2016
Turuan Mo Silang Basahin ang Aklat ni Mormon
April 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Turuan Mo Silang Basahin ang Aklat ni Mormon

Emilien Rioux, Quebec, Canada

Noong naglilingkod kami sa Geneva Switzerland Mission, tinawag ako at itinalagang maging branch president, at tinawag ang asawa ko bilang Relief Society president. Magkasama kaming nagtrabaho nang buong lakas upang muling pasiglahin ang nahihirapang branch. Bagama’t inorganisa ito noong 1960s, matagal nang walang nabibinyagan sa branch at 15 taon na silang hindi nagpapadala ng mga missionary sa mission field.

Malinaw na kailangan namin noon ang tulong ng Panginoon para malutas namin ang napakaraming paghihirap na kinakaharap ng branch. Matapos kong ipagdasal ang mga hamon ng branch, sinabi sa akin ng Espiritu ng Panginoon, “Turuan mo ang mga miyembro na basahin ang Aklat ni Mormon, at ikaw ay magtatagumpay.”

Agad-agad, gumawa kami ng mga planong papangakuin ang lahat ng miyembro na simulang basahin ang Aklat ni Mormon.

Pambihira ang sumunod na mga resulta. Nagbalik ang kapayapaan at Espiritu sa branch. Maraming pamilyang sumapi sa Simbahan. Dahil nahikayat ng hangaring maglingkod, isang binata ang nagmisyon. Napatatag ang ilang mag-asawang nahihirapan sa kanilang pagsasama, at mas napalapit ang mga pamilya sa isa’t isa. Patuloy sa pag-unlad ang branch na ito ngayon.

Nasasaksihan mismo namin at ng mga miyembro ng branch ang mahimalang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Tunay ngang ito ang saligang bato ng ating relihiyon at ng ating patotoo sa ebanghelyo at kay Jesucristo. Mahal namin ito nang buong puso. Pinagmumulan ito ng walang-katapusan at di-mababagong kaalaman.

Itinuro sa amin ng karanasang ito na ang Aklat ni Mormon ang pinakatiyak na paraan para matulungan ang ating mga kapatid na lumabas mula sa espirituwal na kadilimang bumabalot sa mundo. Ang aklat na ito ay naghahatid ng kapayapaan, kagalakan, kaligayahan, at matinding hangaring sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo.