“Pasko ng Pagkabuhay,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Buod
Pasko ng Pagkabuhay
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay pista-opisyal ng mga Kristiyano na ipinagdiriwang ang Pagkabuhay na Mag uli ni Jesucristo. Matapos mamatay si Cristo sa krus, ang Kanyang katawan ay inihimlay sa isang libingan, kung saan ito nanatili, hiwalay sa Kanyang espiritu, hanggang sa Kanyang Pagkabuhay na Mag uli, nang ang Kanyang espiritu at ang Kanyang katawan ay muling nagkasama. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapatunay at nagpapatotoo na si Jesucristo ay nabuhay na muli at buhay ngayon na may niluwalhati at perpektong katawan na may laman at mga buto.
Kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, unang nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena at pagkatapos ay sa iba pang mga disipulo. Ang ilan ay hindi kumbinsido sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, naniniwalang nagpakita Siya na isang espiritu lamang at walang katawan. Tiniyak sa kanila ni Jesus, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” Pagkatapos ay kumain Siya ng isda at pulot sa kanilang harapan, na lubos na nakapawi sa kanilang pag-aalinlangan.
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay hindi lamang ipinagdiriwang dahil sa Pagkabuhay na Mag uli ni Cristo kundi pati na rin ang Pagkabuhay na Mag uli ng buong sangkatauhan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay muli. Ang kanilang katawan at espiritu ay muling magsasama, at hindi na muling magkakahiwalay. Alam ng mga Banal sa mga Huling Araw ang katotohanan ng sinabi ni Pablo, “Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay. … Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagsisimba sa Linggo ng Pagkabuhay ngunit hindi sinusunod ang mga seremonyang panrelihiyon tulad ng Ash Wednesday, Kuwaresma, o Semana Santa. Ginugunita sa mga pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga salaysay sa Bagong Tipan at Aklat ni Mormon tungkol sa pagpapako kay Cristo sa krus, Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at ang mga kaganapan na nauugnay rito. Para sa mga pagsambang ito, ang mga chapel ay madalas na pinapalamutian ng mga puting liryo at iba pang mga simbolo ng buhay. Madalas na nagtatanghal ang mga ward choir ng mga Easter cantata, at umaawit ang mga kongregasyon ng mga himno ng Pasko ng Pagkabuhay. Tulad sa iba pang mga araw ng Linggo, ang mga sagisag ng sakramento ay ipinapasa sa kongregasyon.
Ang ilang pamilyang Banal sa mga Huling Araw ay may mga Easter bunny at itlog sa pagdiriwang ng kanilang pamilya para sa kasiyahan ng mga bata. Ang mga tradisyong iyon ay hindi opisyal na pinatitigil, bagama’t walang kahalagahang panrelihiyon ang mga ito sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pokus ng pista-opisyal ay panrelihiyon. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang Pasko ng Pagkabuhay ay pagdiriwang sa pangakong buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo. Naniniwala rin sila tulad ni Job: “Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay, at sa wakas siya’y tatayo sa lupa; at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat, gayunma’y makikita ko ang Diyos sa aking laman.”