“Pagtitipon ng Israel,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pagtitipon ng Israel
Ang pinakamalaking dahilan sa mundo ngayon
Naranasan mo na bang hipan ang isang halaman na tulad ng dandelion at minasdan ang pagkalat ng mga buto nito? Ano ang kailangan para muling matipon ang lahat ng binhing iyon? Parang imposible ito. Pero lahat ng bagay ay posible sa Diyos.
Ang Lumang Tipan ay nagsasabi ng isa pang uri ng pagkalat—noong ang mga taong nakipagtipan sa Diyos ay “ikinalat … sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng mga bansa” (Zacarias 7:14). Pero sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, nangako ang Panginoon na balang-araw, sila ay muling titipunin (tingnan sa Deuteronomio 4:27–31).
Tinatawag natin itong “pagtitipon ng Israel,” at nagsimula ito nang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw at nagsimulang kumalat ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo. Ang pagsisikap na ito na magtipon ay patuloy na lumalakas habang sumusulong ang Panunumbalik ng ebanghelyo.
Ano ang Pagtitipon ng Israel?
Kapag nagsasalita tungkol sa pagtitipon ng Israel, ang Israel ay tumutukoy sa literal na mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob. Tumutukoy din ito sa mga taong inampon sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng tipan ng binyag. Noong unang panahon, ikinalat ng Diyos ang mga anak ni Israel dahil sa kanilang kasamaan at pagrerebelde. Ang Israel ay natitipon kapag ang mga anak ng Diyos ay tinatanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo, tinatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, nakikipagtipan sa Diyos, at nagsisikap na tuparin ang mga tipang iyon.
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Walang Hanggang Tipan, Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo, Mga Patriarchal Blessing, Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Bahagi 1
Ang mga Miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay Bahagi ng Sambahayan ni Israel
Itinatag ng Panginoon ang Kanyang walang hanggang tipan kay Adan. Pinanibago Niya ito kina Abraham at Sara, sa kanilang anak na si Isaac, at sa kanilang apo na si Jacob, na ang pangalan ay pinalitan ng Israel. Ang mga inapo ni Jacob ay kilala bilang ang sambahayan ni Israel.” Pero sa ating panahon, mas malawak ang ibig sabihin ng salitang ito.
Sinumang naniniwala kay Jesucristo at pumapasok sa landas ng Kanyang tipan sa pamamagitan ng pagsapi sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan—anuman ang kanilang angkan—ay tinitipon sa sambahayan ni Israel at nagiging bahagi ng mga taong nakipagtipan sa Panginoon (tingnan sa Exodo 6:7; 1 Nephi 14:14; 3 Nephi 21:6; Abraham 2:10). Ang mga alagad na ito ni Cristo ay mga anak ng tipan (tingnan sa 3 Nephi 20:25–27). Kapag tinutupad nila ang kanilang mga tipan, natatanggap nila ang mga pagpapalang ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:17–20; 132:30–31; Abraham 2:9–11).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Para malaman pa kung paano naging bahagi ng sambahayan ni Israel ang mga miyembro ng Simbahan, maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Hayaang Manaig ang Diyos.” Ano ang kahulugan sa iyo ng pagiging bahagi ng “Israel”? Maaari mo ring basahin o pakinggan ang mga salita ng mga himno na bumabanggit tungkol sa Israel, tulad ng “Manunubos ng Israel,” “Israel, Diyos ay Tumatawag,” at “Pag-asa ng Israel,” na pinapalitan ang salitang “Israel” ng “mga tumutupad ng tipan” para makita kung ano ang mga kaalamang makukuha mo.
-
Itinuro ni Elder David A. Bednar ang kahalagahan ng pagpili na maging bahagi ng mga taong may tipan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga batas: “Kapwa tayo tinawag ng Diyos at may tugon ang bawat isa sa atin sa tawag na iyon, at marami ang maaaring tawagin pero kakaunti ang napili. Ang mahirang o mapili ay hindi eksklusibong estadong ibibigay sa atin. Sa halip, maaari ko at ninyong piliin na mapili sa pamamagitan ng tamang paggamit ng ating kalayaang [moral].” Anong mga pagpapala ang dumarating sa atin kapag “pinipili nating mapili” bilang bahagi ng sambahayan ni Israel? Ano pa ang maaari mong gawin para piliin na mapili?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpipilian para sa Walang Hanggan” kung saan tinatalakay niya ang mga label. Pagkatapos ay tingnan ang mga label sa pagkain o iba pang mga lalagyan at pag-usapan kung paano naiimpluwensyahan ng mga label sa mga item na ito ang iniisip natin tungkol sa mga ito. Anong tatlong label para sa atin ang sinabi ni Pangulong Nelson na dapat unahin kaysa sa iba pang mga label? Paano tayo matutulungan ng label na “anak ng tipan” na maunawaan ang mga pagpapalang maaaring dumating mula sa pagiging mga miyembro ng sambahayan ni Israel? Basahin ang 3 Nephi 20:25–27, at talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa inaasahan ng Panginoon sa atin bilang Kanyang mga anak sa tipan.
-
Kahit na ang walang hanggang tipan ng Diyos ay ginawa sa pagtikular na mga tao sa maraming siglo, lahat ay maaaring maging bahagi nito. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “Ang mga tatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, anupaman ang pinagmulan nila, ay magiging bahagi ng tinipon na Israel.” Maaari ninyong repasuhin ang mensahe ni Elder Cook na “Ligtas na Natipon” para malaman pa ang tungkol sa kahalagahan ng pagiging bahagi ng natipong Israel. Pag-usapan ang natututuhan ninyo.
Alamin ang iba pa
-
Genesis 48–49; Mga Taga Galacia 3:14, 27–29; Jacob 5; 3 Nephi 20–23
-
Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 4–11
Bahagi 2
Ang pagtitipon ng Israel ang Pinakamahalagang Nangyayari sa Mundo Ngayon
Ang mga sinaunang Israelita ay ikinalat dahil itinakwil nila si Jehova at hindi sila naging tapat sa kanilang mga tipan sa Kanya (tingnan sa Levitico 26:33; Deuteronomio 4:23–27). Ang pagkalat na ito ay nangyari sa paglipas ng panahon, nang ang mga Israelita ay nasakop ng ibang mga bansa at dinala sa pagkabihag (tingnan sa II Mga Hari 17:6–23; 25:1–12; 1 Nephi 22:3–5). Ang mas nakakalungkot pa rito, marami sa kanila ang nawalan ng identidad bilang mga taong may tipan sa Diyos (tingnan sa 2 Nephi 6:8–11).
Pero hindi sila nalimutan ng Panginoon. Nangako Siya na titipunin Niya ang Kanyang mga tao matapos silang ikalat nang ilang panahon (tingnan sa 2 Nephi 10:6–8; Doktrina at mga Tipan 33:6). Ang mga tao ng Diyos ay tinitipon kapag nalalaman nila ang ebanghelyo ni Jesucristo at lumalapit sila sa Kanya (tingnan sa 1 Nephi 19:16).
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang pangunahing layunin ng pagtitipon sa mga tao ng Diyos ay para matulungan silang tanggapin ang mga ordenansa ng templo at ihanda sila para sa kaligtasan. Ang pagtitipon ng nakalat na Israel ay kasinghalaga ngayon tulad noong panahon ni Propetang Joseph. Tinawag ito ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pinakamalaking dahilan, at ang pinakadakilang gawain sa mundo ngayon.” Ito ang paraan na makikilala Siya ng mga anak ng Diyos at sa huli ay makakabalik sila sa Kanya.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Madalas na nagsalita si Pangulong Nelson tungkol sa kahalagahan ng pagtitipon ng Israel. Sabi niya: “Tinitipon ng Panginoon ang mga taong pipiliin ang Diyos na maging pinakamahalagang impluwensya sa kanilang buhay. Sa loob ng maraming siglo, ipinropesiya ng mga propeta ang pagtitipong ito, at nagaganap na ito ngayon! Dahil kailangan itong mangyari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ito ang pinakamahalagang gawain sa mundo!” Isipin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng pahayag na ito ang “pinakamahalagang gawain” sa mundo. Paano makatutulong ang kaalamang ito sa iyo na magpasiya kung paano mo gugugulin ang iyong oras, talento, lakas, at resources?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Maaari mong pag-aralan ang 3 Nephi 10:5–6 at Doktrina at mga Tipan 29:1–8 at talakayin kung paano tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa mga huling araw. Paanong ang pagtitipon ng Israel ay katulad ng isang manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw? Habang pinag-iisipan ninyo ang mga talatang ito ng banal na kasulatan at ang tanong na ito, tingnan ang kalakip na larawan ng manok at mga sisiw. Ibahagi sa isa’t isa ang mga detalye mula sa larawan na tila mahalaga. Paano nakatulong ang mga detalyeng ito sa iyo na maunawaan ang nais ituro sa atin ng Panginoon tungkol sa pagtitipon? Paano tayo pinoprotektahan sa pisikal at espirituwal na paraan kapag nakikipagtipon tayo sa ibang mga Banal?
-
Maaari mong panoorin ang video na “Nagbigay ng Paghahayag si Jesucristo tungkol sa Pagtitipon ng Israel” para malaman pa ang tungkol sa pagtitipon sa ating panahon. Ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa talang ito tungkol sa kung paano maisasakatuparan ang pagtitipon ng Israel? Pag-usapan ang tungkol sa natututuhan ninyo at kung paano ito nauugnay sa atin ngayon.
Alamin ang iba pa
-
Mga Taga Efeso 1:10; 1 Nephi 22:7–12; Doktrina at mga Tipan 27:13; 133:26–32; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10
-
Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 79–81
-
“Si Cristo’y Sasambit, “Halina’t Magbalik,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022, 125–27
Bahagi 3
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay May Responsibilidad na Tulungan ang Panginoon na Tipunin ang Israel
Ang pagtitipon ng Israel ay kapwa espirituwal at pisikal (tingnan sa 1 Nephi 22:3; Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2011], 248). Hindi nagtagal matapos ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtipon sa Kirtland, Ohio; Independence, Missouri; Nauvoo, Illinois; at kalaunan sa Salt Lake Valley. Ngayon, sa halip na magtipon sa isang lugar, itinatayo ng mga miyembro ng Simbahan ang Simbahan ng Panginoon sa mga lugar na tinitirhan nila habang nagtitipon sila sa Tagapagligtas—sa Kanyang doktrina at sa Kanyang mga tipan (tingnan sa 2 Nephi 10:2).
Ang mga miyembro ng Simbahan ay may tungkuling tumulong sa pagtitipon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:2, 7; 88:81; Abraham 2:10–11). Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay mahalagang bahagi ng dakilang gawaing iyon. Gayundin ang gawain sa templo at family history, habang hangad nating tulungan ang Israel na tipunin kapwa ang mga buhay at patay.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Binigyang-diin ni Elder Ronald A. Rasband ang kahalagahan ng gawaing misyonero sa pagtulong na tipunin ang Israel. Sabi niya: “Tinitipon natin ang mga anak ng Diyos sa mga huling araw na ito upang ang mga ‘dakilang pagpapala [ay maibuhos] sa kanilang mga ulo’ [3 Nephi 10:18] at matanggap nila ang mga pangako ng ‘mga kayamanan ng kawalang-hanggan’ [Doktrina at mga Tipan 78:18]. Kung kaya’t upang matipon ang Israel, kailangan natin ng mga missionary—higit pa sa [kasalukuyang] naglilingkod. … Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan ko kayong maglingkod bilang missionary sa pagtitipon ng Israel.” Isipin kung paano mo matutulungan ang Panginoon na tipunin ang Kanyang mga tao—may pormal na tungkulin man o wala bilang missionary. Itala ang mga impresyong natatanggap mo, at kumilos ayon sa mga ito.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 18:10–16, at ibahagi sa isa’t isa ang inyong mga impresyon tungkol sa nadarama ng Diyos sa Kanyang mga anak. Bakit napakahalaga sa Kanya ng gawain ng pagtitipon ng Kanyang mga anak? Ano ang makikita natin sa mga talatang ito na naghihikayat sa atin na tumulong sa pagtipon ng Israel?
-
Paano tayo makatutulong sa pagtipon ng Israel? Ikonsidera ang mabisang paliwanag na ito mula kay Pangulong Nelson: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng binyag at mga ordenansa sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.” Maaaring masaya ang gumawa ng listahan ng mga aktibidad na bahagi ng pagtitipon ng Israel. Tingnan kung sino ang maaaring gumawa ng pinakamahabang listahan! Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ilang bagay na nagawa ninyo sa linggong ito—o plano ninyong gawin sa darating na linggo—para makatulong sa dakilang gawain ng pagtitipon ng Israel. (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang pagtuturo sa klase sa Primary o sa Sunday School, paggawa ng family history, pagdalo sa templo, pagbabahagi ng talata sa social media, o pagtulong sa isang taong nangangailangan.) Anong mga pagpapala ang nakita ninyo nang tulungan ninyo ang Diyos sa Kanyang gawain ng pagtitipon ng Kanyang mga tao sa Kanya?
Alamin ang iba pa
-
Isaias 11:11–12; Jeremias 16:14–16
-
Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Ang Pagtitipon ng Israel,” Gospel Library
-
Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68–70