“Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo
Paano natin magiliw na inaanyayahan ang mga anak ng Diyos na tanggapin ang Kanyang mga pagpapala
Kunwari ay naglalakad ka sa isang landas kasama ang isang kaibigan. Madilim ang daan, pero may flashlight ka para maging maliwanag ang daan. Maaari mong gamitin ang flashlight para lang mas madali mong makita ang mga mangyayari sa unahan. Pero dahil gusto mong maging mas madali ang paglalakbay ng kaibigan mo, ibinabahagi mo rin sa kanya ang iyong liwanag.
Inaanyayahan natin ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo dahil sa iisang dahilan: ginagawang maliwanag ng ebanghelyo ang ating paglalakbay sa buhay. Sinasagot nito ang mga tanong ng kaluluwa at nagbibigay sa atin ng pananaw, kapayapaan, at kagalakan. Kaya ibinabahagi natin ito sa mga anak ng Diyos dahil mahal natin sila at nais nating makinabang ang lahat sa Kanyang liwanag (tingnan sa 3 Nephi 18:24).
Ano ang Ibig Sabihin ng Anyayahan ang Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo ni Jesucristo?
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, sinisikap nating anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo dahil ito ay “ebanghelyo ng kapayapaan, at [ito ay] masasayang balita ng mabubuting bagay” (Mga Taga Roma 10:15). Inaanyayahan natin ang iba na tanggapin ang ebanghelyo “sa pamamagitan ng salita at halimbawa.” Maaaring ganito ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa araw-araw na buhay, paglilingkod bilang mga missionary, at “pagtulong sa mga bago at nagbabalik na miyembro ng Simbahan na umunlad sa landas ng tipan.” Kapag tinutulungan natin ang iba na “tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas” makararanas tayo ng tunay na kagalakan.
Buod ng paksa: Gawaing Misyonero
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Simbahan ni Jesucristo, Pagbabalik-loob, Walang Hanggang Tipan, Pagtitipon ng Israel
Bahagi 1
Tinutulungan Natin ang Diyos na Isakatuparan ang Kanyang Gawain Kapag Inaanyayahan Natin ang Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo ni Jesucristo
Nais ng Diyos na marinig ng lahat ng Kanyang mga anak ang ebanghelyo ni Jesucristo upang matanggap ng lahat ang mga pagpapala nito. Ang isang paraan ng Panginoon ng pagdadala ng Kanyang ebanghelyo sa iba ay sa pagtawag sa atin na “ipahayag ang kanyang salita sa kanyang mga tao” (3 Nephi 5:13). Nagagalak tayo kapag ibinabahagi natin ang Kanyang salita, na nagbibigay ng pagkakataon sa iba na lumapit kay Jesucristo at madama ang Kanyang kapanatagan, pag-asa, at kapayapaan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Bawat kaluluwa ay mahalaga sa Diyos. Nais Niyang bumalik tayong lahat sa Kanya. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10–16, at isipin ang kahalagahan ng mga anak ng Diyos. Bakit nais ng Panginoon na ibahagi mo ang ebanghelyo sa iba? Isipin ang isang taong nagbahagi ng ebanghelyo sa iyo o tumulong sa iyo na lumapit kay Cristo. Paano mag-iiba ang buhay mo kung hindi ibinahagi sa iyo ng taong iyon ang liwanag ng Tagapagligtas? Itala ang iyong mga impresyon at pagkatapos ay isulat kung paano mo maibabahagi ang Kanyang salita sa iba.
-
Nagtatagumpay tayo sa pagbabahagi ng ebanghelyo kapag inaanyayahan natin ang iba na malaman ang tungkol dito o pumunta lamang at tingnan kung tungkol saan ito. Maaaring tanggapin nila ang ating paanyaya—o maaaring hindi. Basahin ang bahaging tinatawag na “Ibahagi ang Iyong Kuwento” sa mensahe ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “Ang Malaking Pakikipagsapalaran Ninyo.” Isipin kung sino ang maaari mong anyayahan na alamin ang tungkol sa ebanghelyo o kung sino ang maaari mong anyayahan muli. Paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal at paggalang sa taong iyon kapag inaanyayahan mo sila? Paano sila matutulungan nito na maramdaman ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa kanila?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, mahalagang makipag-ugnayan sa iba sa paraang gusto o kailangan nila. Basahin nang sama-sama ang ilang ideya kung paano ito gagawin sa “Hanapin ang mga Tao Kung Saan Sila Naroon” sa kabanata 9 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Isang Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-usapan ang mga tanong at ideya sa bahaging ito at mag-isip ng iba pa. Pagkatapos ay mag-role-play ng isang pag-uusap kung saan inaanyayahan ninyo ang isang tao na malaman ang tungkol sa ebanghelyo. Pagkatapos, ipamuhay ninyo ang mga alituntuning ito habang inaanyayahan ninyo ang iba na lumapit kay Cristo.
-
Sabay-sabay na basahin ang Doktrina at mga Tipan 4, at pag-usapan kung sino ang tinawag upang ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa talata 3). Pagkatapos ay talakayin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na nakalista sa mga talata 5–6 at kung paano tayo matutulungan ng mga ito na ibahagi ang Kanyang salita. Maaari kayong maglaro ng isang game upang matulungan kayong maalala ang mga katangiang ito. Magsimula sa paghahagis ng bola sa isang tao sa inyong grupo. Kapag nasalo ng taong iyon ang bola, ipabanggit sa kanya ang isa sa mga katangiang tinalakay ninyo. Magpatuloy sa game o laro hanggang sa mabanggit ang lahat ng mga katangian. Maaari kayong maglaro ng maraming beses at tingnan kung maaari kayong maging mas mabilis sa bawat pagkakataon. Pumili ng isang katangiang dapat pagsikapang makamit, at obserbahan sa paglipas ng panahon kung paano ito nakakatulong sa inyo na anyayahan ang iba na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Alamin ang iba pa
-
Marcos 16:15; Juan 4:35–38
-
M. Russell Ballard, “Ang Mahalagang Papel ng Gawaing Misyonero ng Miyembro,” Liahona, Mayo 2003, 37–40
-
D. Todd Christofferson, “Pagbabahagi ng Mensahe ng Pagpapanumbalik at ng Pagkabuhay na Mag-uli,” Liahona, Mayo 2020, 110–13
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gawaing Misyonero,” Gospel Library.
Bahagi 2
Matutulungan Natin ang Iba na Matanggap ang Ebanghelyo ni Jesucristo Kapag Tayo ay Nagmahal, Nagbahagi, at Nag-anyaya
Bilang mga miyembro ng Simbahan, nais nating matanggap ng lahat ang ebanghelyo ni Jesucristo “dahil mahal natin ang Diyos at ang Kanyang mga anak” at nais nating madama ng iba ang kagalakang katulad ng nadarama natin. Simple lang ang pagdadala ng ebanghelyo sa ibang tao—kailangan lang tayong magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Kung minsan ginagawa natin ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa Simbahan bilang missionary. Kadalasan, tayo ay nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo at pagsasalita ng tungkol sa ating pananampalataya sa normal at likas na paraan. Kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo sa mga tao sa lahat ng dako, tumutulong tayo sa paghahanda sa mga anak ng Diyos para sa buhay na walang hanggan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kung minsan ay maaaring gusto nating ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo pero hindi natin sigurado kung saan tayo magsisimula. Pag-aralan ang mensahe ni Elder Gary E. Stevenson na “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya” para sa inspirasyon kung paano ibabahagi ang ebanghelyo sa normal at natural na paraan. Pagkatapos ay basahin ang Mateo 7:7 at 3 Nephi 18:20 at pagnilayan kung paano mo hihingin ang tulong ng Panginoon sa pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo sa iba, kabilang na ang iyong mga kaibigan, kapitbahay, at mahal sa buhay. Ipagdasal na gabayan ka Niya, at pagkatapos ay maghanap ng mga pagkakataon na makapaglingkod bilang isang missionary. Itala kung paano mo nakikita ang kamay ng Panginoon habang magiliw mong inaanyayahan ang iba na malaman ang tungkol sa Kanyang ebanghelyo.
-
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may pagkakataon tayong maglingkod bilang mga missionary. Basahin ang “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan” ni Pangulong Russell M. Nelson at “Anong Laki ng Inyong Kagalakan” ni Elder Ronald A. Rasband. Bakit kailangan ng Panginoon ng mga missionary sa lahat ng edad para maihatid ang Kanyang ebanghelyo sa ibang tao? Paano Niya sila pinagpapala sa kanilang mga pagsisikap? Isipin kung paano mo nakitang sinusunod ng mga missionary ang mga alituntunin ng magmahal, magbahagi, at mag-anyaya upang tulungan ang iba na lumapit kay Cristo. Ano ang magagawa mo para matularan ang kanilang halimbawa? Maaari mo ring pagnilayan kung maaari kang magmisyon at simulan ang paghahanda para sa pagkakataong iyon.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa kanyang mensaheng “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” nagbigay si Elder Dieter F. Uchtdorf ng limang simpleng mungkahi sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Sama-sama ninyong pag-aralan ang mga mungkahing ito, at pag-usapan kung paano natin ito maipapamuhay. Maaari din ninyong panoorin ang “Simple Ways to Love, Share, and Invite” o ang “Simple Ways to Love, Share, and Invite for Youth” at talakayin kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo sa iba sa natural na paraan. Habang kayo ay inspirado, isagawa ang mga alituntuning ito sa pamamagitan ng likas na pagbabahagi ng ebanghelyo sa inyong araw-araw na buhay. Maaari kayong magkitang muli para pag-usapan ang inyong mga pagsisikap at ang natutuhan ninyo tungkol sa gawaing misyonero.
-
Ang pagmimisyon ay maaaring maging isang oportunidad na nagpapabago ng buhay. Basahin ang “Ang Paglilingkod Bilang Misyonero ay Nagpala sa Buhay Ko Magpakailanman” ni Pangulong M. Russell Ballard para malaman ang ilan sa mga pagpapalang dulot ng paglilingkod sa misyon. Kung nakapagmisyon na kayo, isiping ibahagi kung paano pinagpala ng inyong paglilingkod ang inyong buhay. Pagkatapos ay talakayin kung paano nagkakaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng Simbahan na magmahal, magbahagi, at mag-anyaya bilang mga full-time missionary, service missionary, at senior missionary, at pag-usapan ang iba’t ibang responsibilidad nila. Maaari din ninyong kantahin ang “Tutungo Ako Saanman” at talakayin kung paano tayo tutulungan ng Panginoon na magmahal, magbahagi, at mag-anyaya saanman Niya tayo gustong maglingkod (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
Alamin ang iba pa
-
Mateo 5:14–16; Roma 1:16; Doktrina at mga Tipan 33:5–9
-
Dallin H. Oaks, “Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2016, 57–60.
-
Gary E. Stevenson, “Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo,” Liahona, Nob. 2022, 111–14
-
Neil L. Andersen, “Ito ay Isang Himala,” Liahona, Mayo 2013, 77–80.
-
Resources na Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Gospel Library