Library
Ikapu


“Ikapu,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

babaeng nag-aabot ng ikapu sa kanyang bishop

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Ikapu

Pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ating kita para makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa lupa

Hindi iyon malaking halaga. Kung ikukumpara sa ibinibigay ng ibang tao sa kabang-yaman, ang dalawang lepta ng balo ay napakaliit na ambag o kontribusyon. Pero malaki ang halaga ng kanyang sakripisyo. Itinuro ng Tagapagligtas, “Ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat [ng] naghuhulog sa kabang-yaman” (Marcos 12:43). Bakit napakahalaga ng sakripisyo ng balo? Dahil “siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan” (Marcos 12:44).

Ngayon, hindi natin literal na ibinibigay ang lahat ng mayroon tayo kapag nagbabayad tayo ng ikapu para makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ang hiling lamang Niya ay 10 porsiyento ng ating kita. Pero marami tayong matututuhan sa sakripisyo ng balo. Gaano man ang laki ng ating 10 porsiyento, maaari nating gawing paraan ng pagsampalataya ang ikapu at ilaan ang mayroon tayo para sa Panginoon kahit hindi ito isang madaling isakripisyo.

Ano ang Ikapu?

Ang ikapu ay ang paglalaan ng ikasampung bahagi ng ating kita sa Panginoon sa pamamagitan ng Simbahan. Ang pagbibigay ng handog na ito sa Diyos ay isang paraan na maaari nating “unahin ang Panginoon sa ating buhay, higit sa ating mga alalahanin at kagustuhan.” Ang mga ikapu ay tumutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Ginagamit ang mga ito sa maraming layunin, kabilang na ang pagtatayo at pagmentena ng mga templo at meetinghouse, pagsuporta sa gawaing misyonero, at pag-isponsor sa mga institusyon ng edukasyon na pinatatakbo ng Simbahan. Inuutusan ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ang batas ng ikapu, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay ngayon. Kung ipapahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, nangangako Siya na lubos Niya tayong pagpapalain (tingnan sa Malakias 3:10).

Buod ng paksa: Ikapu

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo Mga Kautusan, Pag-aayuno, Pananampalataya kay Jesucristo, Pagsunod

Bahagi 1

Ang ikapu ay Isang Sinaunang Utos na Ipinanumbalik sa Ating Panahon

batang nagbabayad ng ikapu

Ang batas ng ikapu ay ipinamuhay noong unang panahon ng mga tao ng Diyos at ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Genesis 14:18–20; 3 Nephi 24:8–12; Doktrina at mga Tipan 119:3–4). Ang batas na ito ay nag-uutos sa mga Banal na magbigay ng ikasampung bahagi ng kanilang taunang kita sa Panginoon upang maitayo ang kaharian ng Diyos sa lupa at tumulong sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Bagama’t ang ikapu ay temporal na batas, ito rin ay espirituwal na batas. Ang pag-aalay, o paglalaan, ng bahagi ng ating kita sa Panginoon ay isang paraan na maaari natin Siyang unahin sa ating buhay. Ang pag-una sa Kanyang gawain kaysa sa ating mga personal na hangarin ay tumutulong sa atin na maging mas banal at mapalapit sa Kanya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Isiping basahin ang Genesis 14:18–20; 28:20–22 habang pinagninilayan kung bakit hiniling sa mga tao ng Diyos na ipamuhay ang batas ng ikapu mula pa noong unang panahon. Pagkatapos ay basahin ang personal na kuwento mula sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Isipin ang Kahariang Selestiyal!” tungkol sa isang pagkakataon na pinili niyang unahin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbabayad ng buong ikapu kahit hindi siya gaanong kumikita. Itinuro niya, “Ang pagbabayad ng ikapu ay nangangailangan ng pananampalataya, at nagpapatatag din ito ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.” Paanong nangangailangan ng inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pagsunod sa batas ng ikapu? Paano nito pinalalakas ang iyong pananampalataya sa Kanila?

Mga aktibidad para sa sama-samang pag-aaral

  • Basahin ang Levitico 27:30–32 at II Mga Cronica 31:5–6 para malaman kung paano sinusunod ang batas ng ikapu noong unang panahon. Sa palagay ninyo, bakit banal sa Panginoon ang ikapu? Basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:10–12 para matuklasan kung paano nakatulong ang ikapu sa mga Banal noong unang panahon upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Paano sila pinagpala sa pagsunod sa batas na ito? Pag-usapan kung paano makakatulong ang pagbabayad ng ikapu para mapalakas ang ating hangarin na itayo ang kaharian ng Diyos.

  • Talakayin kung paanong ang ikapu ay kapwa temporal na batas at espirituwal na batas. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Marcos 12:41–44, at pag-usapan kung paanong ang pagbabayad ng ikapu ay may kinalaman sa pananampalataya. Maaari din ninyong panoorin ang video na “The Widow’s Mite” (1:57) o ang “Jesus Teaches about the Widow’s Mites” (1:14). Ano ang ibig sabihin ng espirituwal na ibigay ang lahat ng inyong makakaya habang nagbibigay kayo ng ikapu sa Panginoon? Paanong ang pagbibigay ng inyong lahat sa Kanya ay magpapalakas ng inyong pananampalataya at magpapabago sa inyo sa espirituwal na paraan?

Alamin ang iba pa

  • Mga Hebreo 7:1–2, 9; Alma 13:13–15

  • Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 34.3.1, Gospel Library

  • Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Ikapu,” Gospel Library

  • Steven C. Harper, “Ikapu ng Aking mga Tao,” sa Revelations in Context (2016), 250–55

Bahagi 2

Nangangako ang Panginoon ng mga Pagpapala sa mga Sumusunod sa Batas ng Ikapu

babaeng nakangiti

Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala mula sa Panginoon kapag ipinamumuhay natin ang batas ng ikapu. Sabi ni Elder Neil L. Andersen: “Bumubukas ang mga bintana ng langit sa maraming paraan. Ang ilan ay temporal ngunit marami ang espirituwal. Ang ilan ay simple at madaling hindi mapansin. Magtiwala sa oras ng Panginoon; palaging dumarating ang mga pagpapala.” Kapag mapagmasid tayo at nakikilala ang malinaw at di-inaasahang mga pagpapala mula sa pagbabayad ng ikapu, makadarama tayo ng pasasalamat at pagmamahal sa ating puso at mas mapapalapit kay Jesucristo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa Malakias 3:8–12, ipinangako sa atin ang malalaking pagpapala sa pagsunod sa batas ng ikapu. Paano mo mas mapapansin ang mga pagpapalang ito sa iyong buhay ngayon? Pag-aralan ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Mga Dungawan ng Langit,” at pagkatapos ay isaalang-alang ang ilang simpleng paraan na kayo ay napagpala o maaaring pagpalain sa pagbabayad ng ikapu. Marahil maaari kang gumawa ng listahan ng mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Panginoon at pagnilayan kung alin ang maaaring maging resulta ng pagsunod sa batas ng ikapu. Paano pinalalalim ng iyong hangaring magbayad ng buong ikapu at lumapit kay Cristo ng kaalaman na ikaw ay pinagpala dahil sa pagsunod sa batas ng ikapu?

  • Kapag sumasampalataya tayo at nagbabayad ng ikapu, maaasahan natin ang mga pagpapala mula sa Panginoon. Sa kanyang mensaheng “Like a Watered Garden,” ipinaliwanag ni Pangulong Jeffrey R. Holland kung paano patuloy na nagbayad ng ikapu si Mary Fielding Smith matapos patayin ang kanyang asawang si Hyrum Smith. Isiping basahin ang kuwentong ito sa mensahe ni Pangulong Holland. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Mary? Anong mga pagpapala ang matatanggap mo kapag sinimulan o patuloy mong ipinamumuhay ang batas ng ikapu?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Nangako sa atin ang Panginoon na kapag ipinamumuhay natin ang batas ng ikapu, “bubuksan Niya … ang mga dungawan ng langit” at “ibubuhos … ang mga pagpapala” sa atin (Malakias 3:10). Ano ang ibig sabihin na magbubukas ang mga dungawan ng langit kapag sinusunod natin ang batas na ito? Basahin nang sama-sama ang mga salitang ito ni Elder Bednar: “Sa mga dungawan ng gusali pumapasok ang natural na liwanag. Sa gayon ding paraan, ang pagkaunawa at kaalamang espirituwal ay ibinubuhos sa ating buhay mula sa mga dungawan sa langit kapag sinunod natin ang batas ng ikapu.” Marahil maaari mong saglit na harangan ang ilaw na papasok sa isang silid mula sa bintana o sa iba pang bukasan bago hayaang makapasok muli ang liwanag. Talakayin ang kaibhang dulot ng liwanag at kung paano makapagdudulot sa inyo ng liwanag o espirituwal na tanglaw ang pagbabayad ng ikapu. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo naranasan ang espirituwal na kaliwanagan sa inyong sariling buhay nang sundin ninyo ang batas ng ikapu.

Alamin ang iba pa

  • Robert D. Hales, “Ikapu: Pagsubok sa Pananampalataya na may mga Walang Hanggang Pagpapala,” Liahona, Nob. 2002, 26–29

  • Sheldon F. Child, “Ang Pinakamagandang Pamumuhunan,” Liahona, Mayo 2008, 79–81

  • Yoshihiko Kikuchi, “Nananakawan baga ng Tao ang Dios?,” Liahona, Mayo 2007, 97–98

  • Valeri V. Cordón, “Ang Wika ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2017, 55–57

Bahagi 3

Ang Pondo ng Ikapu ay Pag-aari ng Panginoon at Ipinambabayad ng Kanyang mga Lingkod

ang Korum ng Labindalawang Apostol

Ang ikapu ay ginagamit upang pagpalain ang mga anak ng Diyos sa temporal at espirituwal na paraan habang ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinalalaganap sa buong mundo. Ginagawa itong posible sa pagbibigay ng ikapu ng mga miyembro sa Simbahan. Ang isang konseho na binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at ng Presiding Bishopric ang nagpapasiya kung paano pinakamainam na gagamitin ang pondo ng ikapu sa gawain ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 120:1).

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen: “Ang mga sagradong pondo na ito ay hindi pag-aari ng mga lider ng Simbahan. Ang mga ito ay pag-aari ng Panginoon. Labis na nalalaman ng Kanyang mga tagapaglingkod ang sagradong katangian ng kanilang nasasakupan [o ng ipinagkatiwala sa kanila].” Hinahangad ng mga lider ng Simbahan ang kalooban ng Panginoon at gumagawa ng mga desisyon tungkol sa ikapu ayon sa patnubay na natatanggap nila mula sa Panginoon.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang mga piniling lingkod ng Panginoon ay mga katiwala sa mga donasyon ng ikapu. Ipinaliwanag ni Bishop Gérald Caussé na, “Sa ebanghelyo, ang ibig sabihin ng buong katagang tungkuling mangalaga ay isang sagradong espirituwal o temporal na responsibilidad na pangalagaan ang isang bagay na pag-aari ng Diyos na pananagutan natin.” Paano naging espirituwal at temporal na responsibilidad para sa mga lingkod ng Panginoon ang pangangasiwa sa ikapu? Basahin ang Doktrina at mga Tipan 104:11–17. Ano ang natututuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa hangarin ng Panginoon na “maglaan para sa [Kanyang] mga Banal” sa pamamagitan ng pangangasiwa?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Marami sa mga pagpapalang tinatamasa natin sa Simbahan ay dahil sa mga donasyon ng ikapu na ginagamit sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa buong mundo. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland na ang ating “mga templo, kapilya, seminaryo, at lipunan” ay posible dahil sa mga ikapu na iniaambag ng mga miyembro at na ang mga “pagpapalang ito ay halos hindi maaaring dumating sa ibang paraan.” Pag-usapan ang mga pagpapalang makukuha dahil sa ikapu. Paano makakatulong ang mga pagpapalang ito na magbigay sa atin ng walang-hanggang pananaw at mas ilapit tayo sa Diyos? Paano mapapalalim ng mga ito ang ating pangako na magbayad ng buo at tapat na ikapu?

Alamin ang iba pa