tinik na ‘sasakal sa salita.’ Maaari nating sikaping lumikha ng mga mainam na kalagayan upang ang ating mga anak—at ang iba pang mahal natin—ay makahanap ng lugar para sa binhi, ‘[makinig sa] salita, at [maunawaan] ito’ [tingnan sa Mateo 13:18–23] at matuklasan sa kanilang sarili ‘na ang binhi ay mabuti’ [Alma 32:30].” Ano ang tutulong sa inyong tahanan na maging mas kapaki-pakinabang na kapaligiran para sa inyo o sa inyong pamilya na matutuhan ang mga walang-hanggang katotohanan? Paano ninyo matutulungan ang isa’t isa na malaman ang kabutihan ng ebanghelyo? Ano ang magagawa ninyo para mapangalagaan at mapalakas ang patotoo ng bawat isa tungkol kay Cristo?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Kung ang lahat ng nalalaman natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay mula sa itinuturo o sinasabi sa atin ng ibang tao, ang saligan ng ating patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang dakilang gawain sa mga huling araw ay nakatayo sa buhangin [tingnan sa Mateo 7:24–27]. Hindi tayo maaaring umasa o humiram lamang ng liwanag at kaalaman sa ebanghelyo mula sa ibang tao—maging sa mga taong minamahal at pinagkakatiwalaan natin.” Isipin ang mga salita ni Elder Bednar habang sabay-sabay ninyong binabasa ang Helaman 5:12. Maaari ninyong pagnilayan at pag-usapan ang sipi at talatang ito habang tinitingnan ninyo ang larawan ng isang dalampasigan o baybayin (o habang naglalakad kayo sa baybayin ng isang sapa, batis, o lawa). Isipin kung bakit hindi itinatayo ng mga tao ang kanilang mga tahanan sa buhangin. Anong mga uri ng pundasyon ang pinagtatayuan nila? Ano ang magagawa ninyo para mapalakas ang inyong patotoo sa matibay na pundasyon? Anong mga gawi sa pag-aaral ng ebanghelyo ang maaari ninyong simulan o muling ipangakong sundin ngayon? Maaari kayong sama-samang kumanta ng isang awitin tulad ng “Ang Matalino at ang Hangal” o “Saligang Kaytibay” habang iniisip ninyong itayo ang inyong buhay sa matibay na pundasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Pag-usapan nang maikli kung bakit pinipili ng mga tao na baguhin ang kanilang mga tahanan. Maaari pa ninyong tingnan ang ilang mga larawan ng malalaking renovation sa bahay. Ano ang resulta ng epektibong home remodeling? Itinuro ni Pangulong Nelson na ang pag-aaral ng ebanghelyo ay “may potensyal na makalagan ang kapangyarihan ng pamilya, habang ang bawat pamilya ay tapat at maingat na ginagawang santuwaryo ng pananampalataya ang kanilang tahanan. Ipinapangako ko na habang masigasig kayong nagsisikap na gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan … matutuwa ang inyong mga anak na matuto at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas. … Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.” Makipag-usap sa inyong pamilya o sa iba niyo pang kasama sa tirahan tungkol sa mga pagbabagong gusto ninyong lahat na makita. Paano ninyo “mare-remodel” ang inyong tahanan para maging mas mabuting sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo? Paano kaya mapapalakas ng pinahusay at nakasentro sa tahanan na pag-aaral ng ebanghelyo ang lahat ng nasa inyong tahanan? Ano ang magagawa ninyo para mangyari ang mga pagbabagong nais ninyo, at paano ninyo masusukat ang inyong pag-unlad?
Alamin ang iba pa
-
Devin G. Durrant, “Pagtuturo sa Tahanan—Isang Masaya at Sagradong Responsibilidad,” Liahona, Mayo 2018, 42–45
-
Home-Centered Gospel Learning (koleksyon ng resources sa pag-aaral ng ebanghelyo), ChurchofJesusChrist.org