“Mga Kaharian ng Kaluwalhatian,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Mga Kaharian ng Kaluwalhatian
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na muli. Pagkatapos nating mabuhay na mag-uli, haharap tayo sa Panginoon upang mahatulan ayon sa ating mga hangarin at gawa. Ang bawat isa sa atin ay tatanggap ng walang hanggang tirahan sa isang partikular na kaharian ng kaluwalhatian. Itinuro ng Panginoon ang alituntuning ito nang sabihin Niya, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan.”
May tatlong kaharian ng kaluwalhatian: ang kahariang selestiyal, ang kahariang terestriyal, at ang kahariang telestiyal. Ang kaluwalhatiang mamanahin natin ay nakasalalay sa lalim ng ating pagbabalik-loob, na ipinapakita natin sa ating pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. Depende ito sa paraan ng ating “pagtanggap sa patotoo kay Jesus.”
Kahariang Selestiyal
Ang kahariang selestiyal ang pinakamataas sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian. Ang mga taong nasa kahariang ito ay maninirahan magpakailanman sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ito ang dapat mong mithiin: ang manahin ang kaluwalhatiang selestiyal at matulungan ang iba na matanggap din ang dakilang pagpapalang iyon. Ang gayong mithiin ay hindi nakakamtan sa minsanang pagsisikap lamang; iyon ay bunga ng habambuhay na kabutihan at katapatan sa layunin.
Ang kahariang selestiyal ang lugar na inihanda para sa mga taong “tumanggap ng patotoo ni Jesus” at naging “ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo.” Upang manahin ang kaloob na ito, kailangang matanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan, sundin ang mga kautusan, at pagsisihan ang ating mga kasalanan.
Noong Enero 1836, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng isang paghahayag na nagpalawak sa kanyang pagkaunawa tungkol sa mga kinakailangang gawin upang manahin ang kaluwalhatiang selestiyal. Nabuksan ang kalangitan sa kanya, at nakita niya ang kahariang selestiyal. Namangha siya nang makita niya roon ang kuya niyang si Alvin, bagama’t pumanaw si Alvin bago pa man nito natanggap ang ordenansa ng binyag.. Pagkatapos ay narinig ni Propetang Joseph ang tinig ng Panginoon:
“Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos;
“Gayundin ang lahat ng mamamatay magmula ngayon na walang kaalaman dito, na tatanggap nito nang buo nilang puso, ay magiging tagapagmana ng kahariang yaon;
“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.”
Patungkol sa paghahayag na ito, sinabi ni Propetang Joseph, “Namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.”
Mula sa isa pang paghahayag kay Propetang Joseph, nalaman natin na may tatlong antas sa loob ng kahariang selestiyal. Upang matamo ang pinakamataas na antas at maipagpatuloy sa kawalang-hanggan ang ugnayan ng pamilya, dapat pumasok tayo sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” at maging tapat sa tipang iyon. Sa madaling salita, ang kasal sa templo ay kinakailangan upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatiang selestiyal. Ang lahat ng karapat-dapat na pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal ay magkakaroon ng ganoong pagkakataon, sa buhay man na ito o sa susunod.
Kahariang Terestriyal
Ang mga magmamana ng kaluwalhatiang terestriyal ay “[tatanggap] sa Anak, subalit hindi ng kaganapan ng Ama. Dahil dito, sila ang mga katawang terestriyal, at hindi katawang selestiyal, at naiiba sa kaluwalhatian gaya ng pagkakaiba ng buwan sa araw.” Sa pangkalahatan, ang mga indibiduwal na nasa kahariang terestriyal ay mararangal na tao na “nabulag ng panlilinlang ng mga tao.” Kabilang sa grupong ito ang mga miyembro ng Simbahan na “hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.”
Kahariang Telestiyal
Ang kahariang telestiyal ay ilalaan para sa mga indibiduwal na “hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo, ni ng patotoo ni Jesus.” Ang mga taong ito ay tatanggap ng kanilang kaluwalhatian matapos matubos mula sa bilangguan ng mga espiritu, na kung minsan ay tinatawag na impiyerno.
Kapahamakan
May mga taong hindi magiging karapat-dapat na manirahan sa alinmang kaharian ng kaluwalhatian. Sila ay tatawaging “mga yaong anak na lalaki ng kapahamakan” at “mamamalagi sa isang kaharian na hindi isang kaharian ng kaluwalhatian.” Ganito ang magiging katayuan ng mga “taong nakaaalam [sa kapangyarihan ng Diyos], at ginawang kabahagi nito, at hinayaan ang kanilang sarili sa kapangyarihan ng diyablo upang madaig, at upang itatwa ang katotohanan at lumaban sa [kapangyarihan ng Diyos].”