Library
Joseph Smith


“Joseph Smith,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

Joseph Smith

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Joseph Smith

Ang piniling propeta ng Diyos upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo

Si Propetang Joseph Smith ay nakapagsagawa ng mga kamangha-manghang bagay sa kanyang maikling buhay. Bilang piniling propeta ng Diyos isinalin niya ang Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (Pambungad sa Aklat ni Mormon), tumanggap ng mga pangitain at paghahayag, at inorganisa ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Tila imposibleng magawa ng isang tao ang ganitong mga bagay. Ngunit may banal na misyon si Joseph na ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo, at naghanda ng daan ang Panginoon para matupad niya ang Kanyang gawain.

Dahil kay Propetang Joseph Smith, alam natin na mahal tayo ng Diyos at kinakausap pa rin tayo hanggang ngayon. Alam natin na may plano Siya para sa Kanyang mga anak at naghanda Siya ng daan para muli nilang makapiling Siya. At alam natin na ito “ang Kanyang gawain at [Kanyang] kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Sino si Joseph Smith?

Si Joseph Smith Jr. ay isinilang noong 1805 sa Vermont, USA. Tinawag ng Diyos si Joseph na maging propeta at ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo sa ating panahon. Siya ang unang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Si Propetang Joseph Smith ay tumanggap ng mga sagradong pangitain at paghahayag. Nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Natanggap niya ang awtoridad ng priesthood mula sa mga sugo ng langit at isinalin ang Aklat ni Mormon at iba pang sinaunang banal na kasulatan sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Madalas usigin si Joseph noon dahil sa kanyang patotoo, ngunit nanatili siyang tapat dito hanggang sa katapusan ng kanyang buhay, nang patayin siya at ang kanyang kapatid na si Hyrum ng mga mandurumog noong 1844.

Buod ng paksa: Joseph Smith

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Propeta, Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo, Unang Pangitain, Aklat ni Mormon, Pagpapanumbalik ng Priesthood

Bahagi 1

Si Joseph Smith ay Tapat na Saksi ng Diyos Ama at ni Jesucristo

si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty

Noong 14 na taong gulang pa lang si Joseph Smith, nakita niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17). Ang pangyayaring ito ay kilala bilang Unang Pangitain at tanda ng simula ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Habang patuloy na nagaganap ang Pagpapanumbalik, nakita ni Joseph ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa iba pang mga pangitain at nagpatotoo sa Kanila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:19–24; 137:1–3).

Nakaranas ng maraming pagsubok si Joseph at inusig sa mga bagay na alam niyang totoo. Ngunit gaano man kasidhi ang kanyang mga paghihirap, tumanggi siyang itatwa ang kanyang patotoo tungkol sa Diyos at kay Jesucristo o na siya ay tinawag sa gawain ng Panginoon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:25). Sa pagtatapos ng kanyang buhay, tinatakan ng Propeta ang kanyang patotoo ng kanyang dugo nang siya ay mapaslang sa Piitan ng Carthage (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 135:1–3; tingnan din sa Mga Banal, 1:618–29). Ang kanyang katapatan sa gawain ng Panginoon ay nakatulong na muling maihatid ang ebanghelyo sa mga anak ng Diyos sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 136:37–38).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang malakas na patotoo ni Joseph Smith tungkol kay Jesucristo ay nakatala sa mga banal na kasulatan. Basahin ang kanyang patotoo sa Doktrina at mga Tipan 76:22–24 at Doktrina at mga Tipan 110:1–4. Pagnilayan ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito. Pagkatapos ay pagnilayan ang sarili mong patotoo sa Tagapagligtas (tingnan sa 2 Nephi 31:18). Paano nakaimpluwensya sa inyo ang patotoo ni Propetang Joseph Smith kay Jesucristo? Maitatala mo rin ang iyong patotoo o iba pang personal na karanasan na naglapit sa iyo sa Panginoon.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sa gulang na 14 na taon, unang nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Alamin ang tungkol sa patotoong ito sa pagbabasa ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–20 nang magkakasama. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa salaysay na ito? Paano nagbago ang mundo dahil sa patotoo ni Joseph? Ibahagi ang inyong mga saloobin at pagkatapos ay panoorin ang video na “#HearHim: Pakinggan ang Tinig ni Jesucristo” (1:47) bilang isang grupo. Paano ninyo naririnig ang tinig ng Tagapagligtas? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 6:22–24; 8:2–3; 9:8–9; 11:12–13). Talakayin ang inyong mga saloobin at pagkatapos ay pag-usapan ang epekto ng inyong patotoo sa iba kapag pinakikinggan ninyo ang Tagapagligtas tulad ng ginawa ni Joseph.

  • Ang patotoo ni Joseph sa Tagapagligtas ay napapaloob sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Basahin nang sabay-sabay ang patotoo ng Propeta sa pahayag at talakayin ang mga pangyayari sa likod ng kasaysayan sa mga pangitaing natanggap niya. Maaari din kayong magtulungan sa pagsasaulo ng patotoo ng Propeta bilang isang grupo. Marahil mabibigkas ninyo nang malakas ang mga salita at gumamit ng mga larawan mula sa Media Library ng Simbahan o gumawa ng iba pang mga paglalarawan na tutulong sa inyo. Pag-usapan kung paano mapalalakas ng pagsasaulo ng patotoo ng Propeta ang inyong sariling pananampalataya kay Jesucristo at maging mapagkukunan ng lakas, pagganyak, inspirasyon, at kapanatagan.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Pinili ng Diyos si Joseph Smith para Ipanumbalik ang Ebanghelyo ni Jesucristo

nakaluhod si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan

Pinili ng Diyos si Propetang Joseph Smith para ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17; 27:13; “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo,” Gospel Library). Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, isinalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon at naglabas ng karagdagang mga banal na kasulatan (tingnan sa pambungad sa Aklat ni Mormon; Doktrina at mga Tipan 135:3). Inorganisa niya ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tumanggap ng awtoridad ng priesthood, at inihanda ang mga Banal na itatag ang Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:1; Mga Banal, 1:123–25).

Dahil sa misyon ni Joseph Smith, alam natin na may plano ang Diyos para sa Kanyang mga anak at makatatanggap tayo ng mga ordenansa at makikipagtipan sa Kanya sa bahay ng Panginoon. Ang gawain ni Joseph ang naglatag ng pundasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw, na nagpapahintulot sa Simbahan na sumulong sa ilalim ng inspiradong patnubay ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag (tingnan sa Mga Banal, 1:592–93).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Nagpatotoo si Pangulong Jeffrey R. Holland: “Alam ko na si Joseph Smith, na umamin na hindi siya perpekto, ang hinirang na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa kabila niyon upang ipanumbalik ang walang-hanggang ebanghelyo sa lupa. Alam ko rin na sa paggawa nito—lalo na sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon—mas marami siyang naituro sa akin tungkol sa pag-ibig ng Diyos, sa kabanalan ni Cristo, at sa kapangyarihan ng priesthood kaysa sinumang propeta na nabasa, nakilala, o narinig ko na sa buong buhay na paghahanap ko.” Ano ang itinuro sa iyo ni Propetang Joseph Smith tungkol sa pagmamahal ng Diyos, kabanalan ni Cristo, at kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo? Paano pinatototohanan sa iyo ng mga turong iyon na si Joseph Smith ay pinili ng Diyos? Itala ang anumang impresyong natatanggap mo.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Nagtatamasa tayo ng maraming pagpapala dahil ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith. Bilang isang grupo, subukang gumawa ng listahan ng mga pagpapalang iyon. Makapagsisimula kayo sa mga nabanggit sa Doktrina at mga Tipan 135:3. Ang mga salitang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson ay makapagbibigay rin sa inyo ng ilang ideya: “Ang ibig sabihin ng [Pagpapanumbalik ng ebanghelyo] ay mabubuklod na kayo at ang inyong pamilya magpakailanman! Ang ibig sabihin nito na dahil nabinyagan kayo ng isang taong may awtoridad mula kay Jesucristo at nakumpirmang miyembro ng Kanyang Simbahan, makakasama ninyong palagi ang Espiritu Santo. Kayo ay Kanyang gagabayan at pangangalagaan. Ang ibig sabihin nito ay hindi kayo iiwang mag-isa o nang walang kakayahang makatanggap ng kapangyarihan ng Diyos para matulungan kayo. Ang ibig sabihin nito ay mapagpapala kayo ng kapangyarihan ng priesthood kapag tumatanggap kayo ng mga kinakailangang ordenansa at gumagawa ng mga tipan sa Diyos at tinutupad ang mga iyon.” Pagkatapos ay pag-usapan kung paano ninyo maipapakita ang inyong pasasalamat sa ibinigay sa inyo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Joseph Smith.

  • Alam ba ninyo na nakita ng isa pang propeta na nagngangalang Joseph, na nabuhay noong unang panahon, ang misyon ni Joseph Smith? Basahin ang 2 Nephi 3:6–15 para malaman ang ipinropesiya ni Jose ng Egipto tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang mahalagang gawain. Anong mga salita ang ginagamit para ilarawan si Joseph Smith sa mga talatang ito? Ano ang inihanda ng Diyos na gagawin niya? Pag-usapan ninyo ang mga nalaman ninyo. Maaari din ninyong talakayin ang mga ipinangakong pagpapala sa propesiyang ito at paano naganap ang mga ito sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Makatatamo Kayo ng Sarili Ninyong Patotoo na si Joseph Smith ay Propeta ng Diyos

isang batang lalaking nakaluhod sa panalangin

Nakasisiglang isipin na 14 na taong gulang pa lang siya nang nakita ni Joseph ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ngunit ano ang mga nangyari bago natanggap ni Joseph ang Unang Pangitain? Nagnilay siya ng mga banal na kasulatan, naghangad ng karunungan mula sa Diyos, at nagdasal para Kanyang patnubay (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–19). Ipinaaalala sa atin ng kuwento ni Joseph na maaari din tayong magkaroon ng personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo—pati na ang pagtawag kay Joseph Smith na ipanumbalik ito. Bagama’t ang patotoong ito ay maaaring makamtan sa paglipas ng panahon sa halip na sa isang pambihirang pangyayari, malalaman natin nang may katiyakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng lahat ng bagay (tingnan sa Moroni 10:5).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Maraming paraan para magkaroon tayo ng personal na patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta. Sinabi ni Elder Neil L. Andersen: “Maaari itong dumating habang nakaluhod kayo sa panalangin, na hinihiling sa Diyos na patunayan na siya ay totoong propeta. Maaari itong dumating habang binabasa ninyo ang salaysay ng Propeta tungkol sa Unang Pangitain. Ang patotoo ay maaaring magpadalisay sa inyong kaluluwa habang paulit-ulit ninyong binabasa ang Aklat ni Mormon. Maaari itong dumating kapag nagpatotoo kayo tungkol sa Propeta o habang nasa templo kayo at natatanto na sa pamamagitan ni Joseph Smith ay ipinanumbalik ang banal na kapangyarihang magbuklod sa lupa.” Isipin ang iyong patotoo tungkol sa papel na ginampanan ni Joseph Smith bilang propeta ng Diyos. Ano ang nakatulong sa iyo para maniwala sa kanyang banal na tungkulin? Ano pa ang magagawa mo para matamo o mapalakas ang iyong patotoo na siya ay propeta?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang personal na patotoo na isang propeta ng Diyos si Joseph Smith ay hindi basta na lang napapasaatin—ito ay isang bagay na pinagsisikapan nating makamtan. Mapapalakas ninyo ang inyong personal na patotoo sa tungkulin ni Joseph sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang talata mula sa Aklat ni Mormon sa inyong grupo at pag-usap kung paano naging kasangkapan si Joseph sa mga kamay ng Diyos para maiparating sa atin ang talatang iyon. Pwede rin kayong magsalitan sa pagtatala ng patotoo ng Propeta mula sa Mahalagang Perlas at pagkatapos ay pakinggan ito o ibahagi ito sa iba. Paano pinatitibay ng Aklat ni Mormon at ng patotoo ni Joseph ang inyong pananampalataya na si Joseph ay tinawag ng Diyos?

  • Buong buhay nating mapapalakas ang ating patotoo sa banal na tungkulin ni Joseph Smith. Marahil ang patotoo ninyo sa kanyang tungkulin ay mas malakas sa ilang pagkakataon. Maaari ninyong basahin nang sabay-sabay ang payong ito ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at gawing simplihan ang inyong pagmamaraan sa pagiging disipulo.” Isiping galugarin kung paano naaangkop ang payo ni Pangulong Uchtdorf sa inyong patotoo na si Joseph ay propeta ng Diyos sa pamamagitan ng pagtingin sa isang larawan na naka-zoom in sa isang detalye. Pag-usapan ang hitsura ng larawang iyon. Pagkatapos ay tumingin sa parehong larawan na naka-zoom out kaya nakikita ang buong larawan. Paano naiba ang hitsura ng larawan sa una? Ano ang itinuturo sa inyo ng halimbawang ito sa kung paano magtamo ng patotoo sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith?

Alamin ang iba pa