“Aklat ni Mormon,” Mga Paksa at Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Aklat ni Mormon
Isa Pang Tipan ni Jesucristo
Isinulat ng mga sinaunang propeta ang Aklat ni Mormon para sa mga tao sa ating panahon. Katuwang na banal na kasulatan ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Madarama ng mga taos-pusong nagbabasa at nag-aaral ng aklat ang Espiritu Santo at masasagot ang marami sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon, malalaman ng mga tao para sa kanilang sarili na buhay ang Diyos, na mahal Niya sila, at na napanumbalik na sa lupa ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang mga miyembro ng Simbahan ay madalas anyayahan ng mga makabagong propeta na regular na pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Halimbawa, ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinapangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinapangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinapangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon.”
Ano ang Aklat ni Mormon?
Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay isang aklat ng banal na kasulatan. Ito ay naglalaman ng mga sulatin ng mga sinaunang propeta na nanirahan noon sa Western Hemisphere [Kanlurang Bahagi ng Mundo]. Bilang Propeta ng Pagpapanumbalik, isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 135:3). Kaagapay ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo (tingnan sa Ezekiel 37:15–17; Doktrina at mga Tipan 20:8–9). Nagsisilbi ring patunay ang Aklat ni Mormon sa pagkakatawag kay Joseph Smith na maging propeta at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Buod ng paksa: Aklat ni Mormon
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Banal na Kasulatan, Biblia, Joseph Smith, Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo
Bahagi 1
Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon na si Jesucristo ang Manunubos ng Sanlibutan
Tinatanggap ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Biblia na banal na kasulatan. Ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan ay kapwa mga saksi ni Jesucristo at ng Kanyang gawain upang maisakatuparan ang kaligtasan ng mga anak ng Diyos. Ang Aklat ni Mormon ay isinulat ng mga propeta ng Diyos sa Amerika at tumatayo na isa pang tipan ni Jesucristo. Napapaloob sa Aklat ni Mormon ang “kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo” at nagpapatunay sa mundo na totoo ang mga tala tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta gaya ng matatagpuan sa Biblia (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:8–12). Kasama ang Biblia, tinutulungan ng Aklat ni Mormon ang mga tao na magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa sa plano ng Diyos at inihahanda sila na sundin si Jesucristo (tingnan sa Ezekiel 37:15–17; 2 Nephi 3:12).
Ang Aklat ni Mormon ay isang malaking pagpapala sa mga tao ng Diyos ngayon. Naglalaman ito ng mga salita ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 33:10). Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Nilalaman [ng Aklat ni Mormon] ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Itinuturo nito ang doktrina ni Cristo. Pinalalawak at ipinaliliwanag nito ang maraming ‘malilinaw at mahahalagang’ [tingnan sa 1 Nephi 13:29–33] katotohanan na nawala sa paglipas ng mga siglo at maraming pagsasalin ng Biblia.
“Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng ganap at lubos na mapaniniwalaang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan sa buong aklat. … Ang buong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa Aklat ni Mormon. Tapos.”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon ang “saligang bato ng ating relihiyon” (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 74). Sa arkitektura, ang saligang bato [keystone] ay isang bato na hugis kalso [wedge-shaped] sa gitna ng isang arko, na nagpapanatili sa iba pang mga bato sa lugar at pinipigilan ang pagbagsak ng arko. Tulad ng isang saligang bato ng arkitektura, ang Aklat ni Mormon ay mahalaga sa ating paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang pinanumbalik na ebanghelyo. Paano naiimpluwensyahan ng iyong patotoo sa Aklat ni Mormon ang patotoo mo sa iba pang aspekto ng ebanghelyo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang sentro ng mensahe ng Aklat ni Mormon ay si Jesus ang Cristo. Ipabasa sa mga miyembro ng inyong grupo ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, na pinagtutuunan ang ikalawang talata. Paano binibigyang-diin sa pahina ng pamagat ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon? Maaari ding makatulong ang mga sumusunod na banal na kasulatan: 1 Nephi 6:4; Jacob 1:7; Omni 1:26; 3 Nephi 11:13–17; Moroni 10:32–33. Bakit mahalagang tulungan ang iba na maunawaan na ang layunin ng Aklat ni Mormon ay magpatotoo na si Jesus ang Cristo?
Alamin ang iba pa
-
2 Nephi 29:1–13; 33:10–15; Doktrina at mga Tipan 42:12; Joseph Smith—Kasaysayan 1:34; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8
-
Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 60–63
-
Kabanata 9: “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 147–56
Bahagi 2
Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon ay Isang Himala
Lumabas ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang aklat ay orihinal na itinala ng mga sinaunang propeta sa Amerika sa mga laminang metal. Sa loob ng maraming siglo, nakabaon ang mga ito sa malapit sa bahay ni Joseph Smith sa upstate New York sa Estados Unidos, hanggang sa si Moroni na isang sugo mula sa langit ang nagpakita kay Joseph Smith kung saan ito matatagpuan. Isang instrumento sa pagsasalin ng talaan, ang Urim at Tummim, ang nakaimbak din kasama ang mga lamina, kabilang ang iba pang mga sinaunang artifact [artepakto] (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–35).
Bagama’t 23 taong gulang pa lamang noon si Joseph Smith at wala masyadong natanggap na pormal na edukasyon, isinalin niya ang Aklat ni Mormon sa Ingles sa bilis na mga walong pahina kada araw. Wala siyang pagkaunawa sa mga sinaunang wika, at wala siyang ginamit na mga tala. Natapos niya ang buong pagsasalin ng aklat sa loob ng mga 85 araw. Nang tanungin ng mga tao kung paano siya nakapagsalin, simple lang na sinabi ni Joseph na nagawa ito “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon; tingnan din sa Russell M. Nelson, “A Treasured Testament,” Ensign, Hulyo 1993).
Ang Aklat ni Mormon ay inilathala sa Ingles ilang araw bago itinatag ang Simbahan noong 1830 (tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pag-iimprenta at Paglalathala ng Aklat ni Mormon,” Gospel Library). Ngayon, ang Aklat ni Mormon ay naisalin na sa mahigit 100 wika at ginagamit sa buong mundo.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Inutusan si Joseph Smith na bantayang mabuti ang mga lamina. Sa proseso ng pagsasalin, iilang tao lang ang talagang nakakita sa mga lamina. Gayunman, sinabihan si Joseph Smith na ipakita ang mga lamina sa ilan sa kanyang malalapit na kasamahan. Pormal na nakilala ang mga taong ito bilang “Tatlong Saksi” at “Walong Saksi.” Mababasa mo ang kanilang mga patotoo sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” at “Ang Patotoo ng Walong Saksi.” Bakit mahalagang tulungan ang iba na malaman ang mga karanasan ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi? Ano ang magagawa mo para maibahagi sa iba ang iyong sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Bagama’t maraming tao ang nag-iisip kung paano talaga isinagawa ang proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon, hindi gaanong nagbigay ng partikular na impormasyon si Joseph Smith tungkol dito maliban sa pagsasabing isinalin ito “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (pambungad sa Aklat ni Mormon; Doktrina at mga Tipan 135:3). Ipabasa sa mga miyembro ng iyong grupo ang “Pagsasalin sa Aklat ni Mormon” sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (Gospel Library). Itanong sa kanila kung ano ang mga kaalamang nakuha nila mula sa pagbabasa nito. Sa palagay ninyo, bakit binigyang-diin ni Joseph Smith ang “kaloob at kapangyarihan ng Diyos” kapag tinatalakay ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon?
Alamin ang iba pa
-
Isaias 29:11–14, 18–19; Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–35, 42–54
-
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 21–30, 39–64
-
Russell M. Nelson, “A Treasured Testament,” Ensign, Hulyo 1993
-
“Days of Harmony” (video), Gospel Library
Bahagi 3
Maaari Mong Malaman Para sa Iyong Sarili na Ang Aklat ni Mormon ay Totoo
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay isang proseso na panghabambuhay. Bawat isa sa atin ay nasa iba’t ibang lugar sa espirituwal na landas pabalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ngunit saan ka man naroon sa landas na iyon, matutulungan ka ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Kanila. Ang salita ng Diyos ay puno ng kapangyarihan ng pagbabalik-loob (tingnan sa Alma 5:7; 31:5). Matutulungan ka ng Aklat ni Mormon na makaiwas sa panlilinlang sa mundo at akayin ka sa landas tungo sa espirituwal na kaligtasan (tingnan sa 1 Nephi 15:24; Helaman 3:29–30).
Dahil sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon, binigyang-diin ng mga lingkod ng Panginoon na dapat hangarin ng lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na malaman para sa kanilang sarili na totoo ang Aklat ni Mormon. Nakasaad sa pambungad ng Aklat ni Mormon na: “Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Yaong mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Moroni 10:3–5.)”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland: “Pinatototohanan ko na walang makapagtataglay ng ganap na pananampalataya sa gawaing ito sa mga huling araw—at sa gayo’y magkakaroon ng ganap na kapayapaan at kaaliwan sa ating panahon—hangga’t hindi niya tinatanggap ang kabanalan ng Aklat ni Mormon at ang Panginoong Jesucristo na siyang pinatototohanan nito.” Paano naimpluensyahan ng Aklat ni Mormon ang iyong patotoo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang Aklat ni Mormon ay isang kasangkapan sa pagbabalik-loob na inihanda ng Diyos na may kapangyarihang baguhin ang mga isipan, puso, at buhay kapag iniayon natin ang ating sarili kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson kasama ang mga kagrupo mo:
“Ang Aklat ni Mormon ang kasangkapang nilayon ng Diyos upang papangyarihin Niyang ‘umabot sa buong mundo gaya ng isang baha, upang tipunin ang [Kanyang] mga hinirang.’ (Moises 7:62.) Kailangang mas isentro natin sa sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan ang ating pangangaral, ating pagtuturo, at ating gawaing misyonero. …
“Hinahamon ko tayong lahat na mapanalanging pag-isipan ang mga hakbang na personal nating magagawa upang mas lubos na maihatid ang bagong saksing ito ni Cristo sa ating sariling buhay at sa mundo na lubhang nangangailangan nito.”
Ano ang ilang paraan na matutulungan natin ang Panginoon sa Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagbaha sa mundo ng Aklat ni Mormon?
Alamin ang iba pa
-
Jeffrey R. Holland, “Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2009, 88–90
-
Ronald A. Rasband, “Sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2022, 25–27
-
Michael T. Ringwood, “You Can Know for Yourself,” Ensign, Peb. 2017, 66–69
Iba pang Resources tungkol sa Aklat ni Mormon
-
Resources para sa mga bata