“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa lupa ngayon
Isipin ang isang partikular na pagpapalang natanggap o matatanggap mo bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ano kaya ang magiging buhay mo kung wala ang pagpapalang ito? Ngayon, isipin ang iba pang paraan na napagpala o pagpapalain ka at ang iyong mga mahal sa buhay ng pagiging miyembro ng Simbahan.
Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, tayo ay pinagpapala sa maraming paraan. Pero maaari din nating mapagpala ang iba sa maraming paraan. Mapapalakas at matutulungan natin ang isa’t isa. Itinuturo natin sa isa’t isa ang ebanghelyo at sinisikap nating maging mabubuting halimbawa sa bawat isa. Maaari tayong makidalamhati sa pagdadalamhati ng isa’t isa. Mapagagaan natin ang pasanin ng bawat isa sa pamamagitan ng pagpapahiram ng balikat na maiiyakan at isang tainga na makikinig.
Ngunit ang pagiging parte ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay higit pa sa pagkakaroon ng mga pagpapalang ito. Naniniwala tayo na ito ang nag-iisang tunay na Simbahan ng Diyos sa lupa, na ipinanumbalik upang ihanda ang sanlibutan sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Bilang mga miyembro ng Simbahan, maaari tayong makibahagi sa lahat ng ordenansa at tipan na kinakailangan para makabalik at makapiling muli ang Diyos balang-araw. Lahat tayo ay maaaring magtulungan sa paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit.
Ano ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ipinanumbalik ng Diyos sa ating panahon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang Simbahan ni Jesucristo ay “isang [organisadong] samahan ng mga naniniwala na nagtataglay ng pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng binyag at [kumpirmasyon].” Taglay nito ang Kanyang awtoridad, mga turo, batas, ordenansa, at pangalan at pinamamahalaan Niya sa pamamagitan ng mga kinatawan na Kanyang hinirang.
Ang pangalan ng Simbahan ni Cristo ngayon, na ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Kanya, ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115:4).
Buod ng paksa: Pagpapanumbalik ng Simbahan
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo, Pagtitipon ng Israel, Mga Tipan at Ordenansa
Bahagi 1
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Tunay na Simbahan sa Pamamagitan ni Propetang Joseph Smith
Matapos mamatay ni Jesucristo at ng orihinal na mga Apostol, ang Simbahan ni Jesucristo ay nawala sa lupa (tingnan sa Mga Paksa at mga Tanong, “Apostasiya,” sa Gospel Library para sa karagdagang impormasyon).
Noong Abril 1830, muling itinatag ng Panginoon ang Kanyang tunay na Simbahan sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17–30; 20:1–2). Tumawag Siya ng mga apostol at propeta na magpapatuloy sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13). Hawak nila ang mga susi ng awtoridad ng priesthood na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo at pangasiwaan ang mga tipan at ordenansa ng Diyos.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Maaari mong panoorin ang video na “Living Apostles Testify of Jesus Christ” para marinig ang malalakas na patotoo ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Paano nakatulong sa iyo ang mga patotoo ng mga apostol at propeta at iba pang mga lider ng Simbahan na malaman na ito ang ipinanumbalik na Simbahan ng Diyos? Bakit mahalagang pinamumunuan ng mga apostol at propeta ang Simbahan ni Jesucristo ngayon? Ano ang nagawa o magagawa mo para malaman para sa iyong sarili na tinawag ng Diyos ang mga lider natin sa Simbahan at ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa lupa ngayon?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ano ang ibig sabihin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay na Simbahan? Tatlong katangian—(1) kabuuan ng doktrina, (2) kapangyarihan ng priesthood, at (3) patotoo kay Jesucristo—ang nagpapaliwanag kung bakit ito sinabi o ipinahayag ng Diyos at bakit sinasabi natin, na Kanyang mga lingkod, na ito ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa balat ng lupa.” Talakayin ang tatlong katangiang ito at bakit mahalagang bahagi ito ng tunay na Simbahan ng Diyos. Magbahagi ng mga karanasan na nakatulong sa inyo na malaman na ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na Simbahan ng Tagapagligtas. Pag-usapan kung paanong napagpala ng kaalamang iyon ang buhay ninyo.
Alamin ang iba pa
-
“Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” Gospel Library
-
“Ang Pagsisimula ng Simbahan ni [Cristo],” kabanata 8 sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 76–86
Bahagi 2
Binibigyan Tayo ng Simbahan ng mga Pagkakataong Tumulong sa Gawain ng Diyos
Sinisikap ng mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo na tumulong sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusumigasig na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, pangalagaan ang mga nangangailangan, anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo, at pag-isahin ang mga pamilya sa kawalang-hanggan.
Ang Simbahan ay nagbibigay sa atin ng paraan para sama-samang sumamba at matutuhan ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tinutulungan din tayo nito na maglingkod sa isa’t isa, magbahagi ng Kanyang salita, at mangalaga sa mga nangangailangan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin at pagnilayan ang Juan 15:16. Ano ang ibig sabihin sa iyo na pinili ka ng Diyos para tumulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain sa Kanyang Simbahan? Paano ka nagkaimpresyong tulungan Siya sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan? Paano ka napagpala dahil sinunod mo ang mga impresyong ito? Itala ang mga saloobin mo sa iyong journal, at isipin kung may isang bagay na nais mong gawin na hindi mo pa nagagawa na may kaugnayan sa gawain ng Diyos . Pagkatapos ay magtakda ng mithiin na gawin ito.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinaalala sa atin ni Elder John C. Pingree Jr. na ang gawain ng Diyos ay “hindi nakalaan para sa iilan lamang kundi para [ito] sa ating lahat—anuman ang kasarian, edad, lahi, nasyonalidad, trabaho, katayuan sa lipunan, o tungkulin sa Simbahan. Bawat isa sa atin ay may makabuluhang gawaing gagampanan sa pagsusulong ng gawain ng Diyos (tingnan sa Moises 1:39).” Patuloy niya: “Ilan sa atin ay nagtatanong kung magagamit tayo ng Ama sa Langit para makagawa ng mahahalagang bagay. Ngunit tandaan, Siya ay palaging gumagamit ng mga karaniwang tao upang maisakatuparan ang mga pambihirang bagay (tingnan sa 1 Corinto 1:27–28; D&T 35:13; 124:1).” Maaari ninyong pag-usapan ang ilan sa mga pambihirang bagay na nakita ninyong ginagawa ng mga ordinaryong miyembro ng Simbahan para makatulong sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Pwede kayong magtakda ng mithiin na sama-sama kayong gagawa ng isang bagay sa linggong ito para sa ikasusulong ng gawain ng Diyos. Pagkatapos ay pag-usapan ninyo ang inyong natutuhan mula sa karanasan o ano ang nadama ninyo habang naglilingkod kayo.
Alamin ang iba pa
-
Mateo 5:13–16; Efeso 4:11–15; Mosias 18:27–29; Moroni 6:4–9
-
Dallin H. Oaks, “Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” Liahona, Nob. 2021, 24–26
-
“How the Church Is Organized” (video), Gospel Library
Bahagi 3
Inaanyayahan ni Jesucristo ang Lahat na Lumapit at Sumapi sa Kanyang Simbahan
May puwang para sa lahat sa Simbahan ni Jesucristo. Nabibiyayaan ang Simbahan kapag ibinabahagi natin ang iba’t ibang pananaw at karanasan natin at natututo tayo sa isa’t isa. Itinuro ni propetang Nephi na inaanyayahan ni Cristo ang lahat na “lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33). Nais ni Jesucristo na magkaroon ng pagkakataong lumapit ang bawat tao sa Kanya at maligtas sa pamamagitan ng pagsapi sa Kanyang Simbahan, at gumawa at tumupad sa mga tipan patungo sa buhay na walang hanggan.
Makatutulong tayo sa pagtipon ng Kanyang mga tao sa Kanya. Kapag gumagawa tayo ng simple at taos-pusong mga imbitasyon, matutulungan natin ang iba na ibaling ang kanilang puso kay Cristo at magkaroon ng hangaring sumapi sa Kanyang kawan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Napansin ni Elder Gerrit W. Gong: “Pinakikiusapan tayo [ng Panginoon] na gawin ang Kanyang [Simbahan] na isang lugar ng biyaya at puwang, kung saan makapagtitipon ang bawat isa, na may silid para sa lahat. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, lahat ay pantay-pantay, walang mas mababa. Lahat ay malugod na tinatanggap sa mga sacrament meeting, sa iba pang mga miting sa araw ng Linggo, at mga pagtitipon. Mapitagan nating sinasamba ang ating Tagapagligtas, inaalala at isinasaalang-alang ang isa’t isa. Pinapansin at binabati natin ang bawat tao. Ngumingiti tayo, tinatabihan natin sa upuan ang mga nakaupong mag-isa, nakikipagkilala tayo, pati na sa mga bagong binyag, sa nagbalik na mga kapatid, sa mga kabataang babae at lalaki, sa bawat mahal na batang Primary. Nakikinita ang ating sarili sa kanilang sitwasyon, malugod nating binabati ang mga kaibigan, bisita, bagong lipat, at abalang mga indibiduwal na napakaraming obligasyon.” Ano ang ilang paraan para mapuntahan at matulungan mo ang iba na malaman nilang malugod silang tinatanggap sa ating mga miting at kabilang sa Simbahan ni Jesucristo? Sino kaya ang pwede mong puntahan? Isiping magtakda ng isang mithiin para gumawa ng isang bagay na magpapakita sa iba na nagmamalasakit ka sa kanila at kabilang sila sa inyong ward o branch.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Nais ni Jesucristo na lumapit ang lahat sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, at makatutulong tayo sa paggawa ng simple at taos-pusong mga paanyaya sa mga taong nakapaligid sa atin. Ibinahagi ni Elder Gary E. Stevenson: “Daan-daang paanyaya ang maipararating natin sa iba. Maaari nating anyayahan ang iba na ‘pumarito at tingnan’ ang isang sacrament service, isang aktibidad ng ward, isang online video na nagpapaliwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ‘pumarito at tingnan’ ay maaaring maging isang paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon o bisitahin ang isang bagong templo sa open house nito bago ito ilaan. Kung minsa’y inaanyayahan natin ang ating sarili—isang paanyaya sa ating sarili, na nagbibigay sa atin ng kamalayan at pananaw sa mga oportunidad na nakapaligid sa atin na magagawa natin. Sa panahon nating digital, kadalasa’y nagbabahagi ng mga mensahe ang mga miyembro sa pamamagitan ng social media. Daan-daan, kung hindi man libu-libo, ang nakapagpapasiglang mga bagay na karapat-dapat na ibahagi.” Talakayin ang ilang paanyaya na maaari ninyong gawin sa linggong ito, at pagkatapos ay magtipon kayo at mag-ulat sa inyong mga karanasan.
-
Sabihin sa isang kagrupo na gumuhit ng simpleng larawan ng katawan, at pag-usapan kung paano ang lahat ng iba’t ibang parte ng katawan (tulad ng mga kamay, paa, mata, at tainga) ay mahalaga. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang 1 Corinto 12:12–18 at talakayin ang natutuhan ninyo. Paano natin maiaangkop ang mga talatang ito sa ating pamilya at sa Simbahan? Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Kailangan natin ang mga bagong binyag at ang mga miyembro nating mula sa mga pioneer. Kailangan nating hanapin ang mga lumihis ng landas at tulungan silang bumalik sa kawan. Kailangan natin ang karunungan at kaalaman at espirituwal na lakas ng bawat isa. Bawat miyembro ng Simbahang ito bilang isang indibiduwal ay mahalagang bahagi ng katawan ng Simbahan.” Maaari magsulat ang bawat isa sa inyo ng isang bagay na magagawa ninyo sa linggong ito para matulungan ang isang tao sa inyong ward o branch na malaman kung gaano sila kahalaga. Pagkatapos ay maaari ninyong iulat ang ginawa ninyo.
Alamin ang iba pa
-
1 Corinto 12:12–27; Moises 1:39
-
D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ng Pagiging Kabilang,” Liahona, Nob. 2022, 53–56
-
D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 108–11
-
Mga Paksa at mga Tanong, “Diversity and Unity in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,”,” Gospel Library
-
“Unity in Diversity” (koleksyon ng video)