Library
Mga Kaloob ng Espiritu


“Mga Kaloob ng Espiritu,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

mga binatilyo na nag-uusap sa foyer

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga Kaloob ng Espiritu

Mga espirituwal na pagpapalang natatanggap sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Kunwari ay katatanggap mo lang ng isang regalo na talagang pinag-isipan. Ang taong pumili nito ay naging maingat nang husto para bigyan ka ng isang bagay na magpapala hindi lamang sa iyong buhay kundi pati na rin sa buhay ng mga taong nakapaligid sa iyo. Nang buksan mo ang regalo at nakita kung ano ang nasa loob nito, napagtanto mo na mas mahalaga ito kaysa anumang bagay na naisip mo.

Katulad nito, handang-handa rin ang Ama sa Langit na bigyan tayo ng mahahalagang regalo na pagpapalain tayo. Ang mga regalong ito ay tinatawag na mga espirituwal na kaloob. Maraming uri ng espirituwal na kaloob, at bawat isa ay makapagpapalakas at makatutulong sa atin. Ngunit nasa atin na ang paghahanap, pagtanggap, at paggamit ng mga ito sa paggawa ng gawain ng Ama sa Langit.

Ano ang mga Kaloob ng Espiritu?

Ang mga kaloob ng Espiritu ay mga espirituwal na pagpapala o kakayahan na ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa matatapat na miyembro ng Simbahan. Ibinibigay ang mga ito para sa “ikatitibay ng [simbahan]” (1 Corinto 14:12) at “para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 46:26). Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang marami at iba’t ibang espirituwal na kaloob na maaari nating matanggap (tingnan sa 1 Corinto 12:1–11; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 46:11–25). Ipagkakaloob sa atin ng Ama sa Langit ang mga kaloob na ito kapag taimtim nating hinahangad ang mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:8–9).

Buod ng paksa: Mga Espirituwal na Kaloob

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Kaloob na Espiritu Santo, Pananampalataya kay Jesucristo, Pag-asa, Pag-ibig sa Kapwa-tao

Bahagi 1

Ang Ama sa Langit ay Nagbibigay ng mga Espirituwal na Kaloob sa Matatapat

babae sa pulpito

Binibigyan tayo ng Diyos ng mga espirituwal na kaloob, o espirituwal na pagpapala, dahil mahal natin Siya at sinisikap nating sundin ang Kanyang mga utos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:9). Sa pamamagitan ng mga kaloob na ito, makatatanggap tayo ng mga pagpapala sa ating sariling buhay at mapagpapala ang buhay ng iba. Ang mga espirituwal na kaloob ay naghahatid ng dagdag na kapangyarihan sa isang mundo na patuloy na dumarami ang kasamaan, at sa pamamagitan ng mga pagpapalang ito ay matatagpuan natin ang espirituwal na kaligtasan at kapayapaan.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Itinuro ni Apostol Pablo na gaya ng bawat bahagi ng katawan na may mahalagang layunin, ang bawat espirituwal na kaloob ay kinakailangan sa “katawan ni Cristo,” o sa katawan ng Simbahan (1 Corinto 12:27). Isiping basahin ang 1 Corinto 12:12–30 at pagkatapos ay pagnilayan kung paano magtutulungan ang ating mga espirituwal na kaloob para pagpalain ang lahat. Paano mo nakitang nagtutulungan ang mga espirituwal na kaloob ng iba na tulad ng pagtutulungan ng mga bahagi ng katawan? Paano ka nabiyayaan dahil sa mga espirituwal na kaloob ng iba? Maaari mo ring pagnilayan ang iyong mga espirituwal na kaloob at kung paano ito makatutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kumilos ayon sa mga pahiwatig na matatanggap mo.

  • Kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, ipinapangako sa atin na laging mapapasaatin ang Espiritu Santo—at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo natatanggap natin ang mga espirituwal na kaloob. Isiping basahin ang mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79) at pagnilayan kung paano makatutulong sa iyo ang paggawa at pagtupad mo sa iyong mga tipan na maging handang tumanggap ng mga espirituwal na kaloob.

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Napalakas na ba ang inyong patotoo ng iba? Marahil naaalala pa ninyo nang minsang lumalim ang sarili ninyong pananampalataya dahil sa isang tao. O maaaring nadarama ninyo ang mga benepisyo ng patotoo ng isang kaibigan o kapamilya sa araw-araw. Sa Doktrina at mga Tipan 46:13–14, nalalaman natin na isang espirituwal na kaloob ang maniwala sa patotoo ng isang tao tungkol kay Jesucristo. Maaari ninyong panoorin ang video na ito tungkol kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf na naglalarawan kung paano niya natanggap ang kaloob na iyon noong binata pa siya sa pamamagitan ng mga halimbawa, pagmamahal, at paglilingkod ng kanyang mga kaibigan. Pagkatapos ay ibahagi sa isa’t isa ang mga parehong karanasan ninyo sa espirituwal na kaloob na ito. Paano napagpala ang inyong buhay ng matatapat na halimbawa ng mga taong nakapaligid sa inyo?

Alamin ang iba pa

  • Roma 12:4–8; Moroni 10:24–25

  • Dallin H. Oaks, “Spiritual Gifts,” Ensign, Set. 1986, 68–72

  • Mga Kaloob ng Espiritu,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 133–44

Bahagi 2

Tuklasin ang mga Kaloob na Ibinigay sa Iyo ng Diyos

mga bata na may kasamang titser

Binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng mga espirituwal na kaloob at hinihiling na sikapin nating “tandaan sa tuwina, at laging panatilihin sa [ating] isipan kung ano ang mga kaloob na [iyon]” (Doktrina at mga Tipan 46:10). Paano natin malalaman ang ating mga espirituwal na kaloob para maalala natin ang mga ito? Makapagsisimula tayo sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan, na nagbibigay ng maraming halimbawa tungkol sa mga espirituwal na kaloob. Kabilang dito ang pananampalataya, kaloob na mga wika, paggawa ng mga himala, at patotoo kay Cristo (tingnan sa 1 Corinto 12:8–10; Moroni 10:9–16; Doktrina at mga Tipan 46:13–25).

Malalaman natin ang ating mga espirituwal na kaloob sa “[pagbasa] natin [ng] ating patriarchal blessing, magtanong sa mga taong nakakikilala sa atin nang lubos, at alamin kung saan tayo mahusay at ano ang gustung-gusto nating gawin. Ang pinakamahalaga, maaari tayong magtanong sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5; Doktrina at mga Tipan 46:9; Doktrina at mga Tipan 112:10).” Kapag natuklasan natin ang mga kaloob na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit, mas makikilala natin Siya at ang ating sarili.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang pagtuklas ng mga espirituwal na kaloob ay nangangailangan ng pananampalataya at tiyaga, ngunit magagabayan ka ng Panginoon sa prosesong ito. Marahil ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:10 at pagnilayan kung paano ka matutulungan ng Diyos na matuklasan ang iyong mga espirituwal na kaloob. Pagkatapos ay tanungin ang Diyos sa iyong mga panalangin na tulungan kang malaman ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay Niya sa iyo. Maaari ka ring magpatulong sa mga kapamilya, kaibigan, at mentor upang malaman mo ang mga ibiniyayang espirituwal na kaloob sa iyo. Habang natutuklasan mo ang iyong mga espirituwal na kaloob, itala ang mga ito upang maalala mo at matuto nang higit pa tungkol dito.

  • Sa pagkakatuklas natin ng ating mga espirituwal na kaloob, magagamit tayo ng Panginoon para pagpalain ang mga nakapaligid sa atin. Sa kanyang mensaheng “Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” ibinahagi ni Elder John C. Pingree Jr. ang isang kuwento tungkol sa isang babaeng binigyan ng espirituwal na kaloob na mapansin ang iba. Sabi niya, “Nakadama siya ng kagalakan sa pagpansin sa iba na madalas makaligtaan, at sa pamamagitan niya ay napagpala ng Diyos ang maraming tao.” Rebyuhin ang bahagi na pinamagatang “Tuklasin at Pagbutihin ang mga Espirituwal na Kaloob” sa mensahe ni Elder Pingree. Anong mga espirituwal na kaloob ang mayroon ka na makatutulong sa iyo na maisakatuparan ang gawain ng Diyos para sa iyo? May mga espirituwal na kaloob ka ba na matutuklasan pa na maaaring makatulong sa iyong personal na ministeryo? Isulat ang anumang impresyong natatanggap mo, at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga ito.

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang ilan sa ating mga espirituwal na kaloob ay maaaring hindi kapansin-pansin na gaya ng iba. Halimbawa, ang ilang indibiduwal ay may “kaloob na huwag manghusga; ang kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay; kaloob na manalangin; [at] kaloob na magbahagi ng makapangyarihang patotoo.” Ano ang ilang espirituwal na kaloob na nakikita ninyo sa inyong kagrupo? Isulat kung ano ang pumapasok sa isip ninyo at pagkatapos, talakayin kung paano ang bawat isa sa mga kaloob na ito ay isang pagpapala sa lahat. Maaari mo ring isulat ang mga espirituwal na kaloob na napansin ng mga kagrupo mo sa iyo at pag-isipan kung paano mo ito mapauunlad.

Bahagi 3

Ang Paghahangad at Paggamit ng mga Espirituwal na Kaloob ay Tumutulong sa Atin na Maging Mas Katulad ni Cristo

babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na masigasig na [hangarin] ang pinakamahuhusay na espirituwal na kaloob, tulad ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 10:30; Doktrina at mga Tipan 46:8; tingnan din sa Eter 12:28). Kapag sinisikap nating gamitin ang mga espirituwal na kaloob na ito, nagiging mas katulad tayo ni Jesucristo. Mas nagkakaroon tayo ng kakayahang maglingkod sa paraang gusto Niya, sa gayon “ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso.”

Mga bagay na pag-iisipan

  • Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Hinihimok ko kayong suriin ang inyong buhay. Alamin kung nasaan kayo at ano ang kailangan ninyong gawin para maging ang uri ng taong gusto ninyong kahinatnan. Lumikha ng nagbibigay-inspirasyon, marangal, at mabubuting mithiin na magpapasigla sa inyong imahinasyon at pupukaw sa inyong damdamin. Pagkatapos ay ituon ang tingin ninyo rito. Pagpursigihang makamtan ang mga ito.” Paano mo maisasabuhay ang payong ito sa paghahangad at paglilinang ng mga espirituwal na kaloob? Paano ka matutulungan ng mga kaloob na ito na maging mas katulad ni Jesucristo? Maaari kang sumulat ng isang espirituwal na kaloob na nais mong linangin at isang ideya kung paano mo ito sisimulan. Habang pinagsisikapan mong matamo at gamitin ang kaloob na iyan, subaybayan kung paano ka nito pinagpapala sa pang-araw-araw mong buhay at kung paano nito pinagpapala ang iba. Maaari ka ring mag-alay ng isang panalangin ng pasasalamat para sa mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa iyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:32).

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang maging mas katulad ni Cristo sa pamamagitan ng mga espirituwal na kaloob ay nangangailangan ng pagsasanay. Sinabi ni Elder Juan Pablo Villar: “Mas malamang na bibigyan tayo [ng Ama sa Langit] ng mga oportunidad na paunlarin ang mga [espirituwal na] kaloob sa halip na ipagkaloob lang sa atin ang mga iyon nang walang espirituwal at pisikal na pagsisikap. Kung nakaayon tayo sa Kanyang Espiritu, matututo tayong tukuyin ang mga oportunidad na iyon at pagkatapos ay kumilos ayon doon.” Panoorin ang video na “Faith and the Goal” (4:40), at pag-usapan ang pagsisikap na kaugnay ng pagkakaroon ng pisikal na talento. Pagkatapos ay talakayin ang kakailanganing gawin para malinang ang mga espirituwal na kaloob. Anong mga oportunidad ang sasamantalahin ninyo upang sanayin ang inyong mga espirituwal na kaloob? Paano makatutulong ang pagsasanay ng inyong mga espirituwal na kaloob upang maging parte ng inyong pagkatao ang mga ito?

  • Maaaring may mga pagkakataon na naaalala nating gamitin ang ating mga espirituwal na kaloob at kung minsan naman ay nakakalimot tayo. Asahang mangyayari iyan—walang taong perpekto. Ang mahalaga sa lahat ay inaanyayahan natin ang Panginoon sa proseso. Isiping kantahin ang himnong “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan.” Pansinin kung paano nagsusumamo ang mga titik ng awit sa paghingi ng tulong na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Paano kayo hihingi ng patnubay sa Diyos sa paggamit ng inyong mga espirituwal na kaloob upang kayo ay maging mas katulad Niya? Maaari din ninyong isulat ang mga espirituwal na kaloob na binanggit sa himno at piliing matuto nang higit pa tungkol dito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Talakayin kung ano ang natuklasan ninyo tungkol sa mga kaloob at ideya na ito na mayroon kayo para linangin ang mga ito.

Alamin ang iba pa