“Pag-aampon,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Pag-aampon
Ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo sa atin na mahal ng Diyos ang maliliit na bata. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na “hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak at nagpapakita ng awa sa bawat isa anuman ang kanilang mga kalagayan. Siya ay “mayaman sa awa” at susuportahan Niya sila sa kanilang mga pagsubok, problema, at paghihirap. Ang bawat bata ay nakararanas ng kakaibang sitwasyon kapag ipinaampon. Sa pagpapasiyang mag-ampon, tandaan na ikaw at ang iyong anak ay mahal ng Ama sa Langit, at hindi Niya kayo kailanman pababayaan. Mahal Niya ang batang ito at hangad na tulungan ka habang nagpaplano ka para sa kinabukasan ng batang ito.
Maaaring makabuo ng mga mapagmahal at walang hanggang pamilya sa pamamagitan ng pag-aampon. Napunta man ang mga bata sa isang pamilya sa pamamagitan ng pag-aampon o pagsilang, parehong mahalagang pagpapala pa rin sila. Maaaring matanggap ng mga anak na ibinuklod sa templo sa mga magulang na nag-ampon sa kanila ang lahat ng pagpapala ng pagiging bahagi ng kanilang walang hanggang pamilya.
Kung nais mo at ng iyong asawa na mag-ampon, tiyaking alam ninyo ang lahat ng hinihingi ng batas ng bansa at ng mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman dito. Maaari kayong sumangguni sa isang ahensya sa pag-aampon o abogado sa pag-aampon. Kung nakatira kayo sa Estados Unidos, maaari kayong i-refer ng inyong bishop sa Family Services kung saan kayo maaaring sumangguni.
Pinaaalalahanan ni Pangulong Henry B. Eyring ang bawat magulang na ang kanilang “pinakamahalaga at mabigat na mga tungkulin ay sa pamilya. Mahalaga ang pamilya dahil sa simula pa lang ng buhay ng isang bata ay may pagkakataon na [ang magulang na patatagin ang mga paa nito] sa landas pabalik sa Ama.”
Kung gusto naming mag-ampon, saan kami magsisimula?
Maraming iba’t ibang motibasyon kung bakit nais ng mga tao na mag-ampon ng bata, at ang motibasyong iyan ay may napakahalagang papel sa karanasan ng tao sa pag-aampon. Isang mahalagang payo, gayunman, ang nananatiling angkop anuman ang motibasyon: ang pag-aampon ay dapat laging maging pagpapala sa buhay ng bata. Kasama sa payong ito ang mahigpit na pagtupad sa mga hinihingi ng batas ukol sa pag-aampon sa inyong bansa at lokal na pamahalaan. Mas maraming regulasyon ang sumasakop sa pag-aampon na mula sa ibang bansa kaysa sa mga pag-aampon na nagaganap sa loob ng bansa. Ang pakikipagtulungan sa mga lisensyado at awtorisadong nag-aasikaso ng pag-aampon (mga ahensya sa pag-aampon, abogado sa pag-aampon, at iba pa) ay lubos na hinihikayat. Sumangguni lamang sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.8.1.
Ang pag-aampon sa isang bata ay magiging isa sa mga pinakamahalagang desisyon ninyo sa buhay, at posible ring ito ang maging pinakamalaking desisyon sa buhay ng bata. Pag-aralan ninyo ito sa inyong isipan, pagkatapos ay hingin ang pagpapatibay ng Espiritu sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin. Buong pusong sumangguni sa Panginoon.
Upang maihanda ang inyong mga sarili, hanapin ang mga sagot sa maraming tanong na may kinalaman sa pag-aampon, tulad ng:
-
Paano makaaapekto sa pagsasama naming mag-asawa ang pag-aampon?
-
Ano ang kailangan naming gawin upang maging mga matagumpay na magulang na nag-ampon?
-
Ano ang mga gantimpala at hamon na kaakibat ng pag-aampon ng isang bata?
Saan namin malalaman ang iba pa tungkol sa pag-aampon?
Kontakin ang isang propesyonal sa proseso ng pag-aampon (ahensya sa pag-aampon, abogado sa pag-aampon, lisensyadong tagapagbigay ng serbisyo sa pag-aampon) upang malaman ang kinakailangang gawin para maging isang magulang na nag-ampon. Kung may Family Services sa inyong lugar, maaari ninyo silang kontakin upang makahingi ng referral. Sa Estados Unidos, may mga ahensya rin ng gobyerno.
Maraming regulasyon ang sumasakop sa pag-aampon at iba’t iba ang mga kinakailangang gawin. Kailangan ninyong maunawaan ang mga kinakailangang gawin para sa inyong lugar at sundin ang mga ito.
Kapag naihanda na ninyo ang inyong isipan at damdamin, at natugunan ang lahat ng kinakailangang gawin upang maging karapat-dapat na mag-ampon ng isang bata, maaari na ninyong simulan ang proseso ng paghahanap ng isang batang aampunin.
Paano kami makahahanap ng batang aampunin?
Ang paghahanap ng batang aampunin ay maaaring maging mahirap. Kapag mas partikular kayo sa edad, kasarian, at emosyonal at pisikal na kalusugan ng bata, maaaring maging mas mahirap ang proseso. Maging matalino at mapanuri sa paghahanap ng batang makaaakmang mabuti sa inyong pamilya. Tandaan na isamo sa Panginoon na tulungan kayo sa paghahanap ng bata na nais Niyang kalingain ninyo at ibuklod sa inyo. Ang mga mapagkukunan ng impormasyon ay maaaring kabilangan ng:
-
Mga propesyonal sa proseso ng pag-aampon
-
Iba pang mga magulang na nag-ampon
-
Internet
-
Pampublikong aklatan sa inyong lugar
Ano ang gagawin namin kapag nakahanap na kami ng batang aampunin?
Kakailanganin ninyong muli ang tulong ng isang propesyonal sa proseso ng pag-aampon (ahensya sa pag-aampon, abogado sa pag-aampon, lisensyadong tagapagbigay ng serbisyo sa pag-aampon) upang matiyak na matutugunan ninyo ang mga kinakailangang gawin para lubusang mapahintulutan ang pag-ampon ninyo sa bata. Ipaliliwanag niya ang mga papeles at legal na hakbang na kailangan upang makumpleto ang pag-aampon.
Kapag natugunan na ninyo ang lahat ng hinihingi ng batas at lubusan nang napahintulutan ang pag-aampon sa mga hukuman, maaari na kayong makipagtulungan sa inyong bishop upang maibuklod sa inyo ang bata.
“Nawa’y pagpalain ng ating Ama sa Langit ang magigiliw na kaluluwang ito, ang mga espesyal na kaibigang ito ng Panginoon.”