Library
Birth Control


“Birth Control,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

pamilya

Buod

Birth Control

Ang mga anak ay isa sa mga pinakadakilang pagpapala sa buhay, at ang kanilang pagsilang sa mga mapagmahal at mapagkalingang pamilya ang sentro ng mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Kapag may pisikal na kakayahan ang mag-asawa, may pribilehiyo at responsibilidad silang magsilang ng mga anak sa mundo at palakihin ang mga ito. Ang pagpapasiya kung ilang anak ang gusto nila at kung kailan sila mag-aanak ay isang pribadong bagay para sa isang mag-asawa.

May plano ang Diyos para sa kaligayahan ng lahat ng nabubuhay sa lupa, at ang pagsilang ng mga anak sa mga mapagmahal na pamilya ang sentro ng Kanyang plano. Ang unang utos na ibinigay Niya kina Adan at Eva ay “magkaroon ng mga anak at magpakarami, [at] punuin ninyo ang lupa.” Nakasaad sa mga banal na kasulatan, “Ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula.” Ang mga yaong may pisikal na kakayahan ay may pagpapala, kagalakan, at obligasyon na magkaanak at magpalaki ng pamilya. Hindi dapat ipagpaliban ang pagpapalang ito para sa mga makasariling dahilan.

Ang mga seksuwal na relasyon sa loob ng kasal ay hindi lamang para sa layuning magkaanak kundi isa ring paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal at pagpapalakas ng emosyonal at espirituwal na bigkis sa pagitan ng mag-asawa.

Hinihikayat ang mag-asawa na manalangin at magsanggunian habang ipinaplano nila ang kanilang pamilya. Kabilang sa mga isyung pag-iisipan ang kalusugan ng katawan at pag-iisip ng ina at ama at ang kakayahan nilang maglaan ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay para sa kanilang mga anak.

Ang mga pagpapasiya tungkol sa birth control at sa mga bunga ng mga pagpapasiyang iyon ay nakasalalay lamang sa bawat mag-asawa. Gayunman, ang kusang pagpapalaglag bilang isang paraan ng birth control ay salungat sa mga utos ng Diyos.

Kaugnay na Content

Mga Tala

  1. Genesis 1:28.

  2. Mga Awit 127:3.