“Media,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Media
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay laging gumagamit ng iba’t ibang media para ibahagi ang ebanghelyo at isulong ang gawain ng Panginoon. Kabilang dito ang media tulad ng radyo, telebisyon, pelikula, internet, at social media. Noong 1974, nagpropesiya si Pangulong Spencer W. Kimball na makatutulong ang teknolohiya na maipalaganap ang ebanghelyo. “Nasasabik ang Panginoon na ipagkatiwala sa ating mga kamay ang mga imbensyon na halos hindi pa nasusulyapan ng mga pangkaraniwang tao na tulad natin,” sabi niya. “Ang ating Ama sa Langit ay naglaan na ngayon sa atin ng matataas na tore—mga tore ng radyo at telebisyon na may mga posibilidad na hindi kayang arukin ng isipan—upang makatulong na maisakatuparan ang mga salita ng Panginoon na ‘ang tunog ay kinakailangang humayo mula sa lugar na ito hanggang sa buong daigdig’ [Doktrina at mga Tipan 58:64].”
Ang mga pag-unlad sa teknolohiya ay nagbigay sa atin ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo at ma-access ang impormasyon na may kaugnayan sa ebanghelyo sa mga paraan na hindi inakala ng mga mas naunang henerasyon. Halimbawa, ginagamit ng Simbahan ang internet at social media upang maisulong ang gawain ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang website ng Simbahan na ChurchofJesusChrist.org ay naglalaan ng mga banal na kasulatan, turo ng mga lider, balita, video, at iba pang media para sa lahat ng interesado. Ang mga lider ng Simbahan ay may mga social media account kung saan sila ay nagbabahagi ng mga espirituwal na mensahe at nakikipag-ugnayan sa mga miyembro at sa mga taong iba ang relihiyon.
Hinikayat din tayo ng mga lider ng Simbahan na gamitin ang social media upang ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Sinabi ni Elder David A. Bednar, “Ang mga social media channel ay kasangkapang magagamit ng buong mundo na personal at positibong makakaapekto sa maraming tao at pamilya. At naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang mga inspiradong tool na ito nang angkop at mas epektibo upang … isagawa ang gawain ng Panginoon.”
Habang ibinabahagi natin ang katotohanan ng ebanghelyo sa social media, maaari tayong maging tunay at maaari nating hangarin na iangat ang iba. Maaari tayong manalangin na “mahanap ang mga taong darating at makakakita, darating at tutulong, at darating at mananatili” at pagkatapos ay ibahagi ang ating pananampalataya “sa likas at normal na paraan.” Sinabi ni Elder Bednar, “Ibahagi ang ebanghelyo nang may tunay na pagmamahal at malasakit sa iba. Maging matapang at malakas ang loob, ngunit hindi mayabang sa pagtataguyod at pagtatanggol sa ating mga paniniwala, at iwasang makipagtalo. Bilang mga disipulo, ang dapat na layunin natin ay gamitin ang mga social media channel bilang kasangkapan sa pagpapakita ng liwanag at katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo na lalo pang napupuno ng kadiliman at pagkalito.”
Sa kabila ng mga pagpapala at oportunidad na inihahandog sa atin ng media, nariyan ang mga panganib. Ang media ay kadalasang ginagamit sa masasamang layunin, at kailangan nating iwasan ang panonood ng pornograpiya, paglikha ng pagtatalo, pagkukumpara ng ating mga sarili sa iba, at pag-aaksaya ng oras. Upang maiwasan ang mga gayong layunin, maaari tayong bumuo ng mga patakaran para sa paggamit ng ating pamilya sa teknolohiya at media at maaari nating hikayatin ang lahat ng miyembro ng pamilya na sundin ang mga ito. Ipinaliwanag ni Elder Gary E. Stevenson na, “Sa napakaraming angkop at inspiradong gamit ng teknolohiya, gamitin natin ito para magturo, magbigay-inspirasyon, at pasiglahin ang ating sarili at hikayatin ang iba na maging napakagaling—sa halip na ipakita ang ating tila perpektong sarili. Ituro at ipakita rin natin ang tamang paggamit ng teknolohiya sa bagong henerasyon at balaan sila sa kaugnay na mga panganib at nakasisirang paggamit nito.”
Maaaring turuan ng mga magulang ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga anak tungkol sa mga panganib at pakinabang ng paggamit ng social media, mga laro, at mobile app. Maaari ring palagiang suriin ng mga magulang ang paggamit ng kanilang mga anak sa media at teknolohiya at ilayo ang kanilang sarili at ang kanilang mga anak sa media kapag mas masama ang naidudulot nito kaysa mabuti.
“Dahil sa laki nito, malawak at matindi ang magkakasalungat na opsyon sa media ngayon,” turo ni Pangulong M. Russell Ballard. “Kabaligtaran sa nakapipinsala at mapagpahintulot na panig ng media, marami rin itong inihahandog na positibo at nagpapaunlad. Ang telebisyon ay may istasyon para sa kasaysayan, mga bagong tuklas na … bagay, at edukasyon. Makakakita pa ang tao ng mga pelikula at komedya at drama sa TV na nakaaaliw at nagpapasigla at nagpapakita ng tunay na mga resulta ng tama at mali. Magandang kasangkapan ang Internet para makakuha ng impormasyon at komunikasyon, at napakaraming magagandang musika sa daigdig. Kung gayon ang pinakamalaking hamon sa atin ay matalinong piliin ang ating pinakikinggan at pinanonood.
Kaugnay na Content
-
Resources para sa mga bata