“Mga Pagbibinyag para sa mga Patay,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Mga Pagbibinyag para sa mga Patay
Itinuro ni Jesucristo na ang binyag ay mahalaga sa kaligtasan ng lahat ng nabuhay sa lupa. Gayunman, maraming taong namatay nang hindi nabibinyagan. Ang iba ay nabinyagan nang walang wastong awtoridad. Dahil maawain ang Diyos, naghanda Siya ng paraan upang matanggap ng lahat ng tao ang mga pagpapala ng binyag. Sa pagsasagawa ng mga binyag sa pamamagitan ng proxy para sa mga yaong namatay, iniaalay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pagpapalang ito sa mga ninunong pumanaw na. Sa gayon ay maaaring piliin ng mga indibiduwal na tanggapin o tanggihan ang mga ordenansa na naisagawa para sa kanila.
Sabi ni Jesucristo, “Malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.” Maging si Jesucristo mismo ay nabinyagan.
Maraming taong nabuhay sa lupa na hindi kailanman narinig ang ebanghelyo ni Jesucristo at hindi nabinyagan. Ang iba ay nabuhay nang hindi lubos na nauunawaan ang kahalagahan ng ordenansa ng binyag. Ang iba naman ay nabinyagan, ngunit hindi ng mga taong may wastong awtoridad.
Dahil Siya ay isang mapagmahal na Diyos, hindi isinusumpa ng Panginoon ang mga taong iyon na, kung hindi nila kasalanan, hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan. Dahil dito, pinahintulutan Niya ang mga binyag sa pamamagitan ng proxy para sa kanila. Isang taong nabubuhay, na kadalasa’y isang inapo na naging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang binibinyagan para sa isang taong pumanaw. Ang gawaing ito ay isinasagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo.
Mali ang pagkaunawa ng ilang tao na kapag isinagawa ang mga binyag para sa mga patay, binibinyagan sa Simbahan ang mga taong pumanaw nang labag sa kanilang kagustuhan. Hindi totoo iyan. Ang bawat indibiduwal ay may kalayaan, o karapatang pumili. Ang bisa ng isang binyag sa pamamagitan ng proxy ay nakasalalay sa pagtanggap dito ng taong pumanaw at pagpiling tanggapin at sundin ang Tagapagligtas habang naroon siya sa daigdig ng mga espiritu. Ang pangalan ng mga taong pumanaw ay hindi idinaragdag sa mga talaan ng mga miyembro ng Simbahan.
Nakasaad sa Bagong Tipan na ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay isinagawa noong panahon ni Apostol Pablo. Ipinanumbalik ang ordenansang ito kasabay ng pagtatatag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Kaugnay na mga Paksa
Kaugnay na Content
Gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo (Mga Ordenansa para sa mga Patay)