2016
Ang Priesthood: Isang Matibay na Angkla
April 2016


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Priesthood: Isang Matibay na Angkla

Ang artikulong ito ay inihanda ni Elder L. Tom Perry noong Mayo 28, 2015, dalawang araw bago siya pumanaw, upang ibahagi sa mga kabataang maytaglay ng priesthood.

Larawan
Aaronic Priesthood members passing the sacrament

Ang pinakamatinding lakas ko sa buhay ay ang priesthood ng Diyos. Naniniwala ako na magiging matibay na angkla rin ito para sa inyo na mga kabataang lalaki. Ngunit para magkaroon ito ng bisa sa inyong buhay, kailangan ninyo itong maunawaan at gamitin.

Maagang mga Karanasan sa Priesthood

Lumaki ako sa isang komportableng kapaligiran sa Logan, Utah. Wala akong problema sa pagkain o tirahan o pag-aaral noong bata pa ako. Ngunit marahil dahil madali ang buhay, kinailangan ko ng isang bagay na mapanghahawakan na magpapatatag sa akin.

Para sa akin ang angklang iyon ay ang priesthood ng Diyos. Kakaiba ang sitwasyon ko noong lumalaki ako. Ang tatay ko ay tinawag na maging bishop noong isang taong gulang ako, at siya ang bishop ko sa loob ng 19 na taon. Ang espirituwal na patnubay niya bilang ama ay napakalaking tulong sa akin.

Palagay ko iyan ang dahilan kaya ko inasam na matanggap ang Aaronic Priesthood noong ika-12 kaarawan ko. Naaalala ko ang espesyal na araw na nadama ko ang mga kamay ng aking ama sa aking ulunan habang inoorden niya ako. Pagkatapos niyon, sumulong ako sa mga katungkulan ng Aaronic Priesthood at tumanggap ng mga calling na lubos kong ikinagalak.

Ang pagpapasa ng sakramento ay napaka-espesyal sa akin. Nakikita ninyo ang mga tao na nangangakong sundin ang Panginoon at ang Kanyang mga utos nang makibahagi sila sa mga sagisag ng Kanyang katawan at dugo.

Lumalawak sa Pag-unawa sa Priesthood

Nang lumaon, nagtapos ako ng high school, at pagkaraan ng isang taon sa kolehiyo, natawag akong magmisyon. Ikinagalak ko ang bawat minuto niyon at minahal ko ang mga kompanyon ko. May isa akong kompanyon na nagpalakas sa akin. Marami akong natutuhan sa kanya habang ginagampanan namin ang aming mga responsibilidad.

Dahil may digmaan sa bansa, pagbalik ko mula sa aking misyon ay sumapi ako sa United States Marine Corps. Makalipas ang digmaan, bumalik ako sa kolehiyo, nag-asawa, at nagsimula ng isang pamilya. Dahil sa iba’t ibang trabahong pinasukan ko marami akong napuntahang lugar sa Estados unidos, kung saan marami akong natutuhan habang naglilingkod ako sa maraming calling sa priesthood. Sa huli ay napadpad ako sa Boston, Massachusetts, kung saan ako naglingkod bilang stake president. Doon ako tinawag na maging assistant sa Labindalawa at, pagkaraan ng 17 buwan, sa Korum ng Labindalawang Apostol naman.

Mga Aral na Natutuhan Ko Bilang Apostol

Ano ang natutuhan ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa?

Natutuhan ko na may isang gabay, isang angkla, at isang proteksyon sa priesthood.

Noon pa man ay may priesthood na. Bago pumarito si Adan sa lupa, may priesthood na siya. Nang kumalat ang mga inapo ni Adan na may priesthood, kinailangang iorganisa ang pangangasiwa sa priesthood. Ginawa iyon ng Panginoon nang pamunuin Niya si Abraham sa kanyang pamilya ng mga maytaglay ng priesthood. Nagpatuloy ang organisasyong ito sa ilalim nina Isaac at Jacob, na ang pangalan kalaunan ay ginawang Israel.

Pagkaraan ng daan-daang taon, nabihag ang mga anak ni Israel. Isinugo ng Panginoon si Moises para palayain sila, ngunit nang gawin niya ito, napatunayang hindi sila handa bilang isang lahi para sa Melchizedek Priesthood. Kaya naiwan silang taglay ang Aaronic Priesthood hanggang sa dumating ang Tagapagligtas.

Nakakatuwang malaman ang unang ginawa ng Tagapagligtas nang simulan Niya ang Kanyang ministeryo. Inorganisa niya ang Melchizedek Priesthood. Tumawag Siya ng labindalawang Apostol at itinuro Niya sa kanila ang mga batas at kaayusan ng priesthood. Ginawa Niyang punong Apostol si Pedro, kaya nagkaroon ng linya ng awtoridad sa Kanyang Simbahan. Sa araw na iyon at ngayon, si Jesucristo ang pumipili ng Kanyang punong Apostol na mamumuno sa Simbahan, at ang Tagapagligtas ang pumapatnubay sa kanya sa mga tungkulin niya sa priesthood.

Kaya ang priesthood ay direkta ang linya mula sa ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng punong Apostol papunta sa iba pang mga Apostol hanggang sa iba pang mga maytaglay ng priesthood sa Simbahan. Ang mga susi ng awtoridad ay ibinibigay sa mga Apostol, at hangga’t nasa lupa ang mga susing iyon, gagabayan tayo ng Panginoon mismo. Ang banal na patnubay na ito ay pinoprotektahan tayo at tinitiyak sa atin na ang Simbahan ay hindi lilihis sa katotohanan. Hindi ito magbabago dahil hindi ito pinamamahalaan ng sinumang nilalang sa lupa. Ito ay pinamamahalaan ng Panginoon.

Alamin ang mga Doktrina ng Priesthood

Ang pinakamagandang maipapayo ko sa inyong mga kabataang lalaki ay alamin ang mga doktrina ng priesthood, unawain ang kapangyarihang sumasainyo sa paggamit ng inyong priesthood, at alamin kung paano nito mapagpapala ang buhay ninyo at ng iba.

Ipinapangako ko na kung aalamin ninyo ang mga doktrina ng priesthood at gagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa priesthood, ang priesthood ay magiging isang matibay na angkla na pananatilihin kayong ligtas sa espirituwal at maghahatid sa inyo ng labis na kagalakan. Maging isang tunay na priesthood quorum. Tulungan ang inyong mga kaibigan at isama sila sa inyong korum. Lumikha ng isang kapatiran sa inyong korum na magiging permanenteng pundasyon sa buhay ninyo.