2016
Paghahangad ng mga Espirituwal na Kaloob
April 2016


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Paghahangad ng mga Espirituwal na Kaloob

Mula sa The Latter-day Saints Millennial Star, Abr. 23, 1894, 258–61; pinagpare-pareho ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga titik.

Ilan sa inyo ang naghahangad ng mga kaloob na ito na ipinangako ng Diyos na ipagkaloob?

Larawan
hanging lightbulbs

Larawang kuha © iStock/Thinkstock

Bawat lalaki at babae sa Simbahan ni Cristo ay maaaring magkaroon ng mga kaloob ng Espiritu ng Diyos na ipagkakaloob sa kanila ayon sa kanilang pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos. …

Ilan sa inyo … ang naghahangad ng mga kaloob na ito na ipinangako ng Diyos na ipagkaloob? Kapag nanalangin kayo sa Ama sa Langit na kasama ang inyong pamilya o nag-iisa, ilan sa inyo ang humihiling na mapagkalooban ng mga kaloob na ito? Ilan sa inyo ang humihiling sa Ama, sa pangalan ni Jesus, na magpakita Siya sa inyo sa pamamagitan ng mga kapangyarihan at kaloob na ito? O lumilipas kaya ang bawat araw ninyo, tulad ng pintong pumipihit sa mga bisagra nito, na wala kayong pakialam sa bagay na ito, na walang pananampalataya, na matapos mabinyagan at maging miyembro ng Simbahan ay kuntento na roon, na iniisip na sigurado namang ligtas na kayo dahil nabinyagan na kayo? …

… Alam ko na handa ang Diyos na pagalingin ang maysakit, na handa Siyang magkaloob ng kaloob na makahiwatig ng mga espiritu, ng kaloob na karunungan, ng kaalaman at ng propesiya, at iba pang mga kaloob na maaaring kailangan. Kung hindi perpekto ang sinuman sa atin, tungkulin nating ipagdasal na mapasaatin ang kaloob na gagawin tayong perpekto. May mga kakulangan at kahinaan ba ako? Marami ako nito. Ano ang tungkulin ko? Ang ipagdasal sa Diyos na pagkalooban ako ng mga kaloob na magtatama sa mga kakulangan at kahinaang ito. Kung madali akong magalit, tungkulin kong ipagdasal na magkaroon ako ng pag-ibig sa kapwa, na nagtitiis nang matagal at mabait. Ako ba ay maiinggitin? Tungkulin kong maghangad ng pag-ibig sa kapwa, na hindi naiinggit. Gayundin ang lahat ng kaloob ng ebanghelyo. Ito ang layunin ng lahat ng ito. Hindi dapat sabihin ng sinuman na, “Ah, hindi ko kontrolado ito; likas na sa akin ito.” Hindi siya mabibigyang-katwiran dito, sapagka’t nangako ang Diyos na magbigay ng lakas upang maitama ang mga bagay na ito, at magbigay ng mga kaloob na pupuksa sa lahat ng ito. Kung ang isang tao ay kulang sa karunungan, tungkulin niyang humingi ng karunungan sa Diyos. Ganyan din sa lahat ng iba pa. Iyan ang plano ng Diyos sa Kanyang Simbahan. Nais Niyang maging perpekto sa katotohanan ang Kanyang mga Banal. Dahil dito ibinibigay Niya ang mga kaloob na ito at ipinagkakaloob ito sa mga naghahangad nito, upang sila ay maging perpekto sa ibabaw ng lupa, sa kabila ng kanilang maraming kahinaan, dahil nangakong magbigay ang Diyos ng mga kaloob na kailangan nila upang maging perpekto.